LIZA BALAGTAS

Determinasyon

 

 

PAAHON AKO SA BUNDOK na kinatatayuan ng kubong aking tinutuluyan. Nag-iisip ako habang naglalakad—ano kaya ang kwentong aking isusulat?  Kailangan kong makalikha ng kwento para sa kasalukuyan naming pag-aaral sa gawaing sining at panitikan. Ihaharap ko ito sa mga kasamang mag-aaral mamayang alasdos ng hapon.

Pagdating ko sa aming kubo, inilagay ko ang aking bolpen at papel sa tabi ng maliit na makinilyang nakapatong sa lamesa.  Naupo ako sa gumegewang-gewang na bangkong yari sa dalawang putol ng kahoy na bungliw at may isang dipa ang haba. Nagpahinga ako sandali, binuksan ang maliit na pulang bag at kumuha ng isang istik ng sigarilyo.  Sinindihan ko ito at dahandahang hinithit.  Mayamaya’y untiunti ko na ring naiisip kung ano ang isusulat kong kwento.

Naalala ko ang aking unang karanasan sa labanan at unang karanasan sa pagsusulat.  Bumalik sa aking gunita ang dalawang pangyayaring iyon.

Dinampot ko ang bolpen, handa na akong sumulat.  Nagsimula ako sa bahaging namamahinga kami ng mga kasama sa dampa nina Ka Elmo at Ka Rosa, mga magsasakang may anim na anak.  Paglulukad ng niyog at pag-kokopras ang kanilang ikinabubuhay. Nakatayo ang kanilang dampa sa sulib ng mga puno ng niyog.  Sa gawing harapan ay mataas na bundok at doo’y malalago ang mga punungkahoy, makakapal ang mga baging na koberkrap at matatalas ang damong ulat.

Noong araw na iyon, tatlong kalalakihang magsasakang ang dumating sa halos parepareho ang impormasyong inihahatid. “Maraming kaaway, mga kasama! Maaaring magtagal sila nang ilang araw sa pag-ooperasyon dahil pulpak ang dala nilang mga gamit. Kaya mag-iingat kayo!”  wika nila.

Mga limang minuto pa lamang na nakakaalis ang tatlo, tumahol ang mga aso nina Ka Elmo, kasabay ng pag-uulat ng mga kasamang tumatayong sikyuriti, “Kaaway, mga kasama, dumarating!” Sumunod ang mga putok ng baril.  Habang tumatakbo ang ibang mga kasama papunta sa kanikanilang pusisyon at nagkokober sa mga punong niyog ay pinapuputok nila ang kanilang mga baril.

Medyo natatarantang isinakbat ko ang bakpak at dinampot ang aking baril.  At nakahaykrol akong tumakbo para magkober sa puno ng niyog.  Pero bago ako makarating doon, natalapid ako sa baging at nadapa.  Sumabit ang aking baril at pak, ganoon ma’y sinikap kong gumapang papalapit sa puno habang hinagingan ako ng mga punglo.  “Ups!” Muntik na ako,” sambit nang masapol ng punglo ang isang maliit na punungkahoy at bumagsak ito sa aking likuran.

Nahawi ang makapal at amoy-pulburang usok, saglit na tumigil ang putukan.  Nakiramdam ako at pagkatapos ay patakbong lumapit sa dalawang kasamang nagpapalit ng magasin ng baril at humahanda sa muling pagpapaputok.  “Ka Freddie, Ka Peping, huwag n’yo akong iwanan!”  garalgal  at paiyak na pakiusap ko, habang iniaabot ang kamay kay Ka Freddie para magpatulong na makaakyat sa bundok.

Muling dumagundong ang mga putok.  “Kasama, dapa! Magkober ka sa puno ng niyog!”  mahinang sigaw nila sa akin. Nanginginig naman akong sumunod.

“Ka Freddie, pa’no na tayo?” natatakot na tanong ko.

“Paputukin mo ang baril mo, gamitin mo iyan.  Paputukin mo!” sigaw ni Ka Freddie.

Kahit medyo natataranta pa, kinalabit ko ang gatilyo ng aking baril na kanina pa nakaunsafe.

Natapos ang labanan.  Naunang umatras ang kaaway; kami naman ay papalayo na rin.  Habang inalalayan ako ng mga kasama paahon sa mabato, madawag at matarik na bundok, nangingiti ako. Ganoon pala iyon.  NPA nga pala ako at may baril, kapag may labanan ay kailangan ko ring lumaban at gamitin ito, tulad ng ibang mga kasama. Kaya ko rin pala!

Sa pangyayari’y natuklasan kong kailangan lamang na hindi masiraan ng loob at magkaroon ng determinasyong lumaban.  Pakinggang maigi kung saan nanggagaling ang mga punglo nang sa gayo’y mas epektibong makalaban.

Natapos ko nang maisulat ang aking unang karanasan sa labanan.  Sandali kong ibinaba ang aking bolpen, tumayo ako at itinapon ang upos ng sigarilyong nakalimutan ko nang hithitin.

Muli akong nag-isip para balikan ang aking unang karanasan sa pagsusulat.  Nang maalala ko na ang mga pangyayari’y nauupo akong muli sa gumegewang-gewang na bangko.

Maikling panahon pa nga lang pala ang nakakaraan nang atasan akong gumawa ng isang lathalain.  Nag-aatubili ako noon at iniisip kong hindi ko kaya.  Pero sabi nga ng isang kasama, “Kaya mo ‘yan, determinasyon, kasama, magagawa mo ‘yan. Pag-aralan mo kung paano naganap ang mga pangyayari at mula doon ay magkakaroon ka ng mga ideya, ng solusyon.” Tumimo sa isip ko ang mga katagang iyon.

Inuumpisahan ko na ang pagsusulat habang tumatagaktak ang pawis ko na paminsanminsa’y pumapatak sa papel.  Pagkaraan ng ilang sandali’y puno na ang basurahan ng hindi matapustapos na sulatin sa mga gumusot na papel. Sayang ang tinta, pero kailangang makagawa ako ng artikulo.  Tumayo ako at naglabas-masok sa aming kubong nakatayo sa gitna ng gubat.  Habang naririnig ko ang huni ng mga ibon, nag-iisip ako kung paano ko isusulat ang artikulo.

Determinasyon.  Naalala ko na naman ang sinabi ng isang kasama.  Bumalik ako sa harap ng lamesa, dinampot ang bolpen at muling nagsimulang sumulat.  Ipinabasa ko sa aking kolektib. Bagamat may kulang pa, pumasa na ito sa pagkikritika.

Nakasulat ako ng artikulo sa kaunaunahang pagkakataon.  At muli, sinabi ng kasama na kaya ko, determinasyon lang talaga ang kailangan ko par makasulat at makapagpahayag ng mga nagaganap. Bago ako nakatulog noong gabing iyon ay sinariwa ko sa aking isip ang aking ginawa.  Bumalik sa aking gunita ang una kong karanasan sa labanan, kung paanong hawak ko na ang aking baril at ang aking daliri ay nasa gatilyong naghihintay na lamang kalabitin, tulad din ang aking bolpen at papel na naghihintay na lamang sa pamamagitan ng kamay at ng sandatang isip at mga ideya.

Pumutok ang aking baril.  Naranasan kong makipaglaban sa kaaway. Nakasulat ako ng lathalain.  Determinasyon.  Iyon ang kailangan para matutong kumalabit ng gatilyo, para matutong sumulat, matutong mangahas. Nagtagumpay ako sa mga karanasang iyon, pero tiyak na dadaan ako sa marami pang karanasan sa labanan at pagsusulat habang nasa gitna ng digmang bayan.  Labanang baril sa baril at para makamit ang kalayaan at marami pang sulatin para maimulat ang mamamayan sa tunay na nagaganap.  Mga labang daranasin sa rebolusyonaryong kilusan para malutas ang mga suliranin ng ating lipunan.

Nakalikha na ako ng kwento.  Malapit na ang oras ng muling pagpasok sa aming iskwelahang yari sa dahon ng niyog at iba’t ibang kahoy na matatagpuan dito sa kanayunan.  May ihaharap na akong kwento sa mga kasamang mag-aaral.

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1