ADUL VICENTE

Tungkol sa mga POW

 

MT. DIWATA, SURIGAO del Sur – Tatlong grupo ng mga Bihag ng Digma  (Prisoners of War or POWs) ang nadakip sa mga labanang naganap sa gitna ng makapal na gubat sa kabundukan ng Mt. Diwata.  Tatlumpu’t anim lahat.  Wala isa man ang nahatulang mamatay.

Mayroon ding dalawang elemento ng 8th Infantry Battalion ng 401st Infantry Brigade na nakabase sa Prosperidad, Agusan del Sur, ang bihag ng mga NPA.

Sina Nestor Regor at Napoleon Bolivar, kapwa 35 taong gulang,   kasama ng 13 kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit ay sumuko sa mga NPA matapos ang isang oras na labanan sa isang detatsment ng Manhulayan Bolhoon sa bayan ng San Miguel, Surigao Sur noong Nobyembre 7, 1990. Ang mga CAFGU  ay pinalaya sa pangangalaga ng mga pinuno ng tribu sa Bolhoon matapos mapatunayang pinilit lamang silang pinasapi sa CAFGU nitong simula ng taong 1990.

Ang mga tauhan ng Army ay nananatiling bihag habang nakabimbin pa ang paborableng resulta hinggil sa imbestigasyon sa kanilang 15 taong serbisyo sa Army na siyang pangunahing regular na panlabang pwersa ng AFP.

Ang pagkuha ng mga POWs at ang kakayanang pangalagaan sila sa kabila ng panganib na dulot ng mga “rescue operations” ng AFP ay nagpapakita sa pagtataguyod ng NPA sa Protocol II, ang pagkabihasa nila sa mga tereyn na mahalagang sangkap sa syensya ng pakikidigmang gerilya.

Sa kabilang banda, ang karanasan tungkol sa mga POWs ay isang mahaba’t mahirap na paglalakbay nang kawalang patutunguhan sa loob ng militar, na nagpapatunay sa kanilang kakulangan sa disiplina’t motibasyon, pati na rin ang kanilang mga pang-aabuso’t pagmamalabis.

Pitong oras na ang nakalipas mula nang magpaputok ang trigerman upang maging hudyat sa pagsalakay sa kaaway sa isang liblib na pook sa Hagonoy, Lianga, Surigao del Sur noong Mayo 2, 1989.  Alas otso na ng gabi.  Anim na tauhan ng Army, kasama ang kanilang CO sa platun ang ligtas na nakakubli sa mga makitid na siwang sa mga batuhan na hindi kayang tagusin ng mga bala ng armalayt.

Ayaw ng mga Pulang mandirigma na patayin ang mga wala nang kalaban-labang kaaway.   Ubos na ang mga granada nila, na madali sanang ihagis sa kublihan ng mga kaaway kung hindi pa rin sila susuko. Inisip rin nila na paputukan na lang ang kaaway ng landmine ngunit posible lamang ito kung isasakripisyo ang buhay ng Pulang mandirigmang magsasagawa nito.

Mahabang oras ang ginugol ng mga Pulang mandirigma para pagsumikapang mabuti na mapasuko ang mga militar.  Sa bandang huli, isa-isang lumitaw at sumuko ang mga nakatagong Army upang maiwasan ang  maaari pang pagkalagas ng mga tauhan.  Nalagasan ng mahigit 20 ang militar at apat sa panig ng BHB.

(Lumabas na ang POWs ay nagtalu-talo kung susuko o hindi. Isa sa kanila ang umamin na ginusto niyang sumuko dahil sa tingin niya’y mas may tsansa ritong mabuhay.  Ang isa nama’y bumatay sa paniniwalang mas matimbang pa rin ang dugo sa tubig.  May siya sa BHB. Nalito siya. Ayaw ng kanilang CO ang alinman sa nabanggit nila.  Talagang mahirap magdesisyon. Kolektibo nilang pinagpasyahang sumuko.)

Ang mga POWs ay naging bihag ng halos apat na buwan.  Hindi nakagawa ng kulungan para sa mga bihag dahil kinailangang maging makilos.  Bagkus, tinalian na laang kanilang mga kamay at paa. Kinakailangang gawi ito bilang hakbang panseguridad.  Hindi nila alam ang lugar at hindi sila kilala ng mga tao.

Sa ikawalong araw ng kanilang pagkabihag, binomba ng militar ang lugar, ang paraan  nila sa “pagsaklolo.”  Namutla ang mga mukha ng mga bihag at pinagmumura nila nang husto ang kanilang nakatataas na mga opisyales. Isa sa kanila ang agad humiling na mailipat sa mas ligtas na lugar.  Talaga namang bahagi na ng plano ng mga kasama ang paglipat sa mga bihag.

Isa-isa nilang piniringan ang mga mata ng mga bihag.  “Nanginginig ang kanilang buong katawan,” ang naalala ni Ka Rustum, ang nakaditeyl na warden ng mga POWs. May kasama siyang pitong bantay para tulungan siya sa kanyang tungkulin.  Ang pagpiring sa mga mata ng POWs ay kinailangan para protektahan ang teritoryo at ang mga masa.

Ang mga malalaking panahong nakatakip sa kanilang mga mata’y inalis matapos marating ang kanilang destinasyon.  Ang mga POWs ay luminga-linga sa paligid, naghahanap ng mga hukay.  Sa mga operasyon ng AFP, ordinaryong gawi ang paghukayin nila ang sariling libingan ng kanilang mga sinasalbeyds bago sila barilin.

Naiintindihan ni Ka Rustum ang naging reaksyon ng mga POWs.  Sinabi nila sa kanila, “Ngayon, naiintindihan na ninyo kung bakit mas nanaisin pa naming mamatay sa labanan kaysa mabihag.  Hindi iginagalang ng AFP ang mga batas ng gera.”

Dalawa lang sa mga POWs ang nakakaalam kung paano maglaro ng chess, ang paboritong libangan ng mga Pulang mandirigma. Nang lumaon, natutuhan na rin ng ibang POWs na laruin ang chess at nakita sa kanila ang pinakaisport at pinakapikon at hindi marunong tumanggap ng pagkatalo.  Sa isang pagkakataon, matapos matalo ng sunud-sunod at ulanin ng mga grabeng kantyaw, isa sa mga POWs ang tumayo’t dinuro sa mukha ang kalaban sabay sigaw ng, “Kung nandoon lang tayo sa kampo natin, pinasabog ko na ang bungo mo!”  At nagkasagutan na sila.  Agad inawat ng mga Pulang mandirigma at ibang mga POWs ang nag-aaway at naglinaw si Ka Rustum  tungkol sa pagiging maginoo sa laro.

Walang isinagawang pagtalakay tungkol sa katangian at layunin ng rebolusyonaryong kilusan at baka ipagkamali ng mga bihag na ito’y brainwashing.  “Ang aming talakayan ay ispontanyo at pumaksa sa maraming bagay maging ng aming mga personal na buhay,” ani Ka Rustum.  Bagamat naging bahagi na lang ito ng pang-araw-araw nilang pag-uusap.

Nang lumaon, napansin ni Ka Rustum na unti-unting nagkakainteres ang mga POWs na malaman ang mga patakaran ng kilusan, maaaring dulot lamang ng pagkainip o sa kabilang banda nama’y ang tunay na pagkauhaw sa katotohanan.  “Interesado silang malaman kung anong mga pagbabago ang isasagawa ng kilusan matapos itong magwagi, lalung-lalo na sa AFP,” dagdag ni Ka Rustum.

Sa umpisa ng ikaapat na buwan, ang mga pagsisikap ng mga lider ng simbahan at mga opisyales na gubyerno sa pakikipagtawaran para sa kanilang paglaya ay nagbubunga na. Ang militar na matigas sa kanilang patakarang “walang negosasyon” ay tumanggi sa simula at pumayag din sa mungkahi ng nasa panel ng negosasyon na pinagungunahan ni Msgr. Ireneo Amantillo obispo ng Catholic Diocese at Gob. Salvacion Cejoco na suspindihin ang mga operasyong militar at ideklara ang tigil-putukan sa araw ng pagpapalaya sa mga bihag.

Samantala, isang antas ng pagtitiwala ang nabubuo sa mga POWs na nagdulot sa pagiging liberal ng mga Pulang mandirigma.  Naalala ni Ka Rustum na isang araw katatapos lang nila sa kanilang regular na pang-umagang pagsasanay. Lahat ng baril ay nakatambak sa kubo ni Ka Mike sa bandang itaas.

Nakakita si Ka Rustum ng isang unggoy at dahan-dahan siyang pumwesto sa mahusay na lugar upang barilin  ito’t mayroon silang pang-almusal.  Sinigawan niya si Ka Mike na abutin siya ng armalayt. Ipinasa ni Ka Mike, na nakahilata sa kanyang higaan, ang armalayt kay Ka Bondying na kasalukuyang nagtatali ng sintas ng sapatos. Kaya sinabihan ni Ka Bondying ang sa mga POWs na abutin ang baril mula kay Ka Mike.  Ginawa naman ito ng bihag at iniabot kay Ka Bondying ang armalayt at ibinigay kay Ka Rustum.  Walang nakaisip ng panganib na ang armalayt ay nasa kamay ng bihag na kung saan ay walang baril ang mga tanod.  Pagkaraan na lang nila ito naalala.

“Madali lang sanang binaril ng bihag si Ka Mike, saka niya isinunod kaming lahat, kunin ang mga susi at tapos na,” pagpapaliwanag pa ni Ka Rustum.

Lingid sa mga bihag, nagkaroon ng matinding pagsisisi at pagpuna sa sarili ang warden at mga kasama nitong tanong nang gabing iyon.

Setyembre 3 nang taong iyon, ipinahayag ni Ka Rustum sa mga POWs ang kanilang paglaya kinabukasan. Masayang-masaya ang mga POWs. Marahil bilang pagtanaw ng utang-na-loob, tinanong ng mga POWs kung anong gusto nilang kapalit ng kanilang paglaya.

“Isang bagay lamang,” ani Ka Rustum, “pagprotekta sa amin at sa aming mga kasamahan kung may mabihag man sa darating na mga araw.” “Yon lang?” ang tanong ng mga bihag.

Nang gabing iyon, dinoble ng mga tanod ang kanilang alerto sa seguridad.  “Takot kaming isipin nilang sila ay aming papatayin,” paliwanag ni Ka Rustum. Gayunman, inantok din ang mga bantay at ang mga POWs pa ang gumising sa kanila kinabukasan.  Dagli silang naghanda ng nilagang itlog at kapeng barako para sa almusal.  Sinimulan nilang lumakad patungo sa lugar kung saan sila palalayain.

Bago tuluyang ipinasa sa panel ng negosasyon ang mga bihag, ibinalik ni Ka Rustum ang kanilang mga uniporme at bakpak.   Binigyan din sila ng bagong pares ng damit at sapatos bilang simbolo ng bagong buhay na naghihintay sa kanila.

Nararapat lang ba ang pagpapakahirap sa pagbihag at pagprotekta sa mga POWs?  Siguro, kung ang mga sumusunod na mga grupo ng POWs na susuko pagkatapos lang ng isang oras na labanan ay magiging napakahalaga.  Ang opinyon ni Ka Rustum na pagkaraang malaman ang nangyari sa kanilang mga kasamahang nabihag, nakatitiyak ang mga sundalong magiging ligtas sila sa kamay ng mga Pulang mandirigma, basta’t wala silang nagawang kasalanan.

Gayundin, pagkaraan ng kulang-kulang na isang buwan, isang kasama na nakilala nila ang minalas na sumakay sa isang bus na pinara ng dating POW, na kasama ang dalawa pang nakaunipormeng sundalo. Umupo ang dating POW sa mismong tabi niya.  Naghanda na ang kasama sa pagtalon sa bintana ng tumatakbong sasakyan kung saka-sakali.

Nagsalubong ang kanilang mga mata.  Ngumiti lang ang dating POW. At saka humingi ng isang istik ng sigarilyo. Parang dating gawi.

 

Hosted by www.Geocities.ws

1