ARNEL J. LIGAHON

Sakada, Saang Lupalop Ka Nagmula?

 

 

TING! TING! TING! Ting! Ting!  Ang nakaririnding tunog ng kampana ang pumukaw sa pagkakahimbing ni Arnel.  Alasais na pala.  Kailangan na niyang maghanda para pumila sa harap ng bahay ng kontratista.  Ito ang unang araw ng pagtatrabaho niya sa asyendang iyon. Sa Hacienda Consuelo, isa sa malalawak na asyenda ni Don Salvador Salas Benedicto na kabilang sa pinakamayayamang asendero sa isla ng Negros.

Habang nagliligpit si Arnel sa kanyang higaan, nagunita niya kung paano siya nakarating sa lugar na ito.

Karamihan sa kanila ay nagmula sa isla ng Panay. Nakikisaka ang kanyang ama sa taniman ng pamilya Malvar at tersyuhan ang hatian nila sa produkto.  Ang lahat ng gastos ay binabalikat ng kanyang ama at dahil sa kamahalan ng abono at pestisidyo, walang katiyakan ang kanilang pamumuhay, lalupa nga kung madadaanan ng bagyo ang kanilang palayan.  Halos wala na silang makain at hindi makapagbihis nang maayos.  Sa ganitong kalagayan, maraming nahihikayat na makipagsapalaran ng pagtatrabaho sa asyenda sa Negros nang dumating sa baryo nila si Mang Simon na kontratista ni Don Benedicto.  Ayon sa kontratista, malaki ang kanilang kikitain maliban pa sa antisipong iiwan sa bawat pamilya.

Isa sa mga nahikayat ang kanyang ama.  Nabigla na lamang sila nang magpaalam ito na sasama sa kontratista patungong Negros.  Inihabilin nito sa kanya ang kanilang maliit na bakuran at ang kanyang mga kapatid, dahil  mahina na at sakitan pa ang kanyang ina. Iniwanan sila ng limandaang piso na paunang bayad ng kontratista.  Tila sasabog ang kanyang dibdib noong habang nagtatagubilin ang kanyang ama:  “Arnel, huwag mo sanang pababayaan ang iyong ina at mga kapatid.  Kung makaluwagluwag ako sa Negros, padadalhan kita ng pera para may maipang-enrol ka sa pagbubukas ng klase.”  Kasunod noon ang pagyapos sa kanya ng ama.  Kung naisip niyang baka iyon na ang katapusang pagyakap nito, disin sana’y hindi na siya bumitiw pa.

“Tong!” Hoy! Napapano ka?” Naalimpungatan si Arnel.  Hindi niya naramdamang nangingilid na pala ang kanyang luha.  “Sige, bilisan mo at baka mahuli tayo sa pila ay makagalitan na naman tayo ni Mang Simon.”  Dagling pinahid ni Arnel ang luha. Dala ang kanyang ispalding at baunan ng tubig, nagkumahog na siya patungo sa bahay ng kontratista.

Marami pang tao sa pilahan.  Ang ilan sa kanilang kasamahan ay naghahasa ng kanyakanyang ispalding, ang iba’y gumagawa ng likit at ang iba naman ay nagbibiruan.  Sa kaliwang panig niya ay may grupong naghihintay din sa paglabas ng kontratista.  Hindi niya gaanong mawawaan ang kanilang pinag-uusapan pero mababakas sa mga mukha nila ang tapang at determinasyon. Biglang natigil ang kanilang pag-uusap nang lumabas ang kontratista.

Isaisang tinawag ang kanilang mga pangalan. Pagkatapos ay pinatahimik sila ng kabo mayor na kamag-anak ng kontratista.  “Heto ang mga bagong patakarang dito sa asyenda: Simula ng trabaho, alasais impunto ng umaga. Alasyete ang almusal at ang tanghalian ay alasdose.  Alasyete ng gabi ang hapunan at pagkaraan ng alas-otso ay may mag-iinspeksyon sa inyo dito, at ang sumada ng inyong pinagtrabahuhan ay pagkatapos ng giling.  Sasagutin ng kantina ang pagkain ninyo pero ibabawas sa inyong sumada. Kung kailangan ninyo ang pera, magpalista lamang sa kontratista at may kantina naman tayo na pwedeng utangan.  Maliwanag ba?”

Bigla, isang babae sa bandang kaliwa ang ni Arnel ang pumagitna at nagtanong: “Paano naman kami na mga datihan dito?”

Pabulyaw at marahas na sumagot si Mang Simon: “A, wala na akong pakialam sa inyo. Ang may-ari na lamang ang kausapin ninyo.  Napakareklamador kasi ninyo.  Hala! Sige, umpisahan na ang trabaho.  At hindi ko gustong kayong mga sakada ay nakikipag-usap sa mga reklamador na ito.  Kung wala nang tanong, makakalakad na kayo!”

Nagtaka nang husto si Arnel sa mga sinambit ng kontratista.  Ano ba talaga  ang inirereklamo ng mga taong iyon? Bakit ayaw silang pagtrabahuhin?  Marami pa siyang katanungan pero isinantabi na muna niya.  Marami pang pagkakataon para malaman niya ang katotohanan.  Lumakad na lamang siya kasama ng iba pang mga sakada patungong kampo.

Matindi ang sikat ng araw na halos makasunog sa kanyang balat.  Ganggamungo ang mga butil ng pawis niya.  Parang mapapatid ang mga ugat niya sa bawat halibas ng kanyang ispalding nang bigla na lamang siyang  makarinig ng pagkakagulo.  “Batugan! Makupad! Hindi ko kay dinala dito para maglakwatsa! Hala! Balik sa trabaho!” bulyaw ng kabo sabay pitsera at kaladkad sa isang sakada na nagpapahinga dahil sa matinding pagod.  Akmang tatakbuhin at susunggaban ni Arnel ang kabo pero pinigilan siya ng kasama niya.  “Nel! Huwag kang magpadala sa inyong damdamin. Wala tayong magagawa sa kanya.  Baka mapahamak ka lang.”  Naalala niyang bigla ang kanyang ama na hindi na nakabalik sa kanila, at hanggang ngayon ay wala silang balita kung nasaan na ito. Tulad ng sakadang pinagmamalupitan ng kabo, naisip ni Arnel na ganito rin marahil ang naranasan ng kanyang ama.  Buong lakas niyang ibinigwas ang ispalding na parang ang galit ay sa tubo ibinubuhos.

Madilim na ang paligid nang mag-inut-inot sila pabalik sa kanilang kwartel. Habang naglalakad, nagtanong si Arnel sa kasama:   “Kaibigan, mukhang matagal ka na rin namang pabalikbalik sa asyendang ito, kilala mo ba ‘yung mga tao na hindi pinagtrabaho ng kontratista dahil ng reklamador daw?”

“Pamilya iyon ni Nanay Tinay.  Kabilang sila sa mga dating nagtatrabaho dito,” sagot ng kasama niya.

“Ganoon pala. Bakit ayaw silang pagtrabahuhin?” tanong niya uli.

“Alam mo , si Nanay Tinay ang lider ng kanilang unyon na humihingi ng dagdag na sahod at benepisyo nating mga manggagawa.  Alam mo naman siguro, kung pwede lang ay bawiin sa atin ng ating amo ang ipinagtatrabaho natin para lalo silang yumaman.”

“Grabe naman pala ang kalagayan nina Nanay Tinay.  Paano sila nabubuhay?”

“Ay naku, talagang napakahirap.  Nagtatanim sila ng gulay at iba pang makakain sa tabi ng ilog,” dagdag na paliwanag ng kasama niya.

Mabilis na naghanda si Arnel para maglinis ng katawan sa may poso.  Pagkatapos ay kaagad siyang nahiga sa papag na kawayan.  Nananakit ang buo niyang katawan. Puro paltos ang kanyang mga palad.  Pilit niyang ipinikit ang mga mata pero hindi naman siya antukin.  Mayamaya, tumunog ang kampana tanda ng kanilang hapunan.  Binitbit niya ang pinggan patungong kantina.  Isang tasang kanin at pansit na lumulutang sa sabaw ang pagkain nila. Pero dahil sa matinding kagutuman ay hindi niya ito inalintana. Mistulang ispesyal na pansit ang kinakain kung humigop siya ng sabaw.

Pagkaraang maghapunan, lumabas siya para magsigarilyo.  Malamig ang simoy ng hangin. Maaliwalas ang kalangitan at namamalas niya ang kislap ng mga bituin.  Kaagad niyang nagunita ang ina at mga kapatid.  Kumusta na kaya sila?  Isang araw pa lamang siya sa asyenda pero pakiwari niya ay napakatagal na. Naputol ang kanyang pagdidilidili nang may maulinigan siyang tinig sa bahay ng mga datihang sakada.   Lumapit pa siya para makinig nang mas maigi. Malungkot pero maganda ang awiting kanyang narinig:

Sakada, saang lupalop ka nagmula

Bakit sa isla ng Negros ika’y nakatanikala

Ang malawak na tubuhan

Signos ba ito ng iyong kapalaran?

Sakada, tingnan ang sarili mo?

Mga anak mo’y nagugutom

Magpapatuloy ka ba sa  pagtatabas

Upang ika ay makakain?

Napakagandang awitin.  Tunay na naglalarawan ng kanilang buhay. Ang buhay ng anakpawis, ng sakada.

“Hoy! Ano ba ang itinatanga mo pa riyan?  Pasok na dito at papatayin na ang ilaw.” Nawaglit na sa isipan ni Arnel na ang-inspeksyon nga pala ang kabo mayor pagkatapos ng hapunan.

“Oo, nandiyan na. Nagpapahangin lang ako dito dahil sobra ang init diyan sa loob.”

“Tama na’ng satsat.  Sa susunod na mahuli kita, makakatikim ka sa akin ng parusa.”

Malalim na ang gabi pero hindi pa rin siya makatulog.  Pabilingbiling siya sa higaan.  Sa kanyang isipan, waring naglalaro ang mga kataga ng awitin.

Umaga na naman.  Hindi na ang nakabibinging tunog ng kampana ang pumukaw sa kanya kundi ang malakas na hiyaw ng mga kabataan.  Kaagad siyang lumundag mula sa higaan at nakiusyoso.  Magkahalong pagtataka at paghanga ang naramdaman niya sa tanawing nabungaran, at waring hindi niya malaman ang gagawin.  Nasa harapan ng isang bouldoser ang mga kabataan at mga ina, kapit-kamay para hadlangan ang pagsagasa sa kanilang maliit na bakuran.  Lumuluhang nakiusap ang isang ina sa drayber:  “Amang, maawa ka.  Ito na nga lang ang pinagkukunan ng kita at pagkain.”  Parang sasabog ang kanyang dibdib sa pagkapoot at tila hindi niya mapigil ang pumagitna, nang biglang dumating ang mga pulis at ang mga ito ang pumagitna.  Pero sa halip na sawayin ang drayber, ang hinarap at pinagsalitan ng mga pulis ay mga ina at kabataan.  Dinig na dinig ni Arnel ang sinabi ng isang pulis:  “Talagang wala kayong kadaladala, ano? Gusto yata ninyong ipasok ko kayo sa karsel.”

Naputol ang pagmamasid niya nang may tumawag sa kanya:  “Nel, lalakad na tayo.  Nauna na ang iba nating kasamahan.  Baka mahuli na naman tayo.”

Sa pagdaan nila sa mansyon ng may-ari, nakita nilang nag-iinuman ang ilang pulis. Nagtataka si Arnel kung bakit sa halip na damayan ang mga obrero, ang interes pa ng may-ari ang ipinagtatanggol ng mga ito.

Lumipas ang mga araw sa asyenda, at marami pang di  makataong pagtrato sa mga sakada ang nasaksihan ni Arnel.  Bahagyang pagkakamali lamang ay nananakit agad ang mga kontratista.  Minsan nga’y muntik nang maospital ang isang kasama ni Arnel dahil sa labis na pagkastigo ng kabo mayor nang mahuling nagbibimbin ng trabaho.

Habang tumatagal, lalong tumitindi ang pananabik ni Arnel sa ina at mga kapatid.  Kung magagawa lamang niya’y gusto na niyang liparrin ang Panay. Para malibang, ibinuhos na lamang niya ang isipan sa trabaho. Sa gabi inaaliw niya ang sarili kasama ang iba pang obrero sa isang galong tuba.

Sumapit ang Disyembre nang wala siyang anumang nabalitaan tungkol sa kanyang ama.  Sa kabila nito, hindi siya nawawalan ng pag-asa na bago matapos ang giling sa asyenda ay magkikita silang mag-ama.

Disyembre 25. Sa bahay ng kontratista, masayang nagpaparoo’t parito na pagluluto ang mga pamilya ng mga kabo. Maligaya ang kanilang mga anak na pawang may mga bagong damit at laruan samantalang para namang namatayan sa kwartel nina Arnel.  Nang gabing iyon, hindi nakatuloy sa kanilang kwartel ang kabo. Naparami ang inom at nalasing.

Nakahiga na si Arnel nang may kumatok sa pintuan, at nang kanyang buksan ay nabungaran niya si Nanay Tinay at ang mga kasamahan nito na may dalang pagkain.  “Maligayang Pasko sa inyong lahat!”   masayang bati ni Nanay Tinay, at pinasalamatan nila ito at ang iba pang mga bisita.  Waring nahihiya sila sa di inaasahang pagdating nina Nanay Tinay.  “O, halina kayo at pagsaluhan natin itong kaunting biyaya ng Diyos!”  alok ni Nanay Tinay.

Habang kumakain sila, napansin ni Arnel ang pagkakatitig sa kanya ni Nanay Tinay.  Nagtataka siyang nagtanong: “Bakit, ‘Nay, may dumi pa ako sa mukha?”

“Naku, wala. Tong, may kakilala lang ako na kamukha mo.”

Biglang sumikdo ang dibdib niya sa narinig.  “Sino, ‘Nay? Domingo Sumagaysay ba ang kanyang pangalan?”

May pagtatakang sumagot si Nanay Tinay: “Oo, Tong. Kilala mo ba siya?”

Wari’y ibig matalon ni Arnel sa kaligayahan.  “Ama ko siya, ‘Nay. Matagal na namin siyang hinahanap.  Alam po ba ninyo kung nasaan na siya ngayon?” Kinakabahan niya nang magtanong.

“Isang mabuti at may prinsipyong tao ang iyong ama. Noong narito siya, madalas silang nagsasagutan ng kontratista at amo, dahil nakita at naranasan niya mismo kung paano tayo pinagsasamantalahan at inaapi.”

‘Nay, tulungan mo naman akong makita ang aking ama.”

“Huwag kang mag-alala, Tong, magkikita talaga kayong dalawa,” nang-aalong wika ni Nanay Tinay.  “Hindi na kami magtatagal at baka madatnan pa kami rito ng inyong kabo.”

“Sige p, ‘Nay. Maraming salamat sa inyong pamasko sa amin.”

Hindi siya makatulog nang gabing iyon. Maraming katanungan ang sumasagi sa kanyang isipan.  Bakit hindi na umuwi ang kanyang ama? Bakit nito tinakasan ang utang sa kontratista?  Na sa bandang huli’y ipinasa sa anak, kaya siya narito at nagkakandamatay sa pagtatrabaho sa kampo?

Nang sumunod na mga araw, matapos ang hapunan at tseking ng kabo sa kwartel nina Arnel, lag na siyang nagpupunta kina Nanay Tinay. Marami siyang natuklasan tungkol sa pamumuhay ni Nanay Tinay at ng mga datihan. Taal na tagarito ang mga magulang nila at dito na sa asyenda sila nagsilaki at nagkaasawa. Sampu ang anak nina Nanay Tinay at Tatay Pedring.  Lahat ay tumutulong sa pagtatrabaho sa kampo.  Mahirap ang kanilang pamumuhay at halos hindi na sila makakain nang tatlong beses isang araw. Mababa ang kanilang sahod at hindi rin ibinibigay ang kanilang mga benepisyo na siyang nagtulak sa kanila para magkaisa at igiit sa amo ang kanilang mga karapatan.   Pero sa halip na ibigay ang hinihingi, ang isinalubong sa kanila ay ang bangis ng mga sikyuritigard ng amo at hindi pa sila pinagtrabaho.  Marami pang paraan ang ginawa nila pero wala ring nangyari.

Lumipas pa ang mga araw at natapos ang trabaho nina Arnel sa asyenda.  Tapos na ang giling at naghihintay na lamang sila ng pagsusuma ng kontratista.  Isang gabing  nagtungo si Arnel kina Nanay Tinay, namangha siya sa kanyang nadatnan.  Hindi siya makapaniwala.  Nasa harap niya ang kanyang ama! Niyakap siya nito at nagpahagulhol siya sa balikat ng ama. “O, bakit ka umiiyak?” Pinahid ni Arnel ang luha at kinamayan ang mahigpit ang amang malaon nang hindi nakikita. Sabik na kinumusta ng ama ang kanyang ina at mga kapatid.

Marami siyang ikinwento sa ama. Pati na kung paano siya napunta sa asyenda at ang pagtitiis niya sa pagtatrabaho sa kampo.  Nangilid ang luha ng mga  mata ng ama niya matapos ang kanyang pagsasalaysay.  Tinanong niya ang ama:  “Bakit, ‘Tay, ni hindi mo kami nasulatan? Wala na po ba kaming halaga sa inyo?”

“Hindi, anak, alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal.  Halos hindi nga ako makatulog kung gabi sa pag-iisip ko sa inyo. Kaya lang, kailangan ako ng kilusan.  Sumusulat ako sa inyong mag-iina pero ngayon ko lang nalaman na hindi pala nakakarating sa Panay.  Sadya  ko ring hindi isinusulat kung nasaan ako dahil delikado.  Sana’y maipaliwanag mo ito sa iyong ina para maunawaan niya at mapagpasensyahan kung pagkululang man sa inyo,” nag-aalalang pakiusap ng ama.

“Nauunawaan ko po kayo, ‘Tay. Pero wala bang ibang paraan? Kailangan bang humawak ng sandata para mabigyan ng katarungan ang mga inaapi?” dagdag na tanong niya.

“Iyan din ang tanong ko noon. At ang kalagayan mismo ang sumagot sa akin.  Tingnan mo ang kaso ng mga Nanay Tinay mo, halos sampung taon na pero wala pa ring solusyon dahil nagbibingibingihan at nagbubulagbulagan ang gubyerno sa problema ng mahihirap.  Ang masakit pa, gumagamit ng sandata ang amo para ipagtanggol ang kanyang interes.  Saan patutungo ang mamamayan?” Kahit ang militar, sa mayaman nakakiling. Masisisi mo ba ang mga Nanay Tinay  mo kung ang kanilang simpatya ay nasa kilusan? Alam nilang ipinagtatanggol namin ang kanilang kapakanan. Nel, sana’y maunawaan mo rin ang ginagawa ko ay para sa kapakanan nating lahat.”

Nangingilid ang luhang niyapos niya ang ama.  “Huwag kang mag-alala, ‘Tay, nauunawaan kita. Sana, balang araw ay makauwi ka sa atin sa Panay.”

“Hayaan mo, Nel, kapag may panahon ako, baka makapagbakasyon ako doon.  Uuulitin ko, iparating mo sa inyong ina at mga kapatid ang mainit na pananabik ko sa kanila.”

“Tay, mag-iingat ka,” bilin niya sa ama.

Namamanaag na ang silahis ng araw nang magbalik siya sa kwartel. Gising na ang karamihan sa mga kasama niya.  Ang ilan ay nagsisipaghanda ng kanilang kagamitan at ang iba ay nagluluto ng babauning pagkain.  Sa labas ay naghihintay ang tatlong sasakyang maghahatid sa kanila sa piyer.  Sa gitna ng ingay, pinilit ni Arnel na maidlip kahit sandali lamang.

Ang matinding sikat ng araw at ang pagsisintir ng mga kasama ang pumukaw sa kanya.  Alas-onse na pala ay hindi pa siya nakakapagpasumada ng kanyang pinagtatrabahuhan. Kaagad niyang hinanap ang kanyang listahan.  Napansin niya na lalong nangangalaiti ang mga kasama habang nagliligpit.

“Ano ba ang ipinagsesentir n’yo?  Katatapos n’yo pa lang magpasuma, nagagalit na kayo,” sabi niya na mag kahalong biro.

“Arnel, paano namang hindi kami magagalit, e, imbis na may maiuwi kami sa pamilya, heto at may utang pa kami sa kontratista,” tugon ni Mang Carlos.

“Bakit naman?” nagtatakang tanong niya.

“Pati pala ang ating pamasahe, inawas sa ating kita,” sabad naman ni Kadyo.

“Iyong sa akin  nga, masahol pa diyan.  Sa aking listahan, ang utang ko sa kantina, isanlibo lang, pero nang masuma na, naging dalawanlibo na dahil may interes pa raw,” galit na sabi ni Tonyo.

Sa mga narinig, parang nawalan ng gana si Arnel na magpasuma. Nakikinikinita na niya ang hitsura ng kontratista.

Nang nasa harap na ng kontratista si Arnel, nagulat siya at may nakalatag na dalawang papel na pinapipirmahan sa kanya.  Ang isa ay ang peyrol at ang isa naman ay blangko.  Nagtatakang nagtanong siya: “Para saan iyang blangkong papel?”

“Huwag ka nang mag-usisa. Kung gusto mong sumahin  ang iyong kinita pumirma ka na sa dalawang papel na iyan.”

Tiim-bagang na pumirma siya. Kinuha ng kontratista ang kalyuleytor at sinuma ang kanyang trabaho.  “Heto ang iyong sumada. Pakinggan mong mabuti!! Ang trinabaho mo, dalawanlibo walundaan, ang utang mo sa kantina, isanlibo, at isanlibo rin ang interes, at ang pasahe mo, tatlundaan. Ang naiwang pera, limandaan, ay ibabawas namin sa utang ng tatay mo na limandaan ay interes na limandaan.  Bale may utang ka pang limandaan.  Pero di kita sisingilin ngayon dahil alam kong wala kang pera.  Kailangan lang na sa susunod na paggigiling, magtrabaho ka ulit para makabayad ka ng utang mo.”

Ibig niyang sagutin ang kontratista, alam niyang magsasayang lamang siya ng laway.  Tumalikod na lang siya para makaiwas sa gulo.

Puno na ng tao at mga kargamento ang tatlong sasakyan.  Si Arnel na lang hindi pa  sumasampa. Sa wakas, makakauwi na siya.  Malungkot siyang nagpaalam kay Nanay Tinay: ‘Nay, kayo na po sana ang bahala dito.  Ipagpaalam n'yo rin po ako sa aking ama.”

“Arnel, baka hindi na tayo magkita pa uli.  Heto, may sulat ni iniwan ang tatay mo para sa iyo.” Pagkaabot ng sulat ay niyakap siya ni Nanay Tinay.

Nasa barko na siya ay paulit-ulit pa niyang binabasa ang sulat ng kanyang ama:  Nel, alam kong masakit sa inyo ang aking disisyon.  Bilang ama, alam ko kung gaano kabigat ang responsibilidad na iniaatang ko sa iyo.  Sana, matatag mo itong magampanan.  Huwag kang mag-alala, sinintensyahan na ng mamamayan ng pagbayarin ang kontratista sa kanyang mga pagkakautang. Sinisikap ng buong kilusan na mapairal ang katarungan para sa mga sakada. Hanggang dito na lamang. Ihalik mo ako sa inyong ina at mga kapatid.

Malamig ang simoy ng hangin.  Sa kanyang isipan, nandoon pa rin ang mukha ni Nanay Tinay at ang malungkot nitong awitin.  Awitin para sa kanila. Awitin para sa mga sakada.

(Salin ni Rosario Cruz Lucero mula sa Hiligaynon.)

 

Hosted by www.Geocities.ws

1