CARLOS HUMBERTO

Mula sa Sebyo

 

MADALING ARAW nang lumakad ang pangkat patungong Sierra Madre. Dala ni Menong at ni Pedring ang kanilang mga baril, at sa kanilang likod ay nakasabit ang mga knapsack.  Sa likod ni Sebyo ay nakatali ang kanyang maliit na maleta upang huwag siyang mahirapan sa pag-akyat sa bundok. Sa kanyang baywang ay may nakasabit na gulok.  Si Choding ay may dala ring knapsack.  Nakapantalon siya ng maong at sa kanyang baywang ay may nakasabit na gulok.  Ang tatlo pang kabataang magsasaka na kasama nila ay pawang may mga baril.

Buong umaga, tinahak nila ang gubat.  Bandang tanghali ay tumigil sila sa ilalim ng isang malabay na puno at kumain ng dala nilang baon.

“Saan ba tayo tatagpuin nina Saldo?” tanong ni Pedring kay Menong habang kumakain.

“Natatandan mo ba ‘yung kweba na pinagtaguan ng baboy-damong inaso natin noong minsan?  Doon sila maghihintay.  Siguro darating tayo doon bansang alas tres ng hapon, “wika ni Menong.

Pagkapananghalian ay saglit silang nagpahinga bago nagpatuloy sa paglakad.  Madawag ang kanilang dinaraanan, kung minsan ay makapal ang mga baging, at kailangan pang nilang putulin ang mg ayon bago sila makaraan.  Nakarating sila sa isang makipot at mabatong sapa na malakas ang agos ng tubig.  Uminom sila at nagsipaghilamos upang pawiin ang uhaw at pagod.  Makapal ant malalaki ang mga punong kawayang tumutubo sa magkabilang pampang ng sapa.

Pasado alas dos nang makarating sila sa kweba sa paanan ng Sierra Madre. Maingay sa buong kagubatan at malakas ang sari-saring huni ng mga ibon.  Sumipol nang tatlong beses si Menong, na sinagot naman ng isang sipol.  Nang muling sumipol si Menong ay may lumabas na dalawang tao mula sa likod ng malalaking bato sa harap ng yungib.  Kumaway kina Menong ang isang nakasumbrero. Maya-maya’y bumaba ito at ang kanyang kasama mula batuhan.  Nakita ni Sebyo ang dala nilang mga armalayt at sinturon ng bala sa kanilang mga baywang.  Lumapit ang dalawang sandatahan kina Menong.

“Mabuti’t maaga kayo,” sabi ng nakasumbrero, at kinamayan nito ang mga bagong dating.

“Napabilis ang lakad namin,” sabi ni Menong. Ipinakilala ni Menong kina Sebyo ang dalawang sandatahan.  Ang nakasumbrero ay si Saldo, at ang kasama nito ay si Crispin.  Bukod kay Pedring at Choding, nasisiguro mo bang lahat ang mga kasama?” tanong ni Saldo kay Menong sa mababang boses.

“Oo, kabisado ko sila at alam ko ang kanilang mga nakaraan,” sabi ni Menong.

“Kung gayon, tayo na.  Dalawang araw pa tayong maglalakad bago tayo makarating sa pupuntahan natin.  At saka, maraming PC sa lugar na ito.”

Nagsimulang umakyat ang pangkat sa bundok ng Sierra Madre. Minabuti nilang huwag masyadong magkakalapit sa paglakad upang kapag may nahulog sa kanila ay huwag matangay ang kasunod na umaaakyat.  Ngayon lang nakaakyat ng bundok si Sebyo kaya madali siyang hingalin.  Kinakabahan din siya sapagkat may mga dinaraanan silang matatarik at madudulas na mga bato. Matataas ang mga puno sa paligid, karaniwan ay yakal at molave.  Nang mag-iisang oras na sila sa pag-akyat ay nangangapos ang hiningang napaupo si Sebyo sa isang bato sa tabing daan.  Nang lampasan siya ng huling kasama ay tumindig siya at nagpatuloy sa paglakad.

Makulimlim na at nakita nila ang araw na papalubog sa kanluran.  Lalong lumalakas ang mga huni sa gubat.  Hindi natatanaw ni Sebyo ang taong sinusundan niya, ngunit naririnig niya ang kaluskos ng paglakad niyon.

Bago tuluyang lumatag ang dilim ay nakahanap si Saldo na malawak at patag na lupa sa ilalim ng mga puno na pwede nilang tigilan sa gabing iyon.  Inilabas nila ang kanilang mga baong pagkain mula sa kanilang mga knapsack.  Hindi sila makapagsindi ng apoy sa pangambang baka makita ng kaaway.

“Marami ba kayo sa base?” tanong ni Menong kay Saldo habang kumakain.

“Marami rin, may dalawandaang katao,” ani Saldo.

“Ano ang pwede naming maipaglingkod pagdating sa base?”

“Dahil mga bago kayo, kailangan ninyo ng pag-aaral at pagsasanay sa paghawak ng armas.”

“Gaano katagal iyon?”

“Karaniwan ay mga tatlong buwan, pero pwedeng mapabilis depende sa progreso ninyo.”

Pagkakain ng pangkat ay naghanda na sila sa pagtulog. Inilabas nila ang mga dalang kumot na panlaban sa ginaw.  Dalawa ang itinalaga upang magbantay, at sila ay papalitan pagkaraan ng tatlong oras.

Pasado alas kuwatro ng umaga ay nagising ang grupo.  Nagparikit si Menong ng apoy para magluto.  Nang mapansin nilang kakaunti na ang tubig ng kanilang mga kantin, nagboluntaryo si Crispin na magtungo sa sapa, isang kilometro mula sa kinaroroonan nila, upang lagyan ng tubig ang mga kantin.  Nagprisintang tumulong si Sebyo sapagkat nakita niyang hindi kayang dalhin ng gerilya ang kanyang armalayt at lahat ng kantin ng grupo. Pinagtali-tali nila ang mga kantin at binitbit iyon ni Sebyo.  Nagtungo ang dalawa sa sapa.

Malamig ang hangin sa umaga.  Ang araw ay nagsisimula nang sumungaw mula sa likod ng mga bundok.  May dalawang matsing na naglulundagan sa mataas na sanga ng puno, pinanonood sina Sebyo habang naglalakad. Pababa ang daan papuntang sapa at napapadausdos si Sebyo sa paglakad. Si Crispin ay sanay nang lumakad sa ganoong sitwasyon.

Nakarating sila sa sapa na puno ng malalaking bato.  Pumwesto si Sebyo sa isang bato at dumukwang sa tubig upang simulan ang pagpuno sa mga kantin. Ibinaba ni Crispin ang kanyang armalayt at yumuko upang isalok sa sapa ang kanyang kantin.

“Taas ang kamay!” sigaw ng boses sa kanilang likuran. Lumingon si Crispin at namutla siya sa nakita.  May sampung sundalo ng PC sa likuran nila, nakaumang ang mga armalayt.  Isa sa mga sundalo, may hawak na pistolang kalibre .45 at nakauniporme ng jungle fatigue, ang humiwalay sa grupo. Iyon siguro ang kanilang opisyal, isip ni Sebyo.

Itinutok ng opisyal ang kanyang .45 kay Crispin.  “Ikaw, itapon mo ang armalayt mo sa gawi rito,” utos nito. Sumunod si Crispin.  Sumenyas ang sundalo sa kanyang mga  kasamahan at tatlo sa mga ito ang bumaba sa mg batuhan, lumapit kina Sebyo at pinatayo ang dalawa.  Nakatuon ang tingin ni Sebyo sa dulo ng mga baril na nakaumang sa kanya. Ibinalik ng opisyal sa holster ang kanyang pistola at lumapit  kina Sebyo.  “Nasaan ang mga kasamahan ninyo?” tanong nito nang mapatapat kay Crispin.

“Wala kaming kasama, dalawa lang kami,” sabi ni Crispin.

Isang suntok ang dumapo sa mukha ni Crispin.  “Sinungaling!” sabi ng opisyal.  Nawalan ng panimbang si Crispin at bumagsak sa batuhan.  Akmang kukulatahin siya ng dulo ng armalayt ng isang sundalo nang biglang umalingawnagaw ang putok ng mga baril sa malayo. Natigilan ang mga sundalo.

“Sina Lt. Generoso siguro ang mga iyon at nakasagupa ng NPA, “sabi ng opisyal. “Kailangang makarating tayo doon. Sarhento, dalhin ang dalawang ito sa ibaba at magsama ka ng isa pang tao.”

“Yes, sir!” sabi ng kinausap, isang maskuladong sundalo.  Dinampot nito ang armalayt ni Crispin at isinukbit sa balikat, saka tinawag ang isang kasamahan, “Cruz, halika rito at itali mo ang mga kamay nito.”

“Let’s go!” sabi ng opisyal sa mga sundalo, at nagsimulang lumakad ang mga ito.

“At kayo, lakad!” utos na sarhento kina Sebyo matapos silang matalian.   

Nagsimulang maglakad sina Sebyo patungo sa pinanggalingan nila kahapon. Malas, isip ni Sebyo habang itinutulak siya ng kanyang bantay. Muntik na siyang madapa at binulyawan siya ng sundalo.  Kinalauna’y nagpahinga sila at naglabas ng de-latang pagkain ang dalawang sundalo.  Kumain sila at nagtira ng kaunti para kina Sebyo.

“Cruz baguhin mo ang tali nila. Ilagay mo sa harapan ang mga kamay nila para magsubuan sila.  Alangan namang tayo pa ang magpakain sa mga kalabaw na ‘yan.”

Sumunod ang inutusan habang nakaamba naman ang armalayt ng sarhento kina Sebyo.

Bandang alas singko nang makarating sila sa kampo ng PC sa ibaba ng Sierra Madre. May dalawandaang sundalo ang naroroon. Nakita ni Sebyo ang isang howitzer, apat na trak, at dalawang dyip na nakaparada di kalayuan sa kampo.

“Mukhang napalaban nang maaga sina Sarhento Montes,” narinig ni Sebyo habang dumadaan sila sa isang grupo ng mga nakaupong sundalo.  Tumigil ang sarhento sa harap ng isang naka-Pershing cap at nagtatabako.

“Colonel, we have captured two NPAs near the stream,” wika ng sarhento. “I believe our patrol has met the enemy.”

“Good, we will advance. Meanwhile, ask Captain Montilla to interrogate the two prisoners.”

Dinala sina Sebyo sa isang opisyal na nagsasalita sa walkie-talkie sa tabi ng isang trak. Sumaludo ang sarhento sa opisyal bago magsalita.  “Captain, these two were captured during our operations in the mountains.  Colonel Turingan asked you to interrogate the prisoners, sir.”

“Call Valdez and Ibay and ask them to join us.”

“Yes, sir,” Umalis ang sarhento, at  di nagtagal ay bumalik siyang kasama ang dalawang sundalong mga mukhang maton.

“Let’s go,” utos ng kapita.  Dinala ng mga sundalo sina Sebyo sa isang madawag na lugar.   Tumigil sila sa ilalim ng isang mataas at masangang puno. Nagsimula nang lumubog ang araw.

Lumapit ang kapita kay Sebyo.  “Nasaan ang kasamahan n’yo at ilan sila?”  tanong ng kapitan.

Naumid si Sebyo.  Naalala niya ang sagot ni Crispin sa opisyal sa gubat. Kailangang pareho ang sagot namin, anya sa sarili, bagamat nag-aalala siya na baka suntukin siya katulad ng ginawa kay Crispin.

“Dalawa lang po kami, wala kaming ibang kasama,” sagot niya.  Hinintay niyang tumama ang suntok sa kanyang mukha, pero hindi siya sinuntok  ng kapitan.  Sa halip, sinenyasan nitong lumapit ang dalawang tinatawag na Valdez at Ibay.  Si Ibay na may dalawang dos por dos ay pumorma sa harapan ni Sebyo. Nang makita ni Sebyo ang balak ng sundalo ay nawala ang kanyang takot, nahalinhan iyon ng galit na nagpatibay sa kanyang kalooban.  Sinulyapan niya si Crispin na nakakunot ang noo at waring inaantabayanan ang malaking kapahamakang darating.

“Nasaan ang kasamahan n’yo?” tanong muli ng kapitan.

“Kami lang…” sabi ni Sebyo, at bago matapos ang kanyang salita ay naramdaman niya ang hataw ng dos por dos na tumama sa kanyang tiyan. Nanghina ang kanyang tuhod at lumupaypay siya.  Pilit siyang itinayo ni Valdez, ngunit wala na siyang lakas.

“Ilan kayo?” narinig niyang muli habang umiikot ang kanyang paningin, ngunit sa pagkakataong ito ang tinig ng kapitan ay waring nagmumula sa malayo.

“Kami lang po,” anya sa mahinang tinig.

“Bigyan mo ng pampagising ‘yan, Valdez.”

Ibinagsak ni Valdez sa lupa si Sebyo.  Hinawakan ni Ibay si Sebyo sa  dalawang braso, itinayo iyon, at iniharap  kay Valdez. Nang tangkain ni Sebyong itaas ang nakalungayngay niyang ulo, sinalubong iyon ng Valdez ang isang malakas na hampas ng kamao sa kaliwang mukha.  Niyanig si Sebyo at naramdaman niyang namanhid ang kanyang mukha.  Nakaramdam siya ng tadyak sa dibdib, pagkatapos ay sunud-sunod na suntok sa mukha at katawan.

“Nasaan ang mga kasamahan n’yo? Ilan kayo?” muling narinig ni Sebyo, ngunit hindi na siya makasagot. Ni hindi na niya maintindihan ang tanong.  Sarado na ang dalawa niyang mata, tumutulo ang dugo sa kanyang labi, at nabungi ang ilang niyang ngipin.  Nang makita ang kapitan na mahina na si Sebyo ay sinenyasan si Ibay. Binitiwan ni Ibay si Sebyo at bumulagta iyon sa damuhan.  Nasa bingit na si Sebyo ng pagkawala ng malay. Hindi na niya nalalaman kung ano ang nangyayari sa paligid, pero naririnig niya ang mga kaluskos sa paligid, ang ungol ng isang tinig, at iyon ay pumapasok sa sulok ng kanyang utak.

 

 

*****

 

Madaling-araw nang maramdaman ni Sebyo na nasa loob siya ng isang trak, nakatali ang mga kamay at paa.  Namalayan niya si Crispin na isang sulok ng trak, nakaupo at nakatali rin ang mga kamay at paa.  Sa harapan nila ay may isang sundalong nakabantay, hawak ang isang armalayt.

Bandang alas singko ay mga sundalong nagsisakay sa trak.  Nang mapuno ang trak ay umandar na ito. Napansin ni Sebyo na paalis na ang buong kumpanya sa lugar na iyon.  Ang trak nina Sebyo ay sumusunod sa dalawang dyip, at sa kanilang likuran ay may nakasunod na tatlo pang trak. Di nagtagal ay dumaan sila sa baryo Tunisan.  Napatay kaya nila sina Menong? Isip ni Sebyo habang pinagmamasdan ang mga sundalong kaharap niya.  Pero wala akong nakitang bangkay kanina, siguro nakatakas sina Menong. Sayang, kung hindi ako sumama sa sapa ay kasama siguro ako nina Menong ngayon sa base.  Tiningnan niya si Crispin at napansin niya ang malaking sugat nito sa pisngi.

Hapon na nang dumating sila sa isang malaking kampo.  Fort Magsaysay, ayon sa karatulang nakita ni Sebyo sa tarangkahan.  Tumakbo ang mga trak sa isang mahabang aspaltadong kalye sa loob ng  kampo.  Tumigil sila sa harap ng isang baraks.  Kinalag ng bantay ang tali sa mga paa nina Sebyo at Crispin at itinulak niya ang dalawang bihag palabas ng trak.  Paika-ikang naglakad sina Sebyo kasunod ang bantay hanggang makarating sila sa isang mahabang gusaling kulay berde di kalayuan sa baraks. Pumasok sila sa loob, at isang opisina na may apat na mesa ang bumungad sa kanila.  Sa isang bahagi ng opisina ay may mahabang pasilyo. Sa isang mesang malapit sa pasilyo ay may nakaupong opisyal, at napaangat ang mukha nito nang pumasok sina Sebyo. Lumapit sa kanya ang bantay nina Sebyo at sumaludo.

“Sir, ito na po ‘yung dalawang bihag na itinawag ni Captain Montilla,” sabi ng bantay.

“Salamat, sarhento,” sabi ng opisyal na bilugan ang mukha at mapula ang mga mata.  “We will interrogate the prisoners once more.  Dalhin sila sa Blue Room,” at sinenyasan nito ang dalawang sundalong naroroon.  Nagpaalam na sa opisyal ang bantay nina Sebyo.

Itinulak ng dalawang sundalo sina Sebyo at Crispin at lumakad sila sa mahabang pasilyo.  Napansin ni Sebyo na sa magkabilang panig ng pasilyo ay may mga pintong bakal at may ga-dangkal na bintana sa pinto.  Pagdating sa dulo ng pasilyo ay lumiko sila sa kaliwa at humantong sa isang bakal na hagdanan patungong ibaba.  Sa ibaba ay bumungad kina Sebyo ang apat na pintong kulay asul.  Walang pinta ang mga sementadong dinding sa lugar na ito, ngunit ang mga pinto ay kulay asul.  Pumasok sila sa ikalawang pinto at sinindihan ng isang tanod ang ilaw.  Sa loob ng kwarto ay may mga bangko at bangkito, at sa gitna ay may malaking lamparang nakapatong sa isang mesa. Sa gilid ng kwarto ay may isa pang mesang kinapapatungan ng kung anu-ano: mahabang goma, boteng may kung anong laman, posporo, lyabeng bakal, at iba pa.  May lababo malapit sa nasabing mesa.

Pinaupo ng dalawang gwardya sina Sebyo at Crispin sa isang bangko. Maya-maya’y dumating ang opisyal na may mapulang mata, kasama ang apat na sundalo.

“Put this one on cell 16,” sabi ng opisyal sa dalawang gwardya sabay turo kay Crispin. “And then you guard can go after that.”

“Yes, sir,” sabi ng dalawang gwardya, at inilabas ng mga ito si Crispin.

Sinenyasan ng opisyal ang dalawang sundalo at hinila ang mga ito si Sebyo mula sa bangko at iniupo sa isang bangkito.  Sinindihan ng opisyal ang lampara at inilapit iyon sa mukha ni  Sebyo.

“Lieutenant Aguinaldo, you can start the questioning,” sabi ng opisyal  sa isang batambatang sundalo.  Heto na naman kami, isip ni Sebyo habang pinakikiramdaman ang kumikirot niyang mga pasa.

“Ano’ng pangalan mo?” narinig niyang tanong.

“Eusebio Payawal po.”

“Taga-saan ka?”

“Sa Tunisan, Sta. Monica,” ang sagot na lumabas kay Sebyo.

“Myembro ka ba ng NPA?”

“Hindi po.”

“Bakit ka nahuli malapit sa isang kampo ng NPA?”

“Ewan ko po. Kami ay nangangaso lang ng kaibigan ko.”

“Magsabi ka ng totoo.”

Hindi sumagot si Sebyo.  Sinenyasan ni Tinyente Aguinaldo ang mga sundalong kasama niya.  Kumilos ang isa at hinubaran ng polo shirt si Sebyo.  Ang isa naman ay kumuha ng tali sa mesa at itinali ang mga paa ni Sebyo. Binuhat ng dalawang sundalo si Sebyo at pinahiga sa isang malapad na bangko.

“Aminin mo nang kasapi ka ng NPA,” sabi ng tinyente habang nagsisindi ng sigarilyo.

“Hindi ho ako kasapi,” sagot ni  Sebyo.

Biglang idinutdot ng tinyente ang baga ng kanyang sigarilyo sa isang paa sa dibdib ni Sebyo.  Napaigtad si Sebyo sa sakit.  Pinaso ulit siya sa ibang bahagi ng katawan.  Nagpipiglas siya sa pagkakatali. Pinigilan siya ng dalawang sundalo.

“Anong kampo ang lulusubin n’yo?”

“Wala ko akong alam d’yan.” Hinubaran si Sebyo ng pantalon ng isang sundalo at ibinaba ang brief niya.

“Anong kampo ang target n’yo?”

Hindi ko alam ‘yan.” Pinaso ng tinyente ng sigarilyo ang bayag ni Sebyo, matagal. Napasigaw si Sebyo sa sakit.

“Magsabi ka ng totoo,” sabi ng tinyente.

Hindi nakasagot si Sebyo sapagkat tinitiis pa niya ang sakit ng paso sa kanyang bayag.  Muli siyang pinaso ng tinyente.  Sumigaw si Sebyo at nagsisipa.  Hinampas siya ng lyabe sa mukha ng isang sundalo.  Umagos ang dugo sa kanyang pisngi. May nagbigay sa kanya ng tadyak sa tagiliran.

“Magtapat ka!” sigaw ng tinyente.

Hindi mapagsalita si Sebyo dahil sa pangangapos ng hininga. Sunud-sunod na suntok, sipa at paso sa katawan ang kanyang inabot, at hindi na niya namalayan ang mga pangyayari. Ungol na lang ang narinig sa kanya ng tinyente.

“Matigas ang ulo. “Yun namang isa,” sabi ng tinyente.

Kinalag nila ang mga tali ni Sebyo, sinuotan ng damit at pinatindig.  Hindi makagulapay si Sebyo dahil sa hirap na kaya kinailangan siyang alalayan ng dalawang sundalo. Tumigil sila sa isang selda at binuksan iyon ng isang sundalo. Pasalyang itinulak si Sebyo sa loob at padapang bumagsak siya sa sahig na semento.  Kumalampag ang pinto ng selda nang  sarhan ito.  Inihiga ni Sebyo ang kanyang likod sa malamig na semento na bahagyang nakapawi sa sakit ng kanyang mga pasa.      Walang ilaw sa selda. Umiikot pa ang kanyang malay dahil sa tinamong bugbog. Naalala niya ang sinabi ni Pedring: Kapag dukha at di kilala ang tao, walang pakundangan ang tatamuhin niyang paglapaspatangan at pang-aapi.

Biglang bumungad sa kanyang malay ang mukha ng kanyang ina na nagdarasal, si Cris na katabi ng kanyang nanay, ang kanyang tatay sa tabi ng radyo, si Celia habang kasama niyang umiigib ng tubig.  Umiikot ang kanyang guni-guni. May naramdaman siyang luhang tumutulo mula sa kanyang namamagang mga mata.  Ngayon lang siya nakadama ng ganitong awa sa mga taong malapit sa buhay niya, isang awa na dahan-dahang gumagapang sa kanyang buong katawan, isang  damdaming nagbibigay sa kanya ng panibagong lakas at pagnanasa na huwag mamatay.  Maya-maya’y nakaidlip siya, ngunit madali rin siyang nagising dahil sa naramdamang kirot sa katawan.  Kumurap siya at nabanaagan niya ang ilaw sa labas ng selda.  Tumingin siya sa paligid.  Dahan-dahang nagkahugis ang kanyang paningin ang anyo ng isang taong nakaupo sa isang katreng nakakabit sa dinding.  Nakatingin iyon sa kanya.  Naalala niyang muli si Celia at ang huli nilang pagkikita.   Nakaramdam siya ng gutom  at naalala niya ang masasarap na pagkaing inihain ni Celia.  Iyon ang pinakamasarap na kainang naranasan niya sa buong buhay niya. Nakaramdam siya ng hilo at pumikit siya. Hindi niya namalayan, muli siyang nakatulog.

Kinabukasan, nagising si Sebyo sa ingay ng bumukas na pintuang bakal. “Pagkain!” narinig niyang sabi at muling sumara ang pintuang bakal.  Tinangka niyang bumangon, ngunit makirot ang kanyang mga pasa at sugat.   Napansin niyang may nakatindig sa kanyang harapan.  Hinawakan siya nito sa magkabilang braso at tinulungang makatayo.  Tiningnan niya ang mukha ng umalalay  at nagulat siya.

“Ka Dencio?”

“Oo. Kumusta ka, Sebyo?” Inalalayan nitong makaupo si Sebyo sa katre. “Kumain ka,” sabay abot ng pinggang may lamang kanin at isang pirasong tuyo.

“Salamat,” sabi ni Sebyo at sinimulang kamayan ang pagkain.

“Bakit ka narito?” tanong ni Dencio.

“Umalis na kami sa Tunisan,” sagot ni Sebyo, at isinalaysay niya ang pagkakadakip nila ni Crispin.  Nakaramdam ng kaunting lakas si Sebyo nang malamnan ang tiyan.

“Sumama ka na lang sa pagtakas na binabalak namin,” bulong ni Dencio sa kanya.

Hindi nagdalawang-isip si Sebyo. Alam niyang maaasahan niya ang lider manggagawa.

Ayon kay Dencio ang pagtakas ay itataon sa iskedyul ng pagdadala ng mga preso sa bundok Arayat upang magtibag ng bato na hinahakot ng mga trak pabalik sa kampo.  Sabi niya ay may isang gwardya na asawa ng pinsan ng misis niya. Diumano’y sawa na ito sa pagsusundalo at gusto na lang magtayo ng maliit na negosyo.  Pero wala itong pera, kaya nang alukin ng misis ni Dencio ng isang ektaryang lupa kapalit ng paglaya ni Dencio ay pumayag iyon na tulungang tumakas si Dencio at ang mga kasamahan nito.  “Pagtakas natin,” patuloy ni Dencio, “hahanapin natin si Menong.  Alam mo kung saan sila hahagilapin.”

Tumango si Sebyo bago nagtanong, “Paano n’yo babayaran ang gwardya? Saan kukuha ng pambayad?”

“Bahala si misis.  May ipinamanang lupa sa kanya ang mga magulang niya.  Iyon ang binabalak niyang ibigay sa gwardyang asawa ng kanyang pinsan.”

Nang mga sumunod na araw ay unti-unting napawi ang sakit sa katawan ni Sebyo at nabawi niya ang kanyang lakas.  Sumama na siya sa ehersisyo ng mga preso tuwing umaga na ginaganap sa bakuran ng bilangguan.  Isang araw, habang nagpapaaraw si Sebyo, nakita niyang pumasok sa kampo ang isang dyip at bumaba ang Amerikanong si Carvell, na nakita niyang naging panauhin ni Donya Anita noong kaarawan nito.  Kasunod ni Carvell ang dalawa pang Amerikanong nakauniporme ng kaki, at pumasok sila sa general headquarters ng kampo.  Naging palaisipan kay Sebyo kung ano ang ginagawa ni Carvell sa lugar na iyon.  Ito siguro ang sinasabi nina Menong na pakikialam ng mga Amerikano sa militar ng Pilipinas, isip ni Sebyo.

Dumating ang araw ng kanilang pagtakas. Sakay ng apat na trak na may tigtatatlong gwardiya, dinala ang mga preso sa tibagan ng bato sa bundok Real.   Bukod dito, tatlo pang trak na walang laman ang sumusunod sa kanila.  Iyon siguro ang paglalagyan ng mga batong hahakutin, isip ni Sebyo.

Tumagal ng dalawang oras ang byahe.  Ang pinuntahan nilang lugar, bagamat mabato, ay matataas ang talahib at maraming puno ng kawayan sa paligid.  Pinaghiwa-hiwalay ang pwesto ng mga preso.  Sina Sebyo, Dencio, Crispin at apat pang bilanggo ay lumakad sa gawing kanluran kasunod ang gwardyang kasapakat ni Dencio.  Nang hindi na sila natatanaw ng ibang grupo ay pinahinto sila ng gwardya.

“Lumayo pa tayo nang kaunti,” sabi ni Dencio sa gwardya.  Nang makarating sila malapit sa isang tumpok ng kawayan ay sumenyas si Dencio.  “Pwede na rito,” anya. Nagtinginan ang mga preso.  Alam na nila kung ano ang mangyayari.

“Sige, Ben ikaw ang magaling pumalo,” sabi ni Dencio sa isang preso.  Pumili ang preso ng isang batong kasinlaki ng talampakan ng tao. Ang gwardya naman ay nag-alis na ng kanyang helmet.

“Huwag mong gaanong lakasan at baka matuluyan ako,” sabi ng gwardya.  Pumikit ito at hinintay ang mangyayari.  Maingat na sinapok siya ni Ben ng bato sa pagitan ng leeg at ulo sa may likod ng tenga.  Lumupasay sa lupa ang gwardya.  Kinuha ni Crispin ang armalayt nito.

“Tayo na,” sabi ni Dencio. Nagtakbuhan ang mga preso patungo sa madawag na bahagi ng Arayat.  Mainit ang sikat ng araw, ngunit sariwa ang hanging nagmumula sa bundok, at ang anino ng mga kawayan ay nagsisisayaw sa ibabaw ng mga bato.  Sa malayo, naririnig ng mga tumatakas ang pagtitibag ng bato.

Tatlong araw din silang naglakbay.  Dahil mas kabisado ni Crispin ang daan, siya ang naging giya ng grupo.  Umiwas sila sa mga kalsada at bayanan.  Nagdaan sila sa mga gilid ng bukiran at mapunong lugar.  Sa mga kaingin, may mga mumunting kubong ginagamit nilang pahingahan.  Kung minsan, may inaabutan silang magsasaka sa kubo at nahihingian nila iyon ng konting pagkain.  Paminsan-minsan ay natutulog sila sa liblib na bahagi ng gubat upang huwag kaagad silang makita kung sakaling may taong maliligaw sa gawi  nila. Nanghuhuli sila ng hipon sa mga sapang kanilang dinaraanan, o kaya’y namimitas ng mga ligaw na prutas sa gubat upang may makain.

Pagkaraan ng ikatlong araw, nakarating sila sa paanan ng bundok Sierra Madre. May mga kalahating araw pa silang naglakad bago sila huminto sa inaakala nilang posibleng daanan ng mga gerilya.  Sumipul-sipol si Crispin upang makatawag ng pansin, ngunit walang sumasagot sa kanila. Bandang hapon, namitas sila ng mga bunga ng yantok na niluto nila at mininindal. Nang papalubog na ang araw ay nawalan na ng pag-asa ang mga preso na makakita ng mga gerilya.  “Magpalipas muna tayo ng gabi rito,” sabi ni Crispin.  “Kung hanggang bukas ng umaga ay wala pa tayong makita, medyo papasok pa tayo sa gubat.

Ngunit nang magsimulang lumatag ang dilim ay may lumitaw na dalwang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Tinanong ng mga mandirigma kung sino sila at kung ano ang ginagawa nila sa lugar na iyon.  Lumapit sa kanila si Crispin at nakilala nila ito.  Ipinakilala ni Crispin ang grupo at ikinwento ang pangyayari.  Sinamahan sila ng dalawang gerilya sa ibang temporaryong himpilan ng isang yunit ng mga gerilya. Doon ay naabutan nila ang isang iskwad na nagtatayo ng tent.  Nagpainit ng kape ang mga gerilyang inabutan nila at pinahigop ang mga bagong dating. Parang guminhawa ang pakiramdam ni Sebyo nang masayaran ng mainit na kape ang kanyang sikmura.

“Dito muna tayo. Bukas, pupunta tayo sa himpilan ng platun,” sabi ng isang gerilya.  “Doon ka na rin mag-report, Ka Crispin. Pagtiisan n’yo lang muna ang mga lamok ngayong gabi.”

Kinabukasan, pagkatapos magkape at mag-almusal ng bunga ng yantok, dinala sina Sebyo sa himpilan ng platun.  Ang lugar ay nasa gitna ng makakapal na puno. Hinawan ang lugar ng tinatayuan   ng mga kubo, at sa pinakagitna ay naroroon ang isang malaking tent na siyang pinakakusina. Natanaw ni Sebyo sina Menong at Pedring na papalapit na papalapit sa kanila.  Napangiti siya at parang nawala ang lahat ng kanyang pagod.  Kinamayan nina Menong ang mga  bagong dating.

“Mabuti’t nabuhay pa kayo,” bati ni Menong kina Sebyo at Crispin.

“Akala nga namin ay napahamak na rin kayo, dahil matindi ang narinig naming putukan,” sabi ni Sebyo.

Nalaman ni Sebyo na sina Menong ay nakalusot nang walang napinsala sa kanila.  Nabalitaan din niya na dahil sa galit ng mga PC, pinuntahan ng mga ito ang baryo Tunisan at doon naghanap ng NPA.  May mga taga-Tunisan na sinaktan ng mga sundalo, at nagalit si Pilosopong Igme nang makita ito.  Pinagsabihan ni Pilosopong Igme ang mga sundalo, at ito ay kanilang  ikinagalit. Isa sa mga sundalo ang napikon at binaril si Pilosopong Igme, matapos pagbintangang komunista.  Naawa si Sebyo sa sinapit ng kababaryo.

Lumapit si Menong kay Dencio  at binati ito. “Kumusta kayo, Ka Dencio? Alam n’yo, mabilis na nakarating dito ang balita ng pagtakas n’yo, kaya inaasahan namin na isang araw ay darating na lang kayo rito.  Ngayong gabi ay magkakaroon tayo ng selebrasyon para sa inyong pagdating.”

 

*****

Umaga ng pangalawang araw ng kanilang pagtigil sa base, nilapitan ni Pedring si Sebyo. “Mamayang hapon, pagkapananghali, sumama ka sa grupo ng pag-aral,” ani Pedring.

“Tungkol saan?” tanong ni Sebyo.

“Tungkol sa Bagong Hukbong Bayan at sa kilusan.  Narito tayo ngayon sa base ng hukbong bayan.  Lahat ng narito ay may  isang layunin, ang lumalaban sa hukbo ni Marcos at tapusin ang paghihirap ng mamamayan sa pamamagitan ng pagtatayo ng bagong pamahalaan.” Ipinaliwanag ni Pedring na ang hukbo ni Marcos, o ang AFP, ay nagtatanggol sa interes ng mayayaman at naghaharing uri.  Sinusupil nito ang hangarin ng mamamayan ang sarili nitong hukbo at iyon ay walang iba kundi ang  BHB, na kilala rin sa tawag na New People’s Army on NPA.

Ang lugar na pagdarausan ng pag-aaral ay sa ilalim ng isang punong manggagawa sa tabi ng isang bahay kubo. Ipinakilala ni Pedring si Sebyo sa grupo. Anim silang sa grupo, limang lalaki at isang babae.  Nakaupo sila sa dalawang magkaharap na mahahabang bangkitong kawayan.  Ang instruktor, isang payat at mataas na lalaki, ay nakaupo sa hiwalay na maikling bangkito.  Nagpakilala siya sa pangalang Menti.  Siya ay dating manggagawa sa isang pabrika sa Maynila na pag-aari ng isang Amerikano.  Babalik siyang muli sa Maynila pagkatapos ng tag-araw upang mag-organisa sa hanay ng mga manggagawa.

“Bago tayo tumungo sa ating pag-aaral  ay dapat sigurong magkakilala muna tayo nang husto,” ani Menti.  “Bibigyan natin ang bawat isa ng pagkakataon na maglahad ng kanyang nakaraan—ang kanyang uring pinagmulan, mga trabahong pinasukan, at mg kadahilanan kung bakit nais niyang maging kasapi ng BHB.”

Nagsimulang maglahad ang isang dating manggagawa. Palipat-lipat siya ng trabaho sapagkat mababa lang kanyang tinapos na pag-aaral. Nasubukan niyang maging piyon, dyanitor, kargador, at iba pa.  Ang sahod niya ay kulang pang pambayad sa utang. Namatay ang isa sa tatlo niyang anak dahil wala siyang pambili ng gamot. Madalas silang  mag-away na mag-asawa dahil sa kakapusan ng pera.  Bandang huli, lumayas ang kanyang asawa, tangay ang dalawa nilang anak, at umuwi sa probinsya.  Halos wala na siyang pag-asa sa buhay nang makatagpo niya ang isang dating katrabaho sa konstruksyon na  naging isang  aktibista. Sumama siya roon at iyon ang simula ng pagbabago sa kanyang buhay.  Nang  lumaon, ipinasya niyang sumapi sa hukbong bayan.

Ang ikalawang nagpakilala ay isang magsasaka.  Wala siyang asawa, walang tinapos na pag-aaral.  Nakikisaka siya sa isang bahagi ng limampung ektaryang lupaing pag-aari ng isang taga-Maynila.  Marami silang kasama sa lupaing iyon. Nang dumating ang isang pangkat ng NPA sa kanilang baryo, madali niyang naunawaan ang kanilang sinasabi sapagkat kongkreto niya itong nadarama.  Madali rin siyang nakapagpasyang sumapi sapagkat wala siyang nakikitang kinabukasan sa kanyang kalagayan.

Ang pangatlong nagsalita ay ang babae sa kanilang grupo. Dati siyang labandera. Maagang namatay ang kanyang asawa.  Patay na rin ang kanyang ama, kaya siya ang sumusuporta sa kanyang ina at sa kanyang anak na anim na taong gulang. Nang mamatay ang kanyang ina, umuwi siya sa kanilang probinsya para kahit papaano ay may mga kamag-anak na titingin sa kanila.  Natuto siyang  makiani sa bukid.  Minsan ay may dumaang isang iskwad ng NPA sa kanilang bahay.  Ang babae sa iskwad ay humingi ng maiinom, at pagkatapos ay nakipagkuwentuhan sa kanya.  Lumalim ang gabi at doon na nakitulog ang iskwad.  Takot na takot siya, hindi sa NPA sapagkat nakita niyang mababait naman ang mga ito, kundi sa mga sundalo o ahenteng makakakita sa kanila. Nang sumunod na araw ay bumalik ang babae at tumulong sa kanyang mga gawain sa bahay at sa pag-aalaga sa kanyang anak.  Bandang huli ay itinuring na niyang parang kasambahay ang babaeng NPA. Paminsan-minsan ay dumarating na grupo roon at nagdaraos ng talakayan.  Nakikinig siya sa talakayan at nagsimulang maunawaan niya ang kanyang kalagayan.  Bandang huli, sumapi na rin siya sa NPA. Kasama niyang pumasok sa base ang kanyang anak.

Nang si Sebyo na ang magsasalita ay nag-alanganin siya sa kanyang mga sasabihin. Hindi niya malaman kung ipagtatapat niya ang kanyang pagiging magnanakaw.  Umiral ang kanyang pagka-dungo at sinabi na lang niya ang kanyang mga karanasan sa pagtitinda ng dyaryo at pagpasok sa karnabal, pati ang pagtira niya kin Menong at pagtatrabaho sa bukid.   Ikinwento rin niya ang pagsasamantala ng mayayaman sa mahihirap, tulad ng pagwasak sa welga ng mga trabahador at pagpapalayas sa kanila sa lupain ni Don Benito. Iyon ang mga dahilan kung bakit naipasya niyang sumapi sa NPA.  Gayunman, hindi mapalagay si Sebyo sa kanyang sinabi.  Ang pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat sa isang maaliwalas na pamumuhay.  Itinuturing niya na siya ay talagang sa kalagayan nababagay ng mga dukha at walang halaga ang kanyang pagkatao.

Sa mga sumunod na talakayan, nalaman ni Sebyo na bago nabuo ang NPA at may dating hukbo na kung tawag ay Hukbong Mapagpalaya  ng Bayan o HMB, na kilala sa tawag na Huk, ngunit ang mga ito ay nabuwag ng kaaway.  Ang pumalit na NPA ay kaiba sa dating Huk.  Hindi lamang lantay-pananaw militar ang pakay nito, tulad ng pagtulong sa produksyon.  Bawat baryo na nauugnayan nila ay kailangang organisahin sa isang pambaryong asosasyon.  Kapag nakuha na nila ang suporta ng isang baryo, kailangang tulungan ang baryo na paunlarin ang gawaing pamproduksyon.  Hangga't maaari, ang NPA ay kailangang umasa sa sarili pagdating sa usapin ng pagkain, kaya kailangan itong magbuo ng mga sariling yunit pamproduksyon.

Mahigpit na ipinatutupad ang pinakamabuting pakikitungo sa masa na hindi nagawa ng Huk.  Huwag magsamantala sa babae, kahit na ang babae ang unang magyaya.  Bayaran ang anumang nasira at isoli ang anumang hiniram.

Ang NPA ay pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas na ang layunin ay wakasan ang tatlong suliraning ng sambayanang Pilipino—ang imperyalismong Amerikano, pyudalismo, at burukratang kapitalismo.  Ang taglay na pananaw ng Partido ay ang tinatawag na Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong, na siyang pananaw ng proletaryado.  Ang manggagawa ang siyang pinakaprogresibo at pinakarebolusyonaryong uri sa kasalukuyang antas ng pag-unlad ng lipunan.  Ang uring manggagawa ang taliba ng rebolusyon.

Ito ang natutunan ni Sebyo sa kanilang pag-aaral sa pangunguna ni Menti.  Sa mga sumunod na araw, bagamat naging panatag ang loob ni Sebyo  sa kanyang kolektiba, madalas na bunga ng kanyang agam-agam ang pagiging dating magnanakaw.  Karapat-dapat ba siya sa kilusan?  Hindi ba ang magnanakaw ay kaaway ng mamamayan? Ngunit ang pagkabalisang ito ay napawi nang minsan ay mapag-usapan nila ang tungkol sa mga walang trabaho, yaong mga palaboy at kriminal ng lipunan na tinatawag ni Marx na mga lumpeng proletaryado. Ani Menti, ang mga ito ay produkto ng hindi makatarungan at mapaniil na lipunan.  Walang taong gustong maging kriminal kung mabibigyan ng pagkakataong mabuhay nang tama.

Sa mga narinig na ito ni Sebyo, nagkaroon siya ng bagong pananaw. Ngayon ay mas masigla na ang pakikilahok niya sa mga diskusyon. Naging mapagtanong siya upang mailagay ang sarili sa sitwasyong nakapagbibigay sa kanya ng pagtatangi sa sarili.

Sumunod ang pagsali ni Sebyo sa isang tatlumpu-kataong grupo upang magsanay sa paggamit ng iba’t ibang uri ng armas. Itinuro sa kanila ang paghagis ng granada, bagamat wala silang pinasabog sapagkat kapos pa sa kagamitang pandigma ang NPA.  Kagrupo ni Sebyo sina Pedring at Choding.  Madaling matuto si Choding, puna ni Sebyo, at matatag ang loob sa paghawak ng armalayt. Napapahiya siya sa sarili kapag naaalala niya ang kanyang takot na baka mag-backfire ang baril at tumama sa kanya.  Gayunman, nakagamayan din niya ang pagpapaputok ng sandata.  Sa wakas, inisyuhan siya ng isang armalayt at itinuring niya itong isang kaibigan.  Alaga niya ito sa linis at langis.

Napaloob si Sebyo sa isang iskwad na may labindalawa katao, pitong lalaki at limang babae.  Kasama niya rin dito sina Pedring at Choding.  Ang kanilang kumander ay isang maliit na lalaking may tatlumpung taong gulang.  Siya ay nagsimula sa isang baryo malapit sa Tunisan.  Ang kanilang political office o PO ay si Menti, na siyang responsible sa pampulitikang edukasyon ng buong iskwad.

Sa pamamagitan ni Menti, natutunan ni Sebyo ang mga aral ni  Mao Zedong, ang namuno sa rebolusyong Tsino patungo sa tagumpay.  Ang pinakaaklat nila ay isang koleksyon ng limang maikling artikulo ni Mao Zedong at tinawag na Limang Gintong Silahis. Dito nakasaad kung paano ang pakikitungo at paglilingkod sa masa, ang pag-iwas sa mga ugaling nakasasama sa pagkakaisa ng mga kasapi ng NPA at ng masa.

Ang iskwad ni Sebyo ay isa sa mga tinatawag na Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) na ang pangunahing tungkulin ay mag-organisa ng mga tao sa baryo at hikayatin ang mga ito na sumanib o sumuporta sa NPA. Sa simula ay humahanap sila ng mga kontak sa baryo at binubuo nila ang mga ito sa isang Komiteng Tagapag-organisa ng Baryo.  Kapag matatag na ito at may malawak nang suporta sa baryo, nagdaraos ng eleksyon upang piliin ang mga kinatawan ng Rebolusyonaryong Komite ng Baryo.

Ang SYP ay kaiba sa regular na yunit ng NPA ang pangunahing tungkulin ay gumawa ng limitadong opensiba o pananalakay sa kaaway, kagaya ng pag-ambus. Ang regular na yunit ay pumapasok sa isang baryo kung ito ay napatatag na ng SYP. Pagpasok ng regular na yunit sa baryo, kadalasan ay nabuo na ang masa ang mga sumusunod: pambaryong samahan ng mga magsasaka, samahan ng kabataan, samahan ng kababaihan, at samahan ng mga bata.

Organisa! Ito ang tumimo sa isip ni Sebyo sa buong panahon ng pagkilos niya sa SYP.  Mahalaga ang pag-oorganisa. Kung walang organisasyon, walang lakas ang masa, walang pagkakaisa, at walang sama-samang pagkilos.

 

*****

Pagkatapos ng dalawang buwang pag-aaral at pagsasanay-militar, inatasan ang iskwad ni Sebyo na organisahin ang isang baryo na kung tawagin ay Putol  sa may paanan ng Sierra Madre.  Isang taga-Baryo Putol, si Tasyo, na ngayon ay kasapi ng iskwad, ang nagsagawa ng panimulang pagsisiyasat. Siya rin ang ugnay ng tatlong lokal na kontak na bubuo ng Komiteng Tagapag-organisa sa Baryo.

Limang oras na naglakad sina Sebyo pababa ng bundok bago sila nakarating sa bukana ng Baryo Putol.  Tumuloy sila sa isang kubo na nasa pagitan ng gubat at ng isang maliit na bukid na sinasaka ng ama ni Tasyo, si Apo Dencio.  Bukod sa pagsasaka, si Apo Dencio ay umekstra din bilang karpintero.

Ayon sa plano, ang iskwad ay titigil muna sa nasabing kubo habang inaayos ang binuong komiteng tagapag-organisa sa baryo.  Nagtayo ang iskwad ng isa pang kubo malapit sa kubo ni Apo Dencio.  Tumulong ang iskwad sa pagsasaka ng bukid.  Dahil malayo sa sentro ng baryo, walang gaanong taong nagagawi sa lugar na iyon, at ang pagtigil doon ng iskwad na NPA ay nalingid sa kaalaman ng mga taga-Baryo Putol.

Sa ikalawang gabi ng pagtigil ng iskwad sa baryo, dumating si Tasyo na may kasamang isang matabang babae.  Ipinakilala ni Tasyo ang babae sa ngalang Aling Parang, na siyang kapitan del baryo ng Putol.  Lumapit ang babae sa ama ni Tasyo.

“Apo Dencio, may  ipagagawa sanang dalawang mesa ang manugang ko,” ani Aling Parang. “Pumunta kayo sa amin sa makalawa.”

Pagkatapos ng kumustahan, kinausap ni Menti si Aling Parang. Iniulat ng babae na may sampung katao na ang komiteng tagapag-organisa. May ilan ding taga-baryo na naghihintay ng atas na itatakda ng komite.  Sinimulan na rin ang pagbubuo ng mga samahan ng magsasaka, kababaihan at kabataan.

Tinanong ni Menti kung may mga delikadong elemento na maaring maging ispya sa baryo.  “May isa, ngunit hind kami nakatitiyak kung talagang bayaran siya ng PC,” wika ni Aling Parang.

Bago umalis si Aling Parang, napagkaisahan ng grupo na pupunta ang kumander ng iskwad, si Tiago, at tatlo pang kasama sa bahay ni Aling Parang sa susunod na gabi.

 

*****

Ang kubo ni Aling Parang ay nasa dulo ng Putol.  Malaki ang kanyang kubo kumpara sa karamihan ng mga kubo sa baryo.  Maraming alagang kambing ang kapitana na ikinukulong sa tabi ng kubo kung gabi. Labing-apat katao, apat na babae at sampung lalaki, ang nagsisiksikan sa pinakasala ng kubo.  Ang karamihan ay nakaupo sa mga bangkito, at may ilang nakaupo sa sahig na kawayan.  Bandang alas nuwebe ng gabi nang dumating si Tiago kasama sina Tasyo, Menti at Sebyo. Isinama ni Menti si Sebyo sapagkat gusto niyang matuto ito sa pakikipanayam sa mga tao.

Pagkatapos ng pagpapakilanlan, nagsimulang magpaliwanag si Tiago kung ano ang NPA.  Isang babae, na ayon kay kapitana Parang ay lider ng mga kabataang kababaihan sa Putol, ang nagtanong kung maaari din silang maging mandirigma.

“Sa loob ng NPA, pantay ang pagtingin sa babae at lalaki,” sagot ni Tiago. “Maaari ding humawak ng armas ang isang katulad mo.”

Gustong malaman ng mga taga-Putol kung ano ang maggagawa ng NPA sa kanilang baryo.  Sinabi ni Tiago na tutulong sila sa pagpapalakas ng mga samahang itatatag sa Putol. Kailangang palakasin ang pagkakaisa ng mga magsasaka laban sa mga panginoong maylupa.  Ayon sa pagsisiyasat na ginawa ng kanilang iskwad, dalawampung porsyento ng mga naninirahan sa baryo at nakikisaka sa lupain ng isang panginoong maylupa na naninirahan sa Maynila.  Bukod dito mayroon ding nag-aalaga ng lupa ng mga panggitnang magsasaka.  Ang karaniwang laki ng mga lupaing ito ay mula lima hanggang dalawampung ektarya.  Apat sa mga ito ay naninirahan sa bayan ng San Isidro na sumasakop sa Putol.

“Kung mapauunlad ang mga samahan dito ay hindi madaling magugulangan ng panginoong maylupa ang mahihirap na magsasaka,” sabi ni Tiago. Idinugtong niya na ang layunin ng Partido Komunista ng Pilipinas ay maglunsad ng malawakang repormang agraryo na mamamahagi ng libreng lupa sa mga kasama.

Halos ala-una na ng madaling-araw nang matapos ang pulong at magbalik ang grupo nina Sebyo sa kubo nina Tasyo.  Nang mga sumunod na araw, marami pang pulong ang dinaluhan ni Sebyo.  Di naglaon, naitatag ang isang  samahan ng mga magsasaka sa Putol.  Pinairal nila ang kooperatibismo sa produksyon. Tulung-tulong sila sa pag-aalaga ng mga lupain, lalo na kung ang isa nilang kabaryo ay may sakit at hindi makapagsaka.

Hinarap din ng iskwad ang pagtatayo ng samahan ng kababaihan.  Si Choding ang naging tagapagsalita para sa NPA.  Katulong niya ang isang dating estudyante ng nursing na tumigil sa pag-aaral dahil sa kawalan ng pero. Pinangunahan ng kababaihan ang proyekto sa pagpapanatili ng kalinisan sa baryo at ang pangangalaga sa kalusugan ng mga tagaroon.

Tumulong naman sina Pedring at Sebyo sa pagtatayo ng samahan ng mga kabataan.  Lumahok sila sa aktibidad ng mga ito.  Tinambakan nila ng mga bato ang mga putikang kalsada sa baryo.  Ang ibang kasamahan nila ay nagturo sa mga bata upang bumasa at sumulat.  Di naglaon, pati matatandang hindi nakapag-aral ay tinuruan na ring bumasa at sumulat.

Isang araw, nagpulong ang samahan ng mga magsasaka upang talakayin ang tungkol sa partihan ng ani.  Dumalo ang ilang myembro ng iskwad.  Si Ka Baste, ang pangulo ng samahan, ang nagpatakbo ng pulong.  Sinabi niya na kailangang baguhin ang sitenta-trentang partihan na pinaiiral ng panginoong maylupang si Don Tiburcio Simon.  Si Don Tiburcio ay minsan lang sa dalawang buwan kung sumulpot sa Putol, at maswerte nang magtagal siya ng dalawang araw kapag dumarating.  Mayroon siyang kapatas na nagpupunta sa Putol dalawang beses isang linggo at sinusubaybayan ang takbo ng gawain ng mga kasama.  Ang kapatas ay naninirahan sa bayan ng San Isidro at ito ang nag-aasikaso sa pagbebenta ng mga inani mula sa lupa ni Don Tiburcio.

“Masyado tayong agbrabyado sa partihan,” sabi ni Ka Baste. “Kaya ipinakikiusap  sana namin sa mga kasama sa hukbo na kung maaari ay tulungan kaming kumbinsihin si Don Tiburcio na ibaba sa kwarenta porsyento ang kanyang parte. Tutal, lahat ng trabaho ay sa amin.  At hindi land dito ang kanyang lupain.  Marami pa siyang lupain sa ibang lugar. Darating siya rito sa makalawa at napagkasunduan na namin na kausapin siya.”

Pumayag si Tiago na mamagitan sa pag-uusap ng mga magsasaka at ni Don Tiburcio. Nang mabalitaan ng mga magsasaka na dumating na si Don Tiburcio, agad silang nagpadala ng delegasyon sa malaking bahay nito sa San Isidro. Pinatuloy ng don ang pangkat ng mga magsasaka.  Kasama ni Baste sina Menti at Tiago.  Ipinaliwanag ni Ka Baste ang tungkol sa hiling ng mga magsasaka na gawing sisenta porsyento ang kanilang parte at kwarenta porsyento ang parte ng don.  Tumanggi si Don Tiburcio. Nagsalita si Tiago at sinabi niya na kailangang magbigayan ang mga may lupa at ang maliliit na magsasaka nang sa gayon ay maiwasan ang samaan ng loob, mapaunlad ang takbo ng pagsasaka, at huwag maligalig ang kanayunan.  Malumanay ngunit matigas ang himig ng pananalita ni Tiago.  Naramdaman ni Don Tiburcio na ang kausap niya hindi mga karaniwang magsasaka at lumambot ang kanyang loob.  Sinabi niya na nauunawaan niya ang lahat at siya ay sang-ayon sa kahilingan ng mga magsasaka.

“Ano ang palagay mo, Ka Tiago?” Tanong ni Baste nang sila ay pauwi na sa baryo.  “Di ba parang natakot sa inyo si Don Tiburcio?”

“Sa tingin ko’y bukas naman ang kanyang pag-iisip, at naniniwala akong tutuparin niya ang kasunduan,” ani Tiago.

Nagtagal ang iskwad sa baryo ng halos dalawang buwan. Bukod sa pag-oorganisa, “nilinis” nila  ang baryo.  Lahat ng masasamang elemento ay kanilang binalaan na huwag gagawa ng anumang makapipinsala sa masa.  Minsa'y ay nakatanggap sila ng sumbong na may dalawang taong nagnakaw ng kalabaw ng isang magsasaka sa Putol. Hinanap ng iskwad ang mga magnanakaw, ipinabalik ang kalabaw, at binalaan ang mga ito na huwag nang magpapakitang muli sa baryo, kundi hindi’y ‘pagbabakasyunin na sila sa buwan.’

Unti-unti, nadama ni Sebyo ang pagpapahalaga sa sarili, ngayong nakikita niya na may naitutulong siya sa kapwa, lalo na sa mahihirap.  Nagkaroon din siya ng ibang pagtingin sa sarili. Nakita niya na siya ay katulad ng karaniwang tao, hindi aba, hindi mataas.  Kapantay siya ng sinumang nagnanais ng mga karaniwang bagay na sapat nang makapagbigay-laya sa buhay.

Minsan ay nakaupo sila ni Pedring sa sahig na kawayan ng kubo ni Apo Dencio. Katatapos lamang nilang mananghalian. Ang iban nilang kasamahan ay natutulog.  Mainit ang araw at tahimik ang paligid.

“Alam mo, Sebyo,” wika ni Pedring, “hindi ko akalain na ako’y mapapasama rito. Sa totoo, ako’y tahimik na tao.  Ayoko ng buhay na nagtatago.  Simple lang gusto ko. Bigyan mo ako ng sansupot na pritong mani habang nanonood ng sine na kasama si Choding at kuntento na ako. Pero, kailangan nang matapos ang pang-aapi sa atin, kailangan din nating isipin ang kinabukasan ng ating mga anak, di ba?”

“Oo nga,” sagot ni Sebyo. Sa ipinagtapat ni Pedring, lalong lumapit ang loob ni Sebyo sa kanya.  Katulad ko rin pala siya, anya sa sarili.  Simple lang ang kaligayahan.  Akala ko, ang taong madaling magalit na kagaya niya  ay mataas ang ambisyon sa buhay.  Hindi naman pala.

Natigil ang pag-iisip niya nang maramdaman niyang may patakbong dumarating.  Lumingon siya at nakita niya ang isang batang hingal na hingal.  “May patrulya ng PC patunog sa Putol!” sabi ng bata.  “Mukhang isinuplong kayo ng dalawang nagnakaw ng kalabaw. May  limang kilometro ang layo dito ng mga PC.”

Agad naghanda ang iskwad ipinasundo ang iba nilang kasama na nasa baryo.  Nang maipon ang buong iskwad, nagpaalam na sila kay Apo Dencio, at tumulak patungong bundok.  Nang may sampung kilometro na ang kanilang layo mula sa Putol, nakarinig sila ng putok at humaginit ang isang bala sa kanilang lugar.

“Dapa, mga kasama!” utos ni Tiago. Nagkubli sila sa malalaking bato at puno.  Hindi na gaanong kabado ngayon si Sebyo.  Pagkatapos ng mga naranasan niya sa kamay ng mga humuli sa kanya, ang ganitong engkwentro ay hindi na gaanong nakakagulat.  Hinawakan niya nang mahigpit ang armalayt at gumapang siya sa likod ng malaking bato upang silipin ang kinaroroonan ng kaaway.  Nagputukan muli, at natantya ni Sebyo na malayo sa kanya ang tama ng mga bala.  Isang kasama niya ang umakyat ng isang puno at mula roon ay nag-sniping.  Narinig ni Sebyo ang ungol ng ilang sundalong tinamaan.

“Umatras na sila!” sigaw ng gerilyang nasa puno.

Ang karanasan ni Sebyo sa Baryo Putol ay nasundan pa ng ibang pakikipagsapalaran ng kanilang iskwad sa ibang baryo.  Unti-unting nahasa si Sebyo sa pag-oorganisa at nasanay sa pagtalakay ng mga isyu.  Ang mga tagumpay ng kanilang iskwad ay nakapagbibigay sa kanya ng malaking kasiyahan, lalo na kapag nakikita niya sina Pedring at Choding na abala rin sa paggampan ng kanilang mga tungkulin.  Buhos na buhos ang kanyang kalooban sa mga gawaing iniaatas sa kanya.  Kung siya ay nagbabantay sa gabi, sinisikap niyang huwag mapilit ang kanyang mga mata kahit sandali.  Sa tanang buhay niya, ngayon lang niya tunay na minahalaga ang isang grupo.  Ngayon lang siya nagkaroon ng kapanatagan ng loob sa pagsama sa isang kolektiba, kapanatagang mas higit pa sa nadama niya sa kanyang nasirang pamilya. Isang dahilan ay sapagkat hindi pinagtatawanan ng mga kasama niya ang dati’y itinuturing niyang nakahihiyang ugali, tulad ng paminsan-minsa’y pagtulog maghapon kung walang ginagawa.  Bagaman mayroon silang sesyon ng tinatawag ng ‘pamumuna at pagpuna-sa-sarili,’ hindi dinaramdam ni Sebyo ang paminsan-minsang pagpuna sa kanya kung nakakaligtaan niya ang pagtupad sa maliliit na tungkulin, tulad ng pagtoka sa paglilinis ng kubo.

Masaya rin naman ang kanyang grupo, maraming biruan at kantyawan, lalo’t kung may lalaki at babaeng nagkakagustuhan.  Sina Pedring at Choding ay madalas ding kabiruan ni Sebyo.  Minsan isang gabi, habang nagbabantay siya sa malapit sa malawak na ilog, nakarinig siya ng ungol at takbuhan ng mga paa.  Nang magsiyasat siya, may kumalabit sa kanyang likod at nagulat siya.  Nakarinig siya ng mga pigil na halakhak at nang lingunin niya ay sina Pedring at Choding na may dalang nilagang mais.  Napataw din siya at nilantakan na lamang ang mga mais.

Habang kumakain, tinanong siya ni Choding kung ano ang balak niyang gawin pagkatapos ng rebolusyon.  “Hindi ko alam,” sagot niya. Para kay Sebyo, natagpuan na niya ang kapayapaan ng damdamin sa loob ng hukbo.  Bukod sa lubusang pagtanggap sa kanya, marami ang pangyayari sa kanyang buhay na kaugnay sa loob ng hukbo na mahirap niyang iwanan: ang pagtuturo sa kanya, ang pakikipagsagupaan sa mga PC, ang gutom sa loob ng gubat, ang mas malalim na pagkakilala  niya sa sarili, at marami pang iba, kaya ayaw niyang humiwalay sa hukbo at kilusan.  Gayunman, hindi maiwasang pumasok sa isip niya ang isang malaking tanong: Ano kaya ang kahihinatnan namin?

 

Hosted by www.Geocities.ws

1