HONORIO BARTOLOME de DIOS

Dolores

 

TAHIMIK ANG KABAHAYAN. Sumisilip sa siwang ng dampa ang mapusyaw na liwanag ng araw, pilit na binibigyang tanglaw ang kadiliman hatid ng kumpisalang magaganap. Wari’y may kumperensya na ang mga manok sa kanilang malakas na tilaukan.  Sa di-kalayuan, may mga aninong pumuslit mula sa bukirin, patungo sa dampa.  Mahihinang anasan ang naghatid ng pangamba.

Noong isang linggo, nakita ang bangkay ni Daniel.  May mga saksak sa katawan.  Halatang pinahirapan. Nagsimula ang pagtatanong.

“Nasaan ang asawa mo, si Manuel Santillan?”

Katahimikan.

Si Manuel? Hindi ba’t siya ang dapat magtanong sa kanila. Ilang kampo na ba ang napuntahan niya. Wala. Walang Manuel Santillan dito. Baka namumundok NPA ang asawa mo.

“Misis, kailangan namin ang kooperasyon mo.  Alam na namin ang trabaho ng asawa mo. O baka naman hindi mo alam, sasabihin namin sa ‘yo.”

Walang tigil ang lagitikan ng pagkakasa ng mga baril sa paligid ng bahay. Kasabay nito ang mga anasang hindi niya mawari kung ano ang gustong ipahiwatig.  Noong isang araw, may dumating na paabot sa kanya.  Safe daw si Manuel.  Huwag siyang mag-alala.  Kasunod niyon ang paabot na kailangang maglinis siya ng kabahayan.  Wala siyang alam, kaya wala siyang sasabihin.  Kanino man.

“Hindi ko po alam, sir. Dalawang linggo ko na nga pong siyang hinihintay.”

“Misis, pwede ba kaming pumasok sandali. SOP lang.”

Hindi na siya nakaimik.  ‘Pag mga ganitong pagkakataon, hingan daw ng warrant ang mga militar.  Magtawag daw ng kapitbahay.  ‘Yon ang isa sa mga bilin sa kanya ng asawa. Wala na siyang nagawa.  Hinalughog ang maliit dampa, sa dingding, sa poste, sa bubong. Pati ang loob ng kaldero, ang lalagyan ng bigas.  Walang pinaligtas.  Walang katiyakan ang nararamdaman niya noong mga sandaling ‘yon. Nasaan nga ang kanyang asawa.  Hindi tiyak ang paabot sa kanya.  Hindi siya makasiguro.  Hindi rin siya tiyak sa mga sagot ng mga kampong pinagtanungan niya.  Eto’t kasalukuyang hinahalughog ang kanilang dampa.

“Sige, Dolores, babalik na lang kami.”

Naiwang nakatanghod sa may puno ng hagdan si Dolores.  Mahigpit siyang nakakapit sa poste nito. Parang may kung anong sasabog sa dibdib. Alam niya, simula na naman iyon ng isang araw nang paghihintay sa asawa.

Walong buwan bago ang tagpong ‘yon, Abril 1986.

 

Kasama ko si Manuel na na-deploy sa ST (Southern Tagalog) bilang organisador ng mga magsasaka.  Noong una’y medyo kinabahan kami ni Manuel. Nagdalawang-isip. Alam naming mainit pa rin ang militarisasyon sa lugar na pupuntahan namin.  Pero, gawain ito. Sito ang pangalan ng aming kontak sa erya.  Kilala na siya ni Manuel dahil nagkasama na sila sa maraming pulong.  Ang usapan: sa ganap na alas-kwatro ng hapon ay tatagpuin kami ni Sito sa palengke ng bayan ng Calaca. At mula roon  ay ihahatid kami sa bahay ng isang kasama sa sityong ihahanda para sa pag-oorganisa. Kahit na nga medyo kinakabahan ay excited pa rin akong makarating sa erya dahil ang balita sa ami’y malapit sa dagat ang naturang sityo. Mahilig kasi ako sa dagat.

Maayos ang prente namin. Pinsan ko si Ate Ising na aming titirhan at kaeskwela ko naman sa Maynila si Manuel. Summer noon at bakasyunista kaming dalawa. Nakalinya na pati ang mga piyestahang pupuntahan namin sa mga kalapit baryo.  Nakatimbre na rin sa mga kasama ang aming pagdating.

Tulad ng inaasahan ko, late ang hinihintay naming kontak.  Forty-five minutes na.  Hanggang alas-singko lamang ang biyahe ng mga jeep patungo sa Lemery at nandoon ang terminal ng bus pauwing Maynila.  Pag inabutan kami ng dilim ay tiyak na hindi na kami makakabalik sa Maynila sa araw ding ‘yon. Panay ang tingin ko sa orasan. Panay ang hithit ni Manuel sa sigarilyo. Hindi kami nag-iimikan.  Madalang na ang tao sa palengke.  Nagkakatinginan kami.  Maya-maya’y may tumapik sa likuran ni Manuel. Si Sito.

Dinig ko ang hampas ng alon habang naghahapunan kami nina Manuel at Sito.  Ginawa pa raw kasi ang traysikel na sumundo sa amin kanina kaya hindi siya nakarating sa takdang oras.  Nagkakilala kami ni pinsan, si Ate Ising, at ng kanyang asawang si Kuya Sidro.  Ipinakilala rin niya ang tatlo kong magiging pamangkin sa kanya. Kuya Edwin na lang itawag ninyo sa akin, ang sabi ko.

Pagkatapos ng hapunan ay nag-umpisa kami sa trabaho ni Manuel. Hiningi namin ang panimulang SI (social investigation) nina Sito sa lugar. Hindi inaasahan ang problemang iniulat sa amin ni Sito.  Noong nakaraang buwan ay pinasok ng mga PC ang kabilang sityo.  Walang nakaalam sa dahilan  ng mga sundalo. Pero malaki ang hinala ng mga kasama na bahagi lamang iyon ng pananakot sa mga tao upang huwag sumuporta sa organisasyon ng mga magsasaka sa naturang sityo.  Napilitang magpalamig ang mga kasama.  Pati ang mga magsasaka sa sityong pagtatayuan ng bagong organisasyon ay nagkaroon ng takot.  Nagbuo kami ng panibagong plano.  Kailangan naming umangkop sa kanilang sitwasyon.  At kinailangan ding magtagal kami ni Manuel sa erya.

Pinanindigan namin ni Manuel ang prente.  Tumulong kami kina Kuya Sidro at Ate Ising sa gawaing bukid. Napasabak kami sa paggagamas sa gitna ng init ng araw.   Natutunan namin ni  Manuel ang mag-araro at dumami ang nakakilala sa amin.  Hindi nagtagal, itinuring na rin kaming kababaryo ng mga  tao sa erya.   Wala nang bumabanggit sa aming pagbabakasyon at pag-uwi sa Maynila. Patuloy pa rin ang aming paglilibot sa erya upang makipagkuwentuhan sa mga magsasaka.  Sa ganitong mga kwentuhan nagkakakilala sina Dolores at Manuel.

Minsan, habang gumagawa kami ng report ni Manuel hinggil sa progress ng pago-organisa sa erya,  napansin ko ang kakaibang sigla ni Manuel. Kung anu-anong plano ang kanyang naiisip para sa erya at parang wala akong naririnig tungkol sa aming pag-uwi sa Maynila.  Paminsan-minsan ay nababangit niya ang pangalan ni Dolores. Kailangan daw ay maisama si Dolores sa mga oorganisahin namin dahil nakaabot ito ng high school at malaki ang maitutulong nito sa organisasyong itatayo ng mga magsasaka.

“Manuel…?”

“Bakit?”

“May tama ka kay Dolores ano?”

“Sira,” sabay bato sa akin ng ballpen.

“Aminin mo na.”

“Bakit ba?” ang may pagkayamot niyang tanong sa aking pangungulit.

Napapansin ko lang kasi. Dati-rati’y halos walang panahon sa mga ganitong usapan ni Manuel.  Tutok siya sa gawain kahit saan mo i-deploy. Palibhasa’y matagal-tagal na rin ito sa kilusan at talaga namang malaki ang kanyang naibahagi rito.  Noon nga’y tinutukso ko siya na baka… ano siya. Itinanggi niya ito. Hindi pa lamang daw niya natatagpuan ang babaing liligawan niya. Pero ngayon, ibang-iba ang ikinikilos ni Manuel.  Kahit na nga maghapon kaming pagod sa paglalakad, kahit pa naubos ang laway namin sa pakikipagkwentuhan sa mga magsasaka, at kahit pa puyat kami dahil sa mga e.d. (education session; pag-aaral) na idinaraos namin, lagi  siyang may panahon kay Dolores.

“Halata ka, boss. Bakit hindi mo ligawan?”

“Sira ka ba? Gusto mo bang ma-d.a. (disciplinary action) tayo?”

“Di ilihim natin.”

“Talaga palang… Kaya nga panay ang kausap ko sa kanya, e para mamulat siya. Kung maimumulat natin siya at maoorganize, ‘di pwede ko na siyang ligawan.

Biro lamang sa aking palagay ang mga pangungulit ni Manuel.  Alam ko naman ang regulasyon ng kilusan hinggil sa panliligaw. Istrikto ako.  Hindi lamang sa usapin ng seguridad, kundi pati na rin ang pangangalaga sa pampulitikang gawain ay kailangang isaalang-alang sa panliligaw. Hindi ito dapat sumagka sa gawain.  Kaya medyo namroblema si Manuel hinggil sa kanyang balak na panliligaw kay Dolores.  Hindi pa ito organisado at hindi pa lubos na kilala ni Manuel si Dolores.

Naging special agenda nga namin sa erya ng tungkol sa planong panliligaw ni Manuel kay Dolores. Habang patuloy na nabubuo ang grupong ubod ng organisasyon, patuloy ang pagmumulat ni Manuel kay Dolores tungkol sa sitwasyon ng uring kinabibilangan niya. Palibhasa’y parehong mulat ang mga magulang ni Dolores, nagpahayag ito ng pagsuporta sa layunin ni Manuel sa kanilang dalaga.

Unti-unti, napansin ko ang pagkahulog ng loob ni Dolores kay Manuel.  Madalas silang magka-sharing hinggil sa mga suliranin ng mga magsasaka sa erya.  Masigla sa pakikipagpalitan ng mga ideya si Dolores at hindi naman halata ang hidden agenda ni Manuel sa dalaga. Iisa lamang ang nakikita kong suliranin ni Manuel sa kanyang panliligaw: ang pagtanggap ni Dolores sa kilusan.

Nagsimulang pumatak ang  ulan ng Mayo, malalaki ang butil.  Wari’y nakakaunawang iyon lamang ang inaasahan ng mga magsasaka upang makasiguro sa isang magandang ani. Ang paglalawa ng mga bukirin ay magandang tanawin para sa magsasaka. Nangangahulugan ito ng patuloy na paggawa sa bukid, ng paghihintay sa bagong usbong ng mga itinanim na binhing palay, ng paghihintay sa darating na anihan.  Muli, umasa ang mga magsasaka. Tulad ni Manuel. Umasa siya sa pagtanggap ni Dolores.

Malakas ang ulan noong gabing iyon. Sa bahay nina Ka Naty, pinsan ni Dolores kami nagdaos ng T.B. (talakayang-buhay). Nandoon si Dolores nang kami’y dumating.  Naglabas agad ng kapeng Batangas ang nanay ni Ka Naty. Bahagyang idinuduyan ng malakas na hangin ang kabahayan.

“Ano ba namang batang ire’t bumabagyo  na’y pulong pa rin ang inaatupag?” ang tanong ng nanay ni Ka Naty.

“Hala, sige, magsipag-kape kayo’t nang hindi kayo lamigin,” dugtong pa nito.

Sinimulan namin ang talakayang-buhay.

Manuel:  May sariling negosyo sina Itay at Inay, isang di-kalakihang grocery store sa isang palengke. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang panganay.  Disinwebe ako nang magsimula akong kumilos.  Sa hanay ng mga estudyante sa Maynila.  Sa eskwelahan ding iyon ako namulat.  Noong una’y pasama-sama sa mga symposium, sa mga talakayan.  May teacher kami noong aktibista kaya madalas ay pinapapanood niya kami ng mga pelikulang kuha sa ibang bansa tulad ng Nicaragua at El Salvador. Bahagi rin ng isa naming subject ang pagpunta sa mga depressed areas tulad  ng Tondo at sa mga pagawaan.  Maraming lugar kaming napuntahan.  At nakita ko kung paanong naghihirap ang mga tao.  Tuwing nakikipagkwentuhan ako sa kanila, nadarama ko ang buhay.  ‘Yun  bang totoong buhay. Buhay na unti-unting nawawalan ng pag-asa. Buhay na unti-unting dumadapa sa kahirapan.  Pero sa kabila ng lahat,   sumisinghap pa rin ng kaunting lakas upang makalaban.

Dolores: Panganay ako sa tatlong magkakapatid. ‘Yung pangalawa, si Anton, nagsisilbi sa mga amo sa bayan.  ‘Yung bunso namin ay namatay noong mga limang taon pa lamang.  Kombulsyon.  Ni hindi man lamang siya natingnan ng duktor.  Iyak nang iyak si Inay noon dahil wala kaming pera.  Ang Itay, nanghiram sa mga amo, pero hinabol lamang siya ng mga aso.  Kung hindi niya dala ang kanyang itak, baka kasabay niyang namatay ang bunso namin.

Manuel:  Meron akong naging kaibigan noon sa eskwelahan, si Ramon. Inoobserbahan pala niya ako. Siya ang nagsama sa akin sa unang e.d. ko. Mas lalo kong naunawaan ang mga nangyayari sa mga magsasaka, mga manggagawa na pinuntahan namin noong nage-exposure kami.  Humanga rin ako sa mga lider na nakilala ko sa mga exposure na ‘yon. Sa Quezon, sa Marikina, marami pa.  Tumindi ang pag-aasam kong makasama sila.  Ewan ko, marahil ay bunga ‘yon ng mapangahas kong damdamin.  Estudyante, alam  n’yo na.

Dolores: Siguro’y nasanay na lang ako dito sa sityo. Simple lang. Mula noong tumigil ako sa pag-aaral, second year ako noon tumulong ako kina Inay at Itay sa gawaing bukid.  Nang magkaroon ng negosyo riyan sa bayan, ‘yun bang nagtatakal ng mantika sa boteng lapad para itinda sa palengke, pumasok ako bilang tagatakal.  Kahit papaano’y nakadagdag ito sa aming pang-araw-araw na gastos.  Matagal ko na ring naririnig ang tungkol sa kilusan.  Kilusan nga ba’ng tawag n’yo do’n?

           

Nakatingin sa akin si Manuel.  Nagtatanong:  Natatakot.  Nabasa ko ang inihuhudyat ng kanyang mga mata: mahal ko si Dolores.  Gusto ko siyang makasama sa aking pagkilos.  Sana, mahalin din niya ako.

 

Manuel: Mula sa YS (youth sector), nagpalipat ako sa sektor ng mga magsasaka. Noon lamang isang taon. Doon, naranasan ko ang kabulukan ng sistemang isinisigaw namin noong estudyante pa lamang ako.  Natutunan ko ang mga bagay na hindi ko natutunan sa loob ng silid-aralan.  Kung paanong dinadaya ang mga magsasaka sa hatian ng ani.  Naramdaman mo ang pag-asam ng mga magsasakang maangkin ang lupang matagal na nilang sinasaka.  At kung paano nila ipinaglalaban ang karapatang ito.

Dolores: Mula noong mag-rebolusyon sa EDSA, umasam din kami  ng pagbabago.  Sabi namin, baka umpisa na ito ng kaginhawahan namin sa buhay.   Naririnig din kasi namin ang mga sinabi noon ni Cory, noong nangangampanya pa siya.  Sabi namin mabait siya, at naging biktima rin ng karahasan ni Marcos, kaya baka totoo ang mga sinasabi niya. Ako naman,  tinanggap ko na ang ganitong buhay. Hindi na ako umaasam ng mas higit pa dito. Ang mahalaga sa akin, magkakasama pa rin kaming buong pamilya.  Natatakot nga ako kapag nagdadaos ng pulong sina Itay sa bahay. Napansin kasi naming parami nang parami ang mga sundalong dumarating dito, lalo na diyan sa kabilang sityo.  Sabi naman nina Itay, walang masama sa ginagawa ng mga magsasaka. Para daw sa kinabukasan namin ang ginagawa nila. At mas mabuti na raw ‘yong mamatay silang lumalaban, kaysa habang panahong magpaloko sa mga may-ari ng lupa.

Manuel:  Naniniwala  pa rin akong magkakaroon lamang ng pagbabago dito sa ating bayan kung ang mga masa mismo ang kikilos.  Ang sistema ang dapat baguhin, hindi mga pangalan.

Nakatitig si Dolores kay Manuel.  Nagtatanong. Natatakot. Mahal kita, Manuel.  Gusto kong sumama sa iyo. Pero may takot ako.

 

Dolores: Ang nais ko’y ‘yung isang tahimik na buhay lamang. Isinilang ako sa isang mahirap na pamilya, bakit ako magnanais ng isang buhay na marangya? Kung magkakaroon nga ng pagbabago pero marami  naman ang magbubuwis ng buhay, ewan ko.  Oo, marami akong natutunan sa pakikipagkwentuhan kay Itay, at lalo na kay Manuel.  At nauunawaan ko kung bakit kami naghihirap. Pero, mas masarap mabuhay sa hirap na sama-sama kayo ng mga mahal mo sa buhay, kaysa sa isang  buhay na masagana, pero magkakahiwa-hiwalay kayo.

 

Hindi niya matanggap ang uri ng buhay na tinutungo ni Manuel. Oo nga’t may paghanga siyang nadarama sa pagiging organisador ni Manuel, sa katapangan nitong suungin ang bawat panganib na kaakibat ng gawain nito, sa kahusayan nito sa gawain, sa kakisigan nito, pero hindi.  Nangarap siya ng isang tahimik na buhay. Isang simpleng buhay.  At alam niyang hindi ito kayang ibigay ni Manuel. Hindi, sa uri ng buhay nito.  Madalas naming pag-usapan ni Dolores ang mga bagay  na ito.

Nanligaw si Manuel kay Dolores. Nag-iskedyul sila ng espesyal na araw para sa pag-aaral.  Tinalakay nila ang suliranin ng mga magsasaka sa kanilang lugar at iba pang lugar sa St.  Magkakaugnay ang mga ito, iba-iba nga lang ang porma ng mga problema. Iisa ang ugat ng mga ito: pyudalismo. Ano ang pyudalismo? Laging may dalang regalo si Manuel kay Dolores. Mga babasahing tumatalakay sa iba’t ibang isyung kinakaharap ng mga Pilipino.  Repormang agraryo, mataas na presyo ng mga bilihin, mababang pasahod, masaker, salvaging marami pa.  May mg araw na walang gana si Dolores. Manuel, iba naman ang pag-usapan natin. Tungkol saan?  Sa’yo. Isyu ‘yun ni Dolores kay Manuel.  Masyado nga yata akong nagiging rigid, sabi sa akin ni Manuel. Minsan nakakita ito ng mga bulaklak sa bakuran ng isang magsasaka. Nanghingi. Ibibigay daw niya kay Dolores. Napangiti ako.

Itinakda ang kanilang kasal noong sumunod na anihan. Isang simpleng kasal. Isang kasal na may basbas ng kilusan.  Isa na ring kasama si Dolores, sa kabila ng pag-aalinlangan sa desisyong ginawa niya.

Muli, nagtanong ang mga magsasaka kung bakit mahina ang kanilang kinita sa nakaraang anihan.  Kung bakit kahit anong kwenta ang gawin nila sa pinagbebentahan ng palay, sila pa rin ang lumalabas na may utang sa mga amo.  Bayad sa renta sa lupa, bayad sa utang sa mga usurero, napakababang presyo ng palay. Mga kongkretong kalagayan na hindi na kailangan ng mga paliwanag namin ni Manuel upang maunawaan.  Sila na mismo ang nagtatanong, ang nagsusuri, ang nag-oorganisa sa kanilang mga kapwa magsasaka bilang tugon sa kanilang sitwasyon.  Unti-unti, lumakas ang suporta ng komunidad sa organisasyon.  Para sa amin ni Manuel, ngayon pa lamang namin nakikita ang usbong ng binhing pinagtulung-tulungan naming ihasik sa sityo, kasama ang iba pang magsasakang patuloy na nag-oorganisa.  Tuyo na ang mga bukirin sa sityo.  Naghahanda na ang mga magsasaka para sa susunod na taniman, ang pagpupunla ng binhi ng pag-asa: ang kanilang kolektibong pagtugon sa mga suliranin ng komunidad.  Ang kanilang pinag-isang lakas.  Sa bukid ng pag-oorganisa.

Dalawang buwan na ang nasa sinapupunan ni Dolores noon. Buwan ng Disyembre. Naitayo na ang organisasyon ng mga magsasaka. Pagmamay-ari ng lupa ang usaping una nilang hinarap.  Nagprotesta rin sila laban sa operasyon ng planta ng  kuryenteng malapit sa kanilang mga bukirin.  Mistulang nanang bumubulok sa kanilang mga pananim ang usok  at basurang nanggagaling dito.

Naging mainit sa mga militar si Manuel. Inaasahan ito ni Dolores. Katunayan, hindi pa rin napapalis ang pagamba  sa kanyang dibdib.  Walang katiyakan ang kanilang buhay ni Manuel.  Sa loob ng tatlong buwang pagsasama bilang mag-asawa, hindi miminsang kinailangang suungin niya ang mga panganib, bilang kasama, bilang asawa ng isang organisador, bilang babae.  Maraming pagkakataong kinailangang hindi sila magkita ni Manuel sa loob ng mahabang panahon—isang linggo, dalawa, isang buwan—dahil delikado para sa kanilang dalawa.  Tiniis niya ang pangungulila.  Noong nakaraang buwan, habang naglalakad siyang pauwi mula sa pulong, napansin na rin niyang may mga di-kilalang lalaking sumusunod sa kanya.  Unti-unti, nararamdaman niyang pati siya ay under surveillance na rin.   Mag-isa niyang dinala ang takot. Noong una, ang mga bilin ni Manuel ang kanyang pamuksa sa takot. Huwag kang magdadala ng anumang bagay na magdidiin sa iyo, ang sabi sa kanya ng asawa minsan.  Hindi rin daw dapat maglalakad mag-isa. Huwag daw hayaang maunahan siya ng pananakot ng kaaway, dahil kung magkakagayon, tiyak na huli na siya.  Ilan lamang iyon sa mga bagay na natutunan niya mula nang siya ay kumilos, mula nang maging asawa niya si Manuel.  Habang lumalalim ang pagmamahal niya sa asawa, unti-unti’y natutunan na rin  niyang palalimin pa ang kanyang paglilingkod sa kilusan.  Pilit niyang ikinakaila ang takot na nagpupumilit manaig sa kanya.  Manuel, may mga gabing  hindi ako makatulog. Kung hindi ikaw ang inaalala ko, kung anu-anong pangitain ang nakikita ko. Mga kaluskos sa bakuran, mga yabag, mga aninong… wala naman.  Tinitiis ko ang takot, ang mga pananakot, para sa samahan.

Isang gabi, dumating si Manuel mula sa isang pulong.  May napansin siya rito. Mas malambing si Manuel nang gabing ‘yon. Ang gusto kong pangalan ng magiging anak natin, Luis. Ha?  Kung babae?  E, di Luisa. 'Ga, sumasakit ang ulo ko, pakimasahe mo naman.' Ga, kumusta ka na?  Natatakot ka pa rin ba? May mga tanong ka pa rin ba? Okey  lang ang magtanong. Tanda kasi ‘yan ng pag-unlad.  Kumusta ang samahan?  Bukas, gagawin ko ang hagdan ng bahay natin, sira na pala. May paani si Ka Simeon sa isang linggo. Sinabihan ako kaninang pauwi.  Makiki-ani ako. Mag-iingat ka, ha?

Naalala niya noong una pa lamang silang nagkakakilala ni Manuel.  Gwapo. Matipuno. May kayabangan ng kauti, pero nasa lugar naman.  Humanga siya sa dedikasyon nito sa gawain.  Parang walang pagod sa maghapong pakikipaghuntahan sa mga magsasaka.  Sa paglalakad sa gitna ng kainitan ng araw; kabit abutin ng ulan sa gitna ng bukid.  Kailangan kasi ng follow-up, sabi nito. Niyakap  niya si Manuel.  Sinuklian ang paglalambing ng asawa. Hindi ka nga marunong manligaw. Dinaan mo pa ako sa mga isyu-isyu.  Niyakap siya ni Manuel. Madiin. Hinalikan. Magkayakap silang nakatulog nang gabing ‘yon.

Muling nagpaalam si Manuel kay Dolores, kinabukasan.  May dalawang linggo itong mawawala dahil lilipat ito ng bayan, malayo sa kanila.  Sinabihan ko na rin sina Ate mo sa kabilang baryo.  Doon ka muna, habang wala ako. Tulad nang dati, malungkot si Dolores sa paglisan ng asawa.  Parang gusto niyang pigilan si Manuel.  Pilit niyang inunawa ang muli nilang paglalayo. Para sa kilusan. Para sa aming magiging anak. Ako rin nama’y may mga pulong na dapat puntahan.  Kailangang tanggapin ko na ang ganitong klase ng buhay naming mag-asawa. Kailangang tibayan ko ang aking dibdib.  Unti-unti, nahalinhan ng tapang at dedikasyon ang kanyang takot.  Unti-unti, natanggap ni Dolores ang katotohanang matagal na niyang ikinakaila sa sarili: mahal niya si Manuel at dapat itong ibahagi sa sambayanan.  Asawa niya si Manuel, ngunit hindi niya pag-aari.  Pinag-isa ang kanilang dibdib, ngunit hindi lamang para sa isa’t isa, kundi para sa sambayanan.  Para sa layunin ng kilusan.  Sa huling pagkakataon, pinangambahan ni Dolores ang paglisan ng asawa.

Iyon ang huling pagkikita nina Manuel at Dolores.

Nakita ang bangkay ni Daniel, ang buddy ni Manuel. Laslas ang leeg. Nakataling parang baboy ang mga paa’t kamay. Maraming pasa sa katawan.

Missing si Manuel. Hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung saan siya naroon, kung sino ang dumukot sa kanya, kung buhay pa siya.

Hinalughog ng mga militar ang kanilang bahay. Pilit pinaamin si Dolores kung nasaan ang asawa.   Ang asawang nagkunwaring magsasaka at nakipamuhay sa kanila upang magtanim, hindi ng palay kundi ng binhi ng pag-aalsa. Komunista raw ang kanyang asawa.  NPA.  Walang magawa sa buhay kaya pati ang tahimik na sityo ay ginulo.  Pati siyang isang masunuring babae ay tinuruan ng pagrerebelde.

Ang itinayong organisasyon ng mga magsasaka sa sityo ay madaling nabuwag. Ni walang makapasok na organisador sa erya.

Napilitan akong magtago at magpalamig.  Naputol ang komunikasyon namin ni Dolores.

 

Pitong buwan pa ang lumipas at patuloy ako sa muli kong pagkilos.  Nagpadeploy ako sa isang lugar na malayo sa huli naming kinilusan ni Manuel.  Bigla kong naalala ang una naming pulong sa Calaca, tungkol sa resulta ng SI. Si Manuel. Nasaan nga kaya siya?  Ang balita ko’y hindi pa rin ito nakikita. At ang mga magsasaka sa sityo, karamihan sa kanila’y nagpatuloy sa pagkilos, ang iba naman daw ay magpasyang umakyat.  Si Dolores?  Wala rin akong balita sa kanya.  Siguro’y nakapanganak na.

Hindi kaagad naumpisahan ang aming pulong.  May bago raw kasi kaming kasama sa grupo.  Medyo maatraso raw ang dating niya kaya kailangang hintayin. Kinabahan ako.  Galing daw ito sa ST. Bago lamang daw ito sa lihim na gawain, kaya kailangang alalayan.  Bukod sa kapapanganak pa lamang nito.  Lumakas ang kabog ng dibdib ko nang dumating ang pasabing papunta na sa  kubo ang bago naming kasama. Dumating na raw si Ka Lori.

 

Hosted by www.Geocities.ws

1