ANGEL FUERTE III

Sagang

 

NGAYONG GABI’Y NANANABIK ang buong baryo. Imbitado ang lahat.  Isang baboy ang kinatay.  Nagbalik si Victor, 16, ang batang mandirigma.  dalawang linggo ang kanyang bakasyon. Isang sagang ang inihanda ng mga kaanak para sa kanya.

Sa hitsura, kasing porma si Victor ng lahat yata ng kabataan sa Maynila na mahilig makisunod sa uso. Mas bata nga lamang siyang tingnan, dahil ang mga mata nito’y malamlam na parang sa paslit na nagtatanong sa mga magulang sa kabuluhan ng mga bagay-bagay sa paligid na hindi pa niya maintindihan.  May ganoon ding ekspresyon ang awang sa pagitan ng kanyang mga labi.  Maraming sobrang enerhiya sa katawan niya, kaya malikot na kung saan-saang sulok napapadpad.  Di siya natitigil sa iisang lugar.  Pero kapag kinausap, mahiyain naman pala.  Tanging ang salita lamang nila at Ilokano ang alam niya.  Hirap siyang magtagalog.  Kailangan ng interpreter para siya makausap.  Ang hindi aakalain nino man, na ang bata palang ito ay isa nang beteranong mandirigma.  Ganoon ang kultura nila.  Maagang sinasanay sa pakikibaka ang kanilang mga kalalakihan.

Ang sagang ay para kay Victor. Ito ang ika-lima sa mga ritwal na daraanan sa buhay ng sinumang Kalinga.  Una ang ulog (iba sa bahay na pinangyayarihan ng pre-marital ng mga nagliligawan) na idinaraos pagkapanganak sa bata.  Pangalawa ang contad.  Idinaraos ito bilang isang pasasalamat kay Kabunian, Diyos ng mga Kalinga, na iligtas sa kamatayan ang batang maysakit sapagkat ito, sang-ayon sa kanilang pangako ay papalakihing isang mabuting tao at mahusay na mandirigma.  Ang sowak nama’y ginagawa kung mamamaalam na sa pagkabata ang isang tao.  Ang ika-apat ay ang datdatong, isang uri ng pagbibendisyon ng tribo sa anak  na haharap sa   isang labanan. Hinihingi nila kay Kabunian na bigyan ito ng lakas at tulungang magapi ang kalaban.  At ngayon ay ang pagsa-sagang. May mga kasunod pang ritwal tulad ng pasingan kung ikakasal na ang isang Kalinga, ang kagetket bago ikasal, panahon ng pagbibigay ng dote, atbp. at ang bagongon kung namatay na ang isang Kalinga.

Sa isang tribo ng mga mandirigma, wala nang hihigit pa sa isang okasyon tulad ng pagbubunyi, tulad ng sagang.  Isnayper si Victor, ibig sabihi’y  asintado. Di niya alam kung ilan sa mga kalaban na ang napatay niya. Pinakamahina ang dalawa at pinakarami ang walo.  Hindi kasi siya kasama sa klining  kaya di niya matiyak kung ang mga napabagsak ng kanyang asinta ay sugatan lamang o napuruhan.  Sa mga ninuno ay sapat nang makapatay kahit isa, tulad ng ipinakikita ng mga panga ng tao na siyang nagsisilbing tatagnan ng kanilang mga agong, para matawag na isang mandirigma.

Iyang panga ay isang Kastila, iyan nama’y sa Hapon, sa isang sundalo kaya, basta ng sa isang itinuturing na kalabang napatay nila.  Hindi nila ito pinapraktis ngayon. Di na nila pinupugutan ang kanilang mga kalaban para lamang kuhanin ang panga.

Iba’t ibang okasyon, iba’t ibang klase ng paghahanda. Sa maliit na selebrasyon, walang alak na inilalabas.  Manok lamang ang inihahanda.  Ngayo’y malaking okasyon kaya baboy ang kinatay.  Walang nakaharap na tapoy ni basi. Ang tanging dahilan, kapos lamang sila sa kabuhayan. Nahahagip din ng tagtuyot ang kabundukan.

Maaga pa’y kinakailangan na ng mga manunugtog ang kanilang agong. Iyon ang tanging instrumento na kailangan nila para magkaroon ng kasiyahan.  Di kailangan ang radyo o plaka para magkaroon ng sayawan.  Kulang na sila sa agong.  Ang ilan dito’y hiniram na lamang sa mga kalapit-baryo.  Karamihan sa minana nila’y nakuha na ng mga kolektor ng antigo.  Ang ilan nama’y sapilitang kinumpiska ng militar.  Tadok ang tawag nila sa kanilang sayaw.  Kung maramihan, patong ang tawag.  Ang patong ay parang isang laro na nakagagawa ng maraming korte ang hilera ng mga mananayaw na kababaihan at manunugtog na kalalakihan.

Para silang mga ibong naggigirian sa palibot ng itinayong pinaka-altar. Mabikas ang porma ng lalaki.  Nakadakot ang mga kamay. Nakadipang parang lumalanding o umaatakeng agila.  Nakadipa rin ang babae, pero ang mga palad ay malamyos na nakataas tulad ng sa isang pulis ng trapiko. Maggigirian sila.  Titigil lamang ang sayaw kung tinatanggap na ng babae ang nakabalumbong tuwalya na tangan-tangan ng lalaki.  Sa mga ganitong pagkakataon naipapahayag ng isang lalaki ang nadarama niya sa isang napupusuang babae.  Kaya naman maaasahan ang tuksuhan kapag may magkapares na mukhang nauuwi sa totohanan ang ligawang idinaan sa pagsasayaw.  Sa pag-upo nila, ibang pares naman ang susunod. Kung minsa’y inaabot na sila roon ng madaling araw, ulit-ulit lamang ang pagsasayaw.  Katulad ng paulit-ulit din nilang buhay.

Tatlong anito ang namamahala sa okasyon.  Sila ang mga pinakapari kung baga sa simbahan, dangan at babae sila.  Sa eskwelahang burgis at sinasabing mga bagay-bagay lamang ang tinatawag na anito o espiritu kaya ng mga taong patay na.  Dito, ang anito ay ‘yung matatandaang pinagpala di umano.  Sila na minsa’y tinatawag ding mandadawak na parang isang babaylan noong araw bago dumating ang mga Kastila.  Medium din sila sa sinasabing sinasapian ng espiritu ng ibang taong namatay na.   Kapag nagkagayon, nababago ang pamamaraan nito ng pagkilos at pananalita.

Pwede ring maging anito ang isang bata kung ito’y sasapian ng espiritu ng matandang namatay na.  Walang nakatakdang pamantayan kung paano magiging anito ang isang tao.  Ang espiritu ang nagpapasiya kung kanginong katawan ito sasanib.

Isa sa mga anito ay ang lola ni Victor.  Tulad ng lahat ng anito sa lalawigan ng Kalinga-Apayao, nababasa nito ang mangyayari sa mga mandirigma. Sa okasyong ito, hindi ang kinagawiang pagbabasa sa kahulugan ng korte, kulay at posisyon ng apdo at atay ng kinatay na baboy ang hahanapan ng mga signos. Malas daw ang babala kapag sa kaliwa nakaturo ang apdo.  Kung ganoon, kailangang magkatay pa ulit ng isang baboy para matiyak ang senyales.   Lamang ay nadiskubre na, na kapag kinatay pala ang isang gutom na hayup, sa gawing kaliwa nga napapaling ang pinakadulo ng apdo nito.

Kahit sino ay pwedeng magpahula kung gugustuhin.  Sa okasyong ito, tatlong sandatahan ang personal na pinili ng matandang anito.  Buhat sa isang lumang pinggang may lamang mantika, isa-isa silang pinatakan ng langis sa palad bago iyon ikinuyom ng matanda.  Hinayaang tumulo’t umagos ang langis hanggang braso.  Ang landas na tinahak nito ang bibigay ng interpretasyon.  Kasabay ng ritwal na iyon ay ang pag-awit (chant) ng anito.  Paminsan-minsang binubulungan nito ang nakakuyom na palad.  Saka pinapatakan pa ulit ng langis. Bulong, dasal, kanta kasabay ng himas sa braso.

Sa isang nagmamatyag lamang, iisipin kung ano kaya ang iniisip ng mga lider NPA sa oras na iyon.  Hindi sila katribo, ano kung masama ang sabihin ng anito, matatanggap kaya nila?

May halong suspense ang pagbabasa sa naghihintay ng kapalaran. Mamaya pa iyon, magdaraan muna ang mga seremonya.  Samantala’y ikinikwento ng giya ng dalawang interpreter ang ugnayang NPA-katutubo.  Nagtutulungan sila sa isa’t isa.  Kakaunti naman ang problema sa lipunan ng mga Kalinga kung ikukumpara sa dami ng problema ng mga taga-kapatagan. May nag-aaway sa kanila, pero iba ang kinagawian sa paghatol sa kasalanan.  Kung sino ang nakapagpadugo ng kalaban, iyon ang magmumulta.  Hindi nag-uumpisa  ang paglilitis sa kung sino ang pinag-umpisahan ng gulo, kundi sa kung sino ang  nagpadugo.  Totoo ito kung nasasangkot ay sila-sila rin lamang.  Pero kung tagalabas ng kanilang pamayanan ang nakalaban, dapat iyong utasin, lalu na’t wala silang bodong na pinanghahawakan.  Sapagkat kakaunti lamang sila, hindi nga dapat mapatayan ang magkakatribo.  Hindi sariling lahi ang kalaban kundi ang mga mapang-aping dayuhan (kaya di sila napaluhod ng mga Kastila,  Amerikano at Hapon). Kasalanan ding makakagat ang kanilang mga aso.  Kung hindi kamag-anak ang nakagat nito, magbabayad ng multa at ibibigay pa ang aso sa biktima. Mahal nila ang aso, katunaya’y halos kasambahay ng turing nila rito.  Kasama sa kusina na nagpapainit sa malaki at nasa gitnang kakalanan, magkapareho sila ng kinakain na mas malamang ay iba’t ibang uri ng beans araw-araw.  Ang itinuturing na isang mabuting aso ay yung marunong sa pangangaso. Ibig sabihi’y matalino pa sa baboy-damo at usa.  (May isang tao sa kuta ng  NPA na marunong magronda sa paligid ng kampo tuwing bago pumutok ang umaga.  Sinomang hindi nito kilala ay agad kinakahulan.) Isang kalabaw ang kapalit ng dalawang asong matalino.  May kaso rin ng kaliwaan. Kapag nabisto, magbabayad ang lalaki sa asawa ng babae.  Kung hindi makakayanan, magtutulungan ang pamilya ng babae sa pagbabayad sa asawa nito.  Sakali’t mabuo ang bata, palalakihin iyon na parang anak na rin ang turing, kaya lang, dapat na ang talagang ama ang gumagastos sa panahong nagkakasakit ang bata. Ganoon lang ang mga kundisyones. Walang drama at bakbakan.  Hindi rin uso ang nagsasaulian ng asawa.  May tinatawag din silang pangat.  Usapan iyon ng iba’t ibang lider sa iba’t ibang tribo para maiwasan ang pagdanak ng dugo. Noo’y pang  pinuno lamang iyon, pero ngayo’y maaaring maging pangat ang sino mang responsible sa kanilang lugar. Sapagkat organisado na ang mga masa, mas malamang na ang inireresolba ng mga nagpa-pangat ay hindi ang mga personal na usapin ng tribo kundi ang kolektibong usapin ng iba’t ibang sektor na kailangang magtulungan sa paglaban sa mga komun na kaaway.   Ganoon ang nangyari sa kaso ng protesta sa pagtatayo roon ng Chico river dam.

Nang oras na para mabasa ang sinasabi roon ng langis, ganito ang nakita ng anito. Sa pinakapinuno, “Malapit na kayong mapalaban nang husto.”

Sa isang kristyano, iisiping masama ang kahulugan noon, parang isang banta o pananakot. Sa kanilang tribo, iyon ang hudyat na pinakahihintay ng isang mandirigma, ang pagkakataong mailabas ang giting sa pakikitunggali sa harap ng mga kalaban.   Sa ikalawa, ganito naman ang sinabi niya.  “Magtatagumpay kayo.  Sakali’t sa labanan ay makakita ang ahas, paruparo o bubuyog, huwag itong papatayin, ito ang magliligtas sa inyo.”

At sa ikatlo: “Isa kang mahusay ng mandirigma.”

Di pa katagalan ng huli silang mag-sagang.  Iyon ay para sa nakatatandang kapatid ni Victor, si Lem, 18. Pareho din ng kadahilanan. Mga apat ang kaaway na napatay ni Lem, pero di nito matiyak dahil marami ang kaaway na kinakaharap nila.  Lamang ay nagbalik  si Lem para manatili muna sa baryo.

Naroon si Lem sa okasyong iyon, nakikibahagi sa tungkulin ng balana.  Si Victor ay nagbabakasyon lamang ng dalawang linggo, si Lem ay matatagalan pa bago bumalik.  Kinakailangan niyang bumaba pansamantala dahil walang tutulong sa ina nila. Patay na ang kanilang ama, matanda na ang ina para pabayaang mag-isa sa pag-aasikaso ng mga punong kape at saging na siya nilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.  May mga bukid rin na dapat asikasuhin, pero iyo’y hindi na problema. Iniuso doon ng mga NPA ang kolektibong pagsasaka.  Nagpapalitan sila ng tulong sa lahat ng bagay na kailangan sa kanilang taniman, lalu’t hindi iyon makakaya ng isa o ng isang buong pamilya lamang.

Babalik din si Lem sa sandatahan sa lalong madaling panahon:  “Kapag may papalit na sa tungkulin ko sa bahay.”

Ang kahulugan noon ay kung mag-aasawa na sinuman sa dalawa niyang kapatid na babae at magpapasiyang doon na sa kanila manirahan ang bayaw na papalit sa kanya sa pag-aasikaso  sa kapihan, o kung binatilyo na ang bunso nilang kapatid.  Sa NPA, 16 ang pinakabatang tinatanggap, maliban na lamang kung ang isang kandidato ay malaki na ang kasanayan sa pakikibaka at kinakakitaan pa ng matatag at malawak na kaalaman sa pulitika.

Di pa tapos ang palatuntunan.  Inanyayahan ang lahat na kumain muna bago ipagpatuloy ang kasayahan. Una ang mga bisita, mga kasama at NPAA. Kasunod ang matatanda at pinakahuli ang mga bata.  Mahirap sabihing nilaga o sinigang ang ulam na baboy. Wala iyong sahog na gulay.  Mas mukhang pinakuluan lamang. Tipak-tipak ang karne.

Nang mabusog na ang lahat, muling nagbalikan sa kani-kanilang upuan ang lahat. Kantahing katutubo ang isinunod. Sa kanila’y hindi mahirap magpakanta ng tao. Ang mga kabataan nga, kahit hindi pinipilit ay basta na lamang kolektibong kakanta na parang bahagi ng isang koro na sinasagot naman ng iba pa sa ibang bahagi ng pinagdarausang kasayahan.  Kinakanta nila ang salidum-ay na ang laman ang PRG (provisionary revolutionary government). Isang binatang NPA na tagaroon din ang kumanta naman nag pagkahaba-haba. Baritone ang boses niya.  Isa palang pagsasalaysay tungkol sa kanyang buhay ang nilalaman ng kanta.  Tungkol sa kanyang mga karanasan sa pakikibaka. Naroon ang ina sa kanyang harapan, nakatayong parang reyna, kagalang-galang tingnan, kahit sa kabila ng payak nitong kasuotan. Nang matapos ang report ng anak, sinagot iyon ng ina, sa pakantang pamamaraan din..  Payo ang nilalaman nito.  Maging isang mabuting mandirigma.  Mag-uwi ng mga tagumpay, huwag aatras sa labanan.  Gapiin ang kaaway.

Ganoon din ang laman ng usapan nang muling magkita si Victor at ina sa harap ng kanyang lola.

“Mabuti’t buhay ka pa,” bati ng nanabik na ina.  Natutuwa siyang makitang muli ang anak, pero nalulungkot din kahit na paano dahil muli itong aalis makalipas ang ilang araw.  Hinding-hindi niya ito pipigilan.

“Oo, sapagkat mahal kita…”

Na ang ibig sabihi’y kaya ako nakikipaglaban ay para sa iyo, para sa ting angkan, para sa ating tribo, para sa ating lahat.

“Saka gusto ko kayong makitang muli ni Lola,” dagdag pa ng bata.

“Magpakabuti sa inyong yunit.  Maging isang mahusay na mandirigma,” sabi ng lola.

At bakit ginusto ng matanda na maging NPA ang anak nila?

“Para matuto pa ng higit sa kanilang yunit,” sabi ng lola.

“Para maragdagan pa ang talino,” dagdag naman ng ina.

Anim na grado lang ang natapos ni Victor, mataas na iyon para sa kanilang pamantayan.  Ang kahulugan noo’y gradong sang-ayon sa kanilang lugar, na mas mababa ang pamantayan kaysa Maynila.  Ang ibig sabihin ng mga Kalinga sa mas mataas na pinag-aralan ay ang kakayahan ng isang tao sa mga taktika sa pakikidigma. Sa usaping ito, kaalaman sa paggamit ng maraming sandata, tulad ng M-16 at iba pang armas ang kahulugan noon, na sinang-ayunan naman ng iba pang matatanda sa paligid.  Sa buong usapan nila, waring di natatakot ang ina para sa anak.  Kabayanihan ang pagtatanggol para sa bayan.  Di uso sa kanila ang duwag.  Hindi pinalaki ng ina ang anak para maging isang lampa lamang, tulad ng mga anak ng burgis na ni ayaw madapa o magurlisan man lamang.

Iyon siguro ang isa sa mga kadahilanan kung bakit ang kanilang lipi, mula noon hanggang sa ngayon ay hindi kailan man napasok ng mga dayuhan. Isa rin ito sa dahilan kung bakit kaduwa (kasama) ang turing nila sa mga mandirigmang NPA.

Hatinggabi na’y gising pa rin ang lahat.  Ang mga bisita naman ang hiningan ng bilang.  Nagpalitan sila ng mga kanta.  Ang sa kanila’y hinalaw sa kanilang paligid at kultura.  Ang mga taga-ibaba ay walang maipagmamalaking sariling kanila, pero nagtatagpo ang kanilang mga mensahe.  Mga awit ng  protesta at sistema, mga awit sa tagumpay ng rebolusyon, mga awit ng pagkakaisa.

Bago tuluyang natapos ang sagang, wala man sa palatuntunan, na parang isang lamang, nagtadek si Victor. Wala siyang kaparehang nililigawan.  Paikut-ikot siya roon, parang isang agilang nagbibinata na ipinapakita sa lahat ang kanyang gilas.  Di pa siya nagsasawa sa pagkampay nang magtayuan ang isang pangkat ng mga bata, edad 7 hanggang 10, babae’t lalaki.  Sa simula’y pito lamang ang kanilang bilang hanggang sumunod pa ang ibang mga bata. Dumami sila nang dumami, sinundan-sundan nila ang bawat hakbang ni Victor. Ang ay nauwi sa patong.  Anyong humuhugos na mga mandirigma ang kanilang galaw.   Hanggang sila’y maging isa, magkakadugtong ang bawat galaw. Nagbubunyi.

A, ang mga  batang bayani, hindi mauubusan ng mga bayani ang mga Kalinga.  Ang kanilang mga mandirigma’y patuloy pang dumarami.  Naghihintay ang marami pang sagang.

Hosted by www.Geocities.ws

1