TATANG (CESAR LACARA)

Mula sa Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway

 

1968, PORMAL NA MULING itinayo ang Partido.  Sa pagtitindig ng bagong Partido, ako’y inanyayahang dumalo.  Marami-rami kaming nag-usap tungkol sa primerong pagkikita, pero noong pagtibayin na sa pulong kung kailan pormal na ititindig ang Partido, napagkaisahan na kapag hindi dumalo sa araw na itinakda ang sinumang kasama sa pulong, nangangahulugang hindi siya kumporme sa bagong Partido at di na siya kasali sa pagbubuo nito.  Mayroon ngang ilan na di na dumalo, kabilang na rito si Ignacio Lacsina at ang isang anak ni Vicente Lava, si Buddy.

Maliit ang bilang namin na nagsimula nang kumilos, at marahil ay mas marami pang maoorganisa na dating kasama sa lumang Partido, kaya napagpasyahang kontakin ang mga ito at baka maaari pang kasama uli.  Ang gawaing ito ay may kaselanan dahil sinasabi ng maraming maka-Lava na bakit magtatayo ng bago samantalang may dati nang Partido.

Sa panahong ito, sa Maynila-Rizal ako patuloy na kumilos.  Marami-rami pa rin ang nauugnayan ko rito bago nagkaroon ng kapasyahan na magpalawak na sa buong kapuluan.

Pebrero, 1969, ako’y naatasang magtungo sa norte, sa mga probinsya sa Ilocos.  Dahil noon pa lamang papasok sa Kailokohan ang kilusan pagkaraang malansag ang lumang Partido, may kahirapan at maselan ang gawain laluna’t malakas ang propaganda ng kaaway.  Ang isa pang mahirap na tinahak ng Partido ay ang kakulangan sa pinansya.  Ang perang naibigay ni Ka J sa akin noong ako’y lumakad ay P10.00 lamang, kulang pang pamasahe para makarating sa lugar.  Kunsabay, hindi naman ito katakataka pagkat bagung-bago pa lamang ang Partido at wala namang pondo.

 

Sa Hilagang Luson

 

Noong mga panahong yaon, medyo malaya at ligal pa ang pagkilos at ako’y nakakauwi pa paminsan-minsan sa Maynila para dalawin ang asawa kong nag-iisang naiiwan sa aming bahay.  Kakaunti pa noon ang kontak sa norte, bagama’t ako’y may mga kamag-anak at dati nang kakilala sa iba’t ibang lugar sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Abra at Mountain Province.  Ang problema’y hindi ko naman matiyak kung saan sila matatagpuan, kaya ang nangyari ay palundag-lundag ako sa mga bayan at probinsya.  Ganito ang naging sistema ng aking pagkilos sa loob ng dalawang taon hanggang dumating ang panahon na dumarami ang nakikilala at nagiging kaibigan sa iba’t ibang bayan.

1970, marami-rami nang kakilala ang napupuntahan ko at natatanggap na ng iba sa kanila ang prinsipyo ng kilusan at pwede na rin silang tumanggap ng  sinumang kasamang papapasukin sa kanilang lugar, tulad halimbawa sa kanlurang Pangasinan, ilang bayan sa La Union at laluna sa mga bayang bulubundukin na may mga minoryang Igorot.  Sa loob ng mahigit na isang taong pagtigil ko sa mga lugar na ito, may naisama akong limang kabataan patungong Isabela, tatlong mandaragat at dalawang magsasaka.  Ang mga ito’y sinanay sa bundok ng Sierra Madre sa silangang Isabela.  Itong mga kabataan ay nanggaling sa kinalalagyan ko sa Kailokohan ay hindi na muna pinababalik sa kani-kanilang baryo. Napupunta sila sa ibang lugar at isinasama sa armadong grupo.  Tuluy-tuloy noon ang mga pag-aaral na idinadaos sa bundok at patuloy din ang pagpapalawak na isinasagawa ng mga sandatahang yunit pampropaganda o SYP.  Mabilis ang pagdami ng pwersa sa hilagang-silangang Luson.  Palibhasa’y hilagang-kanlurang Luson ang tagalog distino ko, hindi ako nagtatagal sa hilagang-silangan. Nasa Ilocos noon sina Ka J at Ka Payat.

Nitong 1971, sinuspindi ang pribilehiyo sa kasulatang habeas corpus. Medyo nagbago ang sitwasyon sa panahong ito, maligamgam ang timpla ng tubig 1972, uminit na nang husto, nagkalat na ang mga aso at dimonyo.  Ako’y isa na naman sa mga target ng kaaway. Nalagut-lagot ang linya ng komunikasyon.  Ako’y lumuwas ng Maynila, kumontak sa ligal na trabaho sa pederasyon ng mga manggagawa.  Dito ako nakontak uli.

Pumasok ako sa Cagayan Valley sa pamamagitan ng mga kasamang inatasan ng HO na maghatid sa akin doon.  Pagdating ko sa bagong distino, wala na roon ang mga kasama, balik ako uli sa Ilocos.  Ang panrehiyong pamunuan sa hilagang-silangan ay nag-atas sa isang kuryer na alamin ang kinalalagyan ng mga kasama. Sana’y siya ang mag-uugnay sa akin at sa mga  kasama, pero noong makaramdam siya ng init sa lugar ko dahil target ng ako ng kaaway, wari’y natakot siya at hindi na nagbalik sa aking kinalalagyan.

Nitong panahong ito, hindi na rin mapalagay ang mga kasama na nasa Isabela.  Pinuntahan ako ng isang kasamang kabilang sa HO doon at sinabi niyang baka pwede silang umatras sa aking kinalalagyan.  Ang sabi ko’y pwede  pa, pero hindi na rin sila nagpunta sa lugar ko.  Dahil ako’y di na makagalaw sa lugar sa Kailokohan na dati kong kinikilusan at kilalang-kilala na ako ng maraming mamamayan  ay umatras na rin ako.  Ako’y umugnay sa Maynila-Rizal. Pero ako’y bistado rin doon kaya pinasok ko ang silangang Rizal;, ang mga bayan ng Montalban, San Mateo, Antipolo, Taytay, Teresa, Cardona, Binangonan, Baras, Tanay at Jalajala.  Sumentro ako sa isang bulubunduking lugar na sakop ng Teresa, malapit sa Philippine Communication Satellite.

Sa Silangang Rizal

 

Nakakilos ako nang mahigit na dalawang taon sa silangang Rizal at nabuo rito ang Distrito 6 ng panrehiyong organisasyon ng Partido sa Maynila-Rizal.  Noong dumarami na ang mga lugar at pwersa ng Partido dito, nagsimula na naman ang pag-init ko at ng mga kasama.  Sinalakay ng kaaway ang aming istasyon sa bundok, na pinagdadausan namin noon ng pag-aaral, pero hindi kami inabutan ng mga militar.  Pito kaming magkakasama.  Bagamat kubkob na ng mga militar ang kinalalagyan naming bahay noong kasasapit pa lamang ng gabi, hinintay pa nilang medyo magliwanag kinabukasan bago sila lumapit sa bahay, pero nakaalis na kami.  Bago lumusob ay nagpaputok muna sila sa masusukal na lugar.  Malapit lamang sa bahay ang aking pinagtaguang kasukalan.  Ang mga kasama ay umatras nang napakalayo.

Noong tanungin ng mga sundalo ang isang kaalyado kung nasaan ang mga taong myembro ng New People’s Army (NPA), ang sagot niya diumano ay ganito:  Maling-mali ang impormasyon ninyo, Kapitan.  Sabi ninyo, galing na kayo sa Camp Capinpin kahapon at kalulubog pa lang ng araw ay nakadiploy na kayo riyan.  Puyat, gutom at kagat ng lamok, ‘ika n’yo, ang inabot ninyo, pagkatapos ay wala naman pala rito ‘yung NPA na sinasabi ninyo.  Kung ako, Kapitan, ang nasa lugar ninyo, yun mismong nagbalita sa inyo tungkol sa NPA daw ang siya kong bibirahin.  Oo  nga, sabi raw ng kapitan.  Hindi na nila napatunayan na naroroon kami.  Ligtas ang lahat.

1974, sumulat sa akin ang HO na baka raw pwede na akong lumipat sa Abra.  Ako’y sumagot na bagu-bago pa lamang ako sa silangang Rizal, di pa gaanong nakakaugat at marami ring gawain dito. Sinulatan naman ako ng Komisyong Militar ng Partido.  Nagkita at nag-usap kami ng kinatawan nila dahil ako’y may kahilingan noon na pag-aralan nila ang silangang Rizal.  Ito’y maaaring gawing tagpuan ng mga pwersa mula sa hilaga at timog sa mga darating na panahon, kapag lumakas at lumawak ang kilusan, pagkat narito na kami sa bawnderi ng Quezon at mahusay na lugar ito para sa armadong pagkilos.  Maraming tao rito na nakakaalam na ng  pakikibakang gerilya pagkat ang lugar na ito ay dating base ng mga gerilya ni Marking noong nakaraang digmaan at naging base rin ng mga Huk hanggang 1950-51.

 

Sunog

Bandang 1975 noong magkaroon ng malaking sunog sa Maynila-Rizal.  Pati ang Distrito 6 ay naapektuhan dahil nakuha ng kaaway ang ilang papeles ng panrehiyong organisasyon ng Partido at ang kasamang umuugnay sa amin ay nakuha rin. Dito muling nabisto ng kaaway ang aking kinalalagyang lugar dahil may mga nakuhang sulat na nakakabit ang ginagamit kong pangalan.  Muling nabuhay sa kanilang alaala ang taong matagal na rin nilang hinahanap.  Sa panahong ito, nagkaroon na naman ng patakarang ilipat na ang pwersa ng Distrito 6 sa ibang rehiyon.  May nadala sa Mindanaw, Bikol, Gitnang Luson, Cagayan Valley at Ilocos-Montañosa-Pangasinan.

Ako at ang isang kasama na hindi agad nakaalis, pero naghihintay na lamang ng go-signal at pupunta rin kami sa ibang lugar.  Habang nag-aantabay sa paglakad, itong kasama ko ay nakuha ng kaaway.  Nabalam ang aking pag-alis.  Pagkaraan ng isa o dalawang buwan, dumating ang atas na ako ay lalakad na.  May makakasama akong apat, puro maiinit, na manggagaling din sa Maynila-Rizal.  Noong mag-ipun-ipon kami sa isang lugar at naghihintay na ng magdadala sa amin sa pagdidistinuhang rehiyon, hindi na naman kami natuloy dahil ang maggigiya sa amin ay nakuha raw ng kaaway.  Hiwa-hiwalay kami uli.  Habang naghihintay ako, may kinakausap na dalawa pang kasama na kasabay ko sanang papasok sa isang malayu-layong lugar na bubuksan.  Ang mga kasamang ito ay hindi rin natuloy sapagkat nakuha rin ng kaaway.  Noong sila’y makalaya sa kamay ng mga kaaway, hindi sa lugar na papasukin ko natuloy itong dalawang ito.  Napasok sila sa Gitnang Luson at sang-ayon sa aking napag-alaman ay doon daw muna sila titigil, sa mga sona sa rehiyong yaon, para magkaroon ng karanasan sa pagkilos sa kanayunan, pagkat ang mga kasamang ito ay sa Maynila-Rizal nakabase mula’t sapul, ligal ang dating trabaho sa kilusan.

 

Sa Paanan ng Cordillera

 

1976, ako’y natuloy din na nag-iisang pumasok sa isang lugar sa norte na walang-wala pang pasimula ang kilusan.  Ang lugar na ito ay bawnderi ng Cordillera Mountain, na nasa silangan, at tatlong probinsya, ang Kalinga-Apayao sa hilagang-silangan, Abra sa timog-silangan at Ilocos Sur sa timog-kanluran.  Magandang lugar ito. Maraming Tinguian dito pero Ilokano pa rin ang mayorya.  Medyo mahirap ang pagkakalagay ko rito dahil may mga tauhang Civil Home Defense Force O CHDF sa lahat ng baryo dito.  Hindi rin alam ng nagpasok sa akin dito kung ano talaga ako pagkat  ipinakilala lamang akong mangangasiwa at magtatanim sa isang piraso ng lupain.  Ito ang aking prente.  Sa araw-araw na nakikita ako ng mga tao,  dumami ang aking naging kakilala.  Kinaibigan ko sila, dahil ang pangunahing misyon ko rito ay hindi ang gawaing agrikultural kundi ang isulong ang rebolusyon, imulat ang mga mamamayan para kumilos ang banay-banay at sumulong nang hakbang-hakbang.

Ang una kong naging kaibigan dito ay isang minorya na katamtaman ang pamumuhay, hindi mahirap at di rin mayaman, hindi kinakapos pagkat may sariling lupang sinasaka at mayroon pang halamanang natatamnan ng mangga, santol, saging pinya at iba pa.  Ito na ang aking naging giya sa pagpasok sa iba pang mga lugar, pero papaano ka makakatigil nang matagal sa ganitong kalagayan na kabi-kabila ang CHDF, ang kau-kausap mo ay mga taong-CHDF?  Ang mga kapitan del baryo at mga galamay nila ay puro maka-Makoy, anti-komunista. Ang una kong ginawa ay pahigpitin ang pakikisalamuha sa masa, maingat na piliin ang kakaibiganin.

Sa lugar na ito, ang isang hanapbuhay ng mga tao ay ang pangangaso o hanting.  Ako’y sumasama rin sa ganitong gawain, na napakahirap para sa akin.  Ang nakakasama ko’y mga kabataan at yaong mga idad 30-40, kalakasan at sanay sa takbuhan sa bundok.  Ako’y di makasunod sa kanila nang mabilis pero hindi naman nila ako maaaring iwanan.  May pirming nag-aantabay sa akin, nauuna ang iba.  Minsan, pagdating sa lugar na paghahantingan, ako’y pinagpasyahang maiwan na lamang sa kampo at magbantay ng mga baon at gamit namin at pati ng mga huli.  Nakahuli kami noon ng usa.

Sa gabi, natutulog kami sa mga yungib na madilim at masukal. Habang namamahinga bago matulog, kwentuhan ang gawa namin, sari-saring paksa ang pinag-uusapan.  Kung minsan, binabanggit nila na ang mga bundok daw ay tirahan ng mga NPA at doon daw sa di gaanong kalayuan sa aming kinalalagyan ay nagkakaroon na ng labanan.  Kalinga-Apayao at Abra ang tinutukoy nila.  Sa ganitong mga kwento, unti-unti rin akong sumasali pero puro patanong ang akin, para makakuha pa ng balita mula sa kanila at masuri kung hanggang saan ang kanilang pang-unawa sa malaganap na propaganda ng kaaway na ang Partido at ang NPA ay lubhang masama. Ang totoo nito, kahit kasamahan nila sa bahay, pag ginagabi sa pag-uwi, ay hindi pinagbubuksan at baka raw NPA ang kumakatok.

Pinangalagaan ko ang aking siguridad sa pamamagitan ng mahigpit na pakikiisa sa masa. Matagal-tagal din akong di kumikibo ukol sa prinsipyo.

Noong namumunga na ang ilan sa aking mga tanim, tulad ng pinya, sitaw, patola, kamote, saging, mangga, santol, langka at niyog, paminsan-minsa’y nagbibigay ako ng produkto sa masa.  Napalapit at napamahal ako sa kanila.  Malaking bentahe yaong mapalapit ka sa masa pagkat sakali at prinsipyo na ang pinag-uusapan, kahit di gaanong matanggap ang prinsipyo mong ilalapit sa kanila, tiyak na kahit papaano’y mamamahalin ka palibhasa’y napagkilala ang kilos mo at pakikipagkapwa  sa kanila. Liban na lamang isa ilan-ilang pusakal na kalaban.

Halos isang taong ginawa ko ito sa malayong distino na teritoryo ng mga pangunahing kaaway ng bayan, tulad ng mga Makoy, Ablan, Valdez, Crisologo at Barbero.  Sari-saring paraan ang naisip ko para lamang makapasok sa  iba’t ibang baryo, tulad nitong minoryang kadua, kahit saan kayagin, ay hindi tumututol at siya pa nga ang nagpipilit na isama ako sa kanyang baryo sa Abra, may mga lalakarin nang maghapon bago raw marating yaong lugar na pinanggalingan ng kanilang angkan, at kung sasakay ka mula sa kinalalagyan ko ay maaaring abutin nang pito hanggang walong oras bago mo marating ang Bangued, ang kapital ng Abra, pagkatapos ay sasakay ka uli bago lumakad nang maghapon dahil walang sasakyang pumapasok sa kanilang lugar.

Dito sa kinalalagyan ko, mayroong mga samahang magsasaka na kaanib sa Federation of Free Farmers o FFF.  Nakausap ko ang lokal na lider nito sa bayan ng Espiritu, dating Banna, sa Ilocos Norte.  Mayroon ding samahan sa patubig, na nakabase sa Bacarra, Ilocos Norte, pero di ko nakausap ang lider nito.

Ang magandang gabayan dito ay ang mga hanter.  Halos araw-araw ay umaakyat sila sa Cordillera. Kung minsa’y isang linggo sila sa bundok.  Pagbaba, dala na nila ang kanilang tapang baboy-damo at usa para ipagbili.  Marami sa kanila ang talagang namumuhay sa bundok na di nararating ng PC.  Minorya sila, mga Apayaw, at maganda silang makitungo sa akin.  Noong primero akong magpunta sa isang lugar na kinalalagyan nila, may dala akong pasalubong ng kendi para sa mga bata.  Tuwang-tuwa sila.

Noon, nagbaba ang militar ng kautusan na bawal ang magpunta sa bundok, bawal ang hanting. Dito, maganda ang isyung ginamit ng kilusan laban sa estado, dahil bawal nga raw ang hanting pero pwede kung kasama ang PC at ito ang kukuha ng huli.  Nagbigay ang kilusan ng magandang paliwanag sa mga Apayaw at tanggap nila ito.  Sinabi nilang itutuloy nila ang pag-uumang ng mga panghuli ng baboy-damo na ipinatanggal ng militar, at di na nila iintindihin yaong utos pagkat kapinsalaan nila.  Mayroong 500 silo na lubid na lubid-nylon na nasa pag-iingat nila noong ako’y paalis na sa lugar, at may 1,500 puno ng pinya,   80 puno ng saging na latundan, sitaw na mababang nakabalag at patola na kasalukuyan noong namumulaklak.

Siguro, marami na yaong saging ngayon dahil matagal na akong wala roon.  Pero bago ako umalis sa lugar, inayos ko muna yaong mga mapagkakatiwalaang tao roon at iniugnay sa m ga kasamang kumikilos sa puting purok sa rehiyon, sapagkat marami-rami na ang mga kasamang ito noong ikalawang taon ko roon.  Tubo na sa rehiyon ang nakakarami sa kanila.

Marahil, nadama na masa na maganda naman ang ikinikilos ko kaya sinabi nila, noong matagal na ako roon, na lalo sanang mabuti kung marerehistro na ako sa baryo at nang lalong maging maganda ang pagsasama-sama namin. Baka raw pwedeng magpirmi na ako dahil ang mga mehoras ko roon ay pangmatagalan na, sabi pa nila, at pagka rehistrado na ako roon ay malaya na raw akong magbigay ng kuru-kuro sa ikabubuti namin, laluna ‘ika tungkol sa siguridad.  Ang sagot ko’y nasa kanila na yaon, ako’y nasa ilalim ng kanilang kapasyahan, pero dahil ako ay may pamilya at kapatid sa ibang probinsya, baka maging sagka sa akin ang pananatili sa kanilang lugar.  Ang sabi nila ay malaya akong magpunta kahit saan.  Ang sabi ko naman, sige kung ganyan, laluna kung malaya rin ang akong makipagtalakayan sa pulong tulad nito, sabi ko pa, sapagkat araw ng pulong nila noong mag-usap-usap kami.

1978 na, ang hirap nito ay palagi na nila akong dinadalaw sa tirahan ko.  Naging palagay na sila sa akin.  May mga kumukuha na sa aking mag-anak sa kasal at binyag, gastos na rin ito, pero kapag ako naman ang may kailangang maliliit na bagay ay ibinibigay nila ang mga ito, tulad ng mga gulay-gulay na wala sa taniman ko at iba pang pagkain.  Ang iniiwasan kong interamente ay yaong makipag-inuman, bagamat umiinom din ako ng kaunting basi sa umaga, mga dalawa o tatlong lagok lamang, pero sa tinitigilan kong bahay. Kasi, bago ako magtrabaho sa umaga, mga alas sais, hindi ako kumakain ng kahit ano.  Lulusong na ako sa halamanan ko.  Laban sa lamig itong ginagawa kong pag-inom ng kaunting mainit na basi.

Naaalala ko pa na noong pumasok ako sa lugar na ito ay hindi pinahintulutan ng Partido na magdala ako ng kahit anong klase ng babasahin.  Wala akong nababasa kahit na ano liban kung ako’y pumupunta sa Laoag City, Ilocos Norte.  Minsan lang sa loob ng apat o limang buwan kung makabasa ako ng Daily Bulletin, o anumang dyaryo.

1979, regular na ang pag-ugnay ko sa mga kasama sa rehiyon.  Pero bagamat alam na nila ang aking kinalalagyan, hindi nila ako madaling mapuntahan dahil tatlong oras takbuhin ng sasakyan at minsan lamang isang araw ang byahe kung tag-ulan, malalim ang mga ilog at di makatawid ang sasakyan.  Malayo pa ang lalakarin mula sa kabayanan hanggang sa aking kinalalagyang lugar sa paanan ng Cordillera.  Ang isa pang dahilan kaya hindi ako mapupuntahan ay wala pa raw atas sa kanila na pumasok sa kinalalagyan ko, hanggang kabayanan lang sila.  Kaya noong pinadadalhan na ako ng mga babasahin at dokumento, ako’y pumupunta sa Laoag para kunin ang mga yaon.  Regular na ang dating nga babasahin, at nagkikita-kita na rin kami ng mga minsan sa isang buwan.

Bago nagkaroon ng regular na ugnay sa akin ang mga kasama, marami-rami na akong kaibigan sa lugar ko, at ang ila sa mga kinakausap ko ay sumasang-ayon na sa armadong pakikibaka.  Kayat noong regular nang dumarating ang mga babasahing tulad ng Dangadang, Liberation, Ang Bayan at Ibon at iba pa, mayroon na akong napapabasa sa mga ito.  Ang kauna-unahan kong pinabasa ay itong minoryang kasa-kasama ko sa mga lakad.  Siya na rin ang nagtatago sa mga babasahin.  Di nagtagal, dumami na nang dumami ang bumabasa sa mga pahayagan ng kilusan.

Nitong kalagitnaan ng 1979, pinasama sa aking kinalalagyang lugar ang isang kasamang bago pa lamang nakalalaya sa detensyon.  Siya raw  ay anim  na taong ikinulong at pinagrereport pa raw sa Army.   Pero noong pumunta na siya sa kinalalagyan ko, huminto na siya sa pagrereport sa Army. Marahil, itong kasamang ito ay sabik na sabik na magkaroon ng mga bagong kaibigan, kayat sumasama siya sa kung ano-anong lakad. Minsan, isinama pa siya ng mga binatang tagabaryo papunta sa isang malaki-laking pagtitipon ng mga  Baptist na idinaos nang tatlo o apat na araw yata sa bayan ng Currimao, Ilocos Norte.  Marami daw nagsidalo doon na galing sa ibat’ ibang bayan at lalawigan.  Pagkabalik niya sa aking kinalalagyan, tumigil pa siya nang isang linggo bago nagpaalam.  Pinabaunan ko pa siya ng isang sakong pinya.

Hindi gaanong nagtagal pagkaalis niya, may hinuli ritong kadikit ng kilusan, sa bintang na pananaga sa isa ring tagarito.  Naputol ang isang daliri nito.  Noong siya ay nasa kulungan na sa munisipyo, pilit daw na itinatanong sa kanya kung sino ako at bakit daw mayroon pa akong kasamang kabataan.  Ipinagpilitan daw na kami ay may ibang gawain, hindi lamang magtrabaho sa lupa.  Ang sagot daw niya ay walang nalalaman ukol sa itinatanong nila pagkat ni kaunti ay wala siyang pagkakakilanlan na kami ay masasamang tao.  Pinalaya siya sa kondisyong babayaran niya ang gastos sa pagpapagamot nitong naputulan ng daliri. Pero bago nangyari ang lahat ng ito, lumalaganap na ang balita na nasa Ilocos Norte na raw ang NPA.  Ibinobrodkast na rin ito ng radyo sa Laoag at sinasabihan ang mga tao na mag-iingat sila. Gayunman, di ko pa rin ito iniintindi. Pero nakakaramdam na rin ako ng init tuwing pupunta ako sa Laoag at makikipagkita sa mga kakolektibo.

Sa aking istasyon sa Laoag ay madalas na raw may napapansing umaaligid na mga kahina-hinalang tao, at medyo nag-aalaala na rin ang mga kasama.  Dahil sa ganitong kalagayan, pati itong may-ari ng bahay na nagsisilbing communication post ko at ng mga kasama ay nagpahiwatig na ibig niyang huwag na akong magpunta sa pinupwestuhan kong baryo.  Ang taong ito ay isang ministrong Protestante.  Mahuhusay na kasama ang mga anak niya pero siya mismo ay anti-Partido.  Anti-Makoy naman siya kaya lamang ay pro-Amerikano.  Ang bagay na ito ay isinangguni ko sa isa niyang anak na mainit din dahil ito’y tumakas sa kamay ng estado.  Noong matanggap ng kasama ang sulat ko, agad niyang pinuntahan ang tatay niya, kinausap nang mabuti at sinabi dito na bawasan ang takot nito.  Nakabalik ako sa aking lugar.

Pagkalaya nitong kaalyadong tagabaryo, tumuloy siya agad sa aking kubo, mga alas 11 na ng gabi.  Mahigpit daw ang bilin sa kanya na huwag ipagsasabi kahit kanino yaong itinatanong sa kanya pagkat huhulihin daw ako, at pag ako raw ay nakaalis, siya ang may kagagawan.  Sa ganitong balita, maagang-maaga kinabukasa’y umatras ako.  Nagreyd ang militar noong sumunod na araw, isang araw lamang ang pagitan pagkaalis ko.  Pinaghuhuli ang ilang taumbaryo at nireyd pati ang post ko sa Laoag.  Matatag na nanindigan ang masa na sila’y walang kinalaman sa sinasabing ako raw ay NPA, at may sagot pa sila na ganito:  Kung totoo mana ang sinasabi inyong ang taong yaon ay NPA, wala siyang masamang ginawa, bagkus ay napakagandang ugali pa nga ang ipinakita niya, mahusay siyang makisama, matulungin, maawain.  Ganito ang ipinaabot nila sa kilusan, at sumulat pa ang masa noong ako’y wala na sa lugar na kung maaari raw ay magbalik ako at huwag mag-alala.  Kung anuman daw ang hakbang na gagawin ng mga awtoridad sa akin, ipapakita daw nila kung papaano nila ipagtatanggol ang kilusan laban sa kaaway ng bayan.

 

Sa Ilocos at Abra

 

1980, ako’y pumasok sa Ilocos Sur. Ang bayang tinungo ko ay Santa Cruz.  Sa bayang ito ay marami akong kakilala at marami pang nakakakilala sa akin. Mangyari, ang una kong asawa ay tubo rito sa Santa Cruz. Alam nila ang aking gawain mula pa noong 1948.  Alam nila ako’y kumikilos a CLO, nanggaling sa hukbong bayan at nabilanggo.  Bukod sa mga taga-Santa Cruz, maraming nakakakilala sa akin na mula sa iba pang bayan sa Ilocos Sur, tulad ng Santa Lucia, Candon at Salcedo.  Nakasama ko sila sa sentral asukarera ni Buencamino noong bago pa magkadigma.  Liban pa ang mga ito doon sa mga kamag-anak ng asawa ko na ang ilan ay naging opisyal ng pamahalaan, tulad ng isang dating meyor  ng Salcedo at isang dating hepe ng pulis sa Santa Cruz.  Yaong nasirang si Ka Manuel  Joven, pangkalahatang kalihim ng CL na dinukot ng kaaway sa tanggapan ng pederasyon noong 1949, ay tagarito sa Santa Cruz.

Dito rin sa bayang ito nakasentro ang ilang kasamang kumikilos sa Ilocos Sur, kaya nang malaman ng mga kamag-anak ng asawa ko na ako’y narito, mabilis na kumalat ang balita na ang kilusan ay naririto na.  Ito ang dahilan kaya ako’y di gaanong pinatagal sa Ilocos Sur.  Nagkaroon ng kapasyahan na ilipat ako sa ibang rehiyon.  Mga anim na buwan lamang ako rito, pero marami-rami rin ang nalapitan ng kilusan at nadagdagan ang bilang ng mga kasapi nito.

Alas onse ng gabi, isang araw ng Setyembre, kasalukuyang nagpupulong kami at nagpapasumpa ng mga bagong kasapi ng Partido nang dumating ang balitang may pumasok na dimonyo sa baryo at pinaiinspeksyon sa mga ronda ang mga bahay-bahay, pinatitingnan kung may mga bagong tao sa baryo.  Pumasok nga sa kinalalagyan namin ang inatasang magmanman.  Alam niya na naroroon kaming nagpupulong, pero palibhasa’y kaalyado na ng kilusan itong mga tanod na ito na sapilitang pinagroronda mula alas otso ng gabi hanggang umaga, ang report nila sa PC ay walang ibang tao sa baryo, walang NPA.  Kung mismong militar ang nagpunta sa amin, tiyak na babanatan namin pakat may mahahaba naman kaming armas na nakahanda.  Ang ganoong istilo ng pagguwardiya ng masa ngayon ay katulad ng pagbabantay ng mga samahang magkakapitbahay noong panahon ng Hapon, noong ang mga gwardiyang ito ay siya ring naghahatid sa mga gerilya sa kanilang pupuntahan. Lahat ng baryo sa Santa Cruz, noong ako’y naroroon, ay ganyan, may karpyu at may gwardya, pero nakakakilos ang Partido pagkat ayos ang masa.  Noong ako’y makaalis sa lugar, hindi nagtagal at nagkaroon ng banatan doon mismo sa pinanggalingan kong baryo, sang-ayon sa report ng pahayagang panrehiyon ng kilusan.

1980-81, mainit sa Ilocos Sur.  Yaong isang kasamang babae na hindi tubo sa Ilocos Sur at isa pang kadreng Ilokano, pagkatapos ng pag-uusap namin sa La Union, ay nagbalik sa Ilocos Sur.  Ako’y tumuloy na sa Baguio pagkat doon na nila ako pupuntahan pagkaraan.  Hindi na nila ako napuntahan at nahuli na sila sa Santa Maria, Ilocos Sur.  Nagdaan ang dalawang buwan bago may sumipot na dalawang kasama sa bahay na kinalalagyan ko.  Noong araw na yaon, nagpaabot ako ng sulat sa nakatataas ng organo ng Partido na hindi na masyadong mahusay ang pisikal na kondisyon ko kaya hirap na ako pag-akyat baba sa Cordillera.   Sinulatan nila ako at pinaluluwas na muna sa Maynila.

Habang ako’y naghihintay na lumakad patungong silangang Gitnang Luson (SGL), ang bago kong distino, sinabi ng kinuukulang organo ng Partido na ako’y ilalagay daw muna sa isang lugar sa loob ng tatlong araw at doon ako uugnayan.  Ang  lugar na ito, sa palagay nila, ay  ayos para sa akin pagkat organisado ang masa.  Komunidad ito sa Abra na ang nakakarami ay Tinguian, para na ring sonang gerilya.  Noong unang gabi ko roon, pinuntahan ako ng ilang kababaihang Tinguian. Nagkantahan sila ng mga kantang rebolusyonaryo sa wika nila.  Masayang-masaya kami.

Sumunod na gabi, masama ang balitang dumating.  May pumasok na PC at pumwesto sa malapit sa aking kinalalagyan.  Pinuntahan ng kasamang may-ari ng bahay na tinitigilan ko yaong bahay na pinwestuhan ng PC, na diumano’y siyang pagdadausan ng pag-uusap ukol sa bibilhing armas para sa hukbong bayan. Pilit na pinigil na ng PC itong kasama at pinainom  nang pinainom ng alak na dala ng PC.  Nabalisa ng ngayon itong kadua, tinakasan niya yaong mga sundalo at pinuntahan ako.  Hatinggabi, umatras ako kasama itong may-ari ng bahay.

Ang bahay na ito ay dikit na dikit sa mataas na bakod ng malawak-lawak na lupang pag-aari ng Simbahang Katoliko.  Madilim sa loob ng bakuran, maraming tanim na saging at sari-saring punung-kahoy.  Nasa gilid ng ilog ang tanimang ito.  May kalsada sa tabing-tabi ng bahay ng kasama, gilid na gilid din ng ilog.  Hindi na ako nakaraan sa hagdan na nakaharap sa kalsada pagkat naroroon na ang PC.  Sa bintana ako lumusot.  Dahil sa dilim at nangangapa ako, hindi ko namalayang nalaglag ang aking salamin, marahil ay noong ako’y umaakyat uli sa mataas na pader sa isang panulukan ng bukod.  Nang makalabas na kami ng taniman, nagdaan kami sa pagi-pagitan ng malalaking bahay.  Noong naglalakad kami sa isang makitid na iskinita, nasalubong namin ang dalawang PC na nakainum nitong aking kasama.  Sila’y  lasing na lasing at halos magkabanggaan ang mga balikat namin sa makitid na daan. Bumati pa ng bating lasing yaong dalawa.  Hindi namin alam kung saan pa sila pupunta pero ako’y palayo na nang palayo sa lugar na ito.

Napilitan kaming maglakad nang hatinggabi sa malaking kalsada hanggang sa maraming namin ang terminal ng Pantranco.  Doon na ako nagpaumaga.  Itong kasama ko ay nagpaalam na uuwi muna at babalikan ako bago mag-umaga.  Maagang-maaga pa nga’y dumating siya sa istasyon ng bus.  Nagpunta raw yaong PC sa bahay niya.  Nanginginig daw sa takot itong asawa niya at mabuti na lamang daw at di kami inabutan sa bahay.  Mula sa istasyon ng Pantranco, nagpunta na ako sa napag-usapang lugar ng tipanan para lumabas na patungong SGL.  Alas otso ng umaga, dumating ang sundo ko na kotseng berde.  Pinuntahan pa namin ang dalawang kasamang nagpapagaling sa tama ng baril at isa pang kasamang babae na nagpapagamot din dahil nagkasakit.  Pumasok na kami sa sonang gerilya.

 

Sa Silangang Gitnang Luson

 

Sa sona, gabi-gabi ang lakad ko kasama ang mga armado.  May baril din ako.  Ang hirap nito, nangangapa ako sa daan, madilim, madulas ang mga pilapil.  Noong ikalimang gabi ng pagsama ko sa hukbong bayan, nakita ng mga kasama ang hirap ko sa paglakad sa dilim.  Mula noon ay iniwan na nila ako sa patag kasama ng isang yunit pampropaganda.  Naglalakad pa rin ako pero sa araw na.  Dito, napagtatagpuan ko yaong ilang Huk na beterano ng mga labanan noong nakaraang panahon.  Isa sa mga ito sa Ka Eugenio Gomez na kasama si Kumander Viernes na nagtungong Cagayan Valley noong 1947. Nagkatagpo kami sa San Jose, Nueva Ecija. Halos baldado ang isa niyang braso dahil nabaril siya sa ibaba ng balikat noong magkaroon ng labanan sa Camalaniogan, malapit sa Aparri, Cagayan. Sa isang batalyon ng Huk na nagpunta roon, iilan lamang ang nabuhay at nakabalik sa kani-kanilang bayan.

Pumwesto ako nang tatlong araw sa bahay niya at mayroon akong hinihintay na giya.  Pagdating ng giyang ito, lakad na uli.  Nagtungo ako sa isang bayang malayu-layo na sa bundok.  Ito ay puting purok, bawnderi ng Ilocos-Montañosa-Pangasinan, kanlurang Gitnang Luson at SGL. Ako’y nag-iisa sa lugar na ito na bahagi ng ginagawang pagpapalawak ng kilusan.

Noong ako’y naroon na sa sona, madaling araw ay sumalakay ang kaaway. Nasentruhan ng reyd ang kinalalagyan ng dalawang kasamang kadre.  Hindi sana nahalata ng kaaway na may mga kasama roon kung hindi medyo nataranta ang may-ari ng bahay. Nagsara siya ng bintana samantalang naroroon na sa may hagdanan ang kaaway.  Ang dalawang kasamang nasa silid ay hinuli at nakunan ng papeles.  Ako naman ay nasa isang bahay kasama ang ilang kapwa armado.  Marami kami sa loob ng baryo.  Tatlo lamang ang kaaway na pumasok sa baryong ito, pero noong mga alas sais medya ng  umaga ay natiyak na marami pa silang nakadiploy sa malayu-layo sa amin.  Nagblaking na kami.  Noong matiyak namin na kami pala’y kubkob na, nagdisisyon kaming pumwesto at kung sakali’t lumapit ang kaaway at tiyak na banatan ang mangyayari.  Hindi naman sila lumapit sa amin.  Napinsala na naman ang mga manok at aso ng masa.

Sa bayang nilipatan ko, ako’y nagtaka at isang buwan nang mahigit ay hindi pa nagbabalik ang kuryer na naging giya ko  sa pagpasok doon.  Nagdisisyon ako ngayon na hanapin na ang mga kasama.  Nagpunta ako sa isang lugar at nagbaka-sakaling doon ko sila matatagpuan.  Tag-ulan noon, malalim ang ilog, di ako makatawid.  Nagbalik ako sa pwesto ko.  Makaraan ang ilang araw, sinubukan ko uli silang hanapin.  Nagpunta ako sa San Jose. Nakita ako ng isang kakilala, itinanong niya kung saan ako pupunta.  Ang sabi ko’y doon sa kanilang baryo. Huwag ka nang tumuloy, sabi niya, at nilagyan na ng ditatsment ang baryo.  Nagloko si Kapitan, may armas na siya ngayon, bigay ng PC, hinuli si ganito at ganyan, sabi niya.  Ligtas uli ako, dahil kung nakatuloy ako sa bahay na tutunguhin ko ay may nakapwesto na pala doong dimonyo.

 

Tuloy ang Laban

 

Ako’y lumuwas sa Maynila para ayusin ang ugnay ko. Balik ako uli sa SGL pagkatapos maayos ang linya ng komunikasyon.  Pagkaraan ng isang buwan, dumating ang isang sulat sa akin at pati yaong salamin kong nawala. Pinaluluwas ako sa Maynila at iuugnay sa ligal na kasamang kumikilos sa hanay ng manggagawa.  Dito ako nagpatuloy na kumilos pagkaraan ng mahigit na isang buwang paghihintay.  Ako’y medyo naninibago sa trabaho bagamat mahaba na ang karanasan ko sa kilusang paggawa.  Naiinip ako kung minsan pero sa kabuua’y maayos ang pagkilos ko dito.

Hindi pa dito magwawakas ang kwento at magpapatuloy pa ang labanan. 72 taon na ako ngayon, pumupwede pa kahit papaano.  Marahil, magtatagal pa ang buhay ko, malakas-lakas pa rin ang katawan ko.

Mabuhay ang Rebolusyon!

          

 

Hosted by www.Geocities.ws

1