RUTH FIRMEZA

Mula sa Gera

 

SA BARANGAY BANIG, Tumauini, Isabela. Hulyo 3, 1975

“Pasa-kaaway!”  ang babala ni Rudy kasabay ng marahang tapik sa balikat ni Ariel.

Sa pagbubukang-liwayway, mabilis at tahimik silang kumubli sa likod ng isang malaking bato.

Sa mababaw na ilog, maingat na tumatawid ang mga sundalo.

Itinutok nina Ariel at Rudy ang kanilang baril sa kaaway.  Nakahanda na rin ang ibang mga kasamang nasa bunganga ng patay na ilog.  Nahuli sila sa paggising kayat naunahan sila ng kaaway sa pag-okupa sa sana’y lugar na pagtatambang nila.

Lumalagaslas ang tubig na dinaraanan ng kaaway.

“Kinse na ang nagdaan, marami pa sila!” ang paimpit na sambit ni Ariel.

Sa gitna ng katahimikan, sa di sinasadya’y nahulog sa batuhan ang kaldero ng mga gerilya.  Umalingawngaw ang ingay at nalantad sa kaaway ang kanilang pusisyon.

Kinalabit ni Ariel and gatilyo ng kanyang Garand.

Sabay-sabay na nagsiupo ang mga sundalong naglalakad sa tubig at tinanggal ang safe ng kanilang baril.

Nagsalpukan ang mga bala sa batuhan.

“Dapa, Ariel! Malapit lang ang putok nila. Tila alitaptap ang mga balang humahaginit sa kanilang pinagkukublihan.   Ang kumand lamang sa panig ng kaaway ang naririnig nina Ariel.  Walang kumand mula sa kanilang panig.

“Sir, tinamaan si Marquez!”

“Shut up, walang mag-iingay!”

PRAAAAK! PAK! PAK! BRUUUUUD! Armalayt at M14.

KABLUM! BRAM! BRAM! Garand.

“Medic, pakitawag ang medic!” ang pakiusap ni Rudy kay Ariel. “Tinamaan ako!”

Umuulan ng bala sa kinaroroonan ng dalawa.

“Ariel!” ang sigaw ni Ernie. “Lumilipat sina Arman, suporta ka!”

Tinamaan si Ariel.  Duguan ang kanyang paang naipit sa bunton ng batong sumambulat sa harap niya.

“Akyat, Ernie!”  ang utos ni Arman.  “Naririto na kami ni Jim, bilisan n’yo!”

Mula sa likuran ng mataas na bato sa bandang itaas ng ilog ay bumuga ang apoy ng mga baril nina Jim at Arman.

“Ariel, tayo na! ang hiyaw ni Ernie. “Maliwanag na’t makikita na tayo ng kaaway!”

“Mauna ka! Aasikasuhin ko pa si Rudy!  Mas grabe ang tama kaysa sa akin!  Susunod na lang ako!

Patuloy na umuulan ng bala sa pinagkukublihan ni Ernie.

“Ramos, Santos, tawagin ang M79! Nasa likod ng bato ang mga hayop!”

“Sir binabanatan pa rin nila tayo, walang makarelay sa likod!”

“Dammit, go! Pagbabarilin ko kayo pag walang pumunta mula sa 2nd Platoon!”

“Rudy! Rudy! Palit tayo ng baril.  Iiwan ko na lang Garand ko sa ‘yo!”

“Medical ang kailangan ko, hindi ang Garand mo!”

“Grabe ang tama mo! Sayang ang M14 na ‘yan, palit na lang tayo!”

“Iwan mo na ako rito.  Tumawag ka ng medic.”

Kablam! Muling nayanig ang mga bato sa ilog.

Isang bala ng M79 ang sumabog sa batong pinagkukublihan nina Arman, Jim at Ernie.

“Nasaan sina Ariel at Rudy?”

“Nasa ibaba! Suporta kayo!” ani Ernie habang gumagapang.

“Kaunti na lang ang bala ko,” ang angal ni Jim.  “Pahingi ng isang magazine.”

“Ayun si Ariel, gumagapagang paakyat! Banat!”

Parang iisang putok ang ibinubuga ng mga baril nina Ernie, Jim at Arman, halos pumantay sa bira ng kaaway.  Sandaling tumigil sa pagpapaputok ang tatlo at pagkatapos ay muling nag-isnayping.

“Nasaan ba ang ibang iskwad?  ang tanong ni Arman.  “Tayong magkakaiskwad na lang ba ang naiwan?”

“Si Pol, patay na nang maraanan ko,” ani Ernie. “Wala ang baril n’ya, baka iniatras ng mga kasama.”

Muling nayanig ang paligid sa sunud-sunod na dagundong ng M79.

“Bingi na ‘ata ako!”  ang sigaw ni Ernie.  Iwinagwag niya ang  ulo sa gitna ng usok.

Samantala’y patuloy ang pagpapaputok ni Rudy. Patuloy na kinukonsentrhan ng putok ng kaaway ang kanilang pwesto.

Tumakbo si Arman patungong gilid ng mala-pader na batuhan.  Tinanaw niya ang pwesto ng kaaway.  Sinenyasan niya ang mga kasamang gumagapang sa gilid ng ilog.  Naghambalang ang mga patay sa ilog.  Umuungol ang mga kasama’t kaaway na kapwa sugatan.

Namataan ni  Arman si Rudy na nakahiga’t nakatutok ang riple sa pagitan ng mga batong nagkukubli sa kanya.

“Ernie,” ang utos ni Arman, “iatras mo si Ariel at susuportahan namin ni Jim si Rudy.  Habulin ang mga kasama sa platun at sabihing sumuporta sila!”

“Marami pa akong bala!”

“Iatras mo sabi si Ariel!”  Sumunod ka sa kumand! At pahiram ng isang magazine mo!”

“Jim, suportahan mo ako at gagapangin ko ang kalderong naiwan natin.  Lalapit ako kay Rudy.”

Umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng Garand.  Mga CHDF ang nagpapaputok, inuubos ang bala para makaiwas sa labanan.  Rumagatak uli ang mga putok ng armalayt sa buong paligid.

BOOM! BOOM! BOOM! PAK! BOOM!

“Sino’ng nand’yan sa likod ng bato?” ang sigaw ng tinyente ng 17th IB.  “Sumuko ka na, hindi ka maaano!”

“Hindi ako naniniwala sa ‘yo!” Sinundan ang pagsasalita ng paimpit na daing.

“Tumayo ka d’yan! Tayo!”

“Sir, ayaw tumayo! Banatan uli natin!”

“Tayo, sabi!”

BROOOOM!

Sumagitsit ang lima o pitong bala bilang sagot.

“Hindi ka maano! Ako ang sasagot sa ‘yo!” Tinig iyon ni Edwin, isang surrenderee.

“Lokohin n’yo ang lelong n’yo!”

BROOOOM! BRAAAAAMMMMM!

Nangingibabaw ang mga putok sa palitan ng mga tinig.

BRAM! BRAM!

Nagpaputok si Arman.

Wang nang pag-asang maitras pa si Rudy. Kubkob na siya ng kaaway.  Suportang putok na lamang ang kanyang magagawa para mabawasan ang putok na umaararo sa kinalalagyan ng kasama.

BROOOOM!

“Tayo na, Jim.  Lantad na ang pwesto. Susuportahan kita.”

Banat, Arman! Malapit na ako sa kabilang bato!”

Muling dumagundong ang M79.  Nayanig ang magkasama sa halos sabay na yumuko.  Napuno ng umuusok na asupre’t pulbura ang maliliit na yungib na kublihan nila.  Lumipad ang mga tingga’t kurtadilya, alikabok at dahon habang binabanatan ang pwesto nila.  Pagapang na hinila ni Jim ang kaldero at ilang pak.

“Atras kayo nang kaunti!”

Napalingon sina Arman at Jim para sinuhin ang nagsalita.  Naninigarilyo habang nagko-cover fire sa kanila si Julio.  Nagtatakang nagkatinginan na lamang sina Arman at Jim, na nag-akalang sila na lamang ang naiiwan sa lugar.

“Kanina pa ako rito nagkukubli.  Medyo na-shock lang ako.  Nandito pa rin pala kayo.  Sige, suportahan na lang tayo.”

Nagpaputok uli si Julio, marami pa siyang bala.

Iiling-iling na napangiti sina Arman at Jim.

Unti-unti silang kumalas sa matinding pagpapaputok ng kaaway.  Si Julio na ang nagpapaputok ngayon.  Tatlong magazine na ang nauubos ng bawat isa sa kanila.  Kailangang tipirin ang mga bala sa belt at baka mapalaban pa.  Nasa  loob pa sila ng kubkob ng kaaway.

PRAAAAAK! BROOOM!

Walang tigil na volley at volume fire.  Sa kapal ng mga putok, imposibleng makaligtas pa si Rudy.

Tumutulo ang luha ang pawis, napailing si Arman.  Nabawasan na sila ng dalawang kasama dahil sa isang napakaliit na pagkakamali.

Takbo, lakad, takbo, pahinga.  Malalim na paghinga para hindi maubusan ng hininga.

Sa dulo ng palikong ilog, nakita ni Arman ang maraming kasamang nakaupo, matagal nang naghihintay sa mga kasamang nahuli sa pag-atras.

“Naririto na ang lahat? Pasa-lakad!” ang kumand ni Arman.

Buhat-buhat ng isang medical si Ariel.  Nabendahan na ang kanyang paa. Pumapatak sa batuhan ang dugo mula sa sugat.

“Back support, tabunan ng dahon o buhusan ng tubig ang mga tulo ng dugo para walang bakas.  Tayo na, bilis!”

Mabilis ang kanilang bawat hakbang, papalayo sa lugar ng labanan.

“Kailan kaya magpapadala ng tulong ang Byetnam, ha, Ernie?”  ang biglang tanong ni Arman habang ipinapatong ang M14 sa balikat sa halip na iisling ito.

“May natira pa ba sa magazine na hiniram mo?”  ang paibang tanong ni Ernie.

“May siyam pa ‘atang laman. Tingnan mo, tumutunog na ang magazine.”  Kinatok ni Arman ang pouch na plastic na nasa kaliwang tagiliran.

“Huwag kang mag-alala,” ni Ernie. “Hindi ko naman M14 ito.  Kay Andoy ito. Ang standard daw natin ay 80 bala.  Aba’y nang bilangin ko, 92 bala ang laman ng magazine niya. Talagang wise si Andoy!”

Napangiti si Arman.  Kahit sa rebolusyonaryong hanay ay may nanggugulang hindi sinasabi ang tunay na bilang ng bala.

“Yan ang gusto ko ‘yo Ernie, matipid magpaputok!”

“Bakit ka magpapaputok kung wala ka namang nakikita o tatamaan?”

“Kaya nga ikaw ang gusto kong kasama, e!”

“Ikaw, ayaw kitang kasama dahil malakas kang magpaputok, malakas ka pang humingi ng bala!”

Napangiti si Ariel sa usapang ng dalawang kasama kahit matindi ang kirot ng sugat niya.

“Paglampas natin sa gulod na ‘yon,” ang pahingal na pagpapabatid ni Ka Enteng, “matatanaw na natin ang baryo.”

 

*        *        *

Bagong taon ng 1976, bagong pakikipagsaparalan.

Nagpaalam na sina Andro para sa bagong pagkilos sa semiligal sa Cagayan.

Mula sa pagkakaupo sa loob ng maluwag na kubo ay pinanonood ni  Dino ang pagpapaalaman.  Ilang beses na niyang nakita ang ganitong madamdaming tagpo.  Maaaring hindi na makabalik ang mga umalis.  Laging masaya/malungkot ang pagpapaalaman, pero sa tuwina, ito’y hakbang sa pagsulong.

Magtatakip-silim na nang pumasok sa kubo sina Ariston, Arman at Ernie at ilang kasamahan ni Dino.

“Sino sa inyo ang mauunang maglalahad ng talambuhay?”  Inihanda ni Ernie ang notbuk. Pumwesto na rin sina Ariston at Arman sa sulok para makinig.

Nagturuan ang apat na responsableng elemento sa baryong kinaroroonan ng mga kasama.

Bumuntung-hininga nang malalim si Dino.  “Kilala na naman n’yo ako,” anya.  “Hindi na ako magpapakilala.  Magdadalawampu’t limang taong gulang, may asawa’t tatlong anak, isang babae’t dalawang lalaki.  Ang mga magulang ko’y mula sa Pangasinan, lumipat sa Nueva Viscaya at kinalauna’y pumirmi dito sa Isabela. Kami ang nagbukas sa Baryo Takuling na ito, dito na ako nagbinata at nakapag-asawa, at dito na kami dinatnan ng mga kasamang unang kumilos noong 1970.  Bagong kasal pa lamang kami no’n at nagdadalantao ang baket ko sa panganay namin.”

Sumiksik sa kandungan ng kanyang Uncle Arman ang mag-aanim na taong panganay na anak ni Dino.

“Binatilyo pa lang kami ay nilalakad na ng aming matatanda para maging lupang publiko ang malawak na lupain.  Nang magbinata kami, kami naman ang kumilos. Ito ang aming pinagkakaabalahan nang dumating ang mga kasama.  Maaalala siguro nina Ka Arman kung ilang ulit kaming kinwartahan ng mga head petitioners at kami nama’y parang sira ang mga ulong sukat nang sukat,  pinag-aawayan ang lupang pag-aari na pala ng isang mayamang abugadong taga-bayan.

“Mabait naman ang may-ari.  Hinayaan kaming magtrabaho sa lupa.  Nang gawing pastuhan ito ay kinuha pa ang Tatay bilang koboy.  Gayunman, pagkatapos lang kumprontahin nina Ka Ariston ang maylupa naging panatag kami sa pagbubungkal at pagtatanim.  Itinaas pa ng may-ari ang sweldo sa pagbabantay sa mga baka.

“Pero may problema sa isang asendero, si Don Miro, na nag-aari din ng lupa sa baryo.  Palibhasa’y magnanakaw ng lupa kayat siya’y takot na takot sa mga NPA.  Noong mag-martial law, naging guide siya sa mga operasyong militar at nagtututuro sa mga taong nasa listahan ng PC.  Dahil sa kanya kaya kami ipinatawag sa kapitolyo para imbistigahan.  “Ikaw pala ang center post ng NPA, ha!” Pinagpyano kami, kinunan ng litrato, at pinagbuwis ng tig-iisang manok bago pauwiin kinaumagahan.

Isinalaysay niya ang pagdaan sa baryo noong Nobyembre, 1972 ng grupo ni Ka Fabie.  Patungo sila sa timog.  Ni isa kanila’y walang armas. Masiglang nakipagkwentuhan ang mga taga-baryo sa mga kasama.  Mayamaya’y nakarinig sila ng mga putok, pero malayo ang pinanggagalingan.  Gayunma’y  agad ni pinakilos ni Dino ang ilang kababaryo para alamin ang mga pangyayari.  Humihingal na nag-ulat kay Dino ang kapitan del baryo: May labanan sa kalsada sa gilid ng ilog, daandaang sundalo ang nakubkob ng maraming NPA.  Wasak ang mga armored car. Maraming tao ang nanonood. Parang gera daw sa sine!

Kinausap si Dino ni Ka Fabie: “Mag-utos ka ng uugnay sa mga kasama,” anya.  Kailangang masalo sila at magkita kami.”

Inatasan ni Dino ang isang kakilalang nakatira sa tabing haywey para umugnay sa mga kasama at ihatid sila sa may pastuhan.  Doon nagkita ang dalawang grupo ng mga gerilya.

“Parang pista noon!” Pagkaalis ng mga kasama, muli kaming hinuli.  May mga PC palang nakabuntot sa mga kasama.  Ito kasing si Mino,” at itinuro ni Dino ang nakababatang kapatid.  “Humahangos na dumating, nakakabayo, at sa akalang nasa pasto pa ang mga kasama, ay nagsisigaw ng, ‘Mga kasama, umatras na kayo!  Naririto na ang kaaway!’ Narinig siya ng isang tinyente, pinababa siya sa kabayo at kinulata ng BAR habang pinagsasabihan ng, ‘Ulitin mo nga ang sinabi mo!’”

Nagtawanan ang lahat, pati na si Mino.

“Nakalabas naman kami agad.  Sabi nga ng tinyente, mabuti raw at nagpapasa kami agad, kundi’y maraming namatay.  Ang sagot ko naman, kaya kami nagpapasa ay hindi dahil kampi kami sa NPA o kaya’y galit kami sa gubyerno, ayaw lang naming magkaroon ng labanan sa baryo at madamay pati mga sibilyan.”

Inilahad ni Dinong tinangkang kumbinsihin siya ni Don Miro at ng isang upisyal ng militar na mag-CI.  Hindi siya pumayag ni tumanggi.  Lahat silang hinuli ay inalok na magmanman sa mga NPA, pero hindi nila ito tinupad.  Sa halip ay buong kasabikang hinintay ang pagbabalik ng mga kasama.

“1973 na nang makabalik ang isang yunit, sina Ka Diego, at mula noo’y hindi na tumigil ang mga kasama sa pagkilos sa lugar.  Nang mamatay si Ka Fabie noong Abril 1973, nagluksa ang buong baryo.

“Sina ka Fabie and nagbukas sa baryo noong mga huling buwan ng 1970, at siya ang unang NPA na nakilala ng masa rito.  Dadalawang karbin ang armas nila noon.  Nilinis nila ang lugar ng masasamang elemento, tulad ng mangangalabaw at mangingikil.  Tumino ang mga lasenggo, pati ang mga babaero.”

Pagkabanggit ni Dino ng huling kataga, nagbibirong itinuro siya ng asawang si Magda na abala sa kusina.  Nagtawanan ang mga nagpupulong.

“Humusay ang pagkakaorganisa ng baryo mula nang maging regular ang pagkilos n’yo rito.”

“Napag-aralan mo na,” ani Ernie nang makapagtalambuhay na si Dino, “ang mga batayang aklat ng ating kilusan.  Ano ang masasabi mo tungkol sa pagsapi sa Partido? Handa ka na bang sumapi?”

“May isang bagay sanang gusto kong linawin n’yo.  Ang ibig bang sabihin ay sasampa na ako?”

Nilinaw ni Ernie ang kaibhan ng pagsampa sa hukbo o pagkilos bilang gerilya at ng pagsapi sa Partido.

“Mananatili kayo sa baryo at kikilos nang lihim, dahil kayo nga ang ubod ng lihim na kilusan sa baryo.  Alam naman ninyo na sa kalagayang ang kaaway  ay nasa kapangyarihan, kailangang kumilos tayo sa lihim na paraan.  Kailangang mayroong ligal na tabing para mapanatili ang ating impluwensya at lakas sa hanay ng mga taumbaryo.”

“Kung gayon, handa na akong sumapi sa Partido kung ito ang makakatulong sa pagsusulong ng rebolusyon sa ating lugar.”

Nakahinga nang maluwag si Magda na matamang nakikinig sa usapan habang nagluluto sa kusina.  Kilik-kilik ang bunso, inayos niya ang gatong sa kalan para patindihin ang apoy.

Nagtinginan sina Ariston, Ernie at Arman.  A, mabubuo na ang sangay sa baryo, ang kauna-unahang sangay ng Partido sa Hilagang Isabela.

Napili nila ang pinakamahuhusay na elemento na ang kakayahan sa pamumuno ay napatunayan na.

Si Dino, na kahit bata pa’y iginagalang ng mga taumbaryo at kahit an matandang tinyente del baryo ay sumasangguni sa kanya. Ilang ulit na hinuli ng militar at ilang ulit ding kumilos ang mga kababaryo para makalaya siya.  Totoo ngang ang isang kinikilalang lider ay laging pinangangalagaan ng kanyang pinamumunuan.

Si Mino.  Hinihimok ng kanyang mga kababaryo na tumakbo sa pagkakonsehal, pero tulad ni Dino ay lagi siyang tumatanggi.  Mahirap nang magkaroon ng ugnay sa bulok na gubyerno.  Kinikilala ng kapwa kabataan ang dunong at lakas ng loob na sintigas ng kanyang mga brasong hindi maitumba sa bunong braso.

Si Duma. Hindi pa gaanong matanda’y puti na ang buhok.  Kinikilala ang kahusayan ng pamumuno sa mga magbubukid.

At si Mising, maitim pero simpatiko, may asawa pero hindi halata, mabikas at mahusay magdiskurso.  Paborito siya ng matatanda at kaibigan na mga kabataan.  Siya ay karagdagan sa mga kilalang lider sa baryo at kanugnog-baryo.

Tinanong ni Ariston ang apat tungkol sa mga paksang pinag-aaralan nila ilang buwan na ang nakakaraan.  Tiyak na malinaw ang mga sagot, walang pag-aalinlangan.

Handa na silang sumapi sa Partido.

Sa labas ng kubo, ang labba ay napuno na  nina Vera at Julio ng mais.  Naririnig nila ang usapan sa loob, ang pagsumpa ng mga bagong kasapi ng Partido, at ang pag-awit ng International.

“Pumasok na kayo dito at batiin ang mga bagong kasapi ng Partido!”

Pumasok si Vera sa kubo at mahigpit na kinamayan ang mga bagong kasapi, na ang mga mukha’y nagniningning sa liwanag ng lampara.

Pinatugtog  ni Ernie ang radyo.  Nagsasalita ang gobernador ng probinsya:  Matitigas ang ulo n’yong mga taga-Hacienda San Antonio! Sa kabila ng tulong sa inyo ng gubyerno, patuloy kayong tumutulong at nakikipaglaro sa mga NPA. Ngayong napatay na si Ka Carling o Kumander Motet, hindi na kayo makakapagkaila.  Nakuha namin ang listahan ng lahat ng tumutulong sa kanila!

“Nadale si Ka Carling!”

Gumitaw sa isip ni Arman ang isang mukhang balbas-sarado, ang gintong ngiping pinapula’t pinaitim ng nganga.  Si Carling, si Carlos Rebucca ng Benito Soliven.

Ano’ng ipinagmamalaki n’yo?  Pag nahuli namin kayo, hindi na namin kayo ikukulong sa Upi, Gamu! Diretso na kayo sa Camp Olivas!

“Nanakot pa ang hayop! Akala mo’y kayang pakainin ang mga hinuhuli!”

Bagamat inuubo, nagpatuloy sa pagsasalita ang gobernador na binansagang ‘Dos por dos’. Matapos manakot, ngayon nama’y nagmamakaawa: Hindi ako nagkukulang bilang gobernador n’yo.  Lahat ng hinihiling n’yo ibinibigay ko. Tulay, kalsada…Pinakakain at pinauutang ko kayo pag umaakyat kayo sa bahay. Bakit kailangang kumampi kayo sa mga nanlilinlang sa inyo?

Nagririklamo kayong malupit ang militar, abusado ang militar, binubugbog kayo ng militar. Ipagtatanggol ko kayo sa pang-aabuso ng militar, pero sa oras na mahuli ko kayong tumutulong sa NPA, ako mismo ang maglilibing sa inyo ng buhay!  Ililibing ko kayo ng buhay!

Isang upisyal ng militar ang sumunod na nagsalita: Kayong tumutulong sa mga NPA, pakinggan n’yong mabuti kung paano nila ipinatutupad ang sinasabi nilang pakikipag-alyado. Si Mr. Ong, isang usurero at nagmamay-ari ng pastong may lawak na 300 ektarya…

Nahalata ng mga nakikinig na ang sinasabi ng upisyal ay batay sa kanilang dokumentong ‘Ulat Pagsisiyasat’.  Nanakot ang upisyal:  Kahit tumulong kayo sa kanila ngayon, usurero pa rin ang tingin nila sa inyo at tiyak na hindi nila kayo sasantuhin pa sila na ang nasa kapangyarihan.

Nagtawanan ang mga kasama.

 

 

*        *        *

 

Sa Pallagao, Baggao, Cagayan. Kabilugan ang buwan.

Mahigpit na nagkamayan sina Ariston, George, Arman at Ernie.  Kasama nina George si Lorna, ang asawa ni Arman.  Ang bahay sa gilid ng irigasyon ay sumigla sa balitaan.  Ang bakuran ay nagmistulang kantong tambayan ng tao.  Tuwang-tuwang makakita ang mga tagabaryo ng mga NPA mula sa ibang lugar.

Binulungan ni Arman si George.  “O sige, lalakad tayo.  D’yan lang sa malapit.  Huwag mag-alala, maayos na ang baryong ito.  Doon tayo sa maraming kape.”

Mabilis na lumakad sina Arman, George, Dina at Vera sa gilid ng kalsada.  Nagkahulan ang mga aso nang marating ang kumpol ng mga bahay.  Nagpatao po sila sa isang bahay.  Pagkakilala sa kanila ay masaya silang pinatuloy ng maybahay.

“Bagong dating ‘ata sila,” anang matandang lalaki.  “Sela, magpakulo ka ng kape.”

“Natagalan kami ng dating dahil bumanat pa kami nina Ariel,” ani George habang lumalagok ng mainit na kape.  “Umatras pala sila sa malapit sa amin kayat hinila na namin sila.  Noon ko nabalitaang sumuko si Dizon, tangay ang mga dokumento ng kumperensya at ang plano ng rehiyon.  Maaaring nag-ooperasyon na ang kaaway doon.”

Binabasa ni Vera ang sulat mula kay Clemen.  Hindi pa rin daw iniiwanan ng kaaway ang Isabela, mahigpit pa rin ang mga operasyon.  Naambus ang isang yunit nila.  Napatay doon si Ka Enteng, dating sundalo sa Army at kapitan del baryo.  Liban sa itak, walang dalang sandata si Ka Enteng nang matambangan.  Patay na si Esteban Danglay, ang kinatatakutan ng AFP noong kabababa ng martial law.  Madalas siyang mabanggit sa radyo noon: Si Esteban Danglay, magnanakaw ng kalabaw, mamamatay-taong nanliligalig sa mga  taumbayan ng Echague at San Guillermo.  May pabuyang P50,000 sa sinumang makahuli o makapatay sa kanya.

Tumatanda na si Ka Enteng nang huli siyang makita ni Vera, mapagbiro at parang tatay.

Naluha si Dina nang malamang patay na si Ka Enteng.  Siya ang madalas bumuhat sa kanya noong hindi pa magaling ang kanyang paa.

Mag-aala-una na ng umaga.

“Bukas na uli tayo mag-usap,” ang mungkahi ni Dina.  “Baka may makahalatang dito tayo nakabase.

Lumipat ng bahay ang dalawang kasamang lalaki, si Arman patungo kay Lorna at si George kina Ariel.

Habang nakahiga, muling binasa ni Dina ang sulat sa kanya ni Clemen: 

Huwag mong alalahanin ang anak mo.  Inaalagaan siyang mabuti nina Tatang at Nanang.  Lagi nilang ipinaaalala sa kanya na mahal siya ng Nanay niya.  Lola ang tawag niya kay Nanang, at Tatay naman sa Tatang.  Mabilis matutong magsalita ang anak mo.  Natatakot lang pag may pumupuntang sundalo sa baryo.  Maganda siya, tulad mo.  Mana kay Nilo ang mga mata…

Huwag mong kalimutang ikumusta ako kay Vera.  Alam mo namang magkalayo kami at umaasa akong mababantayan mo siya para sa akin.

Syanga pala, si Dizon ay sumuko na, iniwan si Lindang malapit nang manganak. Talaga ‘atang ibat ibang klase ang tao sa mundo, may tarantado at may talagang tao.  Kaya nga dapat tayong magsikap para mapabilis ang tagumpay…

Maagang nagising si Arman. Nakayakap pa rin sa kanya si Lorna.  Nang gabing iyon, ilang ulit silang nagtalik.  Halos anim na buwang hindi sila nagkita.  Masuyong hinaplos ni Arman ang maitim na buhok ng asawa.

Bumangon siya at isinuot ang shorts.  Mahirap nang tumakbong nakahubad.  Napangiti nang maalalang sa ilang okasyong nabanatan sila, may mga kasamang tumatakbo’y nakasuot lang ng panti o brief, habang nagku-cover fire ang ibang mga kasama.

Nagkakape na sina George sa kabilang bahay. Isang lumang labas ng Daily Express ang pinulot ng doktor sa sulok.  Kung sa Forest Region, kahit pambalot ng tuyo ay pinagtitiyagaang basahin, ito pa kayang dyaryong ilang linggo lang ang kalumaan?  Nasa unang pahina ang balita tungkol sa pagkakadakip kay Jose Maria Sison.  Sa litrato, makapal ang kanyang bigote, nakataas ang nakaposas na mga kamao bilang rebolusyonaryong pagbati sa mga kasamang nakakulong sa selda ng diktador.

Binabanggit sa balita ang ilang aktibidad niya bago nahuli, tulad ng  pagdalo sa plenum sa Mt. Ternarus na nasa pagitan ng Bataan at Zambales.  Binabanggit din ang iba-ibang niyang alyas, tulad ng Piryong, Alex…

Sila man dito’y dumarami ang alyas dahil pinapalitan agad nila ang mga ito pag may sumusukong tulad nina Sam at Dizon.

Ipinasok ni George sa kanyang pak ang dyaryo para muling basahin sa oras ng pamamahinga.

Nagbabalita ang anak ng dalaga ng maybahay.  Nag-aaral siya ng Nursing sa bayan.  “Tatlong trak ng Army ang nakita ko kahapon sa may haywey, papuntang norte.  Nakapak ang mga sundalo at may dalang kusinilya, kaldero at tolda.  Parang sardinas sila sa dami!”

Idinagdag pa ng estudyante, “May tsekpoynt sa pagpasok sa bayan, gayundin sa pagitan ng dalawang probinsya.  Hindi naman sila nagririkisa.  Dalawang kahoy ang nakaharang sa daan, pwedeng daanan ng sasakyan bastat mabagal ang takbo.”

Walang imik si Ariston.  Sumisikdo ang dibdib sa naririnig.  Ngayong nakalabas na si Lito, siya naman ang susunod na lalabas patungo rin ng Maynila.  Mag-uulat sa nakatataas na pamunuan para ipaalam ang kanilang kalagayan sa harap ng bagong nakaambang operasyon ng kaaway.

Para siyang sinisilihan habang nakikini-kinita an sarili sa lunsod pagkaraan ng may walong taong pagkilos sa kanayunan.  Baka hindi na siya marunong tumawid sa kalsada. Pero sabik siyang makita ang ina.

“Ako kaya, kailan ako makakadalaw sa amin?  Nakalungkot na rito sa kanayunan.”

Napatingin sina George at Arman kay Dennis, and aktibistang kararating mula Maynila.  Mas malaki pa sa kanya ang hawak na Garand.  Naisip na lang nilang talagang ganyan ang damdamin ng bagong dating sa sona.

“May sasakyan bang maghahatid kay Ariston?”

“May nakausap nang kaalyado.  Ang problema’y kung sino ang maghahatid.”

“Si Totoy.”

“Walang problema.  Pwede nang iugnay si Totoy sa kaalyado ngayong gabi.”

“Maghanda ka na, Ariston.  Isuot na ang pamburol mo.”

“Wala ba kayong ipagbibilin?”

“Pasalubungan mo na lang kami ng siopao, hamon, keso de bola. Tutal, mapapasko na, e.”

“At saka maraming libro.”

“Mamumulubi si Papa sa dami ng order n’yo!” Ibinaligtad ni Ariston ang  dalawang bulsa ng pantalon.

“Maniwala akong magkapag-uwi ‘yan ng pasalubong.  Sa takaw n’yan, ubos ang pasalubong bago makarating sa sona!”

“Sige, ang unang lagok mo ng Coke o Pepsi, para sa amin, ha?”

 

*        *        *

Hindi makapaniwala si Lorna na magkakalapit na sila nang kinikilusan ni Arman. Masayang-masaya siya habang nakahilig sa dibdib ng asawa.

“Mas bukas ngayon ang mga kasamang unawain ang pangngailangang magkalapit ang lugar na kinikilusan ng mag-asawa.  May adjustments na sa mga patakaran.”

“Mabuti naman.  Nong magkasintahan pa lang tayo, OK lang na hindi madalas magkita.  Pero ngayon…”

“Maiba ako ng usapan.  Talaga bang mahusay ang pagtanggap sa inyo ng masa sa Alcala?  Matagal na kaming hindi nakakabalik doon.  Ang karaniwang ginagawa namin dito ay ang pag-uugnay sa mga yunit.”

Mula sa kinaroroonan nila, natanaw ni Arman si George.  Bumangon ang mag-asawa at pinuntahan ang kasamang doktor.

“Paano nga ba sina Vera at Clemen?”  ang nakangiting tanong ni George.  “Kailangang magkalapit ang kanilang yunit para mapaunlad ang relasyon nila.  Maaari nang lumakad si Vera sa susunod na balik ng LO.  Ayokong  maulit ang nakaraang mga pangyayari, na maraming nasirang relasyon dahil sa matagal na pagkakalayo.”

“Mukhang nalalapit si Vera kay Ariel,” ang biro ni Lorna.  “Sweet na sweet ang dalawa pag sila ang nag-uusap. Pero ang gusto ‘atang mangyari ni Vera ay si Clemen ang gumawi rito.”

“Kailangang ipaliwanag na kailangan si Clemen doon.”

Tinawag ni Arman si Vera para lumahok sa usapan.

“Ayoko na sanang umalis dito sa Cagayan,”  ang maluha-luhang sambit ni Vera.

“Baka mayroon ka nang karelasyong hindi mo maiwanang dito,” ani George.  “Huwag kang mahiya. Mahalagang tiyakin ang sarili at maharap nang buo ang mga problema.”

“Ang buhay mo ang pinagpapasyahan mo,” ani Dina.

Parang natutunaw na asin si Vera sa harap ng pamunuan ng rehiyon na tumutulong para lutasin ang kanyang problema. Hindi niya inakalang magiging maunawain sila kahit sa ganitong usapin.

“Pag-iisipan ko pa.  Maaaring makapagpasya ako pagbalik ng LO.”

“Huwag alalahanin si Clemen,” ani George.  “Anuman ang problemang lumitaw, mauunawaan n’ya ‘yon bilang bahagi ng pagsasakripisyo dahil sa pagkakalayo n’yo.  Tingnan mo sina Ernie at Arman, nanatiling matatag sa kabila nang matagal na pagkakalayo sa mga asawa.”

Nagpatuloy si George sa pagpapaliwanag: “Malaki ang tungkuling ginagampanan ni Clemen.  Kung maaari sanang dito siya ilipat para magkalapit kayo. Pero siya ang namamatnugot sa Distrito 3, at kailangan siya doon, laluna ngayong sumuko si Dizon.  Kailangan ka niya at umaasa kaming malaking ang maitutulong mo sa kanya at sa mga kasama.”

“Kung si Ariel ang iniisip mo,” dagdag ni Arman, “kakausapin na lang namin siya ni Ernie.”

“Ang mungkahi ko ay magkausap muna kami ni Ariel kung sakaling matuloy ang paglipat ko sa Isabela.”

Binalingan ni Dina si George.  “Ikaw nga Ka George, ay mag-ahit na ng balbas  para luminis ang mukha mo!”

“Oo nga naman dok,” and segunda ni Vera.  “Tingnan mo, tinubuan ka na ng anan sa baba at pisngi.”

“Aba, karugtong na ito ng buhay ko, bakit ko aalisin?” Lalong hinimas ng mistisuhing doktor ang maitim na balbas na may halong puti at pulang hibla.  “Isa pa, wala akong blade.”

“Hindi problema.  Lorna, ilabas mo nga ang pang-ahit ko!”

Nakaalis na sina George, Arman at Ernie.  Naiwan sina Mervin at Dina at ilang pang mga kasama.

Balita:  Maraming kaaway ang nakitang paakyat sa bundok na kinalalagyan nila.

“Tiyakin ang bilang nila para makasiguro tayo,” ang bilin ni Mervin sa matandang may-ari ng kubo bago ito bumaba sa baryo.

“Mukhang malaking operasyon,” ani Mervin.  “Bigla ang balita tungkol sa pagdating ng kaaway.”

“Maaaring sa bundok dumaan,” ang hula ni Monching. “Noong nakaraang operasyon, isang kumpanya ‘ata ng 21st ang naglagos sa bundok na dinaanan natin mula Isabela.  Nagwawasiwas pa raw sila ng pulang bandera.”

“Pwede ring galing sa bayan,” ani Mervin, “pero hindi nagpakita sa mga tao. May dala raw silang kaldero at iba pang gamit. Istilong kumando.  Mag-poste ngayong gabi at maagang gumising at magpurmasyon.”

Hanggang gumabi’y hinintay nila ang pagbabalik ng matanda. Dinig nila ang kahol ng mga aso sa mataong baryo sa may ibaba ng bundok.

Di nagtagal, sa may poste: “Sino ‘yan?”

“Ako, amang!”

Sinalubong agad ni Dina ang matandang basa ng pawis at nag-aapuhap sa dilim.  Nang makapagpahinga, nag-ulat ang matanda sa mga kasama: “Sa tingin ko, bumibilang ng limampu ang mga sundalong nasa baryo. Naghahanap sila ng NPA, pero ang unang hinabol ay mga manok, aso at baboy.  Walang nakakaalam sa sinumang tagabaryo, maliban sa aking pamilya, na naririto kayo.  May isa pang grupo ng mga sundalong umakyat sa kabilang bundok.  ‘Yon ang narinig ng anak ko habang nagraradyo sila.  Naiintindihan niya ang usapan sa Ingles.  Magtatagal daw sila sa baryo.  Mukhang magtatayo ng kampo.”

Inabutan ni Mervin ng sigarilyo ang matanda, na nakatingkayad sa harap ng apoy sa kalan.

“Army ho ba o PC and nasa baryo?” tanong ni Ariel.

“Maliban kay Sgt. Gumarang, panay bago ang nakita ko.  May pusang itim na nakamarka sa radyogram.”

“Scout Rangers,” ani Levi.

May ilan pang datos na binanggit ang matanda. “21st IB…Kapitan Iglesia ang pangalan ng kumander.”

Kinaumagahan, naghanda sila para lumayo.  Ang matanda ang naggiya mula sa munting sukal patungo sa makapal-kapal na kagubatan sa bundok.

Mula sa bagong pwesto, natanaw nila ang mahabang linya ng kaaway sa kabilang gulod.  Tama ang iniulat ng matanda. Pagkatapos suyurin ang bundok, pababa na sila para makipagkita sa isa pang pangkat na nakabase na sa baryo.

“Isa…dalawa…sampu…beynte dos…trenta!” Binibilang ni Ariel ang kaaway na sinisipat niya sa teleskopyo.  “May hawak na BAR ang isa.  Nakapak lahat.  Hindi maganda ang distansya sa isa’t isa, mukhang pagod na.  Nasa hulihan ang may hawak ng radyo.  Ang sarap bulabugin!” Kinadyot ni Ariel si Levi na nakasipat naman sa sayt ng kanyang M16.

“Tama ang tantya kong dumaan sila sa mga baryo sa kabila ng bundok,” ani Monching.  “Galing sa Isabela ang mga ‘yan.  “Yong nasa baryo ang galing sa bayan.”

 

 

*        *        *

 

Disyembre 1977, sa Ganzano, Gattaran, Cagayan.

Maagang bumangon si Arman. Wala sa loob na tumanaw sa may gulod.  Parang may naggagalawan doon,  hindi niya masiguro kung mga kalabaw o ano.  Sinipat niyang mabuti, at nabigla sa nakita:  isang mahabang linya ng mga sundalong nakabakpak, pababa ng burol patungo sa maliit na bukid sa pagitan ng pinagbabasihan nilang bahay at ng mataas na burol.

“Pasa-kaaway!” ang sigaw niya sabay sakbat ng belt.  “Sa gilid!”

Tumalon ang mga kasama palabas ng bahay. Si Ernie ay nasa huli, samantalang si Leslie, ang dalagitang medikal, ay nagsusuot pa ng botas, nangingninig sa pagkabigla.

Mula sa pinagkukublihan, abot-tanaw nila ang kaaway.  Mahigit isandaan ang kanilang nabilang.

Tanghaling-tapat, dumating ang may-ari ng bahay sa kanilang pwesto, may dalang pagkain at balita.  Wasak raw ang mga tumana sa pilapil na dinaanan ng mga sundalo.  Mga baguhan.  Galing sa may kalsada, ibinaba ng trak nang magmamadaling-araw. Dumako sa kabilang baryo para doon mananghalian.

“Sundan nang malaman ang kanilang direksyon,” ang atas ni Arman sa matanda.

“Nambugbog sila ng masa, laluna ‘yong walang maipakitang sedula,” anang klaseng konsehal ng baryo na nag-akyat din ng pagkain.  “Nagsilikas na ang mga masang nakatira sa gilid ng bundok.  Susunugin daw ng mga sundalo ang mga bahay na malapit sa gubat.  Ano ang gagawin namin, kasama?” Nanginginig ang boses ng konsehal.

“nananakot lang ang mga ‘yan, ang pagpapanatag-loob ni Arman.  “Magpunta kayo sa kura paroko at magriklamo.  Tingnan n’yo, kinuha na ang inyong mga alagang hayop, paaalisin pa kayo.  Saan kayo pupunta?”

Humahangos na dumating ang isang masang aktibista at iniabot kay Arman and isang sulat.  Lumayo si Arman sa  konsehal at nagbasa: Umalis na ang mga kaaway sa kabilang baryo. Papunta naman sila sa susunod na baryo. Maliwanag ang istilo nila, parada-manok muna at saka babalik para magkampo.  Kailangang ihanda ang mga tagabaryo sa pagharap sa kanila.

“Paano na?” ang tanong ni Ernie, sabay senyas kay Arman. Wala siyang tiwala sa konsehal, si Leon Somera, na bigla na lang sumulpot sa kinalalagyan nila.

Kininditan ni Arman si Ernie at nagpalipad ng salita.  “Aalis na kami, susundan ang kaaway para banatan.”

Binigyan nila ng instruksyon ang masang may-ari ng bahay bago sila lumipat sa isang tagong bahay sa burol, doon sa pinagdausan nila ng pag-aaral para sa mga kasapi ng grupong pang-organisa sa lugar.

“Magtatagal kaya ang operasyong ito?” tanong ni Ariel.  Tahimik na nagluluto ng hapunan sina Arman at Ernie.  Kalat na ang dilim, hindi na makikita ng kaaway ang usok sa mataas na bundok.

“Hindi ko alam,” ani Arman.  “Gagawi tayo kina Lorna para makibalita.  Siguro, kung nag-ooperasyon ang kaaway doon, tiyak na saklaw ang ating distrito.  Ano’ng  masasabi mo, Ernie?”

Lumayo na si Ariel at nagtungo sa kinaroroonan ni Leslie.  Sinulyapan sila ni Arman at kunwa’y nagbuntunghininga. “Abe Maria, itong pag-ibig, sumusulpot kahit sa gitna ng masidhing kagipitan.  Kaawaan po sila!”

 

 

*        *        *

 

Gabi, malakas ang ulan.

“Kumusta na ang pagkilos n’yo?” ang tanong ni Ernie kay Carol.  Banayad na hinagod ang pisngi ng asawa.

“Nagdaan ang patrolya ng kaaway, may treynta sila.  Ayon sa mga taga kabilang bayan, nagtatayo ng kampo doon sa sityo kung saan inabutan tayo ng bagyo.”

Naalala ni Ernie ang pangyayaring iyon, ilang buwan na ang nakalilipas.  May kaaway na dumating sa baryo kaya napilitan silang kumubli sa isang lumang kamalig.  Doon sila inabutan ng malakas na ulan.  Mag-aalas dose na ng hating-gabi nang umihip ang malakas na hangin.  Tinangay ang bubungan.  Nagsibangon silang lahat, iniligpit ang kumot at higaan at binalot ng kapote ang katawan.  Hindi niya matandaan kung ilang  oras silang nanatiling nakaupo habang sinasalanta ng bagyo ang paligid. Nabunot ang mga punong saging at tinangay  ng agos. Ang rumaragasang tubig sa ilog ay umabot na sa may paanan ng burol na kinalalagyan nila.  Nagsipagkantahan sila ng mga rebolusyonaryong awit para manatiling gising at maalis nang kaunti ang ginaw.

Pinakinggan ni Ernie ang balita sa radyo.  Nagbibilangan na ng boto sa plebisito: From the town of Lasam, 26 voting precincts—Yes votes: 27,000, No votes: 0. From the town of Aparri, returns from 30 precincts out of 65 precincts—Yes votes: 12,768, No votes: 23.  Mga kababayan, hintayin pa natin ang resulta mula sa…

“Nakikinig ka pa d’yan, alam mo na naman ang magiging resulta!”

Inilipat ni Ernie ang pihitan ng radyo: Meanwhile, a group of armed men believed to be members of the NPA burned a voting precinct and killed a barrio captain in Bongabong, Nueva Ecija.  Correction: burned voting paraphernalia, not the precinct…

“Nakapagpropaganda ba tayo hinggil sa plebisito?”

“Nagpapulong-masa kami. Nagpakalat ng mga polyetong kinayod ng istap ng Baringkuas. Nakaabot ito sa may sentro ng Alcala, laluna sa mga iskwelahan.”

          Tumalikod na si Carol, parang naiinis.  Hindi ito nalingid kay Ernie.  “Bakit ba?”

“Minsan lang tayo magkita, radyo pa rin ang pinagkakaabalahan mo!”

“E, di patayin ang radyo!” Pinatay ni Ernie ang radyo at hinatak ang asawang paharap sa kanya.

Sina Gines at Ely ang nagpuposte.

“Paano na kaya kung wala na si JoeMa, sino’ng papalit sa kanya?” ang tanong  ni Ely.

“Wala akong ibang alam na may higit na kakayahan kaysa sa kanya,” anang matandang CO nina Carol.  “Ang karamihan sa kasapi ng Komite Sentral ay baguhan.”

“Noong nahuli sina Jose Lava at Jesus Lava, hindi ba nawasak ang HMB!”

“Si Jesus Lava ay hindi naman nahuli. Sumuko siya, iho.  Si Jose Lava naman, paanong hindi mahuhuli’y madalas magsayaw sa Sta. Ana Cabaret!”

“Umabot ba ng may 12,000 ang kasapian ng HMB noon?”

“Maaari, pero hindi ko alam ang iksaktong bilang.  Sa amin lang sa Tarlac, bumilang kami ng hanggang dalawang iskwadron.  May 200 nga kami sa ilalim ng pamumuno ni Linda Bie.  Kaya naming lusubin ang Camp Macabulos.  Kaya lang, nang magpalawak na sa Zambales, nagkagutum-gutom kami at katakut-takot na mortar ang inabot namin.”

“Mabuti naman at hindi pa kayo napapagod.”

Hindi kumibo ang matanda. Halos wala na siyang ngipin, at madaling mapagod.   Naisip niyang mabuti ang lagay ng mga kasamang tulad ni Ely, mga bata pa.  Siyang animnapung taong gulang na’y dapat nang magritiro, pero hanggang ngayo’y naririto pa rin sa gitna ng operasyon ng kaaway.  Itinuwid niya ang kanyang likod.

“Darating din siguro ang panahong makapagpapahinga na ang tao,” anang matanda.

Katatanggap lang niya ng sulat mula kina George. Pinapayagan na ang mungkahing madistino uli o makadalaw man lamang sa Gitnang Luson, sa kanyang bayan.  Magkahalong lungkot at pananabik ang namuo sa kanyang dibdib.

Umaga na.

Mula sa pinagkakampuhang mga bahay sa burol, itinuturo ng masa ang napakalayong mga baryong kinaroroonan ng kaaway.

Isang aktibista ang dumating at iniabot kay Arman ang isang sulat.  Mula kay George: Tumakas  si Tomas, kasama si Lalaine.  Nasa kabilang sulat ang dahilan.  Ang ikalawang sulat: Pinaalis ko rin ang iba pa.  Kami na lang ni Lalaine ang naiwan. Papaalis na kami.  Dala ko ang baril ko. Hindi ko na gusto ang pamamalakad n’yo.  Ang relo ko, hindi n’yo na ibinalik, pati ang  nobya ko’y kinuha ng iba.  Pasensyahan na lang, mga pare ko.  Lumayo na kayo sa lugar na ito dahil tiyak na papunta ako sa kaaway.  Bilisan n’yo dahil pag nagkita tayo’y… Tomas.

“Lumpen na talaga!” Galit na ipinasa ni Arman kay Ernie ang sulat.

 

*        *        *

Makailang ulit na pinagpapasasaan ni Tomas ang murang katawan ni Lalaine, na walang nagawa kundi batahin ang sakit. Tatawa-tawa si Tomas.

“Huwag kang umiyak.  Tutal, ikaw naman ang nasasarapan!”

“Ngayong nagawa mo na ang gusto mo sa akin, hayaan mong bumalik ako sa mga kasama. Baka isiping kusa akong sumama sa iyo.”

Pinahid ng dalagita ang luha at sinapo ang pagod na balakang.

“Hindi!” Sasama ka sa akin!  Susuko tayo kay Gobernador.  Aasawahin kita!”

“Tingnan mo naman! Ikaw, wala kang mga kamag-anak dito. Ako, ang mga magulang ko ay nasa Isabela.  Nasa produksyon sila.  Maawa ka naman sa akin. Nagawa ko na ang gusto mo sa akin, pabayaan mo na ako.”  Nagpilit tumayo ang dalagita, pero hinatak siyang paupo ni Tomas.

“Napakawalang-kaluluwa mo!  Pinagsamantalahan mo na ako, gusto mo pang isama sa kalokohan mo! Sumuko ka, pero huwag mo na akong idamay! Hindi ka ba nahihiya? Ang tanda-tanda mo na sa rebolusyon, gumawa ka pa ng ganyan?”

“Hindi ko gusto ang ginawa ko. Sila kasi, inapi ako.”

Umiiyak si Tomas.  Nangibabaw ang hiya at napahagulhol na parang bata. Isinubsob ang mukha sa mga palad.

Mabilis na umusad nang paurong si Lalaine.  Ang baril, kailangang makuha, ang nasa kanyang isip.

Naapuhap niya ang baril.  Mahigpit itong hinawakan. 

“Inapi nila ako! Gaganti ako! Ang baril ko…”

“Papatayin kita!” ang mariing banta ni Lalaine.  Sinipat sa sayt ang palapit na si Tomas.  Nanginginig ang kamay ng dalagita.”

“Diyos ko po, nasaan ang safe nito?”

“Lalaine!”

BANG!

Sumabog ang bala sa mukha ni Tomas.  Lumipad ang isang mata, sumambulat ang utak.  Tinutop ng dalawang kamay ang mukhang nawasak sa tama ng M16.

Nasindak si Lalaine pero nakuha pa ring hatakin ang charging handle.  Ginabak ang M16, handang muling paputukin.  Hindi niya alam na hindi kailangang gabakin pa ito.

Ang itinuro ni Tomas sa dalagita ang siya ring pumatay sa kanya.

Nagsisigaw si Lalaine. Mabilis na tumakbong palabas ng gubat.  Gubat na naging libingan ng kanyang puri.  Bitbit niya ang M16 hanggang tumatakbong pabalik sa baryong kinaroroonan ng mga kasama.  Hindi isang kasama ang pinatay niya kundi isang kaaway.  Isang dating kasamang naging kaaway, isang tupang naging leon, handang manira at puminsala sa rebolusyon.  Hindi magagalit ang mga kasama, alam niya.

Inihatid si Lalaine ng mga kasama sa pwesto nina Dina.

“Lalaine…” Mahigpit na niyakap ni Dina ang dalagita.

Nang makaabot kay Francis ang nangyari, nag-atas agad na ilibing ang bangkay ni Tomas.

“Maswerte din itong si Tomas,” ani Poldo habang naghuhukay. “Kung ako lang ang masusunod, ipapakain ko na lang ang hayop na sa baboy!”

“Kahit paano’y naging kasama rin natin siya,” ani Jun naman.  “Gago lang.  Kung ang mga dimonyong masyadong nagpahirap sa masa, napagtitiyagaang ibaon, ito pa kaya?”

Biniro ni Jun si Poldo, “Naunahan ka lang kamo.”

Umilag si Jun nang hagisan siya ni Poldo ng putik mula sa palang kahoy.

 

 

*        *       

 

Hindi inaasahan ni Arman ang sulat ni Dina:  Patay na si Tomas.  Binaril ni Lalaine.  May kaunting shock ang bata dahil sa nangyari.  Nag-iiyak. Ibinilin ko sa mga kasamang huwag nang pag-usapan ang pangyayaring iyon.  Si Francis ang pansamantalang hahawak sa yunit.  Hindi na sila bumalik sa  erya dahil hindi pa nila alam ang kilos ng kaaway doon.  Nailihim ang pagkamatay ni Tomas.

Magpasalamat tayo at namatay na rin ang hayop.  May balak pang sumuko. Baka mas grabe ang nangyari kung hindi siya maagang nautas.  Hindi natin alam kung magkakabunga ang kawalang-hiyaang ginawa sa kasama.

Tungkol kay Ka Gines, pagawiin na agad siya sa amin para makalakad na siya.

Tiniklop ni Arman ang sulat at iniabot kay Ernie.

“Sayang itong si Tomas,” ani Arman.  “Masyadong naging madilim ang pagtingin sa daigdig.   Sumobra ang pagkatakot sa kaaway, bumalik sa masyadong  pagkamakasarili at pagkaawa sa sarili.  Ayon, bumaligtad ang utak at hindi na naisip ang mga sakripisyo niya sa rebolusyon.”

Naghanda na si Ka Gines sa paglipat kina Dina.  Inayos ang pak sa likod at iniabot kay Ely ang kanyang baril.

“Alagaan mong mabuti ‘yan barok,” anya. Itinatago ng kulay-itim niyang salamin ang lungkot sa mga mata.

Yakapan. Tapikan sa likod at balikat.  Mahigpit na kamayan.  Kawayan hanggang ang kasamang tumanda sa pakikibaka ay mawala sa paningin pagbaba ng burol.

 

*        *        *

 

Enero 1978, sa Baryo Dalaoig, Alcala, Cagayan.

“Ling, magkakaroon ka ng Junior,” ang bulong ni Lorna kay Arman.

“Ha? Ilang buwang na?” Naghagilap ng sasabihin si Arman.

“Magdadalawang buwan na. Kaya pala laging mainitin ang ulo ko nagsususuka.  Sabi ni Carol ay pag-ingatan ko raw at baka malaglag.”

“Huwag kang masyadong magkikilos,” paalala ni Arman.  Hinawi ang buhok ng asawa at magiliw na inakbayan.

Isang sulat ang iniabot ni Ernie kay Arman.   Lumayo na si Lorna habang nagbabasa ang asawa.

“Kailangang maihatid si Lakay Gines sa sentro para makalabas,” ani Arman.

“O, saan pupunta ‘yon?”  tanong ni Ernie.  Sinundan nila si Lorna.

“Saan ba kayo pupunta? Kausap ni Lorna ang isang aktibista sa baryo na nag-akyat ng gulay.

“D’yan lang. Kukuha ng bigas dahil wala nang maisaing.”

“Hayaan mo na ‘yan sa iba,” ang saway ni Ernie.

“Ito naman, sandali lang kami.” Kinawayan ni Lorna si Arman habang papaakyat ng burol.  Kasama niya si Berting.

Nagtungo si Ernie sa paliguan, samantalang tiniyak naman ni Arman mula kay Carol ang tungkol sa pakikipag-usap sa mayor.

“Handa raw makipag-usap si Mayor, ayon kay Nante.”

PRAAAK! BANG! PRAAAK! PAK! PAK!

Mabilis na inakyat nina Arman ang burol.  Mula roon, nakita nila ang pinanggalingan ng mga putok.  Sa bahay na pinuntahan nina Lorna!

Naka-firing line sila nang dumating si Berting.

“Tinamaan si Lorna! Patay! Nakabantay ang kaaway sa bahay!”

Nagpaputok nang nagpaputok si Arman.

Noon di’y inakyat nila ang bundok para umatras.

Habang tumatalilis ay patuloy ang pagluha ni Arman.  Wala na si Lorna at ang kanilang magiging anak.  Nilingon niya si Ernie at sumenyas na patuloy silang maglakad.  Sinapit nila ang isang ligtas na lugar.

“Magbabayad nang mahal ang hayop na Mayor na ‘yon!” Nagpupuyos si Ernie sa galit.  “Dinobolkros tayo! Nakaabang na pala ang kaaway sa lugar na pagkikitaan natin sa kanya!”

Hindi kumikibo sina Dexter at ang matandang Openg.  Alam nila ang tanda ng pagkakanulo.  Buhay ng isang kasama ang nautas at ngayo’y pinag-pipestahan ng mga bwitre.  Si Nante na nakasaksi rin sa maraming pagkakanulo ay nanatiling walang kibo.

Nagkulang sila sa pagtantya kung ligats nang kausapin ang Mayor. 

Lumipas ang dalawang araw.  May balita sa radyo:  An NPA amazon named Rosalinda Pagulagyan alias Lorna was killed in an encounter with the troopers of 21st IB in the sitio of Dugdog, Barangay Dalaoig, Alcala, Cagayan.  In a report to Gen. Fidel Ramos by Cagayan Provincial Commander, Col. Dumalaon…

Hindi pa nawawala ang pamumula ng mga mata ni Arman.  Pinahina ni Ernie ang bolyum ng radyo.

Naikwento na sa kanila ni Berting ang nangyari.  Nagulat sila ni Lorna nang biglang sumulpot ang isang sundalo mula sa bahay na pupuntahan at  tutukan sila.  Tinangka nila tumakbo.  Tumalon si Berting sa malalim na gilid ng ilog.  Hinabol siya ng mga putok.  Paglingon niya, nakitang tinamaan si Ka Lorna sa likod at bumagsak.  Sumabog naman sa harap ni Berting ang bala ng M79.  Medylo nahilo siya pero lalong binilisan ang pagtakbo hanggang makabalik sa pwesto.

Si Benjie na nasa baryo habang nagaganap ang putukan ang nagkwento ng sumunod na mga pangyayari.  Tinadtad daw ng bala ng kaaway ang patay na ngang si Ka Lorna.  Hinilang pahubad ng tinyente ang tisirt hanggang sa magkandapunit-punit at malantad ang katawan ng kasama.  Itinali ang bangkay sa matibay na kahoy at binitbit na parang baboy.

Galit daw ang mga tao nang dumaan sa baryo ang mga sundalong bumitbit sa bangkay.  Tumulo ang dugo sa maputik na kalsada.  Humagulhol ng iyak ang mga babaeng nakakilala kay Ka Lorna.  Ibinalibag ang bangkay sa loob ng dyip.  Hinimas-himas ng isang sundalo ang kanyang dibdib.

Nakita ni Benjie ang konsehal, si Leon Somera, na nakikipag-usap sa sarhento.

Ang konsehal ang nagprisintang magsasaayos ng pag-uusap sa pagitan ng mga gerilya at ng Mayor.  Inisip ng mga  gerilya na ang pag-uusap ay mahalagang hakbang para mapalalim ang pagsusuri sa lugar, habang sinisiguro ang pag-iingat.  Pagkatapos itakda nina Carol ang pag-uusap ay ipinaalam kay Arman, na agad namang lumakad patungo sa pinagkasunduang lugar.

Sa daan, sinalubong sila ni Dencio, ang ugnay nina Carol sa Alcala.  “May balitang umakyat ang kaaway sa bundok,” anang matanda.  “Mga tatlumpo silang lahat, may dalang bigas kaldero.  Mag-iingat!”

“Sa tingin mo’y may kaugnayan ito sa pag-uusap?” ang tanong noon ni Dexter kay Arman.

“Malalaman natin pag nakarating na tayo kina Lorna.”

Binaybay nila ang madulas na ilog. Isa pang masa ang nakasalubong at pinag-iingat din sila dahil may mga sundalo sa baryong patutunguhan nila.

“Sundan na lang ilog kaysa dumiretso tayo sa bahay.”

Wala silang malay na kanilang naiwasan ang maagang kamatayan.  Noon pa man, sa bahay na naitakdang pagkikitaan nila ng Mayor, doon sa pagkukunan nina Lorna ng bigas, nakapusisyon na ang mga tropa ng 21st.

“Magkasapakat ang konsehal at si Villamor, ang ma-ari ng bahay,” ani Benjie.  “Parehong  may armas sila ngayon, bigay ng Mayor.  Kailan sila parurusahan?”

“Subaybayang mabuti ang kilos ng mga ‘yan,” ang bilin  ni Ernie.  “Hindi magtatagal at maniningil tayo!”

Sa malayo nakatanaw si Arman.

“Si Koronel Dumalaon ang nagpalibing sa asawa mo.  Binihisan nang mabuti at iniuwi sa baryo nila.  “Hindi na ikinwento ni Benjie ang galit ng mga kamag-anak ni Lorna na pumunta sa punirarya.  “Buntis pala ang babae,” anila. Pinasuko na lang sana sa halip na pinatay!  Talagang satanas ang mga sundalong ‘yan!  Inaasahan ng koronel na pasasalamatan nila ang kanyang kabutihang-loob, pero mura ang napala niya.  Hindi niya naitago ang pagkainis, padabog siyang lumabas ng punirarya.

 

*        *        *

Abril 5, 1979, sa Baggao, Cagayan.

Ang ilampu’y naging isandaan.  Ang ilandaan ay naging ilang libo.  Ang maliliit na plakard ay sinaluhan ng mas malalaking plakard.

“Nasaan ang mga taga ibang baryo?”  tanong ni Lakay Enging kay Sidro habang naglalakad patungo sa may tabing ilog.   Napatigil sila nang makita sa kalsadang malapit sa Ilog Paranan ang napakahabang linya ng mga tao mula sa mga baryo sa kanluran at silangan.  Habang nagmamartsa patungong bayan ay umaawit ng Mangmanggend ken Mannalon:

Magsasaka gising at lumaban

Nang makamtan ang kalayaan

Sa pang-aapi ng gahaman

Imperyalistang dayuhan

Ang sagot ng bayan ay himagsikan

 

Proletaryo, progresibo

Sa kilusan, alay ang pawis at dugo

Magsasaka, manggagawa

Lakas ay ang pagkakaisa

Sa bundok at parang, lunsod, pagawan

Handang lumaban para sa kalayaan

 

Parang pista pagdating nila sa ssentro ng Baggao.  Nakihalubilo sa kanila ang mga tagabayan.  Nagbigay ng libreng tubig at sopdrink sa mga nagmamartsa ang mga maybahay at may-ari ng tindahan.  Ang mga pulis ay nawala sa kanilang pwesto.

Kinakawayan ng mga nagmamatrsa ang mga taong nakadungaw sa kanilang mga bahay.

“Sumama na kayo!  Huwag matakot!”

Dumiretso sila sa provincial road.  Kumakaway ang mga pasahero sa mga bus at dyip na patungong Tuguegarao.  “Kasama n’yo kami! Ayos ‘yan!”

Patungo ang mga nagmamatrsa sa kampo ng 21st IB.

 

*        *        *

Nang mga sandaling iyon, natanggap ni Mervin ang malungkot na balita.  Si Jun ang nagdala ng sulat mula kay Francis.  Anang sulat: Hindi pa rin namin natatagpuan si Ali, pero nakarating sa kinaroroonan namin si Aldo. Kinumpirma niyang nahuling sugatan si Dina. Kaninang umaga, nalaman namin mula sa isang alyado na nakaburol na ang bangkay ng kasama sa Tuguegarao.

Ipaghihiganti natin siya.

Maputla raw ang kanyang pisngi, may murang lipstick sa labi. May bakas ng pagpapahirap sa buong katawan.  Hindi siya ginamot at pinagpasasaan pa ng isang upisyal bago namatay…

Kukurap-kurap ang mga matang itinabi ni Mervin ang sulat.  Canine lang ay tuwang-tuwa siya habang tinatanaw ang libu-libong magsasakang masiglang umaawit habang patawid ng ilog patunong bayan.  Ngayon…

Nauna si Arman, ngayon naman ay si Dina.

Bago umalis si Jun ay mariin niya itong tinagubilinan.  “Ipaabot mo kina Levi na ipatupad na ang plano.  Magtatagumpay kayo! Banat!”

 

*        *        *

Magkakapit-bisig na sumugod ang mga nagmamartsa sa loob ng kampo.  Nagkagulo ang mga sundalo.  Ikinasa ang .30 kalibreng masinggan na nasa tuktok ng burol.

Napuno ng mga tao ang parade ground ng kampo ng 21st IB. Sa gitna ng init ng araw,  isinisigaw ng nakataas na mga plakard ang kanilang damdamin:

21ST IB, KRIMINAL!

PAGBAYARIN ANG MGAY KASALANAN!

ITIGIL ANG OPERASYONG MILITAR!

BARAYAN ANG SINIRA NG MGA NAG-OPPERASYON!

SUNDALO, MAG-UNIPORME KAYO!

Nasa intablado ang mga upisyal!  Tumindig si Mayor Dacuycoy sa harap ng mikropono at sinagot ang mga plakard. “Bakit n’yo pag-uunipormehin ang mga sundalo, hindi naman nag-uuniporme ang mga NPA?  Wala kaming magagawa tungkol sa bagay na ito.  Gayunman, sisikapin naming gawan ng paraan ang iba n’yong kahilingan.

Ang inuubang si Koronel Palafox naman ang nagsalita.  “Dapat ay hulihin namin kayo dahil wala kayong permisong mag-demonstrasyon!”

Umugong ang bulungan sa hanay ng libu-libong mamamayan.

Isang lider ang sumigaw, “Hindi kami aalis hangga’t hindi n’yo pinawawalan ang mga kasamahan naming hinuli n’yo!”

Nagsigawan na ang mga tao.  Iniumang ng mga sundalong nakapaikot sa mga demonstrador ang kanilang mga baril.

Binulungan ng mayor ang koronel, “Sir pawalan na natin ang pinaghuhuli nina Capt. Pons.  Hindi natin sila kaya, ang dami nila!”

“Winawarningan ko kayo!” ang sigaw ng koronel na nanginginig sa galit. “Huwag kayong magpagamit sa mga NPA! Makipagtulungan kayo sa amin para lipulin sila.  Alam kong inutusan lang kaho ni Ka Dexter para magdemonstrasyon. Ituro n’yo kung nasaan siya at mapapasainyo ang pabuyang labinlimang libong piso. Bweno, pawawalan namin ang hinuling mga kasamahan n’yo at umuwi na kayo. Sige, kumpiskahin ang mga plakard!”

Patuloy ang sigawan ng mga magsasaka habang palabas ng kampo.

Hindi pa nakabababa ng intablado ang mga upisyal nang isang sarhento mula sa radio room ang humanhangos na dumating. “Sir, may tawag mula sa San Jose!”  May mahigit sa tatlong libong magsasaka raw ang nakapaikot sa kampo nila! Kailangan ng reinforcement sir!”

“Goddamit!”  anang koronel.  “Talagang coordinated ang planong ito ng mga NPA! Major, i-follow-up ang mga nahuli kanina!”

Dali-daling bumaba ng intablado ang koronel at pinaharurot ang kanyang dyip patungong San Jose.

 

Hosted by www.Geocities.ws

1