GUIA ROJA

Palos

 

 

BUWALIN NA RAW si Palos!

Bukambibig ng mga bantay-palaissdaan ang matandang mangingisda na may umang na bukatot sa wawa ng ilog Sapsap.  Ayon sa sabi-sabi, lalung-lalo na sa mga propitaryo, pusakal na pirata si Palos at marami ang takot sa kanya. Bagamat sinasabing may edad na, malaki siyang lalaki at matipuno ang pangangatawan.  Kayang-kaya niyang magtaob at magtihaya ng bangka sa pampang kahit nag-iisa.

          Diumano’y prente lang ni Palos ang pag-umang ng bukatot. Totoo nang matagal na niyang hanapbuhay ang palakayang nabanggit pero kasabay nito ang panginigitik sa palaisdaan ng may palaisdaan.  Ang masama pa, pati ang apong binatilyo ng matanda ay kinakaladkad sa pangungulimbat ng isda.  May mga nagpapasa ng datos at humihiling sa Hukbo na ibuwal na ang matandang mangingisda. Ang kilabot na si Palos.

“Hindi na dapat nagtatagal sa mundo ang ganyang klase ng tao,” anila. 

“Dapat sa kanya’y ipakain na sa talangka,” diin naman ng isang propitaryo na kahit minsa’y di pa nakakakita ng Hukbo.

Banayad lamang ang tugon ni Ka Alfon sa mga naiinip: Palalimin pa ang pag-s-es-ay.”  Siya ang kumand ng yunit na kabilang sa Bagong Hukbong Bayang kumikilos sa baybaying iyon ng lalawigan.

Alam ng buong baryo na si Palos ay nag-aari ng mga paupahang bangka at makina.  Nakapagpundar na siya ng anim na lunday, isang desisais na generator, isang galadgaran at isa pang makinang Fuzo na 4-D-R-S.  natural ngang pag-isipan nang di mabuti ang isang ordinaryong mangingisda tulad ni Palos.  Kung tutuusin, may panimulang  batayan ang mga sumbong sa kaso ng sinasabing mangingitid.  May mga naiinip nang makarinig ng balita.  Si Mariano Malusak, alyas Nano, alyas Palos ay tila patay na kalabukab na lumulutang sa tubig.

“Hihintayin pa ba nating makapagtago si Palos?” sabi ng mga mainipin.  “Nararamdaman na ‘ata niyang mainit na siya sa mga Kaka,” anang propitaryong minsan ma’y di pa nakaharap ng Hukbo.  “Aba’y malaking perwisyo na ang ginagawa niya sa palaisdaan ko. Gilitan na kaya ng leeg. Laslasin ang lalamunan nang di pamarisan.  Kung makakausap ninyo ang mga Kaka, mainam pa kamong banatan na si Palos,”  sudsod nito sa kanyang mga bantay-palaisdaan, na nauugnayan ng Hukbo.

“Huwag po kayong masyadong mag-apura,” paliwanag naman ni Ka Alfon nang maikwento ng bantay ang sinabi ng propitaryo.  “Kailangan po natin ang kongkretong imbistigasyon.  Hindi naman po tayo naging Hukbo para lamang pumatay.  Kailangan po natin ang obhetibong disisyon.”

Dalawa pala ang bahay ni Mariano Malusak.  Bukod sa kubo niya sa wawa ng Ilog Sapsap, kasuno niya sa bahay ang matanda na ring asawa.  Isa sa lima niyang anak ang nabiyuda at ang mga apo niya rito ang sinusustentuhan.  Mula rin sa angkan ng mahihirap na mangingisda, tanging si Palos ang nakaluluwag sa kabuhayan kung ikukumpara sa kalagayan ng kanyang pitong kapatid.  Sa kabilang banda’y mabait daw naman itong kaanak at madalas na maging takbuhan kung nagigipit sa kabuhayan ang mga kapatid.

At nakumpirma na rin ng masa na si Palos ay nakapagpundar na rin at naaarmasan ng baril kuwarentay singko.  Sa loob ng mahigit na dalawampung taong paghahanapbuhay ni Palos, hindi iilang beses nang nasasabat ito sa lawa ng palaisdaan.  Pero mahirap siyang sukulin.  Masyadong madulas.  Kaya siguro nabansagang Palos.  At hindi naman ito kataka-taka.  Dahil taal na mangngingisda, laking-ilog at napakalakas ng loob.  Sa tipo niyang iyon, handa siyang pumatay ata mamatay kung masusukol at may mangangahas humuli sa kanya sa pangungulimbat ng isda.

Hatinggabi’y nakatanggap ng mensahe sa radyo sina Ka Alfon. Inaapura sila ng tumatawag.  Natyempuhan ng bantay-palaisdaan si Palos.

“Dalian ninyo, Ka Alfon.  Baka siya makaalis.  Nasa lawa siya at nagkadkad ng kitid.  Wala akong kasama rito, hihintayin ko kayo!”

Para namang iisang katawang kumilos ang buong yunit na pinamumunuan ni Ka Alfon.  Sukbit ang kanilang mga gamit, gabi man at umaambon ay tumugpa sila sa bangka.  Sa tantya ni Ka Alfon, isang oras ding tatakbuhin ng bangka ang kinaroroonan ng tumatawag.  Kailangang mahuli sa akto si  Palos.  At papalakad man ang ambon ay sinagasa nila ang lamig at dilim.  Sapak na sapak ang pagkakahirit ng makina.  Sumisibad ang bangka at nabubulabog ang mga isda sa tubig.  Manaka-naka’y malulundagan ang bangka ng ma isdang kapak at mararamdaman na lamang nga mga kasama ang pagtama nito sa mga hawak na armalayt.

“Huhulihin natin siya nang buhay,” atas ni Ka Alfon.

Malayo pa sa kubo nilang pakay, sinalubong na sila ng patay-sinding lente.  Kilala n ila ang kontra-senyas ng bantay at nabuo ang kutob ni Ka Alfon.

“Lintek!” bulalas niya, “nakaalis  na ang target.”

“Talagang madulas ang lintek,” sabi ng isa pang kasama.

Hindi pa tapos na nakakapundo ang bangka ay tumugpa na ang bantay.

“Sundan natin si Palos sa kanyang kubo,” ang nag-aapurang sabi ng kontak na bantay. “Aabutan natin iyon, doon siya magtatanggal ng huli sa tapat ng kanyang bukatot.  Marami siyang nakitid at tiyak na matatagalan sa pagtatanggal ng isda.”

Muling sumibad ang bangka patungo sa direksyon ng kubo ni Palos.  Malayo pa lang sila’y nagpatay na sila ng makina.  Sumadsad sa mga punong sasa at ginapang ang kinaroroonan ni Palos.  Pinaligiran nila ang kubo at nasilip ng mga kasama na katulong pa ni Palos ang binatilyong apo sa pagtatanggal ng isda sa lambat.  Nakabalumbon ang kitid at sa tama ng gasera ay kumikislap ang mga nakatingang isda.  Sinurpresa nila ang magnuno.  May sumalya sa pinto at humugos sila sabay tutok sa mukha matapos talikuran ng isang kasama ang liwanag na nagmumula sa gasera.  Maagap namang sinunggaban ang baywang ni Palos at nakadakma ng armas dito.  Hindik na hindik ang magnuno habang kinukumpiska ng Hukbo ang kanilang lambat na namumutiktik sa bangus ata malalaking tilapya.

Umaga at naiikot ng mahigit sa dalawampung masa at isang propitaryo si Palos at ang apo nitong binatilyo.  Putikan ang kanilang paa at basa ang damit. Kapwa nakatungo sa tabi ng balumbon ng kitid na kinasasabitan pa ng mga huling isda.  Putlang-putla si Palos, tumitibok ang namumuting kaliskis na kumapit sa kanyang leeg.

“Napatunayan po natin ang mga kasong matagal nang inirereklamo kay Mariano Malusak,” paliwanag ni Ka Alfon.  “Sa harap ninyong lahat, lilitisin natin siya at bibigyan ng karapatang maipagtanggol ang sarili.”

Nanatiling walang magsalita, lahat ng may reklamo sa kanya,” untag sa lahat ng isang kasamang hukbo.

“Ano nga ba ang marapat?” bantulot na tanong ng isang bantay.

“Aba’y di husgahan na.  Kung walang magrireklamo’y palutangin na sa ilog Ipakain sa isda,” kantyaw ng isa.

Parang may bara sa lalamunan ng mangingitid, pero pinilit niyang makapangusap.  “Maawa po kayo,” aniya. “Magbabago na po. Maawa na po kayo sa aming magnuno.”

“Ano nga po ba ang mainam diyan, Kaka?”  tanong ng propitaryong sa kauna-unahang pagkakataon ay nakakita ng Hukbo. “Matagal na pong dinadambong niyan ang palaisdaan ko.”

Halata ni Ka Alfon na isa man sa lahat ng nagrireklamo’y bantulot magpasiya at siya ang hinihintay kung ano ang gagawin.   Kaya siya, bilang Hukbo, ay maagap na nagbigay ng opinyon at palilwanag.

“Liliwanagin po namin, kami bilang Bagong Hukbong Bayan ay walang karapatang magpasya sa buhay ng sinumang tao.  Ang amin pong disisyon ay nakabatay lamang sa kagustuhan ng nakararami.  Totoo pang maraming naiinip at nag-aapurang gawaran siya ng kamatayan, pero si Mariano Malusak ay bigyan natin ng pagkakataong magsalita.”

Dahil sa narinig, bahagyang nabuhayan ng loob ang magnuno.  Napalakas ang pagmamakaawa ni Palos.

“Maawa po kayo… Marami po akong apo.  Huwag ninyo akong patayin Magbabago na po ako.”

“Madali pong wakasan ang buhay ng isang tao,” ang paliwanag ni Ka Alfon. “Pero ang mahirap at hindi natin kayang gawin ay ang pagbuhay sa kanyang muli.  Isang bala lamang at matatapos siya pero hindi na maiwawasto ng kamatayan ang kanyang mga kasalanan.”

Wala ni isang umiimik. Lalong nabuhayan ng loob, paluhod na niyakap ni Palos si Ka Alfon at halos hagkan ang tuhod.

“Magbabago na po.  Patawarin po ninyo ako. Huwag po ninyo akong papatayin.”

“Kung ano bang mabuti e di pasyahan n’yo na Kaka,” anang propitaryo.  “Papatawarin ba natin siya?”

“Ang sinasabi po natin e, hindi tayo Hukbo na basta patay lang nang patay. Si Mariano po, ayon sa ating pagsusuri, ay wala namang utang na dugo.  Hindi rin po siya impormer. Iginagawad lang natin ang parusang kamatayan sa mga taong kumakalaban sa rebolusyon; kung siya’y kaaway ng masa.  Maging siya’y maliit na mangingisda o kahit isang propitaryo,” diin ni Ka Alfon.

“Di patawarin muna natin,” sabi ng propitaryo. “Pag hindi nagbago, kayo na ang bahalang maggawad ng parusa.”

“Sang-ayon po ba kayo sa sinabi niya?”  tanong ng isang kasama, na ang tinutukoy ay ang propitaryo.

“Sige, tingnan natin kung magbabago pa,” may napilitang magsalita.  “Patawarin natin si Palos.”

Hudyat iyon na nagkaisa ang lahat.  Naunawaan nilang tao rin naman ang matandang nais nilang ipapatay.  Isa-isang kinamayan ng mga Hukbo ang mga  naroroon. May nagdulot ng kape at binigyan ang lahat ng sumaksi sa paglilitis.  Napansin ni Ka Alfon na tanging si Palos at ang apo nito ang di nabibigyan ng tasa ng kape.  Lumapit si Ka Alfon kay Palos at iniabot sa matandang mangingisda ang kape.  Hindi nito nakuhang tumanggi pero pinunang tumikim ang kanyang apo.

Halos hagkan  muli ng matanda ang paa ni Ka Alfon, pero inalalayan siya’t pinatayo ni Ka Alfon.

“Maraming salamat po.  Magbabago na po ako.  Patawad po.  Maraming-maraming salamat po.”

Nakita ni Ka Alfon na may namilaylay na butil sa pilik ng matanda at kumislap  iyong tila kaliskis na nakapanikit sa kulubot ng kanyang leeg.  Mahigpit na kinamayan ni Ka Alfon ang matanda at mariing tinapik sa balikat.

Bukatot – tradisyunal na pamalakaya.

Kalabukab – ahas-tubig.

Kitid – lambat na panghuli ng bangus.

Mangingitid – namimirata sa palaisdaan.

Propitaryo – panginoong maylupa; malaking negosyante ng palaisdaan.

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1