JULIAN MARTE

Ang Landas Patungong Sierra Madre

 

Larangan,

24 Marso 1976

 

KAYTAGAL NAMAN NG umaga.  Pilit niyang inaninag ang luminous dial ng kanyang relo.  Pasado alas dos.  Sa labas ng dampa, ang dilim ang naghahari sa kagubatan.  Tahimik liban sa panaka-nakang bugsong huni ng kuliglig at ang uha ng kuwago.  Uha ng kuwago, signos ng kamatayan.  Di dapat ganyan mag-isip, puna niya sa sarili. Sa digmaan, ang pag-iisip sa kamatayan ay pagkalunod sa kumunoy ng takot.  Bumiling siya sa pagkakahiga at pilit na hinanap ang mailap na antok.

Bago pa man siya matulog kanina ay balisa na siya. Ang ulat niyang sinimulan ay di matapus-tapos.  Si Pilo na bumaba sa bayan noong isang araw ay di pa bumabalik.  Lumipas na ang isang araw sa takdang oras ng kanyang pagdating.

Ito ang mainit nilang pinagtatalunan ni Roldan.  “Mapanganib ang lagay natin dito.  Masama ang kutob ko sa pagkabalam ni Ka Pilo.” At muling nag-ayang lumipat ng kampo.  Ngunit mahirap maglipat ng kampo.  Dalawa na lang silang nalalabi rito mula sa pangkat na binubuo ng walong katao.  Lubhang mahalaga ang mga dokumento at kagamitang maiiwanan.  “Isa pa,” aniya, “tiwala naman ako sa kakayahan ni Ka Pilo.  Kundi man ito huwaran ng katatagan ay maingat at madulas ito para mapasakamay ng kaaway.”

At saan naman tayo pupunta? Ito ang naglaro sa isip niya.  Si Pilo ang giya nila sa kagubatan.  Si Pilo ang pumalit kay Isko para sa kanilang pangkat.  Sanay sa gubat,  tumanda sa pangangaso sa bulubunduking ito.  Silang dalawa naman ay baguhan sa pook.  Kung tutuusin halos magdadalawang buwan lang sila dito at kadalasan pa ay di sila ang lumilibot dahil natuon sa gawaing kampo ang kanilang gawain.  “Kung babaliktad man si Pilo ay huwag na tayong magtago, pagod lang iyon.  Harapin natin siya dito.  Gustuhin man natin o hind, sa pagkakataong ito ay ipinagkatiwala na natin ang buhay natin sa kanya,” papikon niyang tinapos ang diskusyon.

Sa bandang huli, hiniling ni Roldan na bumago man lang sila ng tulugan.  Lumayo kahit kaunti mula sa dampa.  Si Roldan ang lumipat ng tulugan.  Siya naman ang natulog sa dampa.

Ngunit di iyon ang isyu.  Di iyon ang nais niyang tunguhin ng diskusyon.  Dit tayo dapat padaig sa takot at pagdududa.   Kung ito na lang ang ating haharapin ay wala na tayong ibang magagawa.   Lalo pa ngayon. Lalo pa sa kalagayang gipit at maselan.  Nakita na niya ang ganuong tunguhin sa ibang lugar.  Ang takot na tila asidong umaagnas ng kapasyahang kumilos, sumulong sa masalimuot na landas ng digmaan.

Ang kanilang pangkat ay isa sa tatlo na kumikilos sa itinakdang saklaw ng larangan.  Larangan ng digmaan.  Dito sa Sierra Madre.  Sa kabundukang templong kung saan itinayo ng rebeldeng Asedillo ang tradisyong pakikihamok.  Ang tatlong pangkat ang nangangasiwa sa pagkilos sa tatlong bayan na binubuo ng mahigit na dalawampung baryo at sityo.  Pinamumunuan ito ng komiteng panlarangan.

Muling nanariwa sa isip niya ang nakaraan.  Isang taon at tatlong buwan simula nang pumasok siya sa larangan.  Ang larangang tinaguriang Kagitingan.  Ang Kagitingan na itinuturing na prinsipal at pangunahing larangan sa rehiyon.  Ang Kagitingan ang tinatayang kawing sa pagsusumikap ng rebolusyonaryong puwersa sa rehiyon upang paunlarin ang digmang bayan.  Sinimulan ito noong 1971 sa mga ilang binhing kadre at aktibista.  Pinadalhan ito ng ilan pang mga kadre at pangkat ng mga sumunod na taon.  Isa siya sa mga kadreng ipinadala nitong 1974.

Naging mapait ang karanasan ng Kagitingan sa masalimuot na landas ng digmang bayan.  Di iilan ang kasamang nagbuwis ng buhay sa pagtatangkang itanim at pasibulin ang binhi ng rebolusyonaryong puwersa.  Bukod pa rito ang nabihag at pinahirapan ng kaaway na palagiang naglalayong inisin sa duyan ang anumang pagtatangkang itayo ang bandila ng pakikibaka.

Simula ng itayo ang komiteng panlarangan noong 1873 ay tatlong beses na ring pinalitan ang kalihim.  Si Ka Mando, noong 1973; si Ka Abel noong 1975; di tumatagal ang kalihim at ito ay napapasakamay ng kaaway. Kamatayan o pagkabihag.  Nitong huli, sa kalupitan na ipinamalas ng kaaway ay walang pinagkaiba.

Siya ang kasalukuyang kalihim ng komiteng ito.  Felicitas Rivera, ang pangalan sa pakikibakang pinili niya nang hinirang siya bilang kalihim ng komite.  Pangalang hinango niya mula kay Felix, ang kasintahan niyang mandirigma ng bagong hukbo na napaslang sa mga unang labanang naganap sa Gitnang Luson noong 1971.  Kasamang Cita, palayaw sa kanya, 27 anyos; gradwayt ng Anthropology; isang dating instruktor sa Pamantasan ng Pilipinas.  Simula noong 1969 ay  mahigit nang pitong taon sa pakikibaka.  Isa sa mga personalidad na pinaghahanap ng estado sapul ng pagsuspindi sa Writ; isa sa mga target ng OB ng militar nang ideklara ang batas militar.  Pasok-labas sa mga larangan na binuksan sa gitna, hilaga at timog Luson.  Napasakamay ng kaaway noong Oktubre 1973 habang kumikilos bilang isang kagawad ng Kawanihan sa Instruksyon ng hukbo.   Matapos ang isang taon sa iba’t ibang piitan ng kaaway ay matagumpay na nakatakas mula sa sentrong piitan sa Maynila.  Muling nakaugnay at nakapasok sa bagong larangan.  Ang larangan ng Kagitingan.

Hatol na kamatayan. “Death sentence” ang turing at biro ng mga kasama kapag ikaw ay nahirang na kalihim o kasapi ng kalihiman.  Mapait na biro ngunit tila ikaw ay may oras na taning.

Ang lahat ng tao ay may kamatayan

Bawat gawain may buwis na oras

Bawat pangarap may buwis na buhay

Susi ang pagtugon

Sa hamon ng isang pangarap

Sa pangako ng isang bukas

 

Awit ng kagitingan. Litanya ng pakikidigma.  Nangiti siya sa naisip niya.  Ngunit ilan pa nga kaya ang buhay na ibubuwis sa larangang ito?  Ilan pa bago ang binhing itinanim at dinilig  ng buhay at dugo ay sumibol?  Nitong nakaraang taon ay sunud-sunod ang pinsalang tinamo  ng organisasyon. Hunyo:  Nabihag sina Ka Abel at Ka Peping.  Setyembre: Habang patungo sa Kalayaan upang mag-ulat sa komiteng pang-rehiyon, nasalagbat at pinaslang sina Ka Mando at Ka Redi.  Ngayong taon, Pebrero: Sina Ka Rubio, Ella at Dong at dalawa pang kasama.  Natiktikan papasok ng larangan.  Tinugis ang kanilang sasakyan ng mga sundalo ng kaaway, pinababa at walang-awang pinagbabaril sa tabi ng daan.

Ilan pa kaya?  At sino pa sa amin ang susunod?  Halos lahat sa kanila ay napasabak na sa panganib ng mga sagupaan.  Kapwa beterano matapos lamang ang ilang buwan sa digmaan.  Pagkilos sa komunidad.  Sa unang matagumpay na tambang at sa ilan pang bigong pagtatangka matapos iyon.  Sagupaan.  Atrasan. Tugisan.

Kadalasan ay paglalakad sa madawag at walang landas na gubat.  Pasmang paa na nilulusong sa lamig ng mga sapang tinatawiran.  Mga talampakang bugbog sa mga batuhan at tinik-gubat.  Ang pagitan ng mga daliri hanggang binti ay namamaga sa mga kagat ng limatik.

“Magandang kwento,” aniya kay Virgel minsan.

“Oo,” sagot nito, “ngunit mahirap na buhay.”

Mahirap na buhay.  Ngunit malaya. Bawat pangarap may katumbas.  Mas higit na malayang buhay kaysa mabulok sa piitan ng kaaway.  O mabulok ang isip sa pagbalik sa dating buhay sa lumang lipunang bulag, pipi at bingi sa kapaligirang noon pa man ay isang malaking ilusyon na.  Gobyerno ng mga buwayang politiko.  Abusadong mga pulis at sundalo.  Likas-yaman na ipinagbili na sa dambuhalang monopolyo ng mga dayuhan.  Milyun-milyong mahihirap na mamamayang binubusabos ng kawalan at kamangmangan.  Ang lipunan ng mga bulag, pipi at bingi.

The loss of innocence. Ito ang katotohanang di na natin kayang ipikit ang ating mga mata o isang panaginip na di na natin magigisnan pa.  Ang diwa ng rebolusyon.  Ang pagtugon sa tawag ng nakatanikalang bayan.   Sa bawat araw at taon  na lumilipas, itinuturo ng mga pangyayari na wasto ang ating pag-unawa sa lumalalang krisis ng lipunan.  Itinuturo rin natin sa bayan ang wasto at maasahang landas ng paglaya.  Di natin kayang tumayo sa tabi at manood na lamang sa pagkabusabos ng marami at pagtataksil ng iilan.

First Quarter Storm.  Ito ang mga aral na itinuro ng sigwang iyon.  Tayo ang mga supling  ng nakaraang sigwa.  Tayo rin ang binhi ng susunod.

Nanariwa ang alaala sa isang diskusyon sa bilangguan.

“Ito naman ang lipunan na lumalamon ng sarili niyang mga anak,”  ani ng isang intelektuwal sa bilangguan na nabasa si Joyce.

“Isipin mo kung bakit ang mga sanggol ay itinatapon sa basurahan: mga kabataang nalululong sa bisyo at dekadenteng kultura ng kanluran; mga babaeng napilitang magputa dahil sa walang ibang paraan para mabuhay; at iba pang desperadong tinahak ang landas ng krimen.”

“Yun ang kultura ng isang kolonyang bayan.  Isang komedya—yaon bang kulturang Hollywood at isang trahedya, yaong katotohanang nasa likod ng ilusyong ito. Kaya may cultural center ngunit maraming iskuwater.”

At matagal pa siyang nalibang sa kanyang mga naalaala.

Noong kaigtingan ng operasyon ng kaaway sa isang distrito.  Dalawang linggo na sila sa kampo sa pusod ng gubat.  Maraming kasamang sibilyan.  Mga pamilyang lumikas mula sa kanilang mga lugar dahil sila ay tukoy at pinaghahanap ng kaaway.  Walang pagkain. Isang pangkat ang bumaba upang humakot ng balinghoy at niyog mula sa mga kaingin.  Kasama si Virgel.  Ngunit napaengkwentro ang pangkat at sa harap ng mas malakas na pwersa umatras ang mga ito.  Tinugis.  Naiwanan ang isa sa pangkat.

Nang makarating sila sa kampo ay hapung-hapo at namumutla. Isinalaysay ni Ka Virgel ang pangyayari.  “Mapusok si Ka JQ,” ani Ka Virgel.  “Una naming natanaw ang mga hapon.  Siya ang nasa unahan.  Sumugod ng walang utos.  Tumawid ng sapa at kumubli sa batuhan.    Pilit siyang sinuportahan nina Ka Santi at Ka Boy.   Ngunit bumanat ng putok ang mga armalayt ng kaaway.  Umatras kami.  Tugis ng mga putok at bala.  Naiwan namin si Ka JQ.  Noong malaho na kami, narinig namin ang huling putok ng kanyang Enfield.  Tapos ay ang dalawang sunod na putok awtomatik.

“Inikisan. Ito ang pirma ng kaaway sa kanilang nasusukol sa labanan. Babanatan ng paikis ang katawan ng rebelde, tapos ay ipaparada sa munisipyo.”

Si Ka Virgel mismo, muntik nang maiwan. Hirap sa pagtakbo ay ipinasa ang kanyang shotgun kay Boy. Nagpapaiwan.  Mabuti na lamang at di pinakinggan. Inalalayan at pinilit na muling tumakbo hanggang makalayo.

Ang pamilya ni JQ ay kasama nila sa kampo.  Ito ang mga matang nagtatanong naghuhusga sa mga bumalik: Nasaan ang aming ama? Nasaan ang aking asawa?”  Mabuti na siguro,” ani Ka Virgel, “di na rin kami nakabalik.  Napakapait palang humarap sa pamilya ng namatayan.”

Mahaba ang paliwanagan.  Sinikap niyang obhetibong ilinaw ang pangyayari. Isang pananagutan ng isang nakatataas na kadre sa kanyang inatasang kasama. Debriefing.  “Malakas ang puwersa ng kalaban. Awtomatik laban sa isang shotgun.  Isang karbine at isang Enfield.  Walang karanasan ang pangkat sa ganitong engkuwentro. Sa susunod…Kung tayo ay matututo mula sa karanasang ito.”

“Kahabag-habag naman ang kalagayan natin,” bukas ni Virgel habang nag-aayos ng tulugan.  “Musmos sa karanasan ng pakikibaka.  Ulila sa mga rebolusyonaryong huwaran at halimbawa.  Ngunit kung tutuusin, mag-iisandaang taon mula sa Unang Sigwa ng Balintawak.” At pinilit ni Virgel muling buhayin ang usapan.

“Sabi raw ng isang matandang mandirigma, ang unang labanan ang krusyal sa bagong mandirigma.” Pilit niyang inilawig ang usapan.  “Humihingi ako ng paumanhin. Tila sinira ko ang iyong paghubog bilang isang mandirigma.” Natawa si Virgel.  Ngunit si Redi ang nagtangkang magpaliwanag.

“Kung iisipin mo,” wari niya, “tayo ay mapalad na nabubuhay at nakakalahok sa paghuhubog ng makasaysayang yugto ng ating lipunan.  Bagong silang ang ating kilusan.  Musmos sa karanasan, mga batang ulila sa pangarap ng kanilang lahi.  Nakaatang sa ating balikat ang hamon ng kawalang ito. Ang magsikap maging huwaran ng taus-pusong  paglilingkod sa bayan.  Sa ating pamumuhay, pakikibaka at kamatayan.”

“Sa kasaysayan ng mga rebolusyonaryong kilusan itinuturo na ang binhi ng tagumpay ay ang itinanim na halimbawa ng mga bayaning nagsimula.”

“Sa kadiliman ng gabi,” sunod ni Cita, “higit na kailangan ang mga sinag ng mga bituin.  Taglay ang pangako ng sisikat na araw.”

“Marahil,” sumbat ni Virgel, “tutuo iyong sabi nila sa bilangguan: “Tutungo ka ng Sierra Madre (lalahok sa digmang bayan)?  Para ano? Mamatay at maging bayani?”

Sa sumunod na katahimikan lumipas ang gabi.

Lubhang napilay ang pagkilos ng pangkat nila sa pagkapaslang ni Ka Rubio.  Si Rubio at dalawa pang namatay sa masaker ay kabilang sa pangkat nila. Ang tatlong ito ang nagsasagawa ng gawaing pangmasa at pag-oorganisa sa komunidad.  Kasunod ng pagpakapaslang sa kanila ang pagkawala ng dalawang aktibistang sinasanay nila.

Ito ang dapat sinisiyasat ni Pilo nang ito ay bumaba sa bayan.   Ano nga kaya ang nangyari  kay Pilo?

Si Ka Virgel ang sumulat sa kanya nitong huli.  Mahigpit ang bilin na umatras muna siya sa kabilang erya. Sa ikalawang distrito, sa lugar na dati nilang kinilusan. “Lubhang mapanganib ang erya ninyo,” anito sa sulat.  “Di natin matiyak ang pinagmulan ng impormasyon kung paano natukoy ng kaaway sina Ka Rubio. Posibleng may mga impormasyong muling nakuha ang kaaway mula sa mga koresponsal at dokumentong nasamsam kina Ka Rubio.  Gayundin kailangang pag-usapan ng kalihiman ang huling pangyayaring pinagbuwisan ng tatlong kadre.  Mainit ang inyong erya.”

“At makitid na rin ang baseng pangmasa ng larangan,” sagot niya sa sulat.  “Mahirap matipon ang puwersa sa iisang distrito.  Tulad nang nangyari sa atin nitong nakaraang operasyon ng kaaway.  Lawak ang kailangan natin.  Kailangang mas masaklaw ang ating pagkilos.  Sa gayon, ang bawat pangkat ay dapat matuto sa pag-asa sa sarili: umangkop sa mabilis at pabagu-bagong kalagayan ng pakikidigma. Mahirap maiwan ang distritong ito.  Kapag naiwan ang lugar mahirap balikan at di matiyak ang patibong at impormer na itinanim ng kaaway.  Bagamat malaki ang pagkawala sa pagkapaslang ng tatlong kadre, ang pag-angkop dito ay bahagi ng pagtugon sa nagbabagong kalagayan ng bawat pangkat.  Natukoy na natin ang ugat ng suliranin natin sa larangan. Hangga’t di nasisimulan ang estratehikong programa ay dapat magpunyagi tayo sa mga distrito natin.”

Ang estratehikong programa.  Ang bagong larangan.  Ito ang kanilang pinag-uusapan simula pa noong Agosto.  Ito ang rekomendasyon na dala-dala nina Ka Mando noong Setyembre para sa komiteng pangrehiyon.  Ito ang estratehikong solusyon sa kahirapan at sunud-sunod na pagkabigong tinamo ng puwersa sa larangang ito.  Naging matagal at malalim ang diskusyon dito.  Paulit-ulit na talakayan.  Bawat punto, bawat aspeto ng nakaraang pagkilos.

The momentum of the struggle in this front has succeeded in bringing us at this critical juncture.  We never had much time in probing the roots of our crisis.  Who decided to open up this front?  On what basis?  What is the regional update on social investigation of the area?  What is the strategic and tactical value of the area?  Is  it fulfilling its role?  Are we maximizing its advantage? Or are we caught in the quagmire  of its disadvantages?  Are we applying the correct tactics of people’s war?

Naramdaman niya ang lamig ng hangin ng umaga.  Alas kuwatro kinse na.  Oras ng panganib.  Ito ang kadalasang oras na pinipili ng kaaway sa pagsalida at pangungubkob.  Madali ang tugisan dahil pasikat na ang araw. Sana gising na si Roldan.  Bumangon siya at tinanaw ang gawaing pinaglipatan nito.

Naisip niya ang pagpupumilit ni Roldan na sumana siya sa paglipat ng tulugan.  Tinanggihan niya ito.  Di dahil mali ang mungkahi, ngunit ayaw niyang gatungan ang namamayaning pagdududa nito.  Isa pa ay pagod na siya. Hapo sa maraming bagay.  Matagal at malalim na pagkahapo. Mula sa pagkamatay ni Felix hanggang kay Rubio.

Kaluskos! Muli niyang pinakiramdaman ang paligid.  Kakaiba ang katahimikan ng paligid. Tila bulabog ang hayop sa gubat.  Nakaramdam siya ng pangamba at muling sinilip sa siwang ng dingding ang nagliliwanag na kapaligiran.

Sa nagsisimulang liwanag ay naaninag niya ang mga aninong sa kubling sanga at dahon ng mga punongkahoy ay naglalakad palapit sa dampa.  Nasa unahan ng mga ito, di man niya makita ang mukha ay kilala niya ang kilos at anyo. Si Pilo!

Sa isang saglit ay nagliwanag sa kanyang isip ang katotohanan: hindi bumalik si Pilo bilang kasama kundi bilang giya ng mga sundalo ng kaaway.  Magkano mo pinagpalit ang iyong kaluluwa?  Matinding galit ang sumulak sa kanyang dibdib.  “Sa iyo ang unang bala, Pilo.”  Dinampot niya ang nikiladong .45 at kinapa ang reserbang magasin.

Niribisa niya ang kinalalagyan ng dampa: Ang landas ay nasa likuran, sukal sa magkabilang kawing at gulod sa silangan.  Posible.  Posibleng manggilid sa gulod papalayo.

Umalingawngaw ang dalawang sunod na putok.  .45. Bumasag sa katahimikan ng kagubatan. Sabi ni Redi, kapag ang unang putok ay sa iyo, ikaw ang nakatayo, sila ang dadapa.  Ngunit nag-jam ang pistol sa ikatlong kalabit. Tumalon siya sa gawing kanan at halos sabay niyang nadinig ang sagot ng mga armalayt.

Naramdaman niya ang animo’y dalawang suntok na nagtulak pa sa kanyang paggulong.  Sa iglap ding yaon nadama ang tila yelong patalim na nanasok sa kanyang likod at balikat.  May tama ako!  Tila hiyaw sa kanyang utak.

Nahirapan siya sa paghinga.  Ngimi ang kaliwang balikat.  Ngunit pilit siyang gumapang.  Tiniis ang bumibigat na katawan at nagsisimulang kirot. Huwag pansinin ang dugo.  Naalala niya ang sabi ng iba.  Sikaping makatalilis at lumayo sa putukan.

Kwento ni Apo Layug, ang beterano ng dalawang digmaan.  Natambangan sila ng mga sundalo ni Magsaysay sa kampanya noong matapos ang digmaan laban sa Hapon.  Anim ang tama niya, apat sa katawan, dalawa sa hita. Nakalakad pa raw siya ng sampung kilometro.  Si Payat naman, sugatan mula sa isang engkuwentro sa Tarlac.  Nagsuot sa tubuhan.  Nang natagpuan ay tatlong araw na ang nakakalipas ngunit buhay…At pilit niyang binuhay ang pag-asa.  Kailangan lang makalayo…

Ngunit malinaw sa kanya ang katotohanan.  Dinig niya ang hiyaw ng punong sundalo.  Kanyang pangalan.  Magkano kaya ako sa kanilang halaga? Pabuyang kuwarta. Patay o buhay.  Propaganda para sa pasistang diktadura.  Masdan ninyo ang rebelde, malamig na bangkay, niluray ng tama ng bala.  Walang kinabukasan ang rebolusyon!

Naramdaman niya ang pagkahapo at napasandal sa isang malaking puno.  Namahinga. Araw ninyo ngayon, at sa amin ay padilim pa ang gabi.  Ngunit di lahat ng araw ay inyo…

Mataas na ang araw.  Sa paligid niya ang matatayog at matatandang punongkahoy. Ang kagubatan ng Sierra Madre.  Bilin ng dakilang Asedillo:

Tayo ang mga punongkahoy ng kagubatang ito

Tulad ng lahat ng bagay tayo ay mamamatay

Ngunit ang kagubatan tulad ng ating layunin

Ay mananatili. Sa ating bukas ay muling sisibol

Sampung binhing papalit sa atin.

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1