KRIS MONTANEZ

Toto

          O mga senyores pamatii ninyo

          Akon iga-asoy ini nga composo

          Sang nagligad nga tuig sa bulan sang Marso

          May ginpangdakop walo gid ka tawo

          (O mga ginoo makinig kayo

           Kakantahin ko itong komposo

Noong nakaraang taon, buwan ng Marso

           Dinakip ang walong lalaki)

 

MAHINA NA ANG tuhod ko, Toto, malabo na ang mga mata ko, kailangan ko na ang aking pensyon.”

Walang tinag ang pagkakatitig ng dumaan sa panginoong maylupa.  Maya-maya’y itinaas niya ang kanyang paningin, sa may makintab na dinding sa likuran ng kanyang kaharap, at tumambad sa kanya ang isa pang mukha, nakakwadro sa ginto at siya pa ring naghahari sa lupain ng mga Monleon.  Hindi lang ang pag-aari sa lupa ang isinalin ng naunang Don Monleon sa kanyang anak na kaharap ngayon ng dumaan; ang balbuni’t putting balat, ang malalagong kilay, ang pilantik ng bigote, ang talim ng titig, ang ismid sa tikom na mga labi, pati na ang halang na kaluluwa ay muling nagsakatawan at ngayo’y nakaupo sa kanyang swivel chair at nababagot sa pakikinig sa kahilingan ng isang dumaan.

“Sino ka ba?” ang paangil na tanong ng panginoong maylupa.

Hindi inaasahan ng dumaan ang tanong.  Mahigpit niyang kinapitan ang kanyang balanggot; kinapitan niya ang maraming taon (apatnapung taon!)ng paghahawan sa lupain ng mga Monleon, ng paghahasa ng kanyang espalding para sa maghapong pagpuputol ng tubo, ng pagsasalitan ng pagkabaon sa utang, pagkaratay sa sakit, pamimilipit ng tiyan sa gutom, para panatilihing nakasabit sa dinding ang larawan ng isang matandang Monleon at nakaluklok ang batang Monleon sa kabisera bilang meyor.  Nanunumbat ang titig ng dumaan. A, hindi mo ako kilala?  Ako lamang po si Julian, Julian Macabalo, nakatira diyan sa gilid ng inyong asyenda.  Bata pa po’y naninilbihan na sa inyong pamilya.  Sa katunayan, ako ang nag-alaga sa iyo nang ika’y bata pa lamang.  Ako po ang nagpapaligo sa iyo tuwing hapon, at alam ko pong may nunal kayo sa tumbong.  Ewan ko kung bakit, pero ang tawag ko sa iyo noo’y Liliantian.  Ako ang nag-alaga sa inyo hanggang ika’y dalhin sa Bacolod at doon nagsimulang mag-aral…

Akon nga isaysay ang ila nadangtan

Sang sila ginpangdakop sa sulod sang baylehan

Damo nga kastigo ang ila naagyan

Asta nakalambot kay Toting kalubihan

(Isasaysay ko ang kanilang sinaapit

Hinuli sila sa isang sayawan

Katakut-takot na parusa ang kannilang dinanas

Hanggang marating nila ang niyuugan ni Toting)

 

“Don Monleon,” ang sabat ng binnatilyong anak ni Julian, si Celso, na ngayo’y isa na ring dumaan, “ang hinihingi ng tatay ko ay ang retirement pay para sa serbisyo niya sa asyenda.  Sabi po sa SSS…”

Hinudyatan ni  Don Monleon ang kanyang sekretarya para iabot ang listahan ng mga dumaan sa asyenda. Tatangu-tango ang Don habang binibiling-biling ang mga pahina ng listahan.

“Bweno, pumunta ka sa prisinto ng pulis ng kabisera sa makalawa.  Doon kita babayaran.” At ikinumpas ng Don ang kamay bilang pagtataboy sa kanyang mga bisita.

Inihatid ng sekretarya ang mag-ama pababa hanggang sa makapal na pinto ng bahay.  Wala silang imikan, parang silang tatlo ang humarap sa Don at ngayo’y pabalik na sa mga tibtib ng tubuhan.

“Nelia, ang kape ko.”  Nasanay na ang sekretarya sa dagundong ng tinig na iyon.  Hinimas-himas niya ang balikat ng matandang dumaan habang palihim na ipinasa kay Celso ang isang nakaluping papel.  Hinintay niyang muli ang dagundong bago siya pumanhik, dala-dala ang tasa ng umuusok na kape.

Daw wala lang dugay sila ang gindala

Sa balay sang konsehal na si Icot Garcia

Sila gin-imbistigar sa tag-isa-isa

Tapungol kag sipa kag ginkulata pa

(Hindi nagtagal, sila’y dinala<     

Sa bahay ng konsehal na si Icott Garcia

Isa-isa silang inimbistiga

Binugbog, sinipa at kinulata paa)

 

Pagkasalansan ng pinakahuli niyyang bigkis ng tubo sa bagon ay humiwalay na si Celso sa ibang dumaan at sakada.  Padilim na ang papawirin.  Binagtas niya ang makitid na pagitan ng matataas na tubo hanggang sa marating niya ang daang pumuti sa alikabok ng tag-araw.  Sa pababang gilid siya nagdaan para mawala sa anino ng tubuhan; kumapal na ang kanyang talampakan para indahin pa ang libong tinik ng amorseko.

Naninikit ang kanyang katawan sa pawis at alikabok, kaya’t nang maraming niya ang irrigation canal ay lumusong siya’t binasa ang twalyang kinalag sa pagkakapulupot sa kanyang leeg, pinunasan ang mukha’t kilikili, at sinuklay ng ilang ulit ng mga basang daliri ang buhok na nangapal sa dumi.  Halos walang ingay siyang nagmumug, dumura, at uminom mula sa bagong daloy ng tubig.

Umahon siya at ipinagpatuloy ang kanyang tahimik at ngayo’y may kabilisang paglalakad.  Bago lumiko pakanan, saglit siyang kinilabutan.  May aso bang kumakahol, kala-kaladkad ang kung anong mula sa loob ng tubuhan?  Isang kamay, naaagnas na ang laman sa buto?  Maya-maya’y isang paa, maya-maya’y isang buong ulo?

Huminga si Celso nang malalim, ilang ulit, at pinangibabawan ang takot. Sinalat niya ang puluhan ng espalding na nakasukbit sa kanyang tagiliran.  A, isang taon na iyon, at bumalik sa kanyang alaala, simbilis ng paglalakad niya ngayon, ang mga larawan ng isang gabi noong nakaraang taon—ang masiglang sayawan ng mga dumaan at sakada at mga pamilya’t kaibigan nila pagkaputol ng pinakahuling biyas ng tubo, ang pagkabulabog ng kanilang pagsasaya nang dumating ang mga Long Range Patrol at dakpin ang walong kabataang organisador ng unyon sa asyenda ni Don Monleon, ang pagkawala nila mula noon, ang pagkakatakas ng isa sa kanila matapos halos mapatay sa bugbog, ang pagkakatagpo sa pito makaraan ang ilang araw, nang kutkutin ng isang aso ang lupa sa loob ng tubuhan at ilantad sa daan ang ilang putol at agnas nang bahagi ng katawan.

Sa walo kag tawo isang nakasalbar

Si Icot Garcia amo ang naghusgar

Ang pito ka tawo natam-an sang balbal

Sang mga armado nga mga militar

(Sa walo, nakatakas ang isa

>

Si Icot Garcia’y nagdisisyong

Ang pitong natira’y parusahan nnang husto

Ng mga armadong militar)

 

Isang taon na nga iyon, pero sa isip ni Celso’y laging nakakintal ang isang tanong: Nasaan na si Ka Bernie, ang isa sa walong organisador na nakaligtas sa pamamaslang ng militar, sa utos ni Don Monleon?

Naabot na nin Celso ang hangganan ng tubuhan at ngayo’y papataas ang lupang kanyang tinatahak.  Masukal ang  mabundok na bahaging iyon ng kalupaan.  Matatalas ang igang, paliku-liko ang landas na tinatawid niya, pero kahit sa dilim ay kabisado niya ang gubat.   Dito siya nangangahoy at kung minsa’y nakakahuli ng putting unggoy at napakaitim na musang. Papataas ng bundok ang kanyang mga hakbang hanggang sa marating niya ang paanan ng isang higanteng bato.  Nakarinig siya ng kaluskos sa tuktok ng bato, naaninag niya ang anyo ng isang taong may  hawak na kung anong sa kanya nakatuon.

“Sara-sara!” ang paimpit pero mariing sambit ng tao.

“Likket!” ang maagap namang sagot ni Celso.

Bumaba ang tanod mula sa kanyang kinaroroonan, kinamayan si Celso at sabay silang pumasok sa isang naiilawang kweba.  Nakapaligid sa isang mesa ang ilang armadong lalaki, mas nakatatanda lamang sa kanya ng ilang taon.  Nakangiti silang lahat sa kanya habang isa-isa niya silang kinakamayan.  “Kumusta, kaupod?”

Mula sa isang maliit na butas sa ibaba ng kanyang kwelyo, hinugot ni Celso ang isang tuping-tuping papel na iniabot iyon sa pinuno ng mga Pulang mandirigma. Iniunat ng pinuno ang mamasa-masang papel na inilapag iyon sa mesa.  Matamang tinunghayan ng lahat  ang mga krokis ng dalawalang palapag ng bahay ni Don Monleon, ang kwartong tinulugan nito, and hapag-kainan, ang upisina, ang mga pintuan at bintana, ang bundok sa likod ng bahay.  Nakatala rin sa papel ang regular na oras ng pagdating at pag-alis ng bahay ni Don Monleon.

“Galing ‘yan sa sekretarya ni Don Monleon,” ang paliwanag ni Celso.

Kinabukasan, sa tubuhan, may inililihim na ngiti si Celso sa mga kasamahang dumaan at sakada habang tinatagpas niya ang tubo sa pinakapuno nito.

Daw makaluluoy ang ila sitwasyon

Kay wala gid sila taga-i pagkaon

Ang pito ka tawo pulos ginagutom

Tapungol kag sipa ila ginpanyapon

(Kaawa-awa ang kanilang kalagayyan

Ang pitong tao’y di binigyan ngg pagkain

     Kahit sila’y pawang nagugutom

     Bugbog at sipa ang kanilang hinapunan)

 

     “Sige,” ang pabulong na sabi ni Upeng, ang anak ni Julian, sa isa pang babae.  “Dalhin mo na ito sa mga kasama sa bundok.  Pandagdag sa pamyaga nila. Ingat.”

Tinimbang ng babae ang isang basket na puno ng balinghoy, kamote, saging at mani.

“Hoy, Delia, saan ang punta mo?”  ang tanong ng ilang babaeng kasamahan nila sa tumana.

“D’yan sa ibayo, kina Tiyo Osing, ihahatid ko ito, baka walang makain ang mga anak niya ngayon.”

Ang mga babae ay nagtatrabaho sa isang maliit na sukat ng lupang hindi natatamnan ng tubo.  Tinatamnan nila ito ng iba’t ibang kararuton at gulay para may maipantawid-guton,laluna pagdating ng ilang buwang walang trabaho sa asyenda.  Ang nga bungang ipinadala sa mga Pulang mandirigma na nagkakampo sa bundok ay bahagi ng kanilang unang ani.

“Ay, si Kernel Golingo, dumarating!”  ang anasan ng mga babae, magkahalo ang gulat, muhi at takot.

“Maayo nga aga, Kernel!” ang pahiyaw na bati ni Upeng.

Hindi sumagot ang hepe ng pulisya sa lugar. Nanatili itong nakaupo sa tabi ng drayber, may nakaambang bulyaw sa makakapal na labi.

“Hindi ba sinabi ko sa inyong iligal ang magtanim d’yan?”  ang bungad nito.  “Laban sa gubyerno ang ginagawa ninyo!”

Matatag at may pagtitimping sinagot ni Upeng ang hepe ng pulisya.  “Damuhan lang naman itong lupa na tinatamnan namin, Kernel,” aniya.  “Humingi kami ng permiso ke Don Monleon, pero ayaw naman kaming harapin.  Kung gusto n’ya, bibigyan namin siya ng parte sa ani.”

“Basta, iligal ‘yan!”

“Bakit kayo ang magsasabi’y hindi naman kayo ang may-ari ng lupa? Ang gusto naming makausap ay si Don Monleon!”

“Natatakot sa inyo dahil subersibo kayo!”

“Natatakot? Siguro’y may kasalanan.  Isang taong nakapreso ang asawa ko dahil sa kanya.  May ebidensya ba na kasama ang asawa ko ng walong organisador na ipinahuli niya’t ang pito’y ipinalibing nang buhay?  ‘Yung ilampung dumaan at sakada na pinatalsik sa asyenda, sila ba talaga ang nanunog sa tubuhan noong nakarang buwan?”

“Matigas ang inyong mga ulo!” Kilala ko kung sino sa inyo ang mga lider dito!” At isa-isang ipinagtuturo ni Kernel Golingo ang ilang babaeng nasa taniman.  “Ikaw ang primera!”  at nagbabantang dinuro si Upeng.

“Samsamin ang kanilang ani!”  Bumaba ang ilang pulis at itinambak sa dyip ang mga kararuton.

Kumukulo sa galit ang kalooban ng mga babae  pero ipinagpatuloy nila ang pagtatanim sa tumana.

Ang mga LRP wala pasunaid

Ila nga gingapos kag ila ginabaklid

Ginapangkastigo kon indi magsugid

Didto sa pigiri sila ginpanga-id      

(Walang awa ang mga Long-Range Patrol

Ginapos nila’t pinilipit ang piitong tao

Ang di magsalita’y pinarurusahaan

Habang nakagapos sa may babuyann)

 

Tulad ng sinabi ni Don Monleon,, maaga pa’y nasa prisinto na ng pulisya sina Julian at Celso.  Manananghali na nang dumating si Don Monleon.  Halos kumain ang mag-ama ng alikabok nang pasadsad na pumara sa harapan nila ang Ford Fierra ng Don, kasama ang mga badigard na pulis. Katabi ng Don sa sasakyan si Kernel Golingo.

 Kaagad na bumaba ang mga pulis at itinutok ang mahahabang baril sa nagitlang mag-ama.

Itinuro ng Don kay Kernel Golingo si Julian.  “Ikulong ang matandang ‘yan, Kernel!”  Nilakasan niya ang kanyang boses:  “Siya ang lider ng mga nanunog sa tubuhan ko!”

Nilapitan ng nakangising kernel si Julian at di kaginsa-ginsa’y tinatadyakan ito.  Hindi nakapanimbang ang matanda at siya’ natimbuwang.  Sumugod si Celso pare alalayan ang ama pero mahigpit na hinawakan ang kanyang mga braso ng dalawang pulis.  Kinaladkad ng mga pulis ang matandang dumaan papasok sa prisinto.  Mula sa loob ng prisinto, lumangitngit ang pintuang bakal ng kulungan at sumunod ang marahas na pagtulad niyon pasara.

“Bakit n’yo ipinakulong ang aking tatay?”  ang galit na tanong ni Celso kay Don Monleon habang nagpupumiglas sa pagkakahawak ng mga pulis.  “Bitiwan n’yo ako!”

“Tumahimik ka d’yan at baka pati ikaw ay makulong!”  ang banta ng hepe ng pulisya, at mariing dinagukan ang binatilyo.  Nakahulagpos si Celso sa hawak ng mga pulis at hinarap si Don Monleon.  Dagling itinutok ng mga badigard ang kanilang mga baril sa binatilyo.

“Lalaban ka?” ang tuya ng Don kay Celso.  “Sabihin mo sa tatay mo na huwag nang ulitin ang paghingi ng pensyon, kundi’y mabubulok siya sa bilangguan at palalayasin ko kayong lahat sa aking asyenda!”

Muling kumain ng alikabok si Celso nang humarurot palayo ang Ford Fierra.

Si Captain Baliscao kag si Mayor Sola

Tatlo sila ni Cabral ang nagkomperensya

Nagsiling si Baliscao kon ano ang idea

Ang sabat ni Sola, patyon insigida

(Si Captain Baliscao, Meyor Solla

At Cabral ay nagpulong

Nagtanong si Baliscao, “Ano angg gagawin?”

Ang sagot ni Meyor, “Patayin aggad!”)

 

Mabilis na kumalat sa asyenda ang pagkakakulong kay Julian.  Noon di’y tumigil sa pagtatrabaho sa tubuhan ang mga dumaan at sakda at kinahapuna’y dumagsa sila sa harap ng prisinto, samantalang ang isa pang malaking pangkat ay nagtungo sa munisipyo para harapin ang meyor, si don Monleon mismo.  Si Upeng ang nagpumilit na humarap sa meyor, pero wala ang huli sa kanyang upisina.  Isang empleado sa munisipyo ang tumapat kay Upeng at paanas na ipinaabot na  ang meyor ay natalo nang malaki sa sabungan  at ngayo’y nagpapalamig sa kandungan ng kanyang kerida.

Hindi nawalan ng loob si Upeng. Kasama ang ilang upisyal ng unyon sa asyenda, sumakay sila sa bus patungong Bacolod para ilahad ang pangyayari sa mga upisyal ng mga  kinaaniban ng kanilang unyon at humingi ng tulong para ipaglaban ang paglaya ng kanyang ama.

 

Insigida sadto ila nga gindala

Sa tunga sang kampo kay Meyor asyenda

Madalum nga kutkot ila gintigana

Ilang ginpanglubong, ang iban buhi pa.

(Noon din ang pito’y dinala

>

Sa gitna ng tubuhan, sa asyendaa ng Meyor

Pinaghukay ang pito ng malalim na hukay

At doon sila inilibing, kahit aang iba’y  buhay pa)

 

Binati ng iba’t ibang huni ng iiba’t kulisap ang mga Pulang mandirigma at lokal na milisyang bayan habang isa-isa silang palabas ng yungib.  Matagal pa bago magbukang-liwayway.  Maingat nilang binagtas ang madilim na daang pababa ng bundok, ingat na huwag makagawa ng anumang ingay.  Habang madilim pa ay babagtasin nila ang malawak na tubuhan ni Don Monleon, patungo sa bundok na nasa likuran ng bahay nito.  Tulad ng napagkayarian, doon sila pupwesto para isagawa ang aksyong militar laban sa asendero’t kanyang mga badigard.

Kasama ng mga Pulang mandirigma si Celso.

Hapon pa lamang ay nasa kweba na si Celso.  Mula sa prisinto ay sumaglit lamang siya sa kanilang kubo para ibalita sa mga kapatid ang nangyari sa kanilang tatay, at nagtuloy na sa kinaroroonan ng mga Pulang mandirigma.  Muli, pero ngayo’y mas maditalye, ikinwento niya sa mga Pulang mandirigma hindi lamang ang pinakahuling pangyayari kundi ang iba pang naganap na pandarahas sa mga anakpawis sa asyenda ni Don Monleon.  Matamang nakinig ang mga Pulang mandirigma.

Habang nagkukuwento si Celso, laluna tungkol sa pagkakaorganisa ng mga dumaan at sakada sa asyenda, nakatawag ng kanyang pansin ang isa sa mga Pulang mandirigma. Matipuno ang pangangatawan nito, may tindig ng tagalunsod, may pilat sa kaliwang pisngi. Tiyak ni Celsong nakita na niya ito, pero hindi maalala kung saan, kailan.

Nagtama ang kanilang mga mata at sa isang iglap ay nakilala ni Celso kung sino siya.

“Kaupod, ikaw nga!”  Mahigpit na niyakap ni Celso ang Pulang mandirigma. Siya si Ka Bernie, ang natirang buhay sa walong organisador na ipinahuli ni Don Monleon.  Bago nangyari ang pagkakahuli sa kanila, madalas magawi si Ka Bernie sa kubo nina Celso, kausap ang kanyang ama’t mga kapatid tungkol sa kalagayan sa asyenda at sa pangangailangang magkapit-bisig ang mga dumaan at sakada laban sa pagsasamantala at paghahari ng mga despotikong panginoong maylupa at militar.

“Ka Celso,” ang tanong ng lider ng pangkat, “kanina sa prisinto, ano ang nakita mong mga armas ng mga badigard ni Monleon?”

“May M16 sila, kaupod, at BAR, at karbin.  May short arms din sila.  Lima lahat ang badigard ni Monleon.”

Sa liwanag ng gasera, sinipat ni Celso ang mga baril ng mga Pulang  mandirigma at lokal na milisyang bayan mula sa iba’t ibang bahagi ng seksyon ng larangang gerilya na naitalagang magbigay-suporta sa planong aksyong militar sa asyenda.  Ang baril ng mga Pulang mandirigma ay M16, o kaya’t Garand at karbin.  Samantala, ang lahat ng milisyang bayan ay nasasandatahan ng pugakhang.

Napailing si Celso pagkakita sa pugakhang.

Hindi nakaligtas sa pinuno ng mga Pulang mandirigma ang pag-iling ni Celso at natawa siya.  “Hindi bale,” anya, “darating ang oras na mas huhusay ang ating armas.  Bukas lang, madaragdagan na tayo ng malalakas na armas!”  Iniabot ng pinuno ang isang pugakhang kay Celso.  “Ito ang ipuntirya mo kay Monleon, bukas kaupod,” anya.

Nagulat si Celso.  Hindi niya inaasahang siya ay isasama sa mismong aksyong militar bilang bahagi ng kanyang hilikuton, kaya’t sa tuwa niya, mahigpit niyang hinawakan ang pugakhang na parang isang M16 din.

Maayo lang gani ini natukiban

Amo ang nagkutkot sa ila ginlubngan

Duha gid ka buho ang ila nasapwan

Kag pito ka bangkay ang ila nait-an

(Mabuti’t ito’y natuklasan ng mmga tao

Hinukay nila ang mga libingan

Sa dalawang hukay

Pitong bangkay ang kanilang nakkita)

 

Ang malaking bahay ni Don Monleeon ay nasa paanan ng bundok. Ang daang palayo-patungo sa bakuran ay malapit sa gilid ng bundok.  Paglagpas ng bundok, nakalatag sa ilandaang ektarya ang tubuhan ng mga Monleon.

Reyd sa bahay ang napagpasyahang isagawa ng mga Pulang mandirigma matapos masuri ang mga G2 na umabot sa kanila habang sila’y nasa unang bundok.  Sang-ayon sa plano, paglabas na paglabas ng bahay ni Monleon, doon mismo siya babanatan.  Kung nakapirmi siya sa loob ng bahay, ang isang assault team ay papasok mula sa bintana ng ikalawang palapag, sa likuran, at ang ikalawang assault team ay papasok naman sa malaking pinto ng bahay.

Madilim pa nang makarating ang mg armado sa ituktok ng bundok.  Maaga silang nag-agahan.  Inilapag sa nakalatag na mga tuyong dahon ang malamig nang balinghoy at isang maliit na supot ng pulang kalamay.

Isang lokal na milisyang bayan ang nagtangkang magsindi ng likket pero sinensyasan siya ng isang Pulang mandirigma.  Ibinalik niya sa bulsa ang sigarilyo.

Maliwanag na sa buong paligid.  Mula sa pinagpupwestuhan ng mga armado ay kitang-kita ang buong bahay ni Don Monleon. Walang kagalaw-galaw sa paligid ng bahay.  Maya-maya,  isang matandang katulong ang lumabas ng pinto sa likod ng bahay at nagsimulang magsabog ng patuka sa mga manok-pansabong.

Nakapako ang tingin ng lider ng mga Pulang mandirigma sa nakapinid pang bintana sa ikalawang palapag, sa may likuran.  Naghintay siya hanggang ito’y itulak pabukas, isang babae ang dumungaw, at umakmang pinahahanginan ang isang puting panyo.

Agad na pinulong ng pinuno ang mga armado.  Wala sa bahay ang kanilang target, sang-ayon sa napagkasunduang senyas mula sa sekretarya ni Don Monleon.  Kailangang ihanda ang alternatibong plano.  Ipinaliwanag sa lahat ang pagbabago ng kalagayan at ang paghahanda para sa ambus.

Insigida sadto ila nga gindala

Sa Bacolod City deretso sa ponerarya

Agud makahibalo ang mga pamilya

Ang mga balita ila ginpalapda

(Noon di’y dinala ang mga bangkkay

Sa punirarya sa Bacolod City

Para malaman ng mga kamag-anak<

Ipinakalat nila ang balita)

>

 

Hinati sa tatlong pangkat ang mmga armado, na humilera sa matalahib na gilid ng bundok. Itinuon ng lahat ang kanilang baril sa killing zone, ang bahaging patag ang daan, na kaunting paglagpas lang ay pababa na hanggang sa makaabot sa harapan ng bahay ni Don Monleon.  Tahimik silang naghintay sa pagdating ng kanilang target.

Inabutan sila ng init ng araw sa gayong pusisyon pero wala pa rin ang target.  Sa oras ng pananghalian, nagturnu-turno ang mga grupo para kumain ng malamig na kanin at daing sa kani-kanilang pwesto.

Nasa gayon silang tahimik na kaabalahan nang dumating sa kinaroroonan nila ang isang aktibistang masa.  Halos paanas nitong inireport sa lider ng pangkat ang kinahinatnan ng aksyong masa sa kabisera.

“Galit na galit si Monleon, kaupod, pero wala siyang nagawa,” ang natutuwang pagbabalita ng aktibistang sakada.  “Ang daming sumuporta, kaupod, mga upisyal ng pederasyon, abugado, pari’t madre.  Noon din ay pinalabas ng prisinto si Tiyo Julian.  Kasama na siya sa pag-uwi kanina ng mga welgista.”

“Si Monleon?”

“Ay, siguradong uuwi iyon dito para makaganti!”

Pabuod na ipinasa ng pinuno kay Celso ang balita, na ikinatuwa ng huli.

Matamang naghintay ang lahat sa pagdating ni Monleon.

Alas tres na ng hapon nang  matanaw ng mga armado ang Ford Fierra sa may haywey.  Kumikislap ang harapang salamin nito sa tama ng sinag ng araw.

Matamang sinundan ng mga armado sa sayt ng kanilang baril ang sasakyang papalapit sa kinaroroonan nila.

Ilang minuto pa’y nagsalimbayan ang mga putok.  Nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber ng Ford Fierra at sumadsad ang sasakyan nang pahalang sa pababang bahagi ng daan.

Walang ganting putok mula sa nakasakay sa Ford Fierra.

Bumaba sa bundok ang klining team at tiniyak na patay  ang lahat ng nakasakay bago mabilis na kinuha ang mga armas.  Bumaba rin si Celso at saglit na sinilip si Don Monleon na naliligo sa sariling dugo.  Siya ang pumasan ng BAR.

Mabilis na tumalilis ang mga armado.  Muli nilang binagtas ang makitid na pagitan ng tubuhan, saglit na uminom sa irrigation canal, at inakyat ang ilang bundok hanggang sapitin nila ang rantso ni Don Monleon.  Sinalubong sila ng mga dumaan at sakadang sabik sa dala nilang balita habang kulo nang kulo ang isang malaking kawang umaapaw sa karne ng kinatay na baka.

O mga kauturan magmuklat na kamo

Sa mga pasista nga nagapangastigo

Dapat nga untaton ini nga kagamo

Pag-isa paghugpong sang tanan nga tawo

(O mga kapatid mamulat na kayo<

Laban sa mga pasistang militar<

Dapat wakasan itong kaguluhan

Tayong lahat ay magkaisa)

 

(Isinalin ni Ada Loredo ang commposo mula sa Hiligaynon.)

 

Dumaan – sakadang palagiang nakatira sa gilid ng asyenda.

G-2 – gawaing paniniktik.

Hilikuton – tungkulin.

Igang – matulis at matigas na batong apog (limestone).

Kalamay – asukal.

Kararuton – lamang-ugat.

Likket/Likit – sigarilyong binilot sa kaprasong dyaryo.

Pamyaga – agahan.

Pugakhang – ripleng de-sabog na katutubo sa Kabisayaan.

Sara-sara – kapeng gawa sa sunog na bigas.

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1