KARET

Oras-Pilipino?”

 

MAKALAWANG ULIT NANG nakasulyap si Ka Linda sa suot niyang relos noong minutong iyon bago niya namataan sa bintana ang paparating na si Ka Tina. Kalmadong naglalakad ang dalagitang aktibista at walang anumang bakas ng pagmamadali sa mukha nito o pagkilos.

“O kasama!” bati nito kay Ka Linda pagkapanhik ng bahay, “lalakad na ba tayo?”

Tumingin muli sa relos si Ka Linda, “Kasama naman,” ngiti niya, “alas seis ang usapan natin at alas syete medya na ngayon. Dapat talagang lumakad na tayo’t baka di natin abutan sa bahay si Ka Tomas!”

Umupo sa tabi niya ang dalagita.  “Hindi pa aalis ‘yon! ‘Pilipino time’ din ‘yon, tulad natin.”

Tumayo si Ka Linda, nagpaalam sa matandang babae sa kusina, at niyaya na si Ka Tina.  Tara, kasama, tinatanghali  na tayo, e!” wika niya, sabay sulyap sa mataas-taas nang araw.  “Mabagal pa namang lumakad itong sasakyan natin.  Di pa kasi mulat itong kalabaw, e!” biro niya.

 

___

Habang tinutunton ng sinasakyan nilang damulag ang mga pilapil, tulay at mga putikang daan patungo sa kalapit na baryo, binuksan ni Ka Linda ang paksa sa tinaguriang “Pilipino time.”

“Bakit mo naman tinatakan ng pagka-Pilipino ang pagiging atrasado sa oras, kasama?” bungad niya.

Natawa muna nang bahagya si Ka Tina bago sumagot, “Talaga naman, di ba? Ang istrikto sa oras, ‘yung mga Amerikano; tayo naman, madalas atrasado. Di nga ba?”

“Mabuti siguro, iugat natin sa kasaysayan ang bagay na iyan.  Noong panahon kasi ng pananakop ng Espanyol, pinairal nila ang sistema ng kabuhayan na nakabase sa pagtatanim.  ‘Yung ngang pyudalismo.  Alam mo naman ang paghahanda ng lupa, pagtatanim, paghihintay ng ani, pag-aani at paghihintay muli ng susunod na taniman.  Napakabagal, di ba?  Taon, mga buwan ang binibilang. At iyon namang mga kolonyalista na walang ginawa kundi mamaywang, matulog, kumain, at magpasasa sa luho ay nagkalat pa ng kasinungalingang tamad raw tayong mga Pilipino.”

“Ah, hindi totoo ‘yan! Naatraso tayo sa oras, pero di naman tayo tamad!”

“Nakabatay nga kasi sa pagtatanim ng kabuhayan kayat talagang mabagal,” patuloy pa ni Ka Linda, “ibig sabihin, walang gaanong diperensya kung mauna o maipagpaliban nang ilang araw o kahit ilang linggo dahil mga buwan nga ang sinusukat na panahon.”

Patuloy sa paglalakad ang kalabaw, at patuloy si Ka Linda sa kanyang paliwanag sa nakababata.  “Iba naman sistema ng pamumuhay na umiiral na sa Estados Unidos nang sakupin na nga tayo ng mga Amerikano.

“Ang sistema sa kanila ay maramihang paglikha ng produkto sa pabrika at matinding kompetisyon sa pagbebenta ng mga ito, kaya naman  importante sa kanila ang bawat minuto at saglit.  Lagi silang nagmamadali para lalo pang pigain ang lakas ng mga manggagawa at mapalikha ang mga ito ng mas maraming produkto kapalit ng di naman pinalalaking sahod, at para laging maunahan ang mga kakumpitensya sa pamilihan.”

Ipinaliwanag pa ni Ka Linda na kaugnay ng pagmamadaling ito para kumita, nakilala natin ang mga Amerikano bilang “disiplinado sa oras”   kundi man adelantado pa nga.  “Bawat minuto at saglit ay hinahabol nilang gamitin para nga magpalaki pa ng tubo.  Kaya nga pati ang pag-ihi ng mga manggagawa sa pabrika’y binibilang at inoorasan.”

Ilang minuto munang tumahimik si Ka Tina bago muling kumibo.  “E, tayo naman, ba’t ba tayo nagmamadali?Wala naman tayong pinipigang manggagawa o inuunahang kakumpitensya sa negosyo!”

Natawa nang bahagya si Ka Linda, “Iban naman ang dahilan natin.  “Sumiryoso siya.  “Matagalang digmang bayan ang isinusulong natin at di natin hinahangad na mapatagal pang lalo.  Napakaraming gawaing naghuhumiyaw  na magampanan, at kumpara sa dami ng gawain ay napakaunti pa rin natin.  Kaya dapat lang na sunggaban natin ang bawat oras at minuto! Hindi ba?  Para makasulong nang mabilis ang paglakas ng kilusan sa kabuuan, at kaagad na makaahon sa matinding kahirapan at kaapihan ang mamamayan.!”

“Hindi pala ‘Pilipino time’ o American time’, kundi rebolusyonaryong taym, ano?”

“Ganoon na nga.” At upang lalong ipalinaw sa aktibista ang kanyang tinutumbok, ibinalik niya ito sa pinagsimulan.  “Tingnan mo na lang, halimbawa, kung di natin maabutan ngayong si Ka Tomas sa kanila, hindi niya tayo maihahatid sa gagawin nating poste ng komunikasyon sa baryo San Isidro para  katagpuin ang palagian mong makakaugnay roon.  Ilang araw na naman ang gugugulin o maaaring abutin pa ng linggo ang muling pagtatakda ng pagtatagpo, dahil malayo pa ang pinagmumulan ng katatagpuin natin doon.  SA ganoong haba ng panahon ay nakapagsisimula na sanang sumulong tungo sa mas maunlad na yugto ng gawaing nakasalalay sa pagtatagpo nating nakatakda ngayon. Nakukuha mo ba, kasama?”

Tanong ang isinagot ni Ka Tina.  “Ano kaya kung pabilisin natin ang paglakad nitong kalabaw?  Pwede pa naman nating pabilisin pa ito.”

Pinigil siya ni Ka Linda. “Makakaakit lang tayo ng pansin sa paligid kung pabibilisin pa natin ang lakad nito, at di mainam ang ganoon sa ating siguridad. Tutal, malapit na tayo a iilang minuto na lang ang matitipid sa pagpapabilis sa damulag.  Tama na ang ganito.  Ang mas kontrolado sana natin ay ‘yung oras ng pag-alis natin kanina sa San Diego, di ba?”

Isang nahihiyang ngiti ang isinagot ng dalagita.

 

___

          “Tuloy kayo!” bati sa kanila ni Ka Tomas. “Akala ko’y hindi na kayo darating,” wika niya, sabay ang di-napigilang pagsulyap sa orasan sa ibabaw ng mesita.  “Kaya lalakad na nga sana ako, gawa ng nagpapatawag daw ang Lolo Beloy ko sa publasyon. Eto nga’t pababa na ‘ko ng hagdan.”

          Nagkatinginan ang dalawang bagong dating. At  nagngitian.

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1