SCO, Ating Puntahan

 

MALALIM NA ANG GABI.  Isang lamparilya ang nagbibigay ng liwanag sa kubo.  Gising pa si Ka Bendy.

“Bay, matulog ka na!” ani Ka Turing.  Na sinundan ni Ka Oging ng, “Parang ang lalim naman ng iniisip mo. May problema ba?”

Nagulat si Ka Bendy.  Hindi niya inakalang nakaabala siya sa nakatulog na sanang mga kasama.  “Wala naman akong problema, bay,” anya.  “Nakatuon lang ang aking isip na hinaharap, sa ating laban para sa mamamayan.

“Tungkol ba ito sa SCO?”  tanong ni Ka Turing.  Tumango si Ka Bendy.

Bumalikwas sa kanyang higaan si Ka Oging.  “Teka nga,” anya, “ano ba itong tinatawag na SCO?”

“Daglat ‘yan, bay, ang strategic counter-offensive, kaya SCO,” paliwanag ni Ka Bendy.  “Kung sa Bisaya, estratehikong kontra-opensiba.”

Nagdagdag ng paliwanag si Ka Turing.  “Alam natin na ang ating masigasig na laban para sa mamamayan ay dadaan sa tatlong yugto, ang estratehikong depensiba, ang estratehikong pagkapatas at ang estratehikong opensiba.  Itong unang yugto o estratehikong defensiba ay nahahati sa tatlong subyugto: ang maagang bahagi nito ay atin nang nalampasan, ang sumunod na subyugto ay patuloy na isinusulong, at itong SCO ang paghahandaan naman natin ngayon.”

Nanlaki ang mga mata ni Ka Oging.  “Por bida, bay,” ang bulalas niya, “naghahanda na pala tayo sa SCO na siyang susundan ng estratehikong pagkapatas!”

“Hindi talaga maiwasan na darating sa bago at mas mataas na hakbang ang ating laban para sa mamamayan dahil sa mahalagang pag-unlad na nagpapalakas sa rebolusyonaryong kalagayan ngayon,” ang masiglang pahayag ni Ka Bendy.

Mabilis na dumugtong si Ka Oging. Anya, “Totoo ‘yan, bay.   Mismong ang krisis ng ekonomiya ngayon ang nagtuturo sa mamamayan na magrebolusyon.  Sabi nga ni  Mang Gorio, abot-langit ang presyo ng mga bilihin ngunit murang-mura lang ang ating mga produkto at sahod.”

“Kitang-kita talaga ngayon,” ani Ka Turing naman, “ang pagsulong ng lantarang kilos ng masa, ang paglaki ng nagkakaisang prente at ang pagdami ng mga organisasyong anti-diktadura sa iba’t ibang sektor ng lipunan.  Paborable din sa atin ang lumalaking gulo sa loob ng grupo ni Marcos.”

“S’yanga pala, bay, kailan natin masasabi na nakapaglunsad na tayo ng SCO?” ang tanong ni Ka Oging.

Si Ka Bendy ang sumagot. Anya, “Alam mo , bay Oging, masyadong kumplikado itong SCO.  Alam mo ba na nangyari na dito ang pambansang koordinadong pagkilos ng mga rebolusyonaryong pwersa tulad ng paglulunsad ng mga militar na opensiba kasabay ng partisanong pakikipaglaban, mga opensibang pulitikal at armadong pag-aalsa?”

“Hala!” nakangising sabi ni Ka Oging, “siguradong mahihirapan ang kalaban sa paglilipat-lipat ng kanilang mga pwersa para mapangalagaan ang kanilang malalaking interes! Masahol pa sa asong ulol ang kanilang kahihinatnan!”

Napansin ni Ka Oging na nasa malayo ang tingin ni Ka Turing.  “Ano naman,” anya, “ang nangyari sa ‘yo, bay? Natalo sa masyaw?”

Napangiti si Ka Turing.  “Ikaw talaga, K Oging,” anya, “Naalala ko lang kasi ang kasabihang walang aanihin kung walang itinanim.  Sa ating kaso, bukod sa mga paborableng kundisyon sa pagsulong ng ating laban para sa mamamayan, kailangang mulat tayo sa paghahanda nito.”

Hindi na kailangang pagtalunan ang punto ni Ka Turing.  Malinaw sa kanila ang mga tungkulin ng mga rebolusyonaryo at mamamayang Leyteños para mag-ambag sa kabuuang layunin ng SCO.

“Ano kaya ang magiging larawan ng ating paghahanda sa SCO dito sa pulo ng Leyte?” tanong ni Ka Oging.

“Ayon sa narating na hakbang ng ating rebolusyonaryong pakikibaka,” ani ka Bendy, “ngayon ay dapat lamang na palakasin at palaganapin ang gerilyang pakipaglaban at pampulitikang pakikibaka sa buong kapuluan.  Mas kongkreto mo sigurong mailalarawan ito, Ka Turing.”

Nagpaliwanag si Ka Turing. Anya.  “Sa usapan tungkol sa armadong pakikibaka, ipapalaganap natin ito sa pamamagitan ng paglunsad ng gerilyang pakipaglaban sa mga larangang gerilya at mga aksyong militar sa mga sentrong urban.  Maglulunsad tayo ng malalaking opensibang taktikal samantalang inilalarga pa rin ang maliliit na aksyong militar.”

“Ano naman ang ating hangad para sa ating rebolusyonaryong kilusan?”  tanong ni Ka Bendy.

“Iyan ang susunod kong ipaliliwanag,” ani Ka Turing.  “Sa kabundukan, ating prinsipal na ipasulong ang kilusang magsasaka habang susuporta naman ito sa mga kilusan sa kabiserang lunsod at mga poblasyon o munisipyo na prinsipal na magsusulong sa komprehensibong pampulitikang pakikibaka ng mamamayan laban sa pasistang diktadurang US-Marcos.”

“Ano naman itong tinatawag na komprehensibong pampulitikang pakikibaka, bay?”  Nakakunot ang noong tanong ni Ka Bendy.

“Sinasabing komprehensibo dahil dinadala nito ang anti-pasista, anti-imperyalista at anti-pyudal na pakikibaka.  Sa loob ng susunod na mga taon, makikita natin ang sunud-sunod na kampanyang masa sa mga pampulitikang pakikibaka na lalahukan ng libu-libong mamamayang nakapaloob sa iba’t ibang koalisyon.”

“Ah, ano naman ang magwewelgang-bayan!” ang bulalas ni Ka Oging.

Sa gitna ng kanilang pagtatawanan sa pahayag ni Ka Oging, isang malaking gamugamo ang sumangga sa ilaw ng lamparilya.  Naglaho ang liwanag at pumalit ang dilim.  Katahimikan.

“O, pinapatulog na siguro tayo,” ani Ka Turing.  “Dapat na rin tayong magpahinga dahil may iskedyul tayo sa baryo bukas.  Makakatulog na talaga siguro tayo dahil naihayag o naihinga na natin ang ating iniisip tungkol sa SCO.  Mas mabuti pala na magtakda na tayo ng iskedyul para sa dagdag na pag-aaral tungkol sa SCO at iba pang usaping kaugnay nito.”

Hindi nagtagal, nahimbing kaagad ang pagod na mga kasama.  Ang pagkalugod ni  Ka Bendy tungkol sa SCO ang kanyang binaon sa isang makulay na panaginip ng gabing iyon.

(Salin mula sa Waray.)

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1