NICK SALVADOR

Mga Kabataang Magsasaka: Mapangahas, Palaban

 

 

SI MAX MALLARI ay isang pusakal na CHDF, kilalang-kilala siya ng mga taga-Arayat dahil sa kanyang pang-aabuso sa masa.

Malimit tambayan ni Max at ng iba pa niyang kasamang CHDF ang isang tindahan sa isang baryo sa lalawigang nabanggit.  Nasa tabi ng daan ang tindahan at dito nagdaraan ang mga nagluluwas ng produktong bigas at gulay na itinitinda sa bayan.  At ito nga ang inaabangan nina Max.  Bawat nagdaan ay di pinalalampas na di nagbibigay sa kanila.  Masama ang nangyayari sa mga di nagbibigay.

Hindi lang ganito ang ginagawa ni Max.  Trabaho rin niyang magturo ng mga pinaghihinalaang simpatisador ng BHB.  Marami na ang ipinahamak niya.

Pangingikil, pananakot, pagpatay: sa ganito umiikot ang buhay ni Max.

Makatarungan lamang, kung gayon, na singilin na ang pasistang brutong ito sa kanyang mga pagkakautang.

Isang hapon iyon ng Nobyembre ng nakaraang taon.  Nag-iisang nakaistambay ang dimonyo sa naturang tindahan.  Wala siyang kamalay-malay na limang kabataang kasapi ng isang organisasyong masa ang nag-inisyatibang magplano kung paano siya ibubuwal.

Armado ng isang martilyo at ng masidhing pagkamuhi sa mga pakawalang pusakal ng diktadurang US-Marcos, sinimulan ng limang kabataan ang kauna-unahan nilang operasyong militar.

Isa-isang lumapit ang mga kabataan. Kunwa’y may bibilhin sa tindahan.  Nang maipon na sila doon, nakipagkwentuhan sila kay Max.  “Yun na nga, nasilo sa bitag ang pasista.  Nagkukuwento na  ng iba’t ibang bagay.  Ipinagmamalaki ang mga tagumpay raw nila sa pakikipaglaban sa BHB at kung anu-ano pang kayabangan.

Nalibang nang husto ang dimonyo.  Sinamantala naman iyon ng limang rebolusyonaryo. Dahan-daha’y inilabas ng isa ang nakatagong martilyo at sabay hataw sa ulo ng dimonyo.  Dito natapos ang pang-aabuso ni Max.

Maraming tao ang nakakita at nakabalita ng pangyayaring iyon at nagtakbuhan sila sa lugar na insidente.  Dalian n’yo, tumakbo na kayo! Baka dumating ang mga kasama n’yan!” sigaw ng mga masa sa limang kabataan.

Bitbit ang nakumpiskang M-16 at limang magasin, nilamon na ng kagubatan ang lima.  Patungo na sila sa kampo ng NPA upang ibigay ang mga nakumpiska nila.

Wala akong kakurap-kurap  habang isinasalaysay nina Ka Gee at Ka Joey ang pangyayaring iyon.  Sina Ka Gee at Ka Joey ay mga kabataang magsasakang kumikilos sa isang baryo sa Pampanga.

Nasa isang kubo kami noon, sa loob ng isang sonang gerilya, nagpapalitan ng mga karanasan.  Sa labas, malayo ang malalakbay ng iyong mga mata dahil sa kalupaang patag na patag.  Pati nga haywey ay tanaw na tanaw mula sa kinalalagyan namin.  Niyayakap ng matinding sikat ng araw ang berdeng-berdeng paligid.  Ang malakas at maingay na ihip ng hangin ay sumasabay sa aming kwentuhan.

Ano’ng naramdaman ni Ka Gee nang masaksihan niya ang insidenteng tinutukoy?  “Tuwang-tuwa kami noon!  Sa wakas, natapos na rin ang kawalanghiyaan ng Max na ‘yun.  Kasalukuyang nagbabakasyon si Ka Gee sa Arayat nang maganap ang insidente.

Pero iba pa rin siguro ang mararamdaman mo ‘pag ganong tuwiran mong nakita, sabi ko.  Ako nga, dagdag ko pa, kwento pa lang, naninindig na’ng mga balahibo ko. “Siguro nga tutoo ‘yan,” salo ni Ka Gee.  “Pero kung nasaksihan mo na rin ang mga makahayup na pamamaslang ng mga pasistang ‘yan sa mamamayan, sasabihin mong kulang pa ang buhay nila para ipambayad.”

Sinang-ayunan iyon ni Ka Joey.  “Ang mga pasistang militar, kung pumatay ang mga ‘yan, akala mo ganoon kamura ang buhay.”

Tulad ng limang kabataang nabanggit sa kwento, si Ka Gee at Ka Joey ay larawan din ng mga palabang kabataang katuwang sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa kanayunan.  Makulay ang mga naging karanasan nila sa pagkilos.

“Maaga akong napasabak sa pagrerebolusyon,” ani Ka Gee nang tanungin ko siya kung paano narekrut sa kilusan.  “Courier ang una kong hinawakang tungkulin, tagadala at tagapasa ng sulat para sa mga kasama.”

Tibak din ang mga magulang at ilang kapatid ni Ka Gee.  Malimit postehan ng hukbo ang bahay nila.  Sa talakayan, laging nakikinig si Ka Gee hanggang sa tuluyang magtanung-tanong na siya tungkol sa kilusan.

“Ang lagi kong tanong noon sa Tatay ko ay kung bakit may NPA.” Sinasagot raw ito ng tatay niya sa pagsasabing produkto raw ito ng labis na kahirapan ng sambayanan.  Ang militar daw ay para sa mga naghaharing uri kayat wasto lamang na magkaroon ng sariling hukbo ang sambayanan.  Mga paliwanag na di pa gaanong naiintindihan ni Ka Gee noon.

Noong unang nakakita ng mga Pulang mandirigma si Ka Gee.  “ ‘Kala ko mga mamamtay-tao,” natatawa niyang sabi. “Noon lang kasi ako nakakita ng mga katulad nila, hindi naman militar pero may baril.”

Pero sa paglipas ng mga araw, noong nagkakainitan sa baryo, nalaman ni Ka Gee kung sino talaga ang mamatay-tao.  “Laganap ang salbeydying.  Dinudukot ng mga dimonyo ang mga pinaghihinalaan nilang kasapi at simpatisador ng kilusan.”

Dahil dito, mas naging masidhi ang pagnanasa niyang kumilos.  Noong Setyembre 1983, pormal na pumaloob siya sa Samahan ng Kabataang Makabayan (SKM) ang lihim na organisasyon ng mga kabataan sa kanayunan.  Labimpitong taong gulang siya noon.

Sa loob ng kilusan, maraming bagay ang natutunan ni Ka Gee.  “Maraming sagot ang inihain ng kilusan sa marami kong tanong noon.”  Halimbawa  ay ang dahilan kung bakit natigil siya sa pag-aaral. Pagkagradweyt sa elementary, di na naghayskul si Ka Gee.  Tumulong na lamang siya sa mga gawain sa bahay at sa bukid.

“Sabi sa akin ng mga magulang ko, titigil na raw ako sa pag-aaral dahil gano’n daw talaga, mahirap lang kami.  Totoo naman ‘yun, talagang walang-wala kami.  Pero hindi mo malaman kung bakit mahirap pa rin kami gayong nagkakandakuba na sila at ang mga kapatid ko sa pagsasaka,” sabay na tumaas ang kamay at tono ng pagsasalita ni Ka Gee.

Sa mga pormal na pag-aaral na nakuha ni Ka Gee, at sa mismong karanasan sa baryo nila, nalinaw sa kanya ang madalas na sinasabi ng kanyang tatay—ang tunggalian ng mga uri: may mga nagsasamantala at pinagsasamantalahan. “Sa isang salita, ang pang-aapi at pagsasamantala ng diktadurang US-Marcos sa mga magsasaka at malawak na masa ng sambayanang Pilipino.”

Sa ngayon, buhos ang panahon ni Ka Gee sa malawakang pag-oorganisa sa hanay ng mga kabataan sa baryo.  Pero tumutulong pa rin siya sa gawaing komunikasyon, sabi niya.

Ano ang pinakakagyat na plano ni Ka Gee?  Napabuntunghininga siya”  “Matagal ko nang gustong pumaloob sa isang yunit ng Hukbo, pero hindi pa ako pinapayagan.” Tinanong niya si Ka Joey na noo’y nagluluto ng tanghalian, kung bakit nga ba hindi pa siya ipinapasa.  “Wala pa kasing kapalit na kasinghusay mo,” pukol na sagot ng natatawang si Ka Joey.

“Ow!” Napakamot na lang ng ulo si Ka Gee.

Ang Pampanga, o ang buong rehiyon ng Gitnang Luzon, ay lubhang napakayaman sa kasaysayan ng maningning na pakikibaka ng mamamayan.  Sa ganito inuugat ni Ka Joey ang dahilan kung bakit madali siyang napukaw ng rebolusyon.

“Noong maliit pa ako, pangkaraniwan na ang makakita kami ng mga HMB sa baryo,” ani Ka Joey.  Ang HMB o Hukbong Mapagpalaya ng Bayan ang siyang armadong hukbo ng lumang Partido.

Noong 1964, tinedyer pa lang si Ka Joey noon, nagkaroon siya ng kakaibang interes sa HMB. Gusto niyang sumapi rito. Pero pagtutol ang iniharap sa kanya ng buong pamilya.  Sa panahong ito kasi’y watak-watak at demoralisado na ang kasapian ng HMB dahil sa pagtataksil at pagsuko na ginawa ng mga lider ng lumang Partido.  (Bagamat ang iba’y muling nahatak sa pambansa-demokratikong kilusan, may mga kasapi ng HMB ang naging bandido, mga animong tulisang nangingikil at nananakot sa masa.  Sa kasalukuyan, ang mga natitira pang HMB na sumuko sa rehimen ay kasa-kasama na ng mga pasistang militar sa pang-aabuso  sa mamamayan dito sa Pampanga.  Karamihan sa kanila’y malimit na umiistambay sa Candaba, isang bayan dito.)

Dahil dito, nagtrabaho na lang si Ka Joey sa isang pabrika sa Maynila upang “kahit paano’y makatulong sa pamilya.” Pero regular pa rin siyang umuuwi sa kanilang baryo noon.

Minsan, isang araw noon ng Setyembre 1976, naabutan ni Ka Joey ang ilang armadong lalaki sa kanilang bahay.  Mga BHB na ito:  nagpupulong at nagpaplano sila sa isasagawang pagbubuwal sa isang dimonyo—isang impormer na marami na ang ipinahamak.  Ito ang naging dahilan ng mabilis na pagsampa ni Ka Joey sa Hukbo.  Sumama kasi siya bilang gabay ng mga kasama sa pagpunta sa bahay ng impormer.  Tagumpay naman ang isinagawang operasyon, ang kaso, may nakakilala kay Ka Joey sa baryong kanilang pinuntahan.

Sa pag-aalalang uminit siya, nagmungkahi siya sa Hukbo na tanggapin na siya sa yunit.   “Yun na nga ang simula; ang matagal nang pagnanasa ni Ka Joey na lumahok sa pakikibaka ng sambayanan ay nagkaroon ng katuparan.

Pagkatapos ng dalawang buwan, naging pangalawang tim lider na siya ng isang yunit ng Hukbo, at tim lider pagkatapos ng anim na buwan.

Pero bunga ng ilang kadahilanan, bumalik si Ka Joey sa gawaing pag-oorganisa  sa baryo, na siya niyang pangunahing gawain sa ngayon.

Masigla ang gawaing pag-oorganisa ngayon sa hanay ng mga kabataang magsasaka,” ayon kay Ka Joey nang muli kaming magtalakayan pagkapananghalian.  “Marami ang narerekrut at marami rin ang sumasampa at gustong sumampa sa Hukbo.

Paano ba ang pag-oorganisa rito sa kanayunan?  Anong organisasyon ang inihaharap sa mga kabataan?

Sabi ni Ka Joey, dahil sona na ang kinikilusan nila,  “UG kaagad ang sistema ng pag-oorganisa. Wala nang prentehan dito. Diretso kaagad sa armadong pakikibaka ang usapan.” Dagdag pa niya, idinidiin na lang ang pagpapaliwanag sa mga isyung pinakamalapit sa mga kabataan—ang usapin ng kawalan ng lupa, matinding kahirapan, edukasyon, at ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala ng mga naghaharing uri sa mga magsasaka.

Sa kasalukuyan, may nakatayo nang lihim na organisasyon ang mga kabataan sa kanayunan,  ang Samahan ng Kabataang Makabayan (SKM). “Pero pinipino pa ang paggana ng organisasyon,” ani Ka Joey.  Layon nitong mailarga nang husto ang mga kabataan sa gawaing pagpopropaganda at pag-oorganisa, ayon pa rin kay Ka Joey.  Ngayon daw kasi’y halos nakatutok ang malaking bilang ng mga kabataan sa mga gawaing teknikal tulad ng paghahanap ng mga bahay-pulungan, pagpapasulpot ng pinansya,  at paghahatid ng sulat.  Kaugnay nito, inaayos din nila ang usapin ng pagtatayo ng isang ligal na organisasyon ng mga kabataan dito.

“Malawakang sinasanay sa ngayon ang maraming kabataang magsasaka para isabak sa gawaing pagpopropaganda at pag-oorganisa.  Kasama na rito ang pagbibigay ng mga pag-aaral upang itaas ang antas ng kaalamang teyoretikal ng mga kabataan,” ayon kay Ka Joey.

Sa gawaing militar, sinabi ni Ka Joey na naaasahan din ang maraming kabataan sa baryo.  Naniniktik at agad na nag-uulat ang mga ito sa pagpasok o paggalaw ng militar sa baryo.  At sa ilang pagkakataon, tulad ng limang kabataang nabanggit, nag-iinisyatiba ang mga ito sa pangungumpiska ng armas ng paisa-isang militar o ahenteng “naliligaw” sa baryo.

Nung naroon ako, kasalukuyang kumukuha ng isang pormal na pagsasanay ang isang grupo ng mga kabataan para sa pagbubuo ng milisyang bayan sa baryo.

Sa kabuuan, pumapalo nang husto ang kilusan ng kabataang magsasaka at iba pang kabataan sa kanayunan.  Magiting silang kasama ng kilusang magsasaka at ng sambayanan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong agraryo hanggang sa ganap na tagumpay.

Sabi nga nila:  “Ang mga paa nami’y di na lang isinasadsad sa mapuputik na bukirin, isinasadsad din namin ito sa landas ng pakikibaka.  Ang mga karet ay di na lang pamutol ng tanim, pamutol na rin ito ng pagsasamantala at pang-aapi ng mga palalo.”

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1