JAIME KASANAG

Ang Pulang Yaman

 

HUWEBES ANG ARAW na ‘yon, walong buwan na ang nakalilipas.  Pumunta kami sa bahay nina Nene Lilia. Dahan-dahan ang aming paglakad dahil madulas ang daan patungo sa bago nilang kubo.  Malayo pa’y nakita ko na ang tatlong batang nag-uunahan para sunduin kami.  “Nandito na ang mga kasama!” ang halos sabay-sabay nilang sigaw at agad na iniabot ang kanilang kamay upang mangumusta.

Tatlong maliliit at patpating bata. Si Lea ang panganay at sampung taong gulang.  Si Delfin and pangalawa at magpipito na. Ang bunsong si Dario ay apat na taong gulang.  Tatlong madudungis na mga batang nakadamit ng tagpi-tagpi.  Maaninaw ang hugis ng kanilang mga buto sa manipis nilang balat.

Isa at kalahating dipa ang luwag ng kanilang kubong gawa sa kawayan at kugon.  Ito ang kanilang tulugan, kainan at pahingahan.  Nasa isang sulok ang silid, mesa, o upuan—ito ang nilipatang bahay ng mag-iina.

Sumabay ako sa isang kasama sa pag-akyat sa bahay; sinundan kami ng ngiti ng mga bata.  “Susunduin ko si Nanay,” sabi ni Lea sabay takbo.  Sa aming pagtatanong, napag-alaman naming si Nene Lilia ay nangunguha ng damo sa kanilang kaingin.

“O ano, kumain na ba kayo ng pananghalian?” tanong ng aking kasama.

“Opo, mayroon pa ngang natira,” tango ni Delfin at dali-dali niyang nilapitan at binuksan ang kaldero.  Nakita namin doon ang tatlong nilagang balinghoy.  “Gabi ang aming ginulay kanina, kaya lang, ubos na,” dagdag pa niya.

Kinuha ng kasama ko ang balinghoy at ibinigay sa amin.  Hahanap pa sana ako ng makakain sa kusina kaya biglang nagsalita si Delfin, “Wala na kaming asin.” Tumahimik na lang kami at dahan-dahang kumain.

Habang ngumunguya ng balinghoy, iniisip ko ang pagtitiis ng mga bata.  Sa kanilang murang isipan, hindi pa nila lubos na maunawaan ang kanilang kalagayan.  Kahit na ang salitang “tiis” ay isang palaisipan sa kanila.  Tulad ng kanilang magulang, isinilang at pinalaki sila sa pagtitiis at paghihirap.  Sa kanilang murang isipan ay naging katulong na sila sa pang-araw-araw na buhay.  Noo’y may panahon pa silang mag-aral.  Ngayon mailap na ang pagkakataong sila ay makapag-aral.  Wala na silang panahon sa paglalaro.

Ngunit sa kanilang edad ay alam na nila ang kaibhan ng NPA sa PC, PA, CHDF at impormer. Maikukuwento rin nila kung ano ang ginawa ng kalaban sa isang panahon sa kanilang buhay.

Alam namin ngayon ang dagdag na dahilan ng paghihirap ng mag-iina.  Totoo, napakabata ng tatlo at hindi pa nila nauunawaan ang lahat, ngunit alam nila na isang araw noong 1978, buwan ng Marso, may isang pangyayaring nag-iwan ng mapait at mahapding alaala na nagiging sariwa sa kanilang diwa habang sila’y lumalaki.

Madugo ang taong iyon.  Kalat-kalat na pwersa ng reaksyonaryong militar ang sumalakay sa mga naninirahan sa bundok ng Tapaz at Calinog.  Tulad ng isang huramentado, pumatay ang militar ng maraming sibilyan.  Walang pinipili—matanda, bata, lalaki at babae.  Apat and pinugutan ng ulo at ipinahayag na mga NPA.  Walang awa nilang sinunog ang mahigit 20 bahay, kinuha at binaril ang mga hayop, pinagnakawan ang mga tao ng kaunting naipon, mga damit at iba pang gamit.

Nakakatakot pa ang taong iyon dahil sa daan-daang nag-ebakwet na mga sibilyan.  Iniwan nila ang natatanging kabuhayan para lamang mailigtas ang sarili sa tiyak na kapahamakan.

Nakakintal ang araw na iyon sa buhay nina ‘Ne Lilia, sa tatlong mga bata at sa iba pang naninirahan sa kanilang baryo. Isang grupo ng PC at CHDF ang lihim na pumasok sa kanilang baryo.  Pinalibutan nila ang kaingin na tinatamnan ng mga tao at nagpaputok.  Isang magsasaka ang tinamaan sa ulo, sumabog ang utak at noo’y di’y namatay.

Ang namatay ay isang taong hindi nabuwal ang paninindigan kahit sa gitna ng kalupitan ng militar. Sa halip na mag-ebakwet, ipinagpatuloy niya ang pamumuno sa pakikipagtulungan ng mga tao sa kaingin at pinatibay ang katayuan ng kanyang mga kababaryo upang harapin ang masalimuot na sitwasyong iyon.  Siya si Ka Max na nakaunawa na ang sama-samang pagkilos ng lahat ng inaapi ang siyang makalulutas sa paghihirap sa buhay na matagal na nilang binabata.  Ang kanyang pagkamatay ang nagpapadagdag ng pagtitiis at paghihirap nina ‘Ne Lilia at ng tatlong bata. Si Ka Max ang bana ni ‘Ne Lilia at ama ng mga bata.

Sa pangyayaring iyon, wala kahit isang tauhan ng militar ang pinarusahan.  Wala kahit isang estasyon ng radyo o isang pahina ng dyaryo ang pumuna sa operasyon ng mga militar.  Sadyang ikinubli ng militar ang responsibilidad nila sa nangyaring iyon.

Nakainom na kami nang sabihin ng mga kasamahan naming nasa ibaba na dumarating si “Ne Lilia.  Nagmamadali siya at nakita naming bahagyang lumuluha ang kanyang mga mata.  Nang malapit na siya sa amin, siya’y ngumiti at pinahiran ng mga kamay ang luha at pawis sa kanyang mukha.

“Naku,” ani ‘Ne Lilia, sabay abot ng kanyang kamay upang mangumusta, “mahabang panahong hindi na kayo nadaan dito. Nananabik na kami sa inyo. Kumusta na kayo?” Nilingon niya ang dalawang bata.  “Lea, Delfin, bayuhin ninyo ang palay dahil gutom na siguro ang mga kasama.”

“Mabuti rin ang kalagayan namin, ‘Ne,” ang sagot ko.  “Kumain na kami sa kabilang bahay.  Maliban doon, kinain namin ang tira ninyong balinghoy. O, kumusta ang pamumuhay ninyo?”

“Heto, kumakayod kasama ang mga kamag-anak at tagabaryo.  Ang kubong ito ay natapos dahil sa kanilang tulong.  Wala naman kasi akong panggastos.”

“Bakit, kabubunot n’yo lamang ba ng damo, ‘Ne Lilia?” tanong ng isa kong kasama.

“Papaano, mahigit isang buwan ang paglilinis ko sa paligid.  Salamat na lamang at napakamaunawain ng mga kamag-anak ko at masa. Kung hindi dahil sa tulong nila, tiyak na mahihirapan kami.  Salamat din at hindi kami nagkakasakit.  Ah, kung hindi lang dahil sa pagsisikap…” Biglang nahinto ang kanyang pagsasalita.  Nanginginig ang kanyang bibig at lumuha-luha na naman ang kanyang mga mata.  Alam namin na naalala na naman niya ang  nangyari.

Sa pagkakataong ‘yon, lumaganap ang katahimikan sa bahay at walang ibang naririnig kundi ang paghikbi ni ‘Ne Lilia.  Hinayaan naming tumangis siya para mailabas ang kanyang niloloob.

Biglang naputol ang katahimikan nang sumabat si Lea.  “Huwag kayong maniwala sa Nanay,” anya. “Kung kami lang ang nandito  at naalala namin ang Tatay, sinasabi niya sa amin na ganyang talaga ang pakikibaka.  May natutumba at may bumabangon sa pagsulong.  Sabi niya, kailangang lumaki na kami upang matupad ang hangarin ng aming Tatay na sumanib kami sa mga kasama.”

Nagulat si ‘Ne Lilia. “Hay, Lea huwag kang sumali dito.”  Parang gusto niyang kurutin ang ngumingiti-ngiti at tumatakbong si Lea.  “Bayuhin na ninyo ang palay!”  ang kanyang pahabol at tumatawang muling humarap sa amin.  “Ah, ganyang talaga sa pakikibaka.”

 

Hindi ako nakatulog nang gabing iyon.  Hindi ako dalawin ng antok.  Bumabalik sa aking isipan ang madugong panahon ng pagkamatay ni Ka Max, ang paghihirap ng mag-iina, ang eksena sa kubo nang hapong iyon.  Patagong tumatangis ang aking damdamin at ng mga kasama.  Mapait ang alalala ng lumipas.

Ngunit ngayon ay lumipas na ang nakaraan na nagdulot ng sugat na napakahapdi, tulad ng isang sikmura ng bata na tumatangis sa gutom.  Ang nakaraang sa tuwing maalala ay nagpapasikip ng damdamin tulad ng pagsikip ng dibdib ni ‘Ne Lilia sa kanyang pagtangis.  Sa isip ni ‘Ne Lilia at ng tatlong bata, matatag na nakaukit ang mapait na nakaraan na ginawa, hindi ng Dios o ng kapalaran, kundi ang mapang-aping sistema sa ilalim ng bulok na kapangyarihan ng pamahalaan.

Ang mamamayan, ang paghihirap ng mamamayan tulad ng paghihirap nina ‘Ne Lilia at ng tatlong bata ang ugat ng walang katapusang pangarap at pakikibaka para matamo ang katarungan, kalayaan at kapayapaan.  Sa mga paghihirap na ito isinisilang ang rebolusyonaryong galit at paghihiganti, at dito naitatayo ang matatag na paninindigan ng isang tao.  Patuloy na lumalakas, patuloy na lumalaki hanggang maisakatuparan ang lahat.

(Salin mula sa Hiligaynon.)

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1