RIO ROJA

Ang mga Bihag

 

MULA SA PINUPISISYUNANG foxhole ng dalawampu’t walong Pulang gerilya, kitang-kita ang mahabang haywey na nagdudugtong sa Antique at Aklan.  Mapayapa at maluwang ang daan nang umagang iyon ng Setyembre.  Biglang may narinig silang ugong ng sasakyan.  Sa hilaga—sa bandang Aklan—galing ang ugong.  Papalapit na ang sasakyan.

“Mga kasama, humanda!” Paanas na ipinasa ng mga Pulang gerilya sa bawat isa ang utos  ni Ka Sebyo, ang kumander ng platun.  Maliksing inirelease ni Ka Ding ang safety ng kanyang M2 karbin.

Papalapit na ang sasakyan.  Ngunit dahil may mahabang kurbada ang haywey, hindi nila agad makikita kung militar o sibilyan ang sakay nito.  Mahirap nang magkamali sila. At…

Mabilis na lumagpas sa killing zone ang isang bughaw na Toyota Land Cruiser, ang sasakyang pampatrulya ng Integrated National Police (INP).

Nanghina si Ka Ding  at ang iba pang mga kasama, liban sa kanilang CO at Political Officer (PO), dahil lumampas ang napakainam na pagkakataon. Ito ang pangalawang araw na nilang pagkukubli sa tabi ng haywey.  Sa matinding init ng Setyembre, dahan-dahang natutuyo ang mga dahong tumatakip sa foxhole.  Ang pagkatuyo ng mga dahon ay tulad din ng panghihina ng mga Pulang mandirigma.

“Relax, mga kasama,” pag-aalo ni Ka Sebyo na nakahalata sa nanghihinang determinasyon ng kanyang mga kasama.  “Mayroon pa tayong isang pagkakataon.  Kaunti pang pasensya.  Huwag tayong mawalan ng pag-asa sa ating paghihintay.

“Oo,” dagdag ni Ka Rey, ang PO.  “Tiyak na kakagat sila sa  inihanda nating patibong at pagbalik nila, babanatan natin sila.”

Nabuhayang muli ng loob ang mga Pulang gerilya.  Naalala nila na kagabi, sa pakikipag-ugnayan  sa isang Semi-legal Team (SLT) at grupo ng mga kabataang aktibista, inilunsad ang Operasyon Pinta at Operasyong Dikit.  Tiyak na tatanggalin  ng mga sundalo ang mga istrimer at plakard na namumula sa tabi ng haywey at muli silang daraan sa killing zone.

“Mga Kasama,” paalala ni Ka Sebyo, “kung sakaling may matirang buhay na kaaway sa labanang ito, kailangang pasukuin sila.  At tandaan, huwag manakit ng bihag.”

Madiin ang paalala ng kumander.  Sa mga pag-aaral ng mga Pulang mandirigma, laging binabanggit ni Ka Sebyo ang kahalagahan ng mabuting pagtrato sa sumusukong kalaban.  Gayunman, hindi napakadali para kay Ka Ding, ang medic, na sang-ayunan ang ganitong palisiya.  Mahinahong magpaliwanag si Ka Sebyo, parang walang pagod. Kunsabagay, nakabatay sa kanyang mga karanasan ang kanyang pahayag.  Sa buong platun, si Ka Sebyo lamang ang dumaan sa maraming kumplikadong aksyong militar.  Marami na ang nabihag nilang kaaway, at napatunayang epektibo ang ganitong palisiya.

Dagdag ni Ka Rey, “Isipin natin na pulitika ang nangunguna sa bawat aksyong militar natin.  Hindi lamang sa bala natin malulupig ang kaaway kundi sa pamamagitan din ng isip at damdamin.  Ang mabuting pag-aalaga sa bihag, sa katagalan, ay nagpapahina ng kanilang kakayahan sa pakikipaglaban.  Kanilang maiisip na sila’y bayaran lamang ng mga may kapangyarihan.  Kaya kung nasa labanan sila, hindi sila  lalaban nang todo dahil alam nila na hindi naman natin sila papatayin kung hindi sila lumalaban.”

“Sa darating na mga araw,”  ani Ka Sebyo, “sa pag-angat ng antas ng digmang bayan, maraming sundalong ginagamit at inaapi ng estado ang kakampi sa atin.”

Tulad nang dati, hindi pa rin lubos na nahikayat si Ka Ding. “Basta,” sambit niya, “wala talaga akong tiwala sa kaaway.”  At mayroon siyang basehan.

“Nauunawaan ko ang nararamdaman mo, Ka Ding,” sabi ni Ka Rey habang pinipisil ang balikat ng kasama.  “Malalampasan mo rin ‘yan. Ang mahalaga sa atin ngayon ay ang pagsunod sa disiplina.”

Matagal nang sina Ka Rey at Ka Ding ay kumikilos nang magkasama, mula pa noong nasa SYP Amihan pa sila. Si Ka Rey ang isa sa mga nagsanay sa kanya  hanggang maging platoon medic siya. Galing siya sa lupon ng mga magsasaka, isang masipag at matatag na kasama.  Ngunit nandiyan pa rin ang kanyang pagkamaramdamin. Lumalabas ang bahid ng sentimentalismo dahil sa kanyang mapait na karanasan.

Isang araw noon ng Agosto, inakyat ng militar ang bahay ng kapatid na panganay ni Ka Ding. Nang sumunod na araw, nagulat ang buong baryo nang makita sina Nong Jaime at Bang Ditas na malamig nang bangkay sa tabing-ilog.  Pinaratangan ng mga walanghiyang teroristang tropa ng AFP ang mga NPA bilang may kagagawan sa krimen.  Sa sobrang sama ng loob, namatay ang ama ni Ka Ding isang buwan makaraan ang pangyayaring iyon.

Dahan-dahan sanang naghilom ang sugat ni Ka Ding. Pagkaraan ng dalawang taon, isang araw ng Marso, ang kanyang asawa si Ka Celia ay naghuling buhay ng mga sundalong kaaway sa isang reyd.  Ngunit siya at ang kanyang kasamang political instructor na si Ka Seloy ay tinadtad ng bala ng mga pasista.  Hindi pa sila nakuntento, kanilang hinubaran si Ka Celia at nilaslas ng bayoneta ang sikmura nito.  Tatlong buwan na ang kabuntisan ni Ka Celia noon.  Sana, ngayo’y malaki na ang kanilang anak.  Mapait na binabalikan ni Ka Ding ang naunsyaming binhi ng pagmamahalan nila ni Ka Celia.

“Posporo!!! Posporo!!!” Malakas na sigaw ng lookout sa walkie talkie.

Mula sa kanilang kinalalagyan, nakita ng mga Pulang mandirigma ang Toyota Land Cruiser.

“Ha! Ha! Ha! Mahinang pagtatawa ni Ka Ding, “Kinagat talaga ng militar ang pain natin.

Papaakyat ang bughaw na sasakyan patungo sa kanilang pwesto.  Hindi alerto ang nakasakay na mga militar.  Akala nila, dahil dala na nila ang mga istrimer at plakard, naagaw na nila ang bandila ng tagumpay.  Hindi nila naisip na naghihintay sa kanilang harapan ang kamatayan.

Kumambyo ng primera ang sasakyan.

“Sige, akyat!” Parang bulkang kumukulo sa sikat ng araw ang kinikimkim na galit ni Ka Ding.  “Bilisan n’yo! Panahon na ito ng aking paghihiganti!”

Hinigpitan ni Ka Ding ang kanyang  hawak na karbin. At…

“Banat!!!”

Parang kidlat sa Abril ang sunud-sunod na putok ng BAR.  Nagsasalimbayan ang putok ng armalayt, karbin, garand, springfield, at shot gun.  Nanginginig ang bundok sa Kanlurang Albinan.  Parang mga tinibang puno ng saging ang tatlong sundalo ni Marcos na nahulog mula sa sasakyan, kasama ang kanilang armalayt.

“Buhay pa ang drayber! Kalas!!  Maniobra!”

Umekis-ekis ang Toyota Land Cruiser.  Muling pinuntirya ito ng mga kasama, kasabay ng dalawang sigabo ng M79 grenade launcher.  Nayanig ang haywey sa lakas ng pagsabog ng granada.  Tinamaan ang sasakyan, tumagilid at sumadsad sa bukid.

Sa gitna ng mga putukan, sigawan at ungol ng mga sugatan, nangibabaw ang tinig ng kumander ng mga Pulang mandirigma: “Itigil ang putukan!”  Sinundan ito ng, “Sumuko na kayo!”

“Se…sirrr! Susuko na ako!” putul-putol na sigaw ng isang pulis.

Tumayo si Ka Rey mula sa foxhole.  Sumenyas siya sa pulis na itapon nito ang karbin sa gitna ng haywey.

At…

Pakkkk!!!!

Sa unahan ng sasakyan nanggaling ang putok ng armalayt.  Sinagot ito ng mga Pulang mandirigma, ngunit nakita nilang bumagsak si Ka Rey. Sa noo siya tinamaan.

Lalo lamang nag-init ang dugo ni Ka Ding.  “Walanghiyang mga kaaway! Magbabayad kayo!”

Parang lawa ng bulkan na bumubuga ng apoy ng kamatayan ang mga baril ng mga Pulang mandirigma.  Muling nanginig ang bundok ng Kanlurang Albinan.  Muling nayanig ang haywey.  Niluray ng mga bala ang traydor na sarhento.

Hindi mailarawan ang kabang nararamdaman ng sumusukong pulis. Nangangatog ito.  “Se…sirrr! Huwag ninyo akong patayin! Maawa kayo sir! May pamilya ako, sir! Apat ang mga anak ko, sir!”

Lumambot ang damdamin ni Ka Ding sa pagmamakaawa ng pulis.  Wari’y muli niyang naulinigan ang sinabi ng kanilang kumander: “Pakitunguhan nang mabuti ang mga bihag!”  Ang kaninang umaapoy na galit ay dahan-dahang humupa.  Nangibabaw ang matatag na disiplina na kanyang pinanghahawakan para sa interes ng nakararami at hindi pinairal ang paghihiganti.

“Walang mangyayaring masama sa inyo,” paasa ni Ka Sebyo sa pulis, at muling sumigaw:  “Ang mga buhay, sumuko na kayo! Isa…! Dalawa…!”

“Su…susuko na kami! Huwag kayong magpapaputok!”

Gumapang ang dalawang sugatang sundalo palabas sa sasakyan.  Nanginginig sila sa sobrang takot, habang pinatatabi sila ng mga Pulang mandirigma sa gilid ng haywey. Parang naghihintay sila ng tiyak na kamatayan.

“Walang mangyayari sa inyo,” muling pangako ng mga Pulang mandirigma. “Hindi namin kayo papatayin.  Hindi kami tulad ninyong mga bayarang berdugo ni Marcos.  Kahit walang kalaban-laban ay pinapatay ninyo ang inyong mga bihag.”

“Mga medic, lapatan sila ng paunang-lunas,” tawag ni Ka Sebyo kina Ka Ding habang iniimbistiga ang mga bihag na kaaway.  Ang dalawa, na mula sa Bongao, Sulu, ay magtatatlong buwan pa lang sa Philippine Army. Dalawa ang anak ng sundalong tinamaan sa dibdib.  Kakakasal naman ng ikalawang sundalo na may tama sa dalawang paa.

“Se…sir, salamat!  Salamat sa inyong paggamot sa amin!”

“Huwag ninyo kaming tawaging ‘Sir’,” ani Ka Ding inaayos ang kanyang gamit-medical.  “Mga NPA, at ‘kasama’ ang tawag ng mamamayan sa amin.”

Handa na ang lahat.  Walong awtomatik na riple ang nakumpiska sa kalaban. Sumenyas si Ka Sebyo: Aatras na sila.

“Mga ka…kasama…” pahabol ng pulis habang inaabot ang kanyang kamay kay Ka Ding, “salamat sa pagbibigay sa amin ng bagong buhay, at sa aming pamilya…” Sumunod na rin ang dalawang sundalo. Mahigpit na nakipagkamayan sa mga Pulang mandirigma.  Mapagkaibigan. Puno ng pag-asa. Wala nang takot at pangamba.

May kakaibang naramdaman si Ka Ding.  “Sige, magbagong-buhay na kayo,” pahuling payo niya sa nagsisukong mga militar.  Paakyat na ang mga Pulang mandirigma sa Pulang Lupain ng Kanlurang Albinan.

(Salin mula sa Hiligaynon.)

 

Hosted by www.Geocities.ws

1