KA LUIS

Isa ring Hukbong Pangkultura
ang Bagong Hukbong Bayan

 

MABUHAY!” ANG BATI ng bangkero.  Siya ang aming sundo.  “Sulong!”  ang ganting-bati naman ni Ka Boy, ang Pulang mandirigma na giya ng aming grupo.  Ito ang kauna-unahang pagkakataon namin na makapunta sa sonang gerilya sa Samar

Mahaba ang nilakad namin sa loob ng kagubatan; ngayo’y nakasakay naman kami sa isang bangka patungo sa interyor ng Samar.  Kay-sarap iunat ang pagod na mga paa sa kahabaan ng bangka at sumagap ng hanging umiihip mula sa nakapaligid na mga luntiang bundok.

Unti-unting tinatakpan ng mga ulap ang tuktok ng mga bundok.  Walang-tigil ang pag-ambon, mula pa kaninang umaga.  Gayunma’y masigla ang pagsagwan ng bangkero, si Ka Merto.  Sumisipol si Ka Boy habang kalung-kalong ang kanyang armalayt.  Sinabayan ng pag-awit ni Ka Merto ang himig ng sinisipol ni Ka Boy. Nakisabay na rin kami.  Habang hinahawi ng sagwan ang tubig sa ilog, umaalingawngaw mula sa aming munting bangka ang makapangyarihang International!

Tumigil kami sa isang baryo.  Nakasalubong namin ang mga magsasakang may karga ng mga kaing na punung-puno ng kamote.  Itinaas nila ang kanilang kama bilang pagbati. “Sulong!” Natutuhan ko ring bigkasin ang maalab na pagbati sa mga kasama at masa sa sonang gerilya.  Binati rin kami ng isang kulumpon ng kalalakihan na nagkakayas ng ratan.

Umupo kami sa hagdang kawayan ng isang kubo.  Mula rito’y tanaw namin ang nagtitipong kabataan.  Nagkakantahan sila.  Napag-alaman naming nag-eensayo sila ng kanilang itatanghal para sa darating na aksyong masa laban sa militarisasyon.  Sa kulumpon ng kabataan ay may dalawang armadong kasama.  Isang magsasaka ang lumapit sa kanila para ipabatid ang aming pagdating.  Dali-dali nilang tinungo ang aming kinaroroonan at sila’y nagpakilala.

“Ako si Ka Mita.”

“Ako naman si Ka Ambo.”

Nakangiti silang nakipagkamayan sa amin.  Kapwa sila nasa kasibulan ng kabataan.

Maya-maya pa’y kasama na namin sila sa pagpapatuloy ng aming paglalakbay.

Binagtas namin ang mga bulubunduking matiyagang hinawan at tinamnan ng mga magsasaka.  Tinawin namin ang tatlong sapa at putikang landas na puno ng makapit na linta’t limatik, at nanimbang sa nakatimbuwang at basang punongkahoy. Pagod na kami, nangingilo na ang aming mga paa, nang makarinig kami ng nag-aawitang tinig.

Malapit na kami sa kampo!

Bumilis ang aming paglakad, kasabay ng pagbagsak ng malakas na ulan.  Gumaan ang aming mga paa sa pagtapak sa batuhang sapa.  Pumasok kami sa masukal na bahagi ng bundok.

Tumanbad sa amin ang baytang-baytang na hagdang kahoy, paakyat sa bundok.  Inakyat namin iyon, hanggang sa marating ang isang medyo patag na lugar.  May ilang kubong nakatayo roon; ang lugar ay tila isang maliit na baryo.  Naglabasan sa mga kubo ang mga kasama para salubungin kami.  Tumigil sumandali ang mga kasama sa pag-awit, pagsibak ng kahoy at pagluluto para bumati at magpakilala.

Kumain ang lahat bago kumagat ang dilim.  Pagkahugas ng mga platong plastik, nag-umpukan na ang lahat ng mga kasama sa kusina.  Nagpasakalye ang gitara at pumailanlang ang matitining na tinig sa pag-awit ng Makigbisog, Ayaw Kahadlok, (Makibaka, huwag matakot). Tahimik sa buong paligid ng kagubatan.  Mapanglaw ang liwanag ng gasera ngunit sapat na para tanglawan ang kulumpon ng masisiglang mukha ng mga kasama.  Ang mga Pulang mandirigma ay singningning ng mga alitaptap na aali-aligid.

Sinundan ang Makigbisog Ayaw Kahadlok ng iba pang mga kanta, tula at pabula hanggang may nagpaalala tungkol sa pinaiiral na curfew sa kampo.  Nagpangkat-pangkat na ang lahat patungo sa kani-kanilang kubo.

Parang tinibang saging na nakatulog ako sa sakong nakalatag sa sahig na yari sa pinagdugtung-dugtong na kahoy.

Kinaumagahan, pagkakain ko ng ilang pirasong kamoteng kahoy, nagtanung-tanong na ako kung sino ang maaaring kausapin tungkol sa rebolusyonaryong sining at panitikan sa larangan.

“Si Ka David.” Bawat mapagtanungan ko, si Ka David ang laging tinutukoy.  Nagpahatid ako sa kinaroroonan ni Ka David.

Inabutan kong nagsusulat si Ka David ngunit masaya ang kanyang pagbati nang makita niya ako.  Sa tantya ko’y may 35 taong gulang na siya, katamtaman ang taas. Bago siyang naging kadre ng Partido sa loob ng hukbong bayan ay kumilos siya bilang isang aktibistang pangkultura sa syudad.  Sinabi ko sa kanya ang aking pakay.

Saglit siyang napayuko at nagsabing limitado ang kanyang kaalaman sa paksang aking binanggit.  Nilinaw ko na ang ibig kong malaman ay ang kongkreto  nilang karanasan sa rebolusyonaryong sining at panitikan.

Pumayag na rin siya.  Tinawag niya si Ka Badon para higit na yumaman ang aming diskusyon.

Matipuno ang pangangatawan ni Ka Badon, nakasuot ng putot at tagpi-tagping pantalon na karaniwang suot ng mga Pulang mandirigma.  Paminsan-minsan’y inilalabas niya ang isang maliit na supot na may lamang buyo, apog at tabako.  Ngata siya ng ngata kapag hindi siya ang nagsasalita.  Bago naman siya magsalita’y idudura muna niya sa may likuran ang laman ng kanyang bunganga.

Nang wala pa sa kilusan, si Ka Badon ay gitarista sa isang kombo.  Mula nang siya ang sumanib sa kilusan ay marami siyang nalikhang kanta, sa tulong ni Ka Pedro.

Sinimulan ni Ka Badon ang diskusyon.  “Binibigyan namin ng higit na pansin,” anya, “ang mga kantang tradisyunal.  Kilala kasi ang mga ito ng masa, laluna ng mga magsasaka, at madali nilang matanggap ang mga ito.  Halimbawa ng ganitong mga kanta ang Iroy nga Tuna (Lupang tinubuan) at Hadki an Tuna (Halikan  ang lupa) na popular na noon pa mang nakikibaka ang mamamayan ng Samar laban sa kolonyalistang Estados Unidos.  Ang ganitong mga kanta’y muling sinasariwa at pinagsisilbi sa pakikibaka ngayon.  Mula naman sa mga kantang popular ngayon, pumipili kami ng mga himig na mababagayan ng rebolusyonaryong nilalaman.”

Ang mga tradisyonal na kanta sa Samar ay natutuhan ni Ka Badon sa kanyang ama at sa kanya mismong pakikiisa sa masa sa mahabang panahon.

“Bahagi rin ng tradisyonal na kultura ng masa ang ismayling at binasaynon,” dagdag ni Ka David.

Kapwa inawit at isinasayaw ang ismaylilng at binisaynon.  Pero samantalang ang ismayling ay naglalarawan ng tunggalian ng dalawang magkasalungat na ideya, ang binisaynon naman ay nagsasalaysay ng isang pangyayari.

Nagdarang muna ng isang dahon sa sabila si Ka David sa baga.  Dinurog niya ang dahon nang ito’y malutong na, binilot sa kapirasong dyaryo at sinindihan.  Hinithit niya ang kanyang sigarilyo habang isinasalaysay ang unang paggamit ng mga kasama ng ismayling: May isang magsasakang nag-aalinlangan sa tagumpay ng sama-samang pagkilos laban sa pwersahang ebakwasyon na inilulunsad ng kaaway.  Ipinahayag niya ang kanyang palagay sa pamamagitan ng awit at sayaw!  Sinagot naman siya ng isang Pulang mandirigma, sa pamamagitan din ng awit, at sayaw, bagama't hindi kasinghusay ng magsasaka.

Sa ganitong mga pagkakataon  tumining sa mga kasama ang pangangailangan at kahalagahan ng pagkatuto sa buhay na kultura ng masa.

“Malaki ang pangangailangan sa rebolusyonaryong sining at panitikan,” ani Ka David, “laluna sa mga lugar na tulad ng Samar, na napakalaganap ang kamangmangan.   Nakakatulong ang rebolusyonaryong sining at panitikan sa edukasyon, propaganda, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga Pulang mandirigma at masa.”

Nagbigay ng halimbawa si Ka Badon: sa kantang Disiplina han BaHuBa (Disiplina ng BHB), itinatampok ang Walong Punto ng Disiplina na dapat isaulo at isagawa ng lahat ng Pulang mandirigma sa kanilang hanay, sa piling ng masa at sa harap ng kaaway.

Pinatitibay naman ng kantang Tumapod ha Kolektiba (Umasa sa kolektiba) ang diwa ng sama-samang pag-iisip at paggawa. “May mga pagkakataon,” ani Ka Badon, “na gumagawa ng sariling disisyon ang ibang kasama at hindi kumukunsulta sa yunit.  Isang halimbawa’y ang paglilinis ng baril.  Paano na kung ang lahat ay sabay-sabay na maglilinis ng baril at biglang sumalakay ang kaaway?”

Pinapaksa naman ng kantang Demokrasya ha Tulo nga Natad (Demokrasya sa tatlong larangan) ang pagsasapraktika ng demokrasya sa pulitika, militar at ekonomya sa loob ng hukbong bayan.  Para mapasigla ang paglahok ng lahat,” paliwanag ni Ka David, “madalas itong awitin sa mga pulong para sa punahan at pagpuna-sa-sarili, paglalagom ng karanasan at pag-aaral.”

Ang mga kantang binabanggit ni Ka Badon ay tinutugtog niya sa gitara sa pagitan ng aming pag-uusap.

Dala-dala namin ang kasiglahan sa diskusyon hanggang sa pananghalian.  Kamote ang pinagsaluhan ng lahat ng Pulang mandirigma sa kampo.  Pagkakain ay nagdarang kami ng dahon ng sabila, samantalang inaawit ng ibang mga kasama ang kanta tungkol sa isinagawang reyd ng mga Pulang  mandirigma sa mga kampo ng kaaway sa Gamay at Mapanas.  Isinasalaysay ng kanta ang paraang ginamit sa reyd, ang 29 armas na nakumpiska, at ang suporta ng masa bilang pinakasusi sa tagumpay.  Sa pamamagitan ng mga kantang tulad ng Ronda ha Gamay ngan Mapanas (Reyd sa Gamay at Mapanas), malawak at naipalalaganap ang mga karanasan sa pakikibaka ng mga Pulang mandirigma  at masa.  Sang-ayon  kay Ka Badon, ang paglikha ng ganitong mga kanta ay “nakaugalian” na bago magsimula at pagkatapos ng isang kampanyang militar.

Ang kantang Taktikal nga Opensiba (Taktikal na Opensiba) ay nalikha sa panahon ng kampanyang edukasyon sa loob ng hukbong bayan.  Ang kampanya ay isinagawa para bakahin ang pananamlay ng maraming Pulang mandirigma sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba, bunga ng mapapait na karanasan sa isang panahon.  Dahil sa paghusay ng bagong kalagayan, kinailangang pasiglahin ang pagsasagawa ng mga taktikal na opensiba.  Bahagi ng pagpapasiglang ito ang kantang Taktikal nga Opensiba.

“Ang kanta ring iyan,” dagdag pa ni Ka David, “ang naging inspirasyon sa paglikha ng sayaw?”

“Sayaw?”

Inilapit niya ang kanyang mukha sa akin, wari’y ibig salaminin nang lubos ang aking pagkamangha.

“Oo. Maging ang sayaw ay bahagi na ng rebolusyonaryong sining at panitikan.”

Isinalaysay ni Ka David kung paano naipakilala ang rebolusyonaryong sayaw.  “Aming galak,” anya, “sa matagumpay na kumperensya noong 1979 ng panrehiyong organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Silangang Kabisayaan ang nagbunsod sa amin para lumikha ng bagong porma ng pagtatanghal.  Sa ganito, mailalarawan din namin ang pag-unlad ng rebolusyonaryong sining sa rehiyon.”

Pinaunlakan niya ang kahilingang imwestra niya ang sayaw. Sinundan ng aking mga mata ang mabikas na paggalaw ng kanyang mga kamay, paa, baywang, ng kanyang buong katawan.  Maliksi ang kanyang bawat hakbang, ang pagwasiwas ng riple, ang pagwagayway ng bandilang pula, na nagmistulang nagngangalit na alon.

Masigabo ang aming palakpakan nang matapos ang sayaw.

“Malaki ang impluwensya sa sayaw na ito ang sayaw-pandigma ng Ifugao,” ang paliwanag ng pawisang Pulang mandirigma.  Ayon din sa kanya,  maraming likhang sining at panitikan ang kanilang natatanggap mula sa ibang rehiyon.  “Iniaangkop namin ang mga ito,” anya, “sa partikular na katangian at pangangailangan ng rehiyon.  Isinasalin sa Waray ang mga tula at kanta, o kaya’y binabago ang nilalaman para iyon iaayon sa buhay at karanasan ng masa rito.”

Nagbigay ng halimbawa si Ka Badon.  “Tingnan mo ang kantang Mendiola  na naglalarawan ng masaker noong Unang Sigwa sa Kamaynilaan.  Nagtatanong lagi ang mga magsasaka kung ano ang Mendiola.  Ang ginawa nami’y tinanghal namin ang mga linyang may banggit tungkol sa pangyayari sa Mendiola at pinalitan ang mga iyon ng tungkol sa masaker na isinagawa ng mga  pasistang sundalo sa Calbiga.  Marami rito ang hindi nakakaalam tungkol sa Mendiola, pero alam ng lahat ang masaker sa Calbiga.”

Ang nakapaligid na mga Pulang mandirigma ay hinikayat nina Ka David at Ka Badon na magbahagi din ng kanilang kaalaman sa rebolusyonaryong sining at panitikan.  Malugod naman nilang iniambag ang nalalaman nilang kanta, tula, pabula at buod ng mga dula na nalikha at ipinalalaganap sa rehiyon.  Sinasalamin ng mga likha ang damdamin at kaisipan ng mga Pulang mandirigma at masa, gayundin ang pagtingin sa iba’t ibang usapin na nakakaharap nila sa pagtupad nila ng tungkulin sa rebolusyon.

Karamihan sa mga Pulang mandirigmang nakibahagi sa diskusyon ay nasa kanilang kabataan at mula sa uring magsasaka.  May ilang mula sa uring manggagawa at petiburges.

Papalubog na ang araw nang matapos ang aming diskusyon at kami’y magkahiwa-hiwalay.

Sa isang kubo, may pag-aaral na idinaraos.  Sumilip ako.  Taimtim na nakikinig sa instruktor ang mga Pulang mandirigma.  Ang kanilang mga riple ay maayos na nakahilera sa isang tabi.  Sa itaas ng blakbord ay may isang poster na naglalarawan ng mga Pulang mandirigma, buong giting na itinataas ang kanilang mga sandata. Nakasulat sa poster ang malalaking titik ng islogang  “Ibagsak ang Diktadurang EU-Marcos!”

Abala ang lahat sa kampo. Sa kusina, tinatalupan ni Ka Nitoy ang balinghoy, samantalang ang iba nama’y nagkakayas ng niyog at nagsisibak ng kahoy na panggatong.  Habang nagtatrabaho si Ka Nitoy ay tinutula niya ang An Gerilya (Ang gerilya).

Sa isang dulo ng mahabang mesa, dalawang Pulang mandirigma naman ang tuwang-tuwa sa pagbabasa ng komiks na may isang pahina lamang.  Nakibasa na rin ako.  Ang partikular na isyung ito ng komiks ay pinamagatang Nataktikahan an Kaaway (Nataktikahan ang kaaway),  tungkol sa ginawang panlalansi ng dalawang aktibistang babae sa isang sundalong papet para maagaw ang armalayt nito.

Muling nag-awitan ang mga Pulang mandirigma bago matulog.  Paalis na ako kinabukasan, kayat inihanda ko na ang aking mga gamit.  Nasa kubo si Ka Pidiong.  Napansin kong may  idinidikit siyang drowing sa pabalat ng isang libro.  Nakadrowing ang mga Pulang mandirigma nagsasagawa ng ambus.  Binakat niya ang drowing sa isang babasahin.  “Itinatangi ko ang drowing na ito,” anya, “dahil punung-puno ng determinasyon ang mga Pulang mandirigma.

Kinabukasan, habang muli naming binabagtas ang bali-balikong daan ay hindi mawaglit sa aking isip ang pagkalinga ng mga kasamang hukbo sa amin.  Kasing-init ng sikat ng araw na ngayo’y nakalatag sa buong paligid.

Sinapit namin ang nagyayabungang taniman.  Ni isang magsasaka ay wala sa taniman.  Nasaan kaya sila?  Ang tanong ko sa sarili.

Dumating kami sa baryo.  Nandoon ang lahat ng magsasaka para dumalo sa isang pulong masa kaugnay ng kampanya laban sa militarisasyon.  Inabutan namin ang pag-awit ng Pasismo ha Nagookan (Pasismo sa Nagookan). Isinalaysay ng kanta ang pambubugbog ng mga “unggoy” sa apat na magsasaka at pagnanakaw sa masa.  Tinutukoy sa kanta ang pamamaraang ginamit ng mga pasista sa pagnanakaw, gayundin ang mga pangalan ng mga “unggoy.”

Sinundan ang kanta ng isang maikling dula, na itinanghal ng mga Pulang mandirigma, kasama ang ilang kabataang aktibista. Ang dula ay pinamagatang Huni ng Ibon. Sa dula, ipinapakita ang pagpasok ng mga “Unggoy” sa isang baryo.  Ginulpi nila ang ilang magsasaka at pagkatapos ay buong kayabangang naghamon sa hukbong bayan.  Di kaginsa-ginsa’y humuni ang isang ibong kalaw. Napapatda sa takot ang mga sundalong papet.  Inakala nilang ang huni ay senyal sa paglusob ng BaHuBa.

Sa pagwawakas ng dula ay nagpaliwanag ang isang Pulang mandirigma:  “Sa unang malas ay malakas ang kaaway dahil sa kanilang bilang at gamit-militar.  Ngunit kung susukatin natin ang kanilang loob, sila ay mahina.  Walang ibang nagtutulak sa kanila kundi ang ibinabayad sa kanila ng mga uring mapagsamantala.”

Idiniin niya: “Nasa ating mamamayan ang tunay na lakas!  Sa mahigpit na pagkakaisa ng hukbong bayan at masa, ating maipagwawagi ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya!”

Iginala ko ang aking paningin sa paligid, sa bawat mukha ng naroroong magsasaka,  kababaihan, kabataan at bata, at sa mga Pulang mandirigma, na nagmula mismo sa masa. Nadama ko ang mahigpit na bigkis ng pagkakaisa ng hukbong bayan at magsasaka sa pulong na iyon.

Matulin pa rin ang agos ng ilog. Sumasalpok ang mga alon sa magkabilang pampang.  Ang paghawi ng tubig sa bawat pagsagwan ay may init, bigwas at lamyos ng rebolusyonaryong himig ng mga Pulang mandirigma at masa.  Maaliwalas ang kapaligiran, nahawi na ang mga ulap na lumalambong sa tuktok ng mga bundok.

Habang papalayo ang bangka, nararamdaman kong pati mga bundok ay sumasayaw sa himig ng rebolusyon.

 

Hosted by www.Geocities.ws

1