ANGEL FUERTE II

Sa Pagbubukang-Liwayway

DUMAUSDOS AND KATAWAN ni Mang Pidiong sa sahig ng munting selda.  Sumara ang mabigat na pintuan at nilamon siya ng kadiliman.  Dali-daling lumapit sina Mila at Piping.

“Itay!” and paimpit na sigaw ni Piping.  Maingat na iniangat ang ulo na matanda sa kanyang kandungan.

“Wala silang nakuha sa akin…” anang matanda. “Papatayin daw nila ako… ‘Ikako’y matanda na ako, di na naman gaano itatagal pa ang aking buhay…”  Ipinikit ni Mang Pidiong ang kanyang mga mata at ipinaubaya ang sarili sa matinding sakit, pagod at antok.

Tumayo si Piping at lumakad patungo sa munting bintana ng bilangguan.  Tumitig sa karimlan sa labas ng selda, parang may itatanong sa kawalan.  Paimpit siyang umiyak.

Nilapitan ni Mila ang binatilyo.  Mahinahon niya itong kinausap, wari’y nangungusap ang isang kapatid.

“Huwag, Piping.  Kailangang magpakatatag tayo.  Walang dapat malaman ang mga demonyang iyan tungkol sa tambang mamayang gabi.”

“Hindi ko na yata kaya, Ka Mila. Hindi ko kaya.”

“Kaya mo, Piping, kaya nating lahat.  Kailangang magtulungan tayo.  Ang panghihina ng isa sa atin ay sapat na para manghina tayong lahat.  Kumuha tayo ng lakas mula sa isa’t isa.  Huwag nating ipahamak ang mga kasama.”

Tumigil sa pag-iyak si Piping.  Marahan siyang tumango.

Naisip ni Mila ang mga kasama.  Siguradong hindi sila mag-aagahan.  Walang maghahatid ng pagkaing inihanda para sa kanila ng masa. Tiyak, madaling-araw pa lamang ay pupusisyon na ang mga Pulang mandirigma sa ambus sayt.  Hihintayin nila ang pagsikat ng araw at pagdaan ng trak ng kaaway.

Walang dapat makapigil sa kanila?  Walang dapat mapahamak sa mga kasama.!

Biglang bumukas ang pinto ng selda.  Nasilaw sina Mila sa ilaw na sumabog mula sa pasilyo.  Ang liwanag ay tinakpan ng anino ng isang malaking sundalong tumayo sa may pintuan.

“Hoy! Ikaw, lalaki, labas!”

Tumingin si Piping kay Mila.  Mariing pinisil ng babae ang kanyang balikat.

“Magpatatatag ka, kasama!”  ang madiin niyang bulong.

Dahan-dahang lumakad si Piping.  Mabigat ang kanyang mga paa.  Pumasok ang sundalo at ipinagtulakan si Piping papalabas ng selda.

Sumara ang pinto.’

     Lumapit si Mila sa pinto.  Inilapat ang kanyang tenga sa puwang sa ilalim ng pinto upang makinig.  Narinig niya ang mabibigat na yabag at pagbukas-pagsara ng isa pang pinto.  Katahimikan.

Pinilit pa rin niyang makinig.  Ang hirap na paghinga lamang ni Mang Pidiong ang umabot sa kanyang tenga.

Tumayo siya at iginala ang kanyang paningin sa paligid.  Tinitigan ang mamasa-masang pader na nagtatanod sa kanila.  Ang malamig na singaw nito’y parang hininga ng isang napakalamig na napakalaking halimaw.  Nanuot sa kanyang buto ang lamig. Pinapanglaw siya ng kadiliman.

Nagulat si Mila nang umubo si Mang Pidiong. Biglang pumasok sa kanyang isip ang kanyang ama.

Ang ama ni Mila ang nagmulat sa kanya tungkol sa sanhi ng kanilang kahirapan.  Isang maralitang magsasaka ang kanyang ama.  Mababa ang pinag-aralan ngunit hindi bingi o bulag sa nangyayari sa kanilang paligid.  Malimit itong magreklamo sa kabaligtarang kung sino pa ang nagpapayaman sa lupa ay siyang nananatiling dukha.  Nang maugnayan siya ng Bagong Hukbong Bayan at mapaliwanagan sa mga adhikain nito, buong-puso siyang sumapi sa kilusan.  Ngayo’y buong-panahon siyang kumikilos sa hukbo.  Ang ina ni Mila ay nasa hukbo rin.

Siyam na taong gulang pa lamang si Mila ay isinasama na siya ng kanyang mga magulang sa kanilang pagkilos.  Tumutupad siya ng samut-saring gawaing ibinibigay ng mga kasama.  Nang mag-dose anyos siya, ipinasya niyang kumilos na rin nang buong-panahon.  Ngayo’y disisais anyos na siya.

Naalala niya ang madalas sabihin ng kanyang ama: “Ang rebolusyon ang tanging paraan para makaahon tayo at iba pang tulad natin sa hikahos na pamumuhay.”

Naiyak si Mila.  “Itay…” ang tawag niya.

Nagising si Mila.  Nakaidlip siya.  Tiningnan niya ang paligid.  Naroon pa rin ang malamig na kadiliman.  Tanging ang ilaw mula sa labas ng maliit na bintana ang tumatagos sa kadiliman.

Tumilaok ang manok.  Lumakad si Mila patungo sa maliit na bintana. Tinitigan niya ang kawalan.

Aywan kung gaano siya katagal sa tapat ng bintana nang biglang bumukas ang pinto.  Itinulak ng maitim na anino ang lupaypay na katawan ni Piping papasok sa selda.  Umungol ang binatilyo paglagpak sa sahig.  Sumara ang pinto.

Nilapitan ni Mila ang kaibigan.  Kinalong niya ito.  Nakaramdam siya ng pag-agos ng mainit na likido sa kanyang mga braso.  Dugo. Mula sa kaunting ilaw na lumalagos sa maliit na bintana’y naaninag ni Mila si Piping, pasa-pasa ang katawan, duguan ang ilong, putok ang labi.  Gumigiti ang dugo sa kanyang mga pisngi’t brasong ginurlisan ng kutsilyo.  Tumulo ang luha ni  Mila.

“Huwag kang umiyak, kasama,” ang mahinang biro ni Piping. Mahina ngunit madiin niyang idinugtong.  “Magtatagumpay tayo!”

Maingat na inihiga ni Mila si Piping. Pumutol siya ng kapirasaong tela sa laylayan ng kanyang damit at dinampian ang mga sugat ng kasama.  Hinayaan niya itong magpahinga.

Di naglao’y muling bumukas ang pinto.  Sinalubong ni Mila ang aninong nakaharang sa bungad.

Maya-maya, ang katahimikan ay binasag ng nakatutulig na sigaw.   Isang sigaw ng pagtutol, ng paglaban.

Nagulantang sina Piping at Mang Pidiong. Tinungo nila ang pinto para saklolohan ang kasama.

Nakatutulig ang katahimikang naghari.

Bumukas ang pinto.  Lumayo sina Piping at Mang Pidiong.  Lumakad ang isang babaeng pinagkurus ang mga kamay sa dibdib.  Nagtatawanan ang mga anino habang isinasara ang pinto.

Sinalubong nina Piping ang tulalang si Mila.  Nagsisigaw ito nang hawakan siya ng binatilyo sa balikat.  Niyugyog siya ng binatilyo.  Ang kanyang pagsigaw ay nauwi sa paghagulhol.

Binangga ng katawan ni Piping ang pader.  Pinagsusuntok niya ang pinto.  “Mga hayop!” ang sigaw niya.

Nanatiling walang galaw si Mila, nakatingin sa labas ng bintana, sa malayo.

“Piping…” ang paimpit na usal ni Mila, papalakas. “Piping… mag-uumaga na!”

Tumingin sina Piping at Mang Pidiong sa labas ng bintana.

Nagtatagisan ang lakas ng dilim at liwanag.  Bumabalot pa rin ang karimlan sa paligid, ngunit sa kalawakan ay nagsisimula nang tumatagos ang mangilan-ngilang ulos ng ginintuang silahis mula sa bagong sumisibol na araw.

At bukang-liwayway. Sa labi ng mga bilanggo’y sumilay ang ngiti.

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1