Huwaran ng Matibay na Determinasyon

 

NAG-ABOT ANG HININGA ni Ka Lando at ng dalawa nitong kasama habang tinatahak nila ang mataas na bundok.  Naghalo ang kanilang nararamdaman.  Kumakabakaba ang kanilang dibdib ngunit dama nila ang ginhawa.  Minsa’y tumatakbo sila habang palingun-lingon sa paligid.  Sinulyapan ni Ka Lando ang kanilang dinaanan. Medyo malayu-layo na sila sa baraks na kanilang tinakasan.  Sa di katagalan, makikita na naman nila ang iba pa nilang kasama sa Bagong Hukbong Bayan.

Si Ka Lando at ang dalawa pa nitong kasama ay matagumpay na tumakas mula sa kampo ng kalaban.  Ngayon, parang hindi na nila nararamdaman ang mga paa bunga ng pambubugbog sa kanila ng mga Marines na nakahuli sa kanila.  Nakabalik na talaga sila sa kabundukan.  Makakakilos silang muli para sa armadong pakikibaka.

Si Ka Lando ay isang kabataang magsasaka.  May 15 taong gulang pa lamang siya nang unang pumasok sa BHB sa kanilang lugar.  Madali siyang napalapit sa mga Pulang mandirigma.   Kaya kapag nasa kanilang baryo ang mga ito, lagi niya silang sinusundan.

Sa umpisa, tutulung-tulong lamang si Ka Lando sa mga kampanyang inilunsad ng Partido at BHB sa kanilang lugar.  Nang ginanap ang isang sama-samang pag-aaral ng mga kasapi, na tumagal nang halos dalawang buwan, si Ka Lando at ang iba pang kabataan ay nagboluntaryong mag-igib ng tubig para sa pangangailangan ng mga mag-aaral.  Apat na dram ang kanilang pinupuno sa bawat araw at medyo may kalayuan ang kanilang pinag-iigiban.  Tumulong din sila sa pangangalaga ng seguridad.  Hangang-hanga si Ka Lando sa ugali ng mga  kasapi ng BHB, nakita niya ang totoong mga kaibigan.

Si Ka Lando ay nasali sa semilegal team na tagapag-organisa sa mga tao.  Madali siyang napalapit sa masa. Mabilis talaga siyang matuto, matiyagang mag-aral at madaling baguhin ang sarili.

Pagkatapos ng isang taon na siya’y kabilang sa semilegal team, nalipat siya sa ibang area.  Nasama siya sa isang armadong yunit pampropaganda.  Sa pagkakataong ito, naragdagan ang kanyang kaalaman laluna sa gawaing militar.

Dumating ang madalas na operasyon ng kalaban.  Ginawang no man’s land ang regular na kinikilusan ni Ka Lando.  Pinalikas ang mga tao patungo sa sentro ng mga baryo.  Kahit tagbaha, ang mga Marines, sakay ng mga pumpboat, ay hindi huminto sa paghahanap at paghabol sa BHB.  Kahit medyo nahirapan ang mga kasapi, patuloy pa rin silang kumilos.

Isang araw, alas sais ng umaga, bumangon si Ka Lando at mga kasama para maghanda ng almusal.  Isa sa kanila ang kumuha ng galon upang mag-igib ng tubig.  Ngunit hindi na ito  nakabalik.  Hindi nagtagal, malakas na sigaw ang kanilang narinig.  “Sumuko na kayo!  Napapaligiran namin kayo!” Mabilis na nakadampot ng kanyang baril si Ka Lando.  Ang ibang kasamang nakahiga pa ay medyo nagulantang.  Agad sumunod ang malalakas na putok.  Gumanti si Ka Lando.  At narinig niya ang sigaw ng isang sundalo, “Atras! Malakas ang kanilang putok!”

Nagpaiwan si Ka Lando at isa pang kasama, habang ang iba ay dahan-dahang umatras.  Ngunit ang isa nilang kasamahan ay natamaan sa noo at agad namatay.  Pagkatapos ng sampung minuto, umatras na rin si Ka Lando at ang kanyang kasama.  Ilang sundalo ang kanilang napatay.

Pagkatapos ng ganoong karanasan, mas tumibay ang determinasyon si Ka Lando na ipagpatuloy talaga ang pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya. 

Sa isang pagkakataon, habang papunta si Ka Lando sa ibang erya para dumalo sa isang pagtitipon, nahuli siya sa daan.  Dinala siya sa baraks.  Doon niya unang natikman ang mapait na pagkabilanggo.  Hindi siya pinakain sa loob ng tatlong kainan.  Mahinang-mahina na siya habang walang tigil ang pagtatanong at pambubugbog sa kanya.  Ngunit wala talagang nakuha ang mga kalaban sa kanya.

Sa baraks, nakita ni Ka Lando ang dalawang kasama na naunang nahuli.  Pinalakas niya ang kanilang loob at sinabing huwag mawalan ng pag-asa.  Nakapagpuslit pa sila ng sulat para sa mga kasama sa BHB na nagsasabing, “Huwag kayong mabahala sa amin dito.  Magsisikap kami hanggang sa aming makakaya.”

Dahil sa maparaan at masikap, nagkaroon sila ng pagkakataong makatakas mula sa mga kalaban.   Kahit malayung-malayo ang kanilang binagtas, hindi nila dinaramdam ang pagod.  Dumating sila sa bahay ng isa sa kanilang mga  pinagkakatiwalaang masa at doon sila nagpahinga.  Habang nagpapahinga, dumungaw si Ka Lando sa bintana.  Nakita ang malawak na kabundukan at ang mga mais na namumulaklak na sa bukiring kaharap niya.  Naramdaman ni Ka Lando ang labis na tuwa.  Nagningning din ang anyo ng mga masa na nakikipag-usap sa kanila.  Di maglalaon, muli silang makakaugnay sa mga kasama.

(Salin mula sa Sebuano)

 

Hosted by www.Geocities.ws

1