MA. VIRGINIA RIVERA

Ilang Buhay Man ay Iaalay

 

MATAMIS NGUNIT NAG-AALAB ang awiting pumupukaw sa kadiliman ng gabi sa Baryo Tudling.  Sa isang bahagi ng baryo, sa harap ng isang tindahan, kaumpok ng mga mamamayan ang mga Pulang mandirigmang matamang nakikinig sa madamdaming pag-awit ni Ka Lerma, isa mga Pulang mandirigma.  Ang ilang kababaihan ay abala sa pagdudulot ng kape sa mga naroon.

Iyon ang unang gabi ng anihan.  Gayunman, hindi mababakas sa mukha ng mga naroong magsasaka at Pulang mandirigma ang pagod na kaakbay ng maghapong pag-ani sa bukid.

Sa kaliwang bahagi ng tindahan, sa ilalim ng malabay na puno, ay nakaupo si Ka Totoy kasama ang ilang paslit.  Kalung-kalong niya ang isang paslit samantalang ang iba pa ay nakayakap sa kanyang likod o kaya’y nakaupo sa kanyang paanan.  Dama niya ang pagsanib ng tinig ni Ka Lerma sa amoy ng kagagapas na palay na hatid ng hangin.  Ngunit kakaibang damdamin ang idinudulot nito sa kanya.  Taglay ng mga titik ng awit ang makirot na gunitang dumuduro sa kanyang pandama at tumatagos sa kanyang kalooban, wari’y isang panauhin na sa di inaasahan ay biglang dumating:

Kung may buhay akong higit sa isa

Lahat ng ito’y ihahandog sa masa

Mapugto man bawat isa sa pakikibaka

Muli’t muling bubughan ng layong lumaya

Napapikit si Ka Totoy. Mariin.  At marahil ay di namamalayang nasambit ang “Ka Anna.” Napatingin sa kanya ang batang kalung-kalong.  Hindi umimik ang paslit, ngunit nanatiling nakatitig sa nakayuko at nakapikit na mukha ng Pulang mandirigma, wari ba’y binabasa ang iniisip nito.

“Ka Anna,” mahinang-mahina’y usal ni Ka Totoy.  Ngunit hindi na ito naririnig ng paslit.  Ang awit ni Ka Lerma ay patuloy na pumupukaw sa kadiliman ng gabi sa baryo Tudling. 

 

Ang nakaririnding ingay na animo’y halakhak ng sanlaksang halimaw ay biglang nahinto.  Tumigil sa pag-ikot ang mga dambuhalang gulong.  Isa-isang nangamatay ang mga ilaw.  Saglit lamang at ang mga manggagawa’y tila along humuhugos palabas ng pabrika.  Nagngangalit ang mga mukha.  Kuyom ang mga kamao at mahigpit na tangan ang mga plakard.

“Dagdagan ang sahod ng mga manggagawa!” “Ibagsak ang mga dayuhang kapitalista!”  “Welga! Welga!” Dumadagundong ang sigaw ng mga manggagawa. Saglit lamang, ang bakuran ng pabrika ay napuno ng mga manggagawang nagwewelga.  Nangabigla ang mga taong karaniwan nang nagdaraan sa lugar na iyon.  Sino ang mag-aakalang kuta pala ng pagsasamantala sa mga manggagawa ang malawak na bakurang ito?

Kaisa si Ka Totoy sa lahat ng iyon.  Isang manggagawa.  Bata, ngunit nakalarawan sa mukha ang latay ng kahirapang kay-agang nagisnan.  Anak ng magsasaka.  Hindi pa man siya natututong bumasa at sumulat ay kaniig na niya ang kahirapan sa bukid.  Isang paslit na bago pa tumilaok ang manok sa umaga ay gagayak na upang maghukay ng isang malawak na niyugang pag-aari ng isang mabalasik na panginoong-maylupa.  Maghuhukay siya ng lupa.  Hanggang dibdib.  At dito niya itatanim, isa-isa, ang mga punla ng niyog.  Singkwenta sentimos sa bawat hukay.   Sa buong maghapon, mapalad nang kumita siya ng halagang dos singkwenta.  Sa ganitong paraan niya natutunan kung paano mabuhay.  Sa ganitong paraan din niya nakilala ang buhay.  Ni hindi niya nagawang makatuntong ng mataas na paaralan.  Sa halip na libro, ang natunghayan niya’y aklat ng mga buhay na karanasang araw-araw na nagaganap sa kanilang baryo.  Malilimot ba niya ang tanawing iyon sa kanyang kamusmusan?  Nang si Ka Bino, isang matandang magsasaka sa kanilang bayan, ay umiiyak sa galilt na magtungo sa bahay ni Senyor Anselmo, ang may-ari ng malawak na niyugang kanilang pinagtatrabahuhan, sa dahilang ang kaliit-liitang lupang  pag-aari nito ay inagaw pa ng panginoong maylupa.  Malilimot ba niya nang kaladkarin itong papalabas ng mga armadong tauhan ng Senyor habang tagis ang mga bagang, naghahalo ang luha, sipon at laway sa magkahalong galit at pagmamakaawa? Malilimot kaya niya ang tanawing iyon?  Nang kinabukasa’y bangkay na matagpuan ang matandang magsasaka sa gitna ng koprahan, nakadapa, tagos sa tisikong katawan ang matulis na bakal na pinagtatapasan ng niyog, tadtad ng sugat at galos ang buong katawan, tangan pang mahigpit ang isang matalim na itak habang pinagpipistahan ng mga langaw ang tuyong dugo na kumalat sa katawan nito, sa lupa at sa bakal?  Anong makulay na larawan kaya ang maaaring bumura sa masaklap na hapong iyon nang ang munting kamposanto ng baryo’y matigib sa bahaw na panangis at tinitimping galit ng mga kaanak ng namatay na magsasaka?  Naroon ang Senyor.  Pilit na inaalo ang mga naulila.  “Pinagtangkaan niyang patayin ang aking mga tauhan.  Nagtanggol lamang ang mga ito.  Pero ‘wag kayong mag-alala, narito ang pera.  Maari n’yo ‘tong gamitin hanggang sa makakita kayo ng malilipatan.”  Nang dumukot ng salapi ang Senyor, ang nakita niyang balunbon ng papel ay hindi salapi kundi dugo—dugo ng napakaraming katulad niyang inalipin ng pagsasamantala ng panginoong maylupa. Malilimot kaya niya ang hinagpis na nakabadha sa mukha ni Ba Goring, ang balo ng magsasaka, habang kagat-labi’t nakayukong tinatanggap ang limos ng Senyor?  Noon, ang lahat ng sama ng loob na kinikimkim ay ibinabaling niya sa mga tinatapas na niyog, kasabay ang isang desperadong pagnanais na ang niyog na tinatapas sa matulis na bakal ay naging ulo na sana ng Senyor.

Nang hindi na makatagal, tumakas si Ka Totoy.  Nagtungo siya sa Maynila sa pag-aakalang matatagpusan niya rito ang kaginhawahang hindi naranasan sa kanayunan.  Ngunit higit na malupit ang lunsod.  Madawag ang paligid at siya’y isang yagit lamang na siniklut-siklot ng malupit na hangin.  Pinasok niya ang iba’t ibang uri ng gawain: kargador sa palengke, konduktor ng bus, piyon sa  konstruksyon, tubero, katulong na mekaniko at makinista sa pabrika ng tela.  Ngunit bawat gawaing pasukin niya’y isang yugto lamang ng kahirapan at pagsasamantalang may iisang mukha.  Natuklasan niyang siya’y hindi nalalayo sa kanyang pinagmulan.  Ang pabrikang pinasukan niya, halimbawa, ay siya ring niyugan na kanyang kinalakhan.  Ang makina sa paghahabi ng tela ay siya ring tapasan ng niyog—mapanganib na kasangkapan sa paggawa.  Ang sinulid ay ang mga bunga ng niyog na nagmimistulang pawis at ang telang iniluluwal ng makina ay ang kopra na nagiging salapi, maraming salapi.  Ang pabrika ay ang patuyuan ng kopra.  At ang kapitalistang nagmamay-ari ng pabrika ay walang ipinagkaiba sa Senyor Anselmong nakilala niya sa kanayunan.  Iisa ang mga iyon.  Maging ang halakhak ng mga iyon ay iisa.  At sa paligid ni Ka Totoy, ang kapwa manggagawa ay mga larawan ni Ka Bino, maraming Ka Bino. Sapagkat sa loob ng pabrika, ang pagkasalanta ng isang manggagawang ang katawan ay nilamon ng pinatatakbong makina ay singkaraniwan lamang ng pagtagos ng isang Ka Bino sa malamig na tapasan.  Walang ipinagbabago ang lahat.  Walang ipinagkakaiba ang pagsasamantala.

Nagtama ang isip at damdamin nilang mga manggagawa.  Isa ang nagtaas ng kamao at maraming nagsisunod.  Sumabog ang lahat ng pagtitimpi.  At nang araw ngang iyon, daan-daang kamay ng mga manggagawa—lalaki, babae, kabataan at matatanda—ang parang iisang humawak at pumatay sa kambiyo ng makina.  Huminto ang paggawa.  Nagngitngit ang kapitalista.

 

Maraming upahang pasista ang ipinatawag ng kapitalista upang sugpuin ang unang araw ng welga.  Bawat isa’y may dalang mahabang baril, trantson at panangga, nakasuot ng helmet at animo’y tutungo sa gera.  Napamulagat si Ka Totoy at ang mga kasamang manggagawa.  Bigla, muling gumuhit sa kanyang isip ang larawan ng mga armadong tauhan ng isang Senyor Anselmo.

          Hindi tuminag ang mga manggagawa. Lumusob ang mga pasista at walang-habas na pinaghahampas ng mga dalang trantson ang mga nagwewelga.  Nagtakbuhan ang ilang manggagawa sa loob ng pabrika.  Ang matatanda’y nangagsiyuko na lamang ngunit walang patumangga pa ring pinaghahataw ng mga pasista. Maraming manggagawa, karamiha’y babae, ang nadaganan sa biglang pagkagulo.  Ngunit ang karamihan, kabilang si Ka Totoy, ay nakipagharap sa mga pasista habang nagmumura. Isang matandang lalaki ang nakita ni Ka Totoy na nakabulagta.  Patakbong tinungo ni Ka Totoy ang matanda upang saklolohan.  Ngunit bago niya nagawa ito’y mariing kulata ng riple ng isang pasista ang tinanggap ng kanyang noo.  Biglang nagdilim ang kanyang paningin at naramdaman niya ang pagbulwak ng sariwang dugo sa kanyang noo.  Sumubsob siya sa lupa.  Umugong ang kanyang pandinig, halos kasabay ng ugong ng isang sirena, at nawalan siya ng ulirat.

Makirot pa rin ang nabebendahang noo nang magmulat ng mata si Ka Totoy sa ospital.  Isang babae, maaliwalas ang mukha, ang una niyang nakita.  Nakangiti ito sa kanya habang inaayos ang puting kumot na nakabalot sa kanyang katawan.

“Sina Ka Tonyo, ano’ng nangyari sa kanila? Sina Aleng Menang at Dencio, ang iba pang kasama, nasaktan ba sila?”  sunud-sunod na tanong ni Ka Totoy.

“Nasa kabilang ward sila, “tugon ng babae.  Sampo kayong sugatang dinala ngayon.  Pero ‘wag kang mag-alala, tuloy pa rin ang welga.”

Iyon ang simula.  Sa loob ng tatlong araw na pagkatigil niya at ng iba pang manggagawa sa ospital ay naroon si Ka Anna at ang iba pang kabataang aktibista na sumuporta sa welga ng mga manggagawa sa kanilang pabrika. Madalas, nagdadala ang mga ito ng pagkain at iba pang pangangailangan, kasabay ng walang sawang pakikipaghuntahan sa kanila.  Sa mga huntahang ito  nalaman ni Ka Totoy na si Ka Anna ay isang estudyante sa isang unibersidad sa Maynila, nag-iisang anak ng isang karaniwang pamilya.

Nang magbalik si Ka Totoy sa hanay ng mga nagwewelgang manggagawa ay naroon pa rin si Ka Anna at ang mga kasama.  Halos maghapon at magdamag, ang mga ito’y walang sawang nakikipagtalakayan sa mga manggagawa, tumutulong sa mga gawain at pangangailangan, nakikipagbiruan o nagtatanghal ng maiikling dula.

Sa mga aktibistang ito niya unang narinig ang mga salitang imperyalismo, pyudalismo, burukrata-kapitalismo at marami pang suliraning panlipunan na dati-rati’y banyaga sa kanya.  Ipinaliwanag ng mga ito kung bakit malakolonyal ang malapyudal ang lipunan.  Sa lahat ng ito, si  Ka Totoy at ang mga kasama’y naging mahusay na estudyante. Sa mga talakayan ay lagi silang aktibo sa  pagtatanong sa mga bagay na hindi gaanong nauunawaan. At napagtagni-tagni ni Ka Totoy ang lahat.  Naging maliwanag sa kanya kung bakit parang iisa ang mukha ng mga taong nakasalamuha at nakatagpo niya sa bukid at sa lunsod, at kung paanong ang mga problema ng mga taganayon at tagalunosd ay hindi magkakahiwalay, manapa’y iisang mukha lamang na dulot ng pagsasamantalang likha ng mga imperyalistang Amerikano, panginoong maylupa at burukrata-kapitalista.

Dahil sa matatag na pagkakaisa ng mga manggagawa, nagtagumpay ang kanilang welga.   Sumuko ang kapitalista.  Hindi nagawang buwagin ng mga upahang pasista at eskirol ang moog ng pagkakaisang itinatag nila sa loob ng pabrika.  Muling tumakbo ang mga makina.  Muling nagkabuhay ang pabrika.  Gayunman, kahit na nagtagumpay sa kanilang mga kahilingang pang-ekonomya, ipinagpatuloy  ni Ka Totoy at ng iba pang manggagawa ang pakikisangkot sa Kilusan.  Nang maging maliwanag sa kanilang lahat ang mga suliraning kinakaharap ng masang Pilipino, namulat din sila sa katotohanang hungkag ang mag-isip lamang ng mabababaw na kalutasan sa kanilang mga problema.  Buong-puso nilang tinanggap ang katotohanang tanging sa paglulunsad ng rebolusyon mapalalaya ang binubusabos na masang Pilipino.

Doon nagsimula ang puspusang pakikilahok ni Ka Totoy sa mga aksyong masa.  Walang sawa siyang nakipagtalakayan at nagmulat ng mga kapwa manggagawa.  Lalo niyang nadama ang kahirapan ng uring kanyang kinabibilangan kapag sumasama siya kina Ka Anna sa pagpunta at pakikipagtalakayan sa mga mamamayan ng mahihirap na pook sa Maynila.  Aktibo siyang lumalahok sa mga rali at demonstrasyon, kaisa ng libu-libong manggagawa, magsasaka at estudyante na nagwawagayway ng pulang bandila at paninindigan  sa mga lansangan.  Sa mga pangyayaring ito niya naranasan ang iba’t ibang anyo ng pasismo.  Saksi siya sa pagkasalanta ng maraming aktibista sa mga rali sa harap ng embahada ng Estados Unidos.  Nakita niya nang walang habas na ilugmok ng masinggan ang katawan ni Ka Liza Balando at maraming manggagawa sa harap ng Kongreso.  Naranasan niya kung paano siilin ng tirgas ang kanyang paningin at kung paano tumanggap ng lupit ng trantson ang kanyang katawan.  Ngunit kailanman, ang paninindigang pinanday ng mga taon ng paghihirap sa ilalim ng mapagsamantalang sistema ay hindi mahihilam ng gaano man karaming tirgas.  At ang kamulatang magsiwalat ng mga pandaraya, panlilinlang at karahasang ginagawa ng estado ay hindi kailanman mapalalambot ng  sanlaksa mang trantson.

 

“May ginawa akong kanta,” banggit ni Ka Anna kay Ka Totoy isang araw.  “Gusto mo pakinggan?”

Tumango si Ka Totoy. Kinuha ni Ka Anna ang gitarang nakasabit sa dingding ng kanilang HQ, marahang tumipa at umawit:

Kung may buhay akong higit sa isa

Lahat ng ito’y ihahandog sa masa

Mapugto man bawat isa sa pakikibaka

Muli’t muling bubughan ng layong lumaya

 

May buhay pa bang hindi ihahandog

Sa masa’t kauring binubusabos?

Hindi ba’t tungkuling dalisay at lubos

Na sa pagsasamantala, ang masa’y matubos?

 

Ngunit kahit iisa itong aking buhay

Pipiliin pa ring ito’y mapaalay

Sa sambayanan na bayaning tunay

Buhawing gagapi sa mga kaaway

 

“Nagustuhan mo ba?” nakangiting tanong ni Ka Anna sa kanya.  Tumango si Ka Totoy.  “Maganda,” aniya, “napakaganda.”

“Itinuro ko ‘yan sa ibang kasama,” masayang sabi ni Ka Anna.

 

“Magpu-full time na ‘ko,” isang araw ay sinabi ni Ka Totoy kay Ka Anna nang minsan silang magkausap nang sarilinan.  “Hindi ko na masikmurang magtrabaho at buhayin pa ang mga lintang kapitalistang ‘yan! Isa pa, mas makapaglilingkod ako sa masa kung ibubuhos ko na sa kanila ang buong panahon at buhay ko.”

          Hindi umimik si Ka Anna.  Ngunit ito’y nakatitig sa kanya, nakangiti.

          Mula noo’y naging madalang na ang pagkikita nila ni Ka Anna.  Naging abala si Ka Totoy sa mga gawaing masa sa isang mahirap na komunidad sa Caloocan samantalang si Ka Anna ay nabigyan ng gawain sa ibang lugar sa Kamaynilaan.

Natagpuan ni Ka Totoy sa ganap na pagkilos sa hanay ng masa ang tunay na kaligayahan.  Sa lugar na kanyang kinikilusan, ang mga mamamayan ay nabubuhay sa kapaligirang hindi naangkop pamahayan ng tao.  Tulad niya, ang mga ito’y dati ring magbubukid na dumagsa sa lunsod upang hanapin ang kapalarang hindi naipagkaloob ng kanayunan.  Ngunit ngayo’y naririto silang nagsisiksikan sa mga barung-barong.  Ang anumang pagkaing isusubo ay pangkasalukuyan lamang.  Sa lugar na ito, nagtagpo ang halos lahat ng uri ng tao na sinasabing “isinusuka ng lipunan,” ang masa ng mamamayang siyang nagpapasan sa gabundok na kahirapang idinudulot ng pagsasamantala ng mga imperyalistang Amerikano sa pakikipagsabwatan ng mga lokal na naghaharing uri.

          Sa pook na ito, ang mga mamamayan ay walang anumang pag-aari maliban sa kanilang lakas-paggawa.  At ang tanging pananggalang nila sa pagsasamantala ay ang matibay na pagkakaisa.  Sa mga taong ito ginugol ni Ka Totoy ang kanyang buong panahon.  Ang paghihirap ng mga maralita ng lunsod ay buung-buo rin niyang naramdaman.  Nagpaliwanag siya hinggil sa ugat ng kahirapang dinaranas nila hanggang sa maorganisa ang mga mamamayan.  Kaya’t nang tangkain ng isang mayamang negosyante na gibain ang mga bahay ng masa upang pagtayuan ng isang bagong gusali, nabigong makatuntong man lamang sa bukana ng komunidad ang mga upahang sundalo at maton na inatasang manggiba at manakot sa mga mamamayan.   Buung-buo ang loob ng mga mamamayan na humarang sa landas ng mga upahang sundalo at maton.  Maging ang mga buldoser ay nagmistulang asong bahag ang buntot sa harap ng mga mamamayang nahahandang magbuwis ng buhay maipagtanggol lamang ang lupang kanilang tinitirhan.  Sapagkat ang magtungo  ng ulo sa ganitong pagsasamantala ay isang karuwagan.  Walang silbi ang buhay na iniukol  lamang sa habambuhay na pagtango at pagsang-ayon.

 

Dalawang buwan bago ipataw ang batas militar, pinasok ni Ka Totoy ang pinakamataas na yugto ng pakikibaka: tumungo siya sa kanayunan.

          Sa isang bahagi ng lalawigan ng Quezon, kabilang si Ka Totoy sa mga Pulang mandirigma na nag-organisa ng mga mamamayan para sa armadong pakikibaka.  Maraming tao na rin naman nang lisanin niya ang kapaligirang tulad nito, ngunit ang lahat ay halos walang ipinagbago.  Sa halip pa nga’y lumala ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa.

          Naging masigla ang pagtanggap ng mga mamamayan sa mga Pulang mandirigma.  Sa isang baryo na kinikilusan ng yunit na kinabibilangan ni Ka Totoy, nakiisa ang masa sa mga layunin ng Bagong Hukbong Bayan.  Nakita nila sa Bagong Hukbong Bayan ang pag-asa at ang sariling lakas na taglay nila.  Dahil  sa mainit na pagtangkilik na ito ng masa sa mga Pulang mandirigma, malaya at ligtas na nakakilos ang yunit ni Ka Totoy.  Maraming pagkakataon na ang Pulang mandirigma ay makikitang tumutulong sa paglilinis ng bahay, paggapas ng palay, paglilinang ng bukid.  Halos araw-araw ay nakikipagtalakayan ang mga ito sa masa.  Upang masugpo ang mga manliligalig sa masa, nilipol ng mga Pulang mandirigma ang masasamang elemento sa baryo at unti-unting sinugpo ang pagmamalabis ng mga pasistang sundalo sa kalapit na bayan.  Ang mga Pulang mandirigma ang naging matalik na kaibigan ng masa.

 

Nang ipataw ng pasistang diktador na si Marcos and batas militar, nakarating kay Ka Totoy ang balitang isa si Ka Anna sa libu-libong aktibista at manggagawang dinakip, pinahirapan at ibinilanggo ng diktadura.  Gayunman, nagawa niyang padalhan ito ng sulat sa loob ng bilangguan na nagsasaad ng pangungumusta, pagbibigay ng lakas ng loob at mga pangungusap na nagpapapatatag ng paninindigan.  Sa dakong huli ng liham, ipinahayag ni Ka Totoy ang tunay niyang damdamin kay Ka Anna na hindi nagawang maipagtapat ngunit maalab, tulad ng pagmamahal na kapwa nila iniukol sa naghihirap na sambayanan.

Napuspos ng kaligayahan si Ka Totoy nang makatanggap ng sagot na liham mula kay Ka Anna.  Sa kanyang liham, sinabi ni Ka Anna na ang nangyari sa kanya at sa iba pang kasamang ibinilanggo ng pasistang rehimen ay isang likas na aksyon lamang ng isang nauulol na rehimen na wala nang iba pang tutunguhin kundi ang pagbagsak.  Binanggit din nito sa liham na ang nangyari sa kanila ay maliit na bagay lamang kung ihahambing sa pagdurusang dinaranas ng milyun-milyong Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa.  Nasa dakong huli ng liham ang sagot ni Ka Anna sa pagtatapat ni Ka Totoy.  Maikling-maikli lamang ito ngunit sapat na upang lalong sumigla ang Pulang mandirigma.

Nang mga sumunod na buwan, naging lalong mahigpit ang kampanyang militar ng mga pasistang sundalo.  Gayunman, nagawa itong maiwasan ng mga Pulang mandirigma dahil sa ganap na pagtangkilik ng masa.  Patuloy na nakakilos sa hanay ng masa ang mga Pulang mandirigma at nakapagtatag ng mga base.  Gayunman, nakatanggap pa rin sina Ka Totoy ng mga balita hinggil sa kalupitang dinaranas ng mga mamamayan sa mga baryong napagsususpetshang tumatangkilik sa Bagong Hukbong Bayan.  Maraming kalalakihan at kababaihan ang ibinibilanggo o kaya’y walang-awang pinapatay ng mga reaksyonaryong pasista ng estado sapagkat tumatanggi ang mga itong ipagkanulo ang mga Pulang mandirigma.  Sa kabila nito, ang patuloy na paglawak ng pwersa ng Bagong Hukbong Bayan ay pagpapatunay lamang na maging ang kamatayan ay magagawang hamakin na masa matamo lamang nila ang kanilang kalayaan.

Dahil dito’y lalong naging matapang laban sa kaaway ang yunit na kinabibilangan ni Ka Totoy.  Sa tulong ng mga mamamayan ay matagumpay silang nakagpagsagawa ng mga pananambang at pananamsam ng mga armas ng kaaway.  Sa mga baryong kanilang nadaraanan, mainit na pagtanggap ang ipinagkakaloob sa kanila ng masa.

 

Pagkaraan ng ilang buwan, tumanggap si Ka Totoy ng balita na si Ka Anna at dalawa pang kasamang bilanggo ay matagumpay na nakatakas sa kanilang piitan.  Napuspos ng kaligayahan si Ka Totoy at mga kasamang Pulang mandirigma.  Gayunman, ang kaligayahang ito ay nahalinhan ng kalungkutan nang pagkaraan ang dalawang buwan ay  tanggapin niya ang balitang isa si Ka Anna sa mga nasawing Pulang mandirigma nang makipag—engkwentro ang mga ito sa isang kompanya ng pasista na nagsagawa ng pagkubkob  sa Bagong Hukbong Bayan.

Matagal ding nananatiling nakabaon sa puso ni Ka Totoy ang kalungkutang idinulot ni kamatayan ng mandirigmang minamahal.  Ngunit ang kalungkutan ito ay napapawi rin sa pagkaunawang ang ibinuwis na buhay ni Ka Anna ay napaukol sa isang dakilang layunin: sa pagpapalaya ng sambayanan.  Alam ni Ka Totoy, ang kamatayan ay bahagi lamang ng pakikibaka.  At batid niya,  magkaroon man si Ka Anna ng dalawa o tatlong o isandaan mang buhay—tulad ng inaawit nito noon—ito’y buong-puso pa ring iaalay sa paglilingkod sa sambayanan.  At alam niyang kailanma’y hindi malilimot ng masa ang pagpapakasakit ng mga mandirigmang tulad ng kanyang itinatangi.

 

“Ka Totoy, Ka Totoy,” ang marahang paghaplos sa kanyang mukha ng  paslit na kalung-kalong ang pumukaw sa pag-iisip ng Pulang mandirigma. “Inaantok na ‘ko e. tulog na ‘ko ha?” nakangiting paglalambing nito sa kanya na ang mga mata’y hindi na halos maidilat sa antok.  Napangiti rin si Ka Totoy; masuyong hinimas ang ulo ng paslit, pagkaraa’y maingat na kinarga patungo sa bahay nito.  Nagsisunod ang iba pang paslit.

Maliwanag ang buwang tumatanglaw sa dinaraanan ni Ka Totoy at ng mga paslit, at ang kanilang mga anino’y mala-higanteng lumukob sa ginintuang uhay ng palay na nakatakdang anihin kinabukasan.  Sa gilid ng mga pinitak, nagsasayaw ang mga bulaklak ng talahib sa awit na inihahatid ng hangin sa paligid.  Ang mga mamamayan ng Baryo Tudling ay nakikisaliw sa pag-awit ni Ka Lerma.

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1