Sa Kabisayaan: Si Ka Luming, ang Rebolusyong
Agraryo, at ang Armadong Pakikibaka

 

KYAPO, MAYNILA. ENERO 1978.  Isang dalagita, 17-taong gulang, ang nakatanggap ng liham mula sa ama.  Dalawang taon nang namamasukan ang dalagita bilang katulong sa bahay, at ngayo’y pinauuwi na siya ng ama sa kanilang baryo, isang liblib na pook sa isang probinsya sa  Kabisayaan.

Ang liham ay nagsasaad ng tungkol sa kilusan, rebolusyon—mga ideang hindi masapol ng pang-unawa ng nagugulumihanang dalagita.

Tulad ng milyong nagdarahop na kababayan, nagpaalam siya noon sa mga magulang upang “maghanap ng mainam na buhay” sa Maynila.  Sa loob ng dalawang taon, mula sa kaunting kita ay walang patid ang pagpapadala niya ng tulong sa mga magulang.  Pang-apat sa pitong magkakapatid, batid niyang anumang perang ipadala niya ay napakahalagang bagay para sa pamilya niyang mababang panggitnang magsasaka.

Maalwan na para sa kanya ang pamumuhay sa lunsod.  Hindi nga ba’t pagkarawal-dawal na buhay sa baryo ang “pinagtagumpayan” niyang alpasan?  Yao’y buhay ng patuloy na pagkabaon sa utang, gutom pagkapangaw sa lupa, di makatarungang partihan sa ani, pagsisilbi nang walang bayad sa malalaking bahay ng mga panginoong maylupa, kamangmangan na hindi naman ginusto ng mga naghihikahos na magsasaka.  Ano’t ngayo’y pinababalik siya sa tinakasang kalagayan?  At ano itong kilusan, ano itong rebolusyon na binabanggit ng ama?

 

Baryo Kaigangan, Hilagang-kanlurang bahagi ng isang probinsya sa Kabisayaan. Pebrero-Hunyo 1978.  Pinagpapaliwanagan ng kanyang ama si Luming, ang dalagita, ng tungkol sa kilusan.  Sa harap-harapang pag-uusap nilang mag-ama, wala  pa rin siyang gaanong maunawaan sa ipinahahayag ng matanda.  Akala niya, ang mga ideang namumutawi sa mga labi ng ama ay tungkol sa Philippine Benevolent Missionary Association, isang relihiyosong organisasyong nagrerekluta ng mga magsasaka na pinagkakakwartahan ng samahan matapos mapapaniwala sa layunin nito.

Inabot ng mga isang linggo ang gayong pakikipag-usap kay Luming hindi lamang ng ama kundi pati na ng kanyang ina, pero hindi pa rin kumikintal sa kanyang kamalayan ang sinasabi ng mga magulang.  Dahil dito, binalak niyang lumuwas na naman ng Maynila. Pero nang panahong yaon ay walong baryo na ang naorganisa ng Partido sa hilagang-kanlurang bahagi ng probinsya nina Luming,  Kabilang na ang Baryo Kaigangan.  Kayat sa bandang huli ay nagkahugis sa kanya ang rebolusyon na bukambibig ng kanyang ama, na nang panahong yao’y myembro na, kasama ang asawa, ng asosasyon ng mga parag-uma (magsasaka) sa Baryo Kaigangan.  Nasaksihan ni Luming, narinig, nadama, unti-unting nagagap ang rebolusyon: sa masikhay na pagkilos ng kapwa kabataan, sa mga rebolusyonaryong awiting inihahatid ng hangin sa mga payag (dampa), kabataan sa mga gawain sa baryo, sa maalab at masususing pag-aaral at talakayan sa payag mismo nina Luming.

Sa Baryo Kaigangan nagsimulang kumilos si Ka Luming.

Bagama’t nagnanais na siyang lumahok sa rebolusyon, hindi karaka-rakang tinanggap si Ka Luming sa grupo ng kabataan sa kanilang baryo.  Nagbanta pa mandin siyang baballik sa Maynila kung hindi siya isasama sa kilusan.  Pero maging ang mga nakababata niyang kapatid, lalabindalawahin at lalabingapating taong gulang, na noon ay kasapi sa kilusan, ay hindi naapektuhan ng gayong pananakot.  Sa halip, sinabi  nila na kailangang patunayan muna ni Ka Luming na ganap na niyang tinatalikdan ang anumang burges na ambisyon.  Sapagkat sa loob ng dalwang taong ipinamalagi niya sa lunsod, di nga kasi ay hinawahan siya, kahit paano, ng mga burges na paniniwala at gawi.  Hanggang sa isama siya sa isang pulong pag-aaral na kinapapalooban din ng pamumuna at pagpuna-sa-sarili, isang sesyong tanong-sagot na uminog sa usaping “Bakit madilim ang kinubukasan ng kabataan?”

Ang pulong na iyon ang nagsilbing diklap para maliwanagan si Ka Luming at simulan niyang baguhin ang kanyang pananaw sa buhay, isang klase ng pananaw na mauugat sa malakolonyal at malapyudal na kaayusan ng lipunang Pilipino.  Anupa’t ang ginanap na PPS ay nagbigay-liwanag sa kanya hinggil sa mga naging pagkakamali niya, hinggil sa mga reaksyonaryong idea at gawi, tulad ng pag-asa sa swerte, paghahangad sa kung anu-anong luho, bulag na pagtalima sa awtoridad, pagiging makasarili at iba pa.

Di naglao’y masinsinang kinausap si Ka Luming ng isang kabataang kasama.  Wika ng kanyang ama sa kasama: “Imulat mo nga itong anak ko.” Nakatutuwa na ang patanong niyang sagot:” Bakit, natutulog ba ako?”

Tatlong masasaklaw na paksa ang tinalakay at pinag-ugnay-ugnay ng kasama: 1) ang pyudal na pagsasamantala, na isinakongkreto ng kasama sa karanasan ni Ka Luming bilang katulong sa bahay, 2) ang tatlong saligang suliranin ng Pilipinas—ang imperyalismong Estados Unidos, pyudalismo at burukratang kapitalismo 3) ang mababang pagtingin sa kababaihan sa lipunang Pilipino.

Sa bahaging ito ng buhay nin Ka Luming, ayaw na niyang balikan ang “maginhawang” buhay sa Maynila, buung-buo na ang kanyang pasya na ihandog ang sarili sa kapakanan ng masa, sa rebolusyon.

Bilang masang aktibista sa mga pwersang pinakikilos ng grupong pang organisa ng kabataan (GPK) sa Baryo Kaigangan, tumulong si Ka Luming sa mga aktibidad na pang-ekonomya: mga gawaing bayanihan sa komun nga uma (sakahang komunal) na pinamamahalaan ng GPK.  Isa sa mga komun nga uma na kinilusan niya ay ang kapirasong lupa na buong-pusong ipinagkaloob ng kanyang pamilya sa GPK.  Sa katunayan, dito siya unang kumilos.

Bago sinimulang pangasiwaan ng GPK ang naturang komun nga uma, pinulong muna ng grupo ang masang kasapian nito.  Sa idinaos na miting, ipinapaliwanag sa buong kasapian ang kahalagahan ng komun nga uma.  At batay sa kakayahan ng myembro, nag-ambag siya ng binhi o butil ng kung anumang pananim.  Sa kolektibong atmospera sa komun nga uma, puspusang nakipagbayanihan si Ka Luming sa paggamas at sa pagtatanim ng palay, balinghoy (kamoteng-baging) mais, kamote at gabi.  At sa pag-aani ng bunga ng kanilang kapit-bisig na pagkilos.

Pangunahing pinag-ukulan ng produkto ng komun nga uma ang Partido at ang hukbong bayan.  Bukod dito, malinaw na layunin ng komun nga uma na makatulong sa pangangailangang pang-ekonomya ng masang parag-uma.

Sinasabi, halimbawa, ng mga panggitnang parag-uma (ang saray ng uring magsasaka na kinabibilangan ng pamilya ni Ka Luming) na ang pagkakaloob nila ng lupa upang gawing komun nga uma ay para sa interes nila mismo.  Nauunawaan nila at ipinagkakapuri ang sakripisyo ng mga kasama, lalung-lalo na ng hukbong bayan, sa pakikibaka para sa kapakanan ng nakararaming inaaping uri na kinabibilangan nila, para sa pagtatag ng isang pambansa at demokratikong lipunan na siyang minimithi ng masa ng sambayanan: sa Baryo Kaigangan, sa Kabisayaan, sa buong Pilipinas.  Hindi na pansariling interes lamang ang kanilang iniintindi: higit sa anupamang konsiderasyon, nakikita nila ang pangangailangang magpondo ng pagkain para nakararaming maralitang  parag-uma, sa hukbong bayan, sa Partido, sa buong Kilusan.  Kung kaya’t anumang pag-aaring piraso ng sakahan ( karaniwang ikaapat na parte hanggang kalahating ektarya ang sukat) na labis na para sa kanilang pundamental na pangangailangang pang-ekonomya ay walang atubiling inihahandog nila sa rebolusyon.

Sa kaso ng organisasyon ng kabataan (nang sumapi si Ka Luming sa Kilusan, ang organisasyon ng kabataan sa Baryo Kaigangan ay nasa antas pa lamang ng grupong pang-organisa), itinuturing na mabisang paraan ang komun nga uma upang maumpisahang pakilusin at unti-unting pandayin ang kabataan sa baryo sa iba’t ibang aspeto ng gawaing pampulitika, pang-ideolohia at pang-organisasyon.  Sapagkat kaalinsabay ng paglahok sa mga aktbidad na pang-ekonomya sa komun ng uma, masigasig din silang nagdaraos ng mga pulong pag-aaral, nagrerekluta ng kabataan para sa binubuo noong asosasyon ng kabataan sa baryo (AKB), nagkukuryer, gumigiya sa mga kadre at Pulang mandirigma, naglilikas ng mga pagkain, gamot at materyal na pampropaganda, tumutulong sa pag-iimbestiga sa mga target ng operasyong militar ng hukbong bayan at tuwirang lumalahok sa mga operasyong ito.

Gawaing masa pa ang pangunahing tungkulin ni Ka Luming nang umabot sa antas ng komiteng pang-organisa ang organisasyon ng kabataan sa kanilang baryo.  Sa komiteng ito, nanungkulan si Ka Luming bilang tagapangulo.  Makaraan ang dalawang linggo, inatasan siyang magsilbing instruktor sa apat na GPK na binuo sa iba’t ibang sityo ng Bayo Kaiga-ngan.  Ginampanan niya ang tungkuling ito sa loob ng isang buwan, hanggang sa sumapit sa antas ng asosasyon ng kabataan sa baryo. Dito’y posisyon ng tagapangulo ang muling hinawakan ni Ka Luming.

Sa kabuuan, kulang-kulang sa apat na buwan ang panahong inuukol ni Ka Luming sa hanay ng kabataan sa Baryo Kaiga-ngan: apat na mabubungang buwan ng rebolusyonaryong pagkilos.

Si Ka Luming mismo ang humiling na kumilos na nang buong panahon, ibig sabihi’y hindi sa kanilang baryo lamang siya kikilos kundi pati na sa ibang baryo sa hilagang-kanlurang bahagi ng kanilang probinsya.  Bilang aktibistang kumikilos nang buong panahon, naging tungkulin niya ang mag-organisa ng masang parag-uma sa mga kanugnog na baryo.  Mula rito, sumampa si Ka Luming sa Bagong Hukbong Bayan.

 

Hilagang-silangang bahagi ng probinsya. Sa kalagitnaan ng 1976 hanggang sa kasalukuyan.  Hulyo 1978 nang pumasok si Ka Luming sa isang regular na iskwad ng hukbong bayan.  Magmula sa hilagang-kanluran na kinilusan niya bilang aktibista ay itinalaga siya sa hilagang-silangang bahagi ng kanilang probinsya.  Hinirang siyang opisyal mediko na siya niyang espesyal na tungkulin sa hukbong bayan hanggang sa kasalukuyan.

Nang maging Pulang mandirigma si Ka Luming, wala pang lokal na yunit gerilya (LYG) sa kanilang probinsya.   Bandang kalagitnaan ng 1978, itinatatag na ang mga lokal na komite ng Partido (LKP) sa buong probinsya.  Ang distrito na saklaw ng gawain ng isang LKP ay sumasakop sa anim hanggang walong munisipalidad.  Sa ngayon, bawat LKP sa probinsya ay mayroon nang LYG na sinimulang itatag noong hati ng 1979.

Bunsod ng katotohanan na sa kinikilusang lugar, ang pakikibaka—pang-ekonomya man, pampulitika o militar—sa antas nito at tindi, ay usapin ng  buhay at kamatayan, hindi kataka-taka na pagsapit ng Agosto 1978, anim na buwan lamang makaraang sumapi sa Kilusan, nanumpa si Ka Luming bilang kandidatong kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Unang hati ng 1979, mga dalawang buwan bago magbuo n g LYG, nang magtatag ang Partido ng mas malalaking yunit gerilya sa probinsay nina Ka Luming.  Sa kasalukuyan, si Ka Luming ay myembro ng isa sa mga yunit na ito nag nagsasagawa ng mga operasyong militar sa hilagang-silangang bahagi ng probinsya.  Tulad ng iba pang gerilyang kumikilos nang buong panahon (fulltime guerrilla fighter o FGF), sekundaryo niyang tungkulin ang gawaing masa.   Gawaing masa naman ang pangunahing tungkulin ng LYG na nagsisilbing pwersang pandagdag o panaklolo sa mas malalaking yunit sa panahon ng konsentradong operasyong militar na inilulunsad ng hukbong bayan.

Bukod sa mamayan niyang karanasang militar, tulad ng pananambang sa kaaway, paglipol sa masasamang elemento na bumibiktima sa masang parag-uma at nagpapahamak sa Kilusan, paglusob sa kampo ng kaaway at pagsamsam ng armas at iba pang kagamitang militar, marami ring matitingkad na karanasan sa gawaing masa si Ka Luming bilang gerilyang kumikilos nang buong-panahon.  Isa na rito ang karanasan niya sa muling pag-oorganisa sa tatlong baryo.  Sa tatlong baryong ito, inatasan ng isang LKP ang yunit ni Ka Luming na muling buuin ang organisasyon ng Partido at organisasyon ng masa na nalansag dahil sa mga kampanyang paggalugad at pagwasak ng kontra-rebolusyong militar ng pasistang diktadurang Estados Unidos.

Gumawa mula sila ng panlipunang pagsisiyasat sa tatlong baryo upang tukuyin kung sinu-sino ang dapat bumuo ng mga grupong pang-organisa.  Una nilang kinausap at pinagtuunan ng pansin ang batayang masa, ang masang parag-uma, ng tatlong baryo.  Sapagkat may karanasan na sa Kilusan ang masang parag-uma sa tatlong baryong ito, agad nilang tinanggap ang muling pag-oorganisa.  Sa kabilang dako, ang mga panggitnang elemento ay bahagya pang nanisi at sila umano’y pinabayaan ng Partido mula noong 1977 hanggang sa kalagitnaan ng 1978.  Ipinaunawa naman sa mga ito ang gayong “pagpapabaya” ay resulta ng matinding reaksyon mula sa kaaway.  Gayunman, naitatag nina Ka Luming ang mga komiteng pang-organisa pagkaraan ng dalawang buwan.

Sa mga baryong kinikilusan nina Ka Luming, nagsasagawa na ng iba’t ibang porma ng pakikibakang masa ang mga parag-uma kahit na ang organisasyon ng Partido sa mga baryong ito ay nasa antas pa lamang ng komiteng pang-organisa. Ganito ang kaso sa Baryo Naato.

Sa Baryo Naato, ang lahat ng sakahan ay pagmamay-ari ng isang despotikong panginoong maylupa, at di nga kasi, lahat ng parag-uma sa baryo ay aparsero (kasama).

Paano isinagawa ng Partido at ng hukbong bayan, sa marubdob na pagsuporta at pakikilahok ng masang parag-uma, ang paniningil sa mga krimen ng panginoong maylupa sa Baryo Naato?

Sa simula, inorganisa ng mga kadre ng Partido at ng mga Pulang mandirigmang kinabibilangan ni Ka Luming ang masang parag-uma sa baryo.  Ang naging bunga nito ay ang paghaharap ng masang parag-uma ng tatlong kahilingan sa panginoong maylupa: (1) ang pagtataas ng sahod ng mga trabahador sa uma (manggagawang bukid), (2) ang pagkakaroon ng makatarungang  partihan sa ani, at (3) ang pagbibigay-wakas sa pagsisilbi sa panginoong maylupa nang walang bayad kaugnay ng samutsaring gawaing-bahay.

Sa inorganisang pakikipagtuos sa panginoong maylupa, hiningi ng masang parag-uma na ang sahod sa pagtatanim at iba pang trabaho sa sakahan ay gawing P12 mula sa dating P4; na gawing 50%-50%, sa halip na 20% (trabahador sa uma)—80% (panginoong maylupa) at 25% (aparsero)—75% (panginoong maylupa), ang partihan sa ginapas na palay. At ipinahayag nila na hindi na nila maipahintulot ang manilbihan sa panginoong maylupa nang walang bayad: malinaw na pyudal na pagsasamantala ang libreng pagpapaigib ng tubig sa  masang parag-uma, pagpapakuha ng kahoy na panggatong, pag-alila sa mga anak nila at matatandang kamag-anak sa bahay ng panginoong maylupa, pagluluto para sa maluluhong handaan nito, lalo na kapag pista, at pagpapagawa sa kanila ng kung anu-ano pang trabaho.

Mangyari pa, hindi pumayag ang panginoong maylupa sa mga pagbabagong iginigiit ng masang parag-uma.  Magkahalo ang galit at takot nang sahihin nito:  “Lumalaban na ang mga demonyo!”

Tunay, lumalaban na nga ang mga “demonyo.”  Idinaos ang paghaharap ng petisyon bago magtaniman, at sapagkat ayaw ibigay sa kanila ng panginoong maylupa ang mga makatarungang kahilingan, hindi sila nagtrabaho sa sakahan nang panahong iyon ng taniman. Walang makuhang parag-uma sa ibang baryo ang panginoong maylupa sapagkat nagsasagawa rin ang mga iyon ng pakikibakang masa, kaya’t napilitan itong sakahin ang kanyang lupa.  Katawa-tawa ang tanawing tumambad sa masang parag-uma, at winika nila sa panginoong maylupa na hindi magkandatuto sa ginagawa:  “Sige, magtrabaho ka ngayon dahil wala ka nang mapagsasamantalahan.”  Makaraan ang dalawang buwan, tumalilis ang panginoong maylupa sa Baryo Naato.  Sa isang katiwala na lamang niya ipinamahala ang kanyang lupa.

Di nagluwat at nagsimulang magsaka muli ang masang parag-uma sa baryo.  Nang mag-anihan, nagsagawa sila ng Operasyon Sukot (Singil).

Sa operasyong ito, ang palay, halimbawa, na hindi pa naani ay palihim na ginagapas ng masang parag-uma sa gabi.  Ang nagiging paghahati-hati sa nakukuhang ani ay ganito:  25% sa hukbong bayan, 25% sa aparsero, 25% sa lokal na organisasyon ng Partido at 25% sa mga lumahok sa operasyon.

Hanggang sa kasalukuyan, ang ganitong operasyon ay isinasagawa hindi lamang sa Baryo Naato, hindi lamang sa Kabisayaan, kundi sa bawat pook sa kanayunan na may naitatag nang organisasyon ng Partido at organisasyon ng masa.

Malinaw ang papel na ginagampanan ng kultura sa ginawang pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang parag-uma sa Baryo Naato.  Bago nila iniharap sa panginoong maylupa ang mga kahilingan at bago isinagawa ang unang Operasyong Sukot, nagtanghal ng isang presentasyong pangkultura ang yunit ng hukbong bayan na kinabibilangan ni Ka Luming.  Ang rebolusyonaryong pagtatanghal ay kinapalooban ng isang dula, mga awitin at tula.

Ang dula ay nakatuon sa pamilya ng maralitang parag-uma na namulat sa aping kalagayan hanggang sa tutulan ng ama at labanan, kasama ang masa ng kauring parag-uma, ang pang-aapi sa kanila ng panginoong maylupa.  Umabot ang tunggalian sa puntong nagpatawag ng kontra-rebolusyonaryong tropang militar ang panginoong maylupa.   Nandahas ang mga ito sa masang parag-uma, nanghalay, at pinatay ng mga ito ang ama ng pamilya.  Sa hulihan ng dula, nakaharap sa masang manonood na kinabibilangan ng mga parag-uma ng mga karatig-baryo, tumula ang ina ng naulilang pamilya, nanghihimok sa naroroong masang parag-uma na makipaglaban para sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Ang gumanap sa papel ng ina?  Si Ka Luming.

Totoong mahirap ang mag-organisa at magmobilisa para sa rebolusyon, pero kapag lubus-lubusan ang suporta at pakikisangkot ng masa, sanhi ng pagkamulat hinggil sa dinanas na pagsasamantala at kaapihan at ng determinasyong magtatag ng isang malaya at demokratikong lipunan, nagiging mabilis ang pag-unlad ng organisasyong at pagsasakatuparan ng gawain ng Partido at ng hukbong bayan, ang paglikha at pagpapatatag ng mga sona at baseng gerilya, ang pagpapatingkad ng rebolusyong agraryo, ang pagpapalawak at pagsusulong ng kapangyarihang pampulitika ng masa.  Nagiging kagyat ang pagkakamit ng mumunting tagumpay na siyang nagbubunsod ng mas malalaking tagumpay: rebolusyonaryong tagumpay ng Partido, ng hukbong bayan at, higit sa lahat, ng masa ng sambayanan: sa Baryo Kaigangan at Baryo Naato, sa Kabisayaan, sa buong Pilipinas.

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1