KASAMANG ARCIE AT EDITH

Karaniwang Tao ang Nagiging Kawal

 

SA ISANG LUGAR ng sonang gerilya ng Hangganan ay nagtipun-tipon ang mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at mga kabataang aktibista at masa upang magdaos ng isang pulong parangal para sa dalawang mahal na kasamang nasawi nitong Setyembre 26, 1979 sa sitio Bukal ng Katimo, Tagkawayan, Quezon.

Ang pagpaparangal na ito ay pinaghandaan ng mga kasama sa pamamagitan ng pag-aalay ng tula at rebolusyonaryong awitin at paglalahad ng kasaysayan ng dalawang magiting na martir ng sambayanan.

Sila’y dalawang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na pinaslang sa pinag-iibayong dahas at pagmamalupit ng isang rehimeng walang ibang patutunguhan kundi ang sarili nitong pagbulusok at paglalagablab naman ng digmang bayan.

 

Si Kasamang Edith

Labing-walong taong gulang lamang si Kas. Edith nang sumampa sa hukbo at nagtataglay na ng pamantayan ng isang mandirigma.  Nagmula siya sa mababang panggitnang magsasaka.

Mula sa pagkabata ay lumaki siya sa prontera.  Ang sinasaka ng kanyang ama ay isang parselang lupa na may ilang pananim na niyog na maliliit pa.  Sa anim na magkakapatid, ikatlo siya sa panganay at sa kabila ng pagdarahop ng buhay ng magsasaka siya ay nakaabot ng unang taon sa mataas na paaralan.

Kumilos ang Bagong Hukbong Bayan sa kanilang baryo noong 1975 at si Kas. Edith ay napasanib sa grupo ng kabataan.  Napasentro ang kanyang pamilya nang nagkaroon ng operasyon at nabulabog ng kaaway ang kanilang baryo.

Nang muli siyang maugnayan ng mga sumusunod na taon buong sigasig siyang tumulong sa hukbo kahit na ang kanilang baryo ay sentrong kampo ng nag-ooperasyong reaksyonaryong tropa ng diktadurang E.U.-Marcos.  Ang kanilang grupo ng kabataan ay nanatiling matatag, patuloy na nakipagsulatan at nakipag-ugnayan sa mga kasama.

Noong 1978 ay nagpahayag na siya ng pagnanais na sumampa sa hukbo.  Natupad ito nitong taon.  Napaloob siya sa isang pangkat ng Bagong Hukbong Bayan na kumikilos sa isang eryang patuloy na dumadanas ng matinding pananalasa ng hayop na hapon.

Balewala ang higpit ng kalagayan sa kanyang pagkilos.

Sa pagnanais niyang mapunan ang kakulangan niya sa karanasan sa gawaing masa,  seryoso niyang kinaharap ang gawain sa rebolusyon.   Kinakitaan siya ng kasigasigang matuto at mag-aral.

Sa Kasamang Edith ay isang tunay ng Pulang mandirigma na ambag ng kababaihan.  Ang paglahok ng kagaya niya sa pakikibaka ng mga uring pinagsasamantalahan at api ay mahalagang kontribusyon sa pagpapalaya sa mga hinahamak at mababa.

 

Si Kasamang Arcie

          Isa pang produkto ng rebolusyonaryong gawain ng Bagong Hukbong Bayan sa hanay ng kabataan sa baryo ay si Kas. Arcie, 21 taong gulang at nagmula sa maralitang magsasaka.

          Sa kanilang baryo, una siyang naugnayan noong taong 1979 ng iskwad ng BHB.

          Hindi pangkaraniwan ang kanyang pagsasabalikat ng gawain.  Bilang kuryer, hindi man inaatasan ay nagkukusa siyang mapahusay ang linya ng komunikasyon ng hukbo.  Maaasahan din niya sa paggabay sa iba pang kabataan sa baryo.

Nang dagsaan ng bayarang tropa ng kaaway ang kanilang baryo, masigasig pa niyang ipinagpatuloy ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga kasamang kumikilos sa baryo.

          Noong 1978 nang uminit siya sa mata ng kaaway ay isinama na siya ng iskwad.

          Maraming krisis ang dinaanan ng pamilya niya sa panggigipit ng pasistang sundalo ng rehimeng E.U.-Marcos.

          Walang pakundangang naghasik ang mga ito ng karahasan.  Ang kanyang ama ay pinilit kunan ng impormasyon at nang wala itong masabi ay walang awang tinrato itong parang hayop.  Ang kanyang walang muwang na kapatid ay binugbog pa ng kaaway.

          Nang  sinundang umaga ay tinakot naman ng mga hapon ang pamilya ng kanyang kapatid na babae.  Kinubkob ang kubo nila at sa matinding pananakot  ng mga pasista ay nasiraan ng bait ang kanyang kapatid.

          Ano ginawa ni Kas. Arcie?  Sa halip na matakot, lalo lamang ito nagpasiklab sa taglay na poot niya sa ipinapataw na pang-aapi ng kasalukuyang sistema.

          Lalo na itong nagpasidhi sa kanyang determinasyong isulong nang walang pasubali ang armadong pakikibaka para sa pagpapabagsak sa reaksyonaryong rehimen ng E.U.-Marcos.

          Sa ilang pagkakataong napaharap siya sa engkuwentro naging katangi-tangi ang kanyang katapangan at katatagan ng loob. Ipinakita rin niya ang mapagkasamang pag-aalala sa kaligtasan ng iba pang mandirigma.

          Ang lahat ng iskwad at pangkat ng Bagong Hukbong Bayan sa kani-kanilang yunit ay nagdaraos ng pagpaparangal sa dalawang martir ng bayan.

Kung gaano kahigpit niyakap at tinanganan nina Kasamang Arcie at Edith ang paglaban ng mga uring anakpawis laban sa imperyalismong E.U., peudalismo at burukrata kapitalismo, ganito rin hahawakan ng Partido, Bagong Hukbong Bayan, at masa ang pagpapatuloy sa naiwan nilang adhikain.

          Pagkatapos ng pulong parangal, dalawang kabataang aktibista ang nag-usap-usap at nagmungkahing, “Kailan tayo sasampa at nang may kapalit naman ang dalawang kasama.”

 

Hosted by www.Geocities.ws

1