KA LOWIE
Liham mula sa Masa
Enero 17,
1979
MGA
KASAMA,
Ganito ko sisimulan ang naganap nsa aking buhay. Noong 1968 hanggang 1969,
ako ay mayroon nang asawa at isang anak.
Maayos ang takbo ng aming pamumuhay. Maaaring gitnang-panggitnang magsasaka kami noon dahil may ilang ding hayop na aming naipagbibili kung kami ay kinakapos sa
pagkain. Subalit may problema sa aming baryo. Ang
nakararami ay pawang magagaling na lalaki sa
kasalbahian, iyong mga manghihilang lubid na may kakabit na kalabaw. Naririyan din ang mga manloloob at mga
kriminal.
Kung para sa akin
noong panahong iyon ay labis ang pagkasuklam ko sa mga ganitong tao ngunit
sumapit sa akin ang ako ay mapabilang sa mga masasamang elemento ito. Ganito ang pangyayari. Kami ay pinagnakawan din. Ang mga kinuha sa
amin ay mahihinang bagay lamang—isang latang may tinapay ng bata, mga itlog ng
manok at ang aking balisong. Labis kong ikinagalit ito at ang naisip kong paraan ay
makipagbarkada sa kanila dahil ang buong akala ko noon
ay hindi na magbabago ang ganoong takbo ng lipunan. Inumpisahan ko na
ang pakikipag-inuman sa inaakala kong mga utak ng sindikato at sa mga bata-bata
nila hanggang sa ako ay napag-abutan ng kalabaw at hindi ko matanggihan dahil
may baril sila. Mula noon kapag may mga lakad sila ay nakikipag-intindihan sa akin at sinasabi ko sa kanila ang mga hindi dapat
galawin. Noon din nag-umpisa ang
pagkaloko-loko ng aming pamumuhay.
Naubos unti-unti ang aming hayop dahilan sa
pakikipagbarkada at naging suliranin ako ng aking asawa.
Noong
1969 hanggang 1970, napag-isipan kong umiwas na sa
sindikato at magpanibagong-buhay. Ako ay
dumayo sa Laguna para magtabas ng tubo. Doon sa dalawang
taon kong pagtatabas ng tubo, katakut-takot na hirap ang aking
naranasan—nagtatabas ng tubong ulingin sa loob ng maghapon, maiksing pahinga sa
ilalim ng niyog o saging. Panay ang aming overtime. Hindi na sana
baleng ganoong kahirap ang aking mararanasan kung malaki ang kikitain. Ang kaso lang ang
halaga ng upa ng isang tonelada ay P4.00 lamang at walo o siyam na tonelada ang
aming maikakarga sa maghapon. Siyam
kaming tauhan sa isang trak kaya’t kadalasa’y hindi
umaabot sa P4.00 ang kita ng bawat isa sa amin sa isang araw ng
nakababaling-likod na trabaho. Kaya
napilitan rin akong bumalik sa amin. Ngunit ayaw pa rin akong
patahimikin ng sindikato, kaya’t alis-balik ang naging buhay naming magpamilya
hanggang 1976.
Nang
taong ito, balitang-balita na kumikilos na ang NPA sa
aming mga karatig-baryo at galit na galit raw ang NPA sa mga
mangangalabaw. Ako ay pinapaalis na naman ng aking mga magulang at asawa. Ganito ang aking naging katugunan: “Hindi ako aalis. Saan man ako paroroon kung
mabigat talaga ang aking nagawang kasalanan ay pilit akong hahanapin upang
patayin. Bago man lang maganap ang lahat
ay mag-uusap muna kami.”
Hanggang sa naugnayan ako ng mga kasama at ipinagtapat ko ang aking
nagawang pagkakasala. Doon
ko nakita kung gaano kahusay umunawa ang mga kasama at
hanggang ako ay namulat unti-unti sa katotohanang maaari at kaya nating baguhin
ang ating kapaligiran at ang ating sarili.
Sa ngayon ay patuloy akong kumikilos sa aming
baryo upang makatulong sa pagpapalawak ng ating kilusan.
Sa pakikibaka,
Ka Lowie