ISANG PULANG MANDIRIGMA

Tambang

HUNYO 24, 1979. Madaling-araw.  Ginising kami ng aming iskwad-lider at mabilis kaming nagligpit ng aming mga higaan.  Di rin ako gaanong nakatulog kagabi dahil sa dami ng niknik na laging nanggigising sa amin at sa malimit na kahulan ng aso sa paligid.  Tiyak na nambubulabog na naman ang mga hayop na Scout Rangers sa kalapit-baryo.

Unti-unti nang lumalaganap ang liwanag sa aming kinatatayuan.  Pinakuha sa akin ng mga kasama ang gatas na nasa aking pak at agad ko itong tinimpla. Uminom kami dahil mamaya pa ang dating ng aming almusal.

Matapos ilinaw ang aming iskwad-lider ang aming gagawin, muli kaming pumuwesto sa napiling ambush site.  Pangalawang araw na ito ng aming pag-aabang sa kaaway.  Pagdating ko sa aking puwesto, pinatatag ko ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pantabing sa lugar.  Hindi na ako naghukay ng foxhole.

Napakaganda ng ambush site.  Nasa posisyong karet (letrang C) ang buong iskwad.  Tiyak na supot ang darating na kaaway at madali silang madudurog.

Sa tuktok ng burol na katapat namin ay nandoon ang dalawa pang kasama na siyang tumatayong look-out.  Sila ang magbibigay sa amin ng hudyat kung dumarating na ang kaaway.  Kitang-kita nila ang mga sasakyang dumaraan, mula bayan man o galing sa San Vicente.

Habang nag-aantay ng target, malalim akong nag-iisip. Una ko itong naranasan sa pananambang.  Tutoong nakasama na akong minsan sa isang operasyong simbad ngunit kakaiba ang katangian nito. Bagama’t nagkaroon na rin kami ng pagsasanay sa pagpapaputok nang sabay-sabay, di pa rin maalis ang katanungan ko na, “Ano kaya ang lasa ng tumatambang?” Minsan-minsang binubulabog ang pagmumuni-muni ko ng mga kagat ng niknik sa aking taynga.

8:45. Nang makita kong itinataas ng look-out ang malambong na sanga ng madre kakaw bilang hudyat na dumarating na ang mga kaaway, di ko maiwasang lumakas ang pintig ng puso ko.  Narinig ko ang pabulong na utos ng ikwad-lider:  “Maghanda at i-unsafe ang baril!” Maya-maya’y natanaw ko na sa kurba ng highway ang weapons carrier na mabilis na umaahon patungong firing line.  Pagtapat ng sasakyan sa aming team ay narinig ko ang sigaw ng aming CO (Commanding Officer) at umalingawngaw ang sabay-sabay na pagpaputok ng buong iskwad.

Nawala ang kaba ng aking dibdib nang makita ko na halos magtindigan ang mga kasama sa pagpapaulan ng bala sa sasakyan ng militar.  Parang ibinabaranda ng malakas na bagyo ang halos mawasak at butas-butas nang weapons carrier sa mismong gitna ng karet, kaya’t lalong gumanda ang aming pagpapaputok sa target. Nakatatlong  clip ako sa aking Garand nang maarinig ko ang hudyat ng pagtigil sa pagpaputok.

Nang may kumakaluskos sa loob ng sasakyan at may sumigaw ng, “Mayroon pang buhay!” agad pumutok ang isa pang bugso.  Nakiramdam ako sa susunod pang mangyayari at inaasahan kong may maghagis ng granada.

Subali’t tahimik ng ilang segundo ang kapaligiran at nang mapawi ang usok sa aming harapan, nahantad ang mga nangakabitin at nakabulagtang hapon sa kanilang sasakyan.  Sa tatlong minutong putukan ay wala man lang nakatalon sa kanila.

“Taliba!” ang sumuunod na komand na narinig ko.  Dahil isa ako sa mga naatasan sa gawaing ito, dali-dali kaming umakyat sa burol upang ipako ang tropang panaklolo sakali mang may dumating.  Tanaw na tanaw ko ang buong kabayanan at ang mga tao na wari ko’y pulos na nakatingin sa aming kinaroroonan.

Di ko maiwasang lumingon nang bumaba ang Abe para mag-cleaning.  Sumaisip sa akin ang nakaraang tambang sa Mapulot.  Dalawang mahal na kasama ang nasawi dito habang isinasagawa nila ang pag-cleaning.  May buhay pa pala sa mga kaaway nang magsimulang magsamsam ng mga baril ang mga kasama.  Kaya’t nakapaghagis pa ng granada ang kaaway.

Gayunman, malaki ang tiwala ko na di na muling mauulit ito.  Maging sa aming mga pagsasanay, pinapag-aralan kung paano ito gagawin.

Narinig ko ang paisa-isang pagpapaputok ng mga kasama sa mga nakabulagtang kaaway upang matiyak na patay na ang mga pasista.  Nang muli akong lumingon ay kitang-kita kong itinaas ng isang kasama ang unang armalite na nasamsam.  Napangiti ako at malakas na sumigaw sa aking kasama sa burol: 

“Tagumpay!”

Pinababa pa ang ilang mandirigma upang makatulong sa pagsamsam ng mga sandata at mga kagamitang militar.   Nang makuha na ang lahat ng dapat kunin, mabilis silang umatras at naiwan ang dalawa pang kasama upang sunugin ang weapons carrier.  Kailangang sunugin ito upang hindi na muling magamit ng kaaway.

Dahil sa aking katuwaan, nagmungkahi ako sa isang kasama na magpaputok at nang humudyat siya ay sabay kaming nagpaputok bilang palatandaan ng tagumpay ng aming opensiba.

Nang makapag-ipon kami sa itaas ng ambush site ay sabay-sabay kaming sumigaw ng, “Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!”

Habang umaatras, tanaw namin ang maitim na usok ng naglalagablab na weapons carrier.

Walong sundalo ang napatay namin.  Walo rin ang nasamsam naming armalayt.  Nakuha namin ang lahat nilang bala, granada, radyo at iba pang kagamitang militar.  Ang lahat ng ito ay dagdag na puwersa sa lumalakas nating hukbo.  Tiyak na tataas ang tiwala ng mga mandirigma sa kakayahan nilang lumipol ng kaaway.  Dagdag din itong morale sa mga mamamayan at tiwala nila sa hukbong bayan sa kakayahan nitong ipagtanggol ang kanilang kapakanan.

Dagdag na karanasan ito para sa akin.  Umaasa ako na marami pang tagumpay na opensiba ang aking masasamahan.

Kahit walang almusal, sasama uli ako!

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1