Magnanakaw

 

 

HINDI MAPALAGAY SI Boyet.  Dalawang araw na ang kampanya ng mga pasista para “kubkubin at lipulin” ang mga NPA na diumano’y  nagtatago sa kanilang baryo. Nang magsimula ang kampanya, pinaalis ng mga pasista ang mga mamamayan sa baryo at inilikas sa munisipyo.

“Huwag kayong babalik sa baryo hanggang hindi namin ipinag-uutos.  Iyan ay para  na rin sa iyong kabutihan,” sabi ng pinunong pasista sa mga mamamayan.  “Sinumang magtangkang bumalik sa baryo ay ituturing na tagasuporta ng NPA at darakpin o babarilin.”

Sa madaling sabi, dalawang araw nang hindi alam ng mga tao kung ano na ang nangyayari sa kani-kanilang tahanan.  Hindi nila mapigilan ang pag-usbong ng galit at paghihimagsik sa kanilang dibdib.

“Mamamatay ang aking pananim,” angal ng isang magsasaka.  “Walang magdidilig sa mga iyon.”

“Si Damulag ko’y baka nanigas na sa gutom,” sabi naman ng isa.

Gayon din ang ikinababahala ni Boyet.  Hindi niya malaman kung ano na ang nangyari sa alaga niyang inahin na bigay ng isang kaibigan niyang NPA.  Paborito niyang alaga iyon.  Balak niyang paitlugin iyon at paramihin para pagdating ng araw ay may maipaulam siya sa mga NPA na mapapagawi sa kanilang lugar.

Nang bandang tanghali ay nagpasiya si Boyet.  Mabilis siyang tumakbo patungo sa baryo nang malingat ang dalawang nagbabantay sa kanila.

“Hoy!” sigaw ng isang pasista nang mapansin siya.  “Saan ka pupunta?”

“Wala kang pakialam!” pasigaw na sagot ni Boyet.  Agad  siyang nawala sa paningin ng pasista.

Nakita ni Boyet ang mga bayarang pasista na nangakatago sa mga silong ng bahay.  Dahil halos tanghali na, ang iba sa kanila ay natutulog, at ang iba naman ay aantuk-antok.  Iniwasan niyang mapansin siya ng mga iyon.  Pakubli-kubli siyang tumakbo sa likod ng mga puno at halaman o kaya’y bumagtas sa mga tagong daan.

Tahimik na tahimik ang kanilang bakuran nang marating iyon ni Boyet.  Luminga siya sa paligid, hinanap ang alaga niyang manok.  “Krrruuuk!” tawag ni Boyet sa manok.  Nang wala siyang makita, nagtungo siya sa kanilang bahay.  Nasalubong niya sa hagdan ang isang matabang pasista.  May dala itong kawali sa isang kamay at sa kabila ay bitbit nito sa paa ang inahing alaga ni Boyet.

“Hoy, ano ang ginagawa mo rito?” tanong ng pasista.

“Hinahanap ko ang alaga kong manok,” sagot ni Boyet na nakatingin sa inahing bitbit ng pasista.

“Hindi mo ba alam na bawal sa inyong magpunta rito?”

Sa halip na sumagot si Boyet, tinanong niya ang pasista,  Hindi ba, mga NPA ang hinahanap ninyo?” E, bakit manok ko ‘yang hawak-hawak mo?”  Hindi nakaimik ang pasista.  “Ginagamit n’yo lang yatang dahilan ang mga NPA para nakawan kami.”

“Magtigil ka, babarilin kita!”  inis na banta ng pasista.  Binitiwan nito ang kawali at kinuha ang armalayt na nakasampay sa kanyang balikat.

“Hindi ako natatakot sa ‘yo!” sabi ni Boyet.

Biglang umalpas ang manok sa pagkakabitbit ng pasista.  Nagulat ang pasista at nawalan ng panimbang.  Pakalabog itong nalaglag sa hagdan.

Hinuli ni Boyet ang nakawalang inahin at nakatawang tumakbo.  Ngitngit na ngitngit na sinundan siya ng tingin ng pasista.

“Ha ha ha ha! Kung manok lang, kayang-kaya kayong ibagsak, paano pa kaya kung mga NPA ang kaharap n’yo?” ang bulyaw ni Boyet, at mabilis itong nawala sa pagitan ng mga puno at halaman.

 

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1