Sol
Engkwentro sa San Simon
NABASA MO NA siguro sa dyaryo ang nangyaring
engkwentro ng mga kasama sa mga kaaway noong Marso 14 [1978] sa San Pedro, San
Simon, Pampanga. Lima ang kasamang namatay. Bale ganito ‘yon.
Bandang
alas tres ng hapon ay may nagpaabot na masa sa mga
kasama na may hapon daw. Dumungaw ang isang kasama at nakita niya ang maraming hapon. Sabi niya, “Hapon!”
Anim ang mga kasama noon, tig-tatlo sa isang bahay. Ang
tukoy ng mga hapon ay ang post nina Ka Dare, Lee at
Baby; di nila alam na sa isang bahay na naroon naman ang tatlo pang kasama—Ka
Jake at dalawa pa. Hinagisan ng mga
hapon ng bato ang post nina Ka Jake at sinabing “Labas ang sibilyan!”; ang ginawa ng mga kasama ay pinalakas ang radyo. Pumanhik ang hapon
(sarhento) at binira ng kasama.
Napatay ang sarhento pero natamaan si Ka Jake sa
binti at balikat. Nakuha pa rin ni Ka Jake ang M-16 ng sarhento at nagkomand siya sa dalawa;
pinagpatong nila ang mesa at silya bilang panangga. Ang mga kasama naman sa
kabilang bahay ay nagpaputok agad pagdinig ng unang paputok ng mga kasama. Maya-maya ay binomba na
sila (2 bahay). Mas marupok ang post nina Ka Dare kaya
tagos na tagos ang M-79.
Bandang
alas 4.h. ay di na sumasagot putok ang mga kasama sa
isang bahay. Samantala sa post nina Ka Jake ay sa baba tumatagos ang M-79 (may
silong). Sinamantala
ng tatlong kasama ang pagdilim para makalabas ng bahay. Ang ginawa nila ay
pinagkaisahang papagdugtung-dugtungin ang kumot para gamitin nila pagbaba
(masyadong mataas ang bahay at maliit ang bintana). Kung tatalon sila ay
mararamdaman ng kaaway. Mahusay silang nakababa at inantabayanan si Ka Jake. Gapang ang ginawa nila. Nang maramdaman sila ng
kaaway ay pinaputukan sila. Galit
na galit ang isang kasama at sumigaw na, “Mga hayop
kayo! Bayaran lang
naman kayo!” Nagkomand si Ka Jake
na huwag nang sumigaw dahil mararamdaman sila. Nagkomand din siya na huwag nang gasinong magpaputok dahil
madali silang mauubusan ng bala. Mahusay ang koordinasyon nilang tatlo. Nakuha nilang makagapang nang malayu-layo rin. Nagpunta sila sa
bahay ng isang masa at nagpahinga doon.
Nanghihina na si Ka Jake noon dahil sa dami ng dugong nawala. Gumawa ang dalawang kasama ng pambitbit sana sa kasama pero nagpapaiwan na
si Ka Jake, di na raw niya kaya. Sabi
niya, “Umatras na kayo, iwan n’yo na ako; magiging
pampabigat lamang ako sa inyo. Paano
kung wala man lang matira sa atin, eh di wala nang babanat sa demonyo.” Ayaw talagang iwan ng dalawa ang kasama pero
dahil nga sa katayuan niya ay iniwan muna siya at
inayos ang pagkatago. Sabi ng dalawa,
“Bukas nang umagang-umaga ay ipapakuha ka namin sa
masa.” Umatras na ang dalawa at pinadala na ni Ka Jake
ang M-16 niya; iniwan na lang ang garand ng isa na nag-stick. Sinamantala ng dalawa ang pagkakataon habang
may mga kasamang nagpapaputok sa banda ng mga hapon
(nambulabog ang ibang mga kasama para makatulong sa mga kasama na maalis ang
konsentrasyon ng hapon sa pook ng kubkob).
Naghanap
ng bangka ang dalawang kasama para sana
sikapin ring maitawid si Ka Jake pero binabantayan ng hapon ang bangka. Ang isa sa dalawa ay
hindi marunong lumangoy kaya gumawa ng balsa (saha ng saging) ang kasama para
gamiting ng kasamang di marunong lumangoy.
Tatlo ang baril nilang dala: dalawang M-16 at M-2. Dahil nabibigatan ang kasama ay inilaglag na lang nila sa ilog ang baril at tinandaan na lang kung
saan inihulog (malulunod sila kung dadalhin hanggang makatawid. Nakahalata at naramdaman sila ng hapon kaya
pinaulanan sila ng punglo—ang damit nga pala nila ay inalis at ipinatong sa balsa (‘yon ang binaril ng hapon). Para
maalis ang konsentrasyon ng hapon sa kasamang nasa
balsa ay sumisid ang isang kasama at siya naman ang pinagbabaril. Dahil sa pressure ng
bala sa tubig ay inanod ang nasa balsa sa kabilang pampang. Nakaligtas ang dalawang
kasama. Ang
husay ng koordinasyon at determinasyon ng mga kasama.
Mula alas
tres ng hapon ay panay ang paputok ng mga hapon sa
lugar ng kubkob. Naghouse
to house kinabukasan ang mga hapon at nakita nila si Ka Jake (buhay pa siya).
Pinaulanan siya ng punglo hanggang mamatay.
Si Ka
Bora naman na nasa labas ng kubkob (nakakwarantine sa baryo) ay tumawid sa ilog sa Sta.
Cruz. Nakilala siya ng
CHDF at binaril nang walang laban (wala siyang baril) hanggang mamatay siya.
Kanina ay inilibing si Ka Baby (Marso 17). May bandila natin
(ng P) ang nakapatong sa kabaong niya; habang
nakaburol ay nagpatugtog ng kaset ng rebolusyonaryong awitin. Ang buong baryo at kalapit na
baryo ay nakilibing. Namumula
ang tanawin. Pula
ang suot ng karamihan at ang nakaitim lang ay ilang sa
pamilya niya. Ang daan ay may nakatusok na bandera na may pula’t itim. Inusong lang ang
kabaong niya. Ang mga
nag-usong ay pulos nakapula. Habang
inililibing ay nagpatugtog ng kaset ng rebong
awitin. May pulang istrimers na may lagay na “Makibaka! Huwag Matakot!” at iba pang
islogan…