LORENA BARROS

 

Mahal Kong Ina

 

6 Enero 1975

 

MAHAL KONG INA,

Maalab na pagbati sa inyong lahat nitong kapaskuhan at para sa iyo’y maligayang pagsalubong sa ika-pitong taon ng ating Partido.  Hindi ako nakapagpalabas ng sulat bago magpasko, pagkat mahirap ang biyahe (maalon ang dagat).  Subalit lagi at lagi kayong nasa ala-ala ko.  Nagpasko ako sa piling ng masa rito na bagaman bagong dating ako kung tutuusin ay parang anak na rin ang turing sa akin.  Napakahirap nila.  Nitong Pasko’t Bagong Taon ay kamote ang kanin pagkat walang bigas.  Mataas ang presyo ng bigas, gaas at iba pang bilihin subalit ang presyo ng kanilang mga produkto ay napakababa.  P1.50 ang isandaang saging, P1.80 ang kilo ng copra, ang kamote’y P3.00 isang balde.  Ang pasahe nama’y mataas rin.  Ngunit masaya ang Paskong ito para sa kanila kahit dahop pagka’t sa kauna-unahang pagkakataon ay matibay ang kanilang pagkakaisa.  Sama-sama ang selebrasyon.  Ambagan ng kung ano ang madadala, kaya’t marami-rami ring naihanda.  Bukod dito’y may hinaharap na taong di magiging malungkot pagkat sama-samang babalikatin ang gawain. Kaingin at pagtotroso, bukod sa pangingisda kung lantap ang dagat, ang hanapbuhay ng mga tao.  Napakahirap ng pagkakaingin.  Iilang linggo pa lang akong lumalahok sa gawaing paggamas ay sugatan na ang aking kamay at paa.  Di nuubusan ng sugat, may bago at bago.  At ito’y paggagamas lang.  Paglilinis lang ng nahawan na.  Lalo pa ang paghapay ng kahoy, pagsusunog, pagsusuleb, at unang paghawan.  Ang pagtotroso ay ganoon rin, buhay ang puhunan.  Malalaki ang mga puno at bago maibaba sa dagat ay halos mabali ang katawan sa pag-aaspike (levering) ng magtotroso.  Pagdating sa baba ay maglalagay sa concession guard upang huwag makumpiska ang troso.  Pagdating ng troso sa bayan ay maglalagay uli sa tao pa rin ng concession doon upang maipasok sa sawmill at pag naipagbili na ang troso’y aawasin na ang nautang habang ito’y hinihintay.  Kakaunti ang natitira.  Patong-patong ang pagsasamantala sa mga taong banat sa gawain ang katawan.  Kulang na pambili ng gamot kung magkasakit, kapos pa sa pag-aaral.  Kaya naman buong puso ang pagyakap nila sa rebolusyon.  Di magtatagal ay puputok na rin ang sandatahang pakikibaka rito.

Naisip ko lagi ang paghihirap ninyo pag nakikita ko ang masa rito.  Kumusta ang pasko ng mga bata?  Balitaan mo ako at pasulatin mo rin sila.  May task ka ba ngayon?  Patuloy ba ang pag-unlad ng kamulatan ng Tito Aling at ni Rodrigo?  Ikaw na ang bahala sa kanila.

Hanggang dito na lang muna.  Alagaan mo ang iyong sarili.  Huwag kang magpapabaya.  Mahal na mahal ko kayong lahat.

Ihalik mo ako kay Emil at balitaan tungkol sa kanyang ama.  Nakadalaw ba kayo? Ang pasiya ko nga pala hinggil sa aming relasyon ay ito: Kung sa pag-aaral ng komiteng pang-rehiyon ay kontra-rebolusyonaryo siya sa kanyang ginawa, automatiko ang aming diborsyo.  Huwag kang mag-alala sa aking kalagayang pang-emosyon.  Minsan lang ako naiyak, ulang patak pa, at said na.  Nagugulat nga ako’t halos di ako natinag.  Siguro’y dahil isang taon na kaming hiwalay, madali-dali nang matanggap ang final.

Nagagawa ko pang umunawa hinggil sa kung paano nangyari iyon sa kanya.  Hindi ako bitter.  Magaan ang aking isipan at hindi ako nagiging bagahe.  Nakatutulong ang mga kasamang nakakaalam.  Ang inaalala ko alang ay ang pinsala sa gawain, laluna sa Sorsogon.  Halos isang legend na siya roon.

O sige na talaga.  Sumulat ka.

                                                                             Sa tagumpay,

                                                                             Luz

 

Hosted by www.Geocities.ws

1