Virginia Altamonte

Kasama

 

“PASA BILIS, KASAMA,  marahang bulong niya sa lalaking nasa kanyang likuran at ang mensaheng yao’y inut-inot ding nakarating sa dulo ng pila nila.  Anim silang lahat, tig-iisang metro ang layo sa bawat isa at tahimik na tinatahak ang buhanginang landas patungo sa baryo ng D­­­___, isa sa mga baryong “binuksan” ng mga puwersa sa pagpapalayas sa lalawigan ng I­­­___.

Sa magkabilang panig ng daang yao’y makakapal ang tumutubong talahib na ngayo’y tumatalukbong sa mga anino nilang masisinag sa liwanag ng buwan. Umaayamuon ang tuyong lupa sa paligid na nalalanghap nila at paminsan-minsa’y nayayapakan ng mga talampakan nilang kumapal na sa kalalakad sa mga bundok, burol,  talampas at samut-saring landas sa kagubatan.  Mag-iikawalo na ng gabi at sa karimlan ay hindi na nila nakikita ang pagyukom ng mga dahon ng makahiya.  Tanging ang kuliglig, kutitap at katatagang-loob lamang ang nagsisilbing giya nila sa pagbagtas sa nangaghambalang na katawan  ng punongkahoy sa liblib na gubat.

Kumaraskas ang mga tuyong dahon, sa dinig niya’y parang may bumagsak; kagyat siyang lumingon, tiningnan ang kasamang kasunod niya na patuloy na naglalakad.

“Ano ‘yon?” tanong niya.

“Si Ka Ped, nadulas yata.”

“O, bumagsak ba?”

“Hindi.”

Tumigil siya sa paglalakad, saglit na inaninaw ang ikaanim na kasapi ng grupo bago siya nagpatuloy.

Ngayo’y pinuno na siya ng iskuwad na yaon ang Bagong Hukbong Bayan. Ka Lando ang bansag sa kanya ng mga kasama.  Maitim siya, may taas na limang talampakan at apat na pulgada, medyo singkit, at sa kulat ng balat, mamamalikaskas na mga binti, at maugat na kamay ay makikilatis na siya’y isang magsasaka o nagbungkal ng lupa sa mahaba-haba ring panahon.  “Isa akong magsasaka, mga kasama,” salaysay niya noon nang hilinging ilahad niya ang kasaysayan ng kanyang buhay bago siya sumanib sa Bagong Hukbong Bayan. “Ako’y tubong-Angeles, Pampanga.  Manggagawa ang aking ama na malimit matanggal sa trabaho.  Lima kaming magkakapatid at ako ang panganay. Dahil mahirap lamang kami’y lumaki akong walang pinag-aralan at sa katunaya’y hindi man lang ako nakatuntong sa mababang paaralan.  Naging isa ako sa mga paista-istambay sa mga kanto ng Angeles; papaswit-paswit sa mga babaing gumagala sa siyudad; kakaway-kaway sa mga sasakyang patungong Baguio o Maynila; hanggang isang hapo’y napasabak ako sa isang away; nakipaghabulan sa mga kapwa ko lasing at tumarak sa aking kanang braso ang sampulgadang balisong, kaya natamo ko ang peklat na ito.”  At sadyang inilislis niya noon ang manggas ng kamisadentro upang ipakita ang peklat sa kanyang braso.   Kaya malimit kung nagkakabiruan, ay tinatawag siyang Ka Peklat ng mga kasama.  Ngunit para sa kanya’y ngayon na lamang napapawi ang hapdi ng sugat na iyon, ngayong kaanib na siya ng kilusang mapagpalaya. “Sa isip ko noo’y mas mabuting natuluyan na sana ako, mga kasama,” patuloy na paglalahad niya.  “Sa pakiramdam ko’y iyon na ang pinakamatinding kirot sa buong buhay ko, tumatagos sa kalamnan, tumitimo sa puso’t damdamin at para bagang nanlalait at nanunuksong inihahaplit ang katotohanan ako’y isang yagit sa lipunan… isang patapon!  Kaya noong yayain ako ng isang kaibigan na magsaka sa Sierra Madre’y agad kong tinanggap ang alok.  Mag-aapat na taon na ako rito.”

At noon, sa talakayang iyon ay nakilala niya ang isang kasamang nagngangalang Ka Cely, na mahinahon at buong tatag na nagpayo at nagpaliwanag sa kanya.

“Alam mo kasama,” anito, “hindi malayong ang bawat isa sa atin ay dumanas ng mga karanasang ganyan…mahapdi, nakapanghihimagsik! Ngunit ano naman ang dapat nating asahan sa ating lipunang pinaghaharian ng panlilinlang at pang-aapi?  Hindi ba’t natural lamang na ang sinumang kabilang sa lipunang ito’y maaaring malulong sa kasamaan nito, o kaya’y mabulid sa karahasan nito?  Kaya nga, kasama, sa buhay ng isang tao, sa loob ng isang gumuguhong lipunan tulad ng sa atin, dumarating ang panahong kailangang piliin niya kung saang panig siya kakatig—sa naghaharing kaayusan, o sa pagbabago.  Sa sandaling ito’y pinili mong ihandog ang buhay mo alang-alang sa pagbabago.  Binabati kita!”

Huminga siya nang malalim.  Muling tumigil, inaninaw sa dilim ang pila nila at nang matiyak na tahimik na naglalakad ang bawat isa ay nagpatuloy din siya.  Sinikaran niya ang isang matinik na sanga ng punongkahoy na nakaharang sa daan at patuloy niyang ginugunita ang nakaraan.

Isinama siya noon ni Ka Cely sa Makilos na Paaralan ng Rebolusyon at dito’y inisa-isa nila ang mga baryong matatag nang pinag-ugatan ng lokal na gerilya, samahan ng kababaihan at kabataan.  Si Ka Cely ang nagturo sa kanyang bumasa’t sumulat, at ito pa rin ang nagsanay sa kanya upang maging mahusay sa pakikihamok.  Sa tatlong buwang pagsama niya rito, malimit ay pinagbabasa siya sa malamlam na tanglaw ng lampara kung gabi, at pagkatapos ay maingat na ipinaliliwanag nito ang mga bagay-bagay na hindi niya naiitindihan.  Si Ka Cely pa rin ang nagmungkahi sa kanya upang maging isang pinuno ng iskuwad na noong una’y tinanggihan niya, ngunit sa matiyagang paghimok at pangangaral nito, ay tinanggap din niya.  Sa pagsasama nilang ito’y malimit niyang gustong ungkatin din ang tunay na pagkatao ni Ka Cely.  Hindi niya ito kilala, ngunit hindi lingid sa kanya ang pagiging huwaran nito  sa kabaitan at pagmamalasakit sa mga kasama.  Alam din niyang maraming kasamang galing sa Maynila ang malapit dito.  Malimit niyang tanungin sa sarili kung anong bagay ang nakapagpapatatag dito, kung ano ang nag-uudyok sa buong puso nitong pagsisilbi sa kilusan ng mga anakpawis.

Sa loob ng limang buwan, at sa matiyagang pagsusubaybay ni Ka Cely ay napaghusay niya ang kanyang kaalaman sa digmaan at sa tunggalian ng mga uri sa lipunan, at noon niya lubusang natanto na ang mga tao palang katulad niya, bukod sa pagtanggap sa karukhaang kinagisnan ay kailangang bumangon, makibaka, igiit ang karapatan sa harap ng kapwa niya tao; makibigkis sa mga kapwa niya duhagi upang harapin ang pagsasamantala’t tumindig nang matatag sa lipunang dumuduhagi sa kanila…

“Pasa hinto, kasama!” narinig niyang bulong sa likuran niya.  Huminto siya, hinintay na makalapit ang kasamang kasunod niya.

“Bakit?”

“Wala pa sila.”

“Hintayin natin.”

Kapwa sila nag-alis ng mga nakasabit na mahahabang baril sa namamawis nang mga balikat at ipinatong nang pahaba ang mga ito sa dulo ng daliri ng kanilang mga paa.  Maya-maya’y naaninag nila ang isang kasamang patakbong lumalapit sa kanila.

“May sumusunod sa atin, dinig namin ang mga yabag nila, at may ilaw sila!”

“Sa kaliwa, mga kasama, at dahan-dahan,” mabilis na habilin niya s limang kasapi ng grupo.

Maiingat silang nagsipasok sa masukal na talahiban na animo’y may sa pusang mga talampakan at ang kaluskos ng mga dahong narinig ay parang yaong hinimay ng hanging dumaraan sa kagubatan.  Payuko, at tangang mahigpit ang baril, inisa-isa niya ng sinuri ang puwesto ng bawat kasama niya at pagkaraa’y dahan-dahang ikinubli ang sarili sa likod ng isang nakatimbuwang na katawan ng punongkahoy.  Papalapit nang papalapit ang mga yabag. Unti-unti’y iniamba niya ang baril sa dakong pinanggagalingan ng mga iyon.  Lumalakas ang paglagpak ng mga yapak sa buhanginan at ang liwanag ay inut-inot ding lumulukob sa dakong kinaroroonan  nila.  Maya-maya’y naulinigan niya ang tinig ng isang bata na pumailanlang sa katahimikan ng gubat.

“Malapit na ba tayo sa kinaroroonan ng mga kasama, Tatang?”

“Oo, huwag kang maingay,” paanas na tugon ng tinig ng isang matanda.

At nakilala niya mula sa dilim sa Ka Lucio, isa sa mga namamahala sa kilusan sa baryo, kasunod ang magsasampung taong gulang na anak nitong sa Udong.  Napangiti siya, tahimik na ibinaba ang nakatutok na baril.  “Ito marahil ang salubong namin,” naisip niya at tumikhim siya, paluksong lumabas sa kasukalan at bumati.

“Magandang gabi, mga kasama!”

Sa gitla’y halos mabitiwan ni Ka Lucio ang hawak nitong gasera ngunit nang makilatis ang bumati’y halos niyakap ito sa galak.  “Kayo pala, Ka Lando,” anito. “Kanina pa ba kayo?”

“Ngayon-ngayon lang.  Sina Ka Cely, nandiyan na ba?”

“Oo.”

Isa-isa namang naglabasan ang iba pang mga kasapi ng grupo upang bumati.

“O, ano sa palagay n’yo, mga kasama, tumuloy na tayo,” hiling niya sa grupo at naging walo ang pila nila. Nasa unahan sina Ka Lucio at Ka Pedring, isang kasapi ng lokal na grupo.  Nagdaan sila sa mga pinitak na noo’y tuyung-tuyo at tanging mga sunog na tangkay ng palay ang laman.  Lumagpas sila sa talahiban at mga tubuhan, tumawid sa dalawang ilog bago nakatuntong sa bungad ng baryo.

May parikit na ilaw ang bahay-bahay pag-abot nila dito.  Tahimik ang kapaligiran, at parang patibay na hindi na sila kaiba sa baryo, ang mga asong sumalubong sa kanila’y hindi tumahol kundi maamong sumunod-sunod lamang sa kanila.

Tumuloy sila sa bahay nina Ka Lucio at pagdating sa silong ng bahay, tumigil muna sila upang mag-alis ng mga baril at iba pang dala-dalahan sa balikat.  Dito’y narinig nila ang masiglang talakayan sa itaas ng buhay.

“Papaano na, mga amang, kung sakaling natuklasan ng mga hapon ang lihim na organisasyon natin dito?  Ano ang gagawin natin?” tanong ng isang matandang babae.

“Mangyayari ‘yan, Nanang, kung hindi mahigpit ang pagkakaisa natin at may magbunyag na isa sa atin dito,” tugon naman ng isang lalaki.

“Ngunit hindi natin maaaring hulaan ang mga susunod na pangyayari, mga amang.  Maaaring sa ngayon ay wala pang magbubunyag, ngunit bukas, o sa makalawa?” giit pa rin ng matandang babae.

“Tama nga naman si Nanang.  Maaaring bukas o sa makalawa ay may magtraydor,” sabad pa ng isa pang lalaki.

“Tama, hindi mahuhulaan ang mga pangyayari, mga kasama,” mahinahong tugon ng isang batambatang lalaki.  “Kaya naman, mayroon na tayong angkop na paghahanda.  Di ba’t nagtatayo tayo ng mga milisya ng bayan at lokal na gerilya upang pangalagaan ang ating kaligtasan?”

“Ibig mong sabihi’y lalaban tayo kung saka-sakali?” nababahalang tanong uli ng matanda.

“Oo, Ka Ansing, bakit hindi?” Kaya tayo nagkakaisa’y upang labanan ang pang-aapi, di ba?” sabad ng isang nakababatang babae.

“Ngunit ano ang ilalaban natin…mga paltik at beinte dos sa mga armalite nila at masinggan at helikopter…Paano…”

“Oo nga naman…” “Handa kaming mamatay…” “Di lumaban!” ang sabay-sabay na tugon ng mga nagtatalakayan.

“Sandali lang, mga kasama, sandali lang…”

Narinig ni Ka Landong sumagot ang isang tinig na sa una pa lamang ay nakilala niyang dili iba’t kay Ka Cely.  “Totoo… Totoo na sa kasalukuyan ay malakas pa ang kaaway natin.” At tumahimik ang kangina’y maingay nang talakayan.  “Sagana ito sa kagamitan, sa baril, bala, mga sasakyan at maging sa mga tau-tauhang kinakasangkapan.  Ngunit ang mga ito ay panlabas na lakas lamang, sapagkat ang tunay na lakas sa digmaan ay nakasalalay sa katatagan ng mga taong bumubuo sa mga puwersang naglalaban, at hindi sa kanilang armas.”

“Suriin natin, mga kasama,” ang pagpapatuloy ni Ka Cely.  “Tayo ang bumubuo ng puwersang nagbabangon upang labanan ang pang-aapi, nakikibaka tayo upang mabuwag ang sistemang umaalipin sa karamihan sa mga mamamayang Pilipino.  Ang kaaway natin sa kabilang panig ay nakikibaka upang mapanatili ang kasalukuyang sistema, upang magpasasa sa luho ang kakaunting tao, at upang patagalin pa ang pagsasamantala’t pang-aapi.  Samakatuwid, samantalang ang simulain nati’y nakasandig sa katarungan, sa pagbaka sa pang-aapi, ang simulain ng kaaway ay nakasandig sa pang-aapi at pagsasamantala.”

At hindi namamalayan ni Ka Lando na tatlong baitang na pala ng hagdang yari sa kawayan ang naakyat niya dahil sa buhos na buhos ang loob na pakikinig niya sa pagpapaliwanag ni Ka Cely.

“Kaya, Nanang, mga kasama,” patuloy pa rin ni Ka Cely, “tayo’y katulad ng isang malusog na punongkahoy, sagana sa bunga, sariwa ang mga dahon, matibay ang katawan sapagkat mahigpit na nakaugat sa lupa, samantalang ang kaaway ay katulad sa isang bulok na punongkahoy.  Bukas, paggising ninyo’y pagmasdan ninyo ang ilang punongkahoy sa gubat, matatayog, matataas, ngunit tuyot, walang dahon, bulok ang loob at anumang oras ay maaaring bumagsak.  Iya’y sapagkat patay na, o dili kaya’y unti-unti nang nakikibkib ang ugat…Ganyan ang ating kaaway.”

Muli sa sandaling yaon ay ninais ni Ka Lando na malaman ang kasaysayan ng paglahok ni Ka Cely sa kilusan.  Muling sumagi sa isipan niya kung anong bagay ang nakapagpapatibay sa buong puso nitong pagyakap at paghahasik pa mandin ng binhi ng kilusang mapagpalaya.  Nasa bungad na siya ng pinto nang marinig niya ang patuloy na pagsasalita nito.

“Kaya, Nanang, tama si Ka Meding.  Ang pag-oorganisa natin mismo sa isang samahan ang magsisilbing sandata natin laban sa lakas ng kaaway.  At mayroon din tayong hukbo na sumasagupa sa lakas ng kaaway.  Ano’ng magagawa ng helikopter?  Kung mayroon tayong kahit na isa lang na matatag na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, puwede nang bumagsak ‘yan.  Hanyo, mga kasama, Nanang, kapag nakapagbagsak tayo ng isa niya, gagawin nating mga palanggana at pinggan.   Mas mahusay pa, di ba, Nanang?”

At nabasag ng halakhakan ang kangina’y tahimik na tahimik at seryosong talakayan.

“Harinawa nga, mga amang.  Harinawa’y magtagumpay kayo sa inyong nilalayon,” pabuntong-hininga pa rin ng matandang babae.

“Tayo, Nanang, ikaw, ako at tayong lahat ay magtatagumpay kung magkakaisa tayo dito sa baryo,” sabad naman ni Ka Lucio na katabi pala ni Ka Lando sa may pintuan.

“Oo nga, mga amang.  Sa isip at puso at talaga namang kasama ninyo ako.  Kaya nga…kaya nga…hindi ko maubos maisip na maaaring isa o dalawa sa atin ay mawalay, ay!” at pinahid ng matanda ang nangingilid na luha sa mga mata nito.

“A, Nanang, malumanay n a sagot pa rin ni Ka Cely, “sa lahat ng oras naman ay nag-iingat tayo.  Iiwasan natin ang malulubhang pinsalang maaring igawad sa atin ng kaaway.  Ngunit dapat din nating tandaan na kailangan ang pagpapakasakit sa ating ipinakikipaglaban.  Tayo’y nasa labanan.  Tiyak na may mabubuwal sa itatagal nito.  Kaya, kung mawala man ang isa sa atin, tandaan lang nating ang nawala’y parang isang nabaling sanga sa isang malusog ng punongkahoy; ang katawan nito, ang ating simulain ay nananatiling nakatindig at ang diwa at dugo ng mga  nagpakasakit na kasama’y siyang magpapayabong at didilig dito.”  Ngumiti ito, at pagkatapos ay ibinaling ang paningin sa may pintuan.  “Siyanga pala, mga kasama, nandito na sina Ka Lando.  Kumusta, mga kasama!” at itinaas nito ang nakasungkot na kamao.

“Magandang gabi, mga kasama,” bati ni Ka Lando sa lahat at sumunod ding bumati sina Ka Oca at Ka Pitong.  Nagtayuan ang  ilang kasapi sa talakayan upang salubungin ang mga bagong dating.  Marahang tumayo at nagpaalam si Ka Cely sa mga nasa tabi nito upang tumungo sa kinaroroonan niya.

“Kanina pa namin kayo hinihintay. Kailan pa kayo dumating?”

“Ngayon-ngayon lang.”

“Kumusta naman ang mga kasama sa grupo.  Si Ka Pitong, naipagamot na ba?”

“Mahusay naman.  Si Ka Pitong ay nakakalakad na nang mahusay ngayon.”

“Dito na tayo mag-usap,” at niyaya siya ni Ka Cely sa isang sulok ng bahay.  Naupo silang dalawa sa sahig, isinandig niya ang dala-dalang baril sa dinding ng bahay at inilapag ang kanina’y dala-dala nitong bag.  Hinugot niya mula rito ang ilang pirasong papel at iniaabot kay Ka Cely.  “Ito ang ulat ng grupo para sa buwan ng Marso.  Naantalang masyado dahil hinintay pa namin ang kinalabasan ng pagpasok namin sa baryo ng A­­___.”

Binuklat ni Ka Cely ang mga papeles at matiyagang binasa ang mga ito, nang biglang may naalala.  “Si Ka Oca pala, kumusta ang asawa niya?” tanong nito.

“A, nakapanganak na.  Isang mandirigmang babae daw.”  At nagtawanan silang pareho.  Ipinagpatuloy ni Ka Cely ang pagbabasa.  Lingid dito’y masugid naman niyang minamasdan ang anyo nito—ang makakapal na kilay, ang malapad na noo.  Sa tingin niya ay higit na naging malusog ang pangangatawan nito…nagiging isang tunay na mandirigmang sumusugod sa labanan.

Pagkabasa ni Ka Cely sa ulat ay masinop na tiniklop ito at isinilid sa isang luntiang bag sa tabi niya.  Tumingin ito sa malayo na parang may malalim na iniisip.

“Bale, pitong baryo na ang nabuksan natin sa pagitan ng Enero at Marso, ano?” tanong nito.

Nag-isip siya, binilang sa mga daliri ang mga baryong batid niyang kapapasok pa lamang.

“Oo,” aniya.  “Ikapito ang baryo ng A___.”

“Anong petsa na pala ngayon?”

“A-kinse ng Abril.”

“A.” At kinuha nito ang isang kuadernong luma at nagtala ng ilang bagay.  “Malayo pa talaga ang lalakbayin natin, kasama,” biglang sambit nito.  At niyaya siyang lumapit.  “Halika,” anito.  “May bagong atas sa atin ang Panrehiyong Pamatnugutan sa Operasyon..”  Inilabas nito ang isang mapa, binuklat.

“Narito tayo ngayon,” anito, at nilagyan ng ekis ang mapa.  “Ang kaaway ay nagtatag ng isang destakamento ng BSDU sa baryong ito.  Ngayon, kailangang mapasok natin ang bayan ng A­­­__ upang salubungin natin ang grupo ni Ka Roger na nasa lugar na ito ngayon.  Sa gayo’y maaari nating mapaligiran ang kaaway dito. Ano sa palagay mo?”

Matagal na pinagmasdan niya ang lugar na itinuro nib Ka Cely sa mapa at taimtim na pinag-aralan.  Maya-maya’y naramdaman niyang tumayo ito. Tinungo ang bintana, isinandig ang kamay sa pasamano at dumungaw sa labas na parang may inaaninaw sa karimlan.  Nang bumaling ito sa kanya’y may bago na namang naisip.  “Siyanga pala, Ka Lando. Ang baryong ito ay puwede nang atrasan at pagpulungan ng grupo ninyo.  Kanina lang ay naghalalan ang mga mamamayan at itinatag dito ang Komiteng Rebolusyonaryo sa Baryo.  Naayos na rin ang lupang tatamnan natin at pangangalagaan ng produksyon ng Hukbo.”

“Napag-usapan ba sa pulong ang tungkol sa bilihan ng saging?”

“Hindi. Pero puwede nating isangguni sa komite.  Bakit, may kinalabasan na ba ang pakikipag-usap ninyo kay Ka Nick?”

“Nagbigay si Ka Nick ng mga kaalyado nating mamimili ng saging.  At sa halip na onse pesos ang bili niya sa isang libo, magiging katorse daw.”

“Mahusay kung gayon. Kanina rin pala’y napagkayarian na diyes sentimos na ang iaambag ng bawat isang magsasakang makapagbibili ng sanlibong saging.  Ang singko ay mapupunta sa komite at ang singko ay tulong sa atin.  Ano sa palagay mo?”

“Saan daw naman gagamitin ng komite ang malilikom nila?”

“Magtatayo daw sila ng isang kooperatiba dito sa baryo at ang iba nama’y ibibili nila ng gamot para sa taong-baryo.”

“A, oo nga ano.  Mahusay ng namang proyekto ang kooperatiba.”

Mula sa pagkakasandig sa may bintana’y umakyat si Ka Cely sa pasamano, naupo rito, ikinapit ang kamay sa gilid ng bintana at matamang nag-isip na naman.  May tumilaok na manok at nagpakislot si Ka Cely mula sa pagkakaupo sa bintana.   Tiningnan ang relos, naghikab.  “Gabi na pala,” anito, “alas onse y medya na.  Mabuti pa’y matulog na tayo, kasama.”  At bumaba ito  mula sa bintana.  Tinungo ang baril at mga gamit na nasa isang sulok at maingat na binuhat ang mga ito.  Pagkuwa’y inakbayan siya, tinapik sa likod.  “Siyanga pala, Ka Lando, binabati kita. Mahusay ang naging pagkilos ng grupo ninyo sa tatlong buwang pagiging pinuno mo.   Ipagpatuloy mo, kasama…”  Nakangiting lumayo ito sa kanya, patiyad na pumasok sa silid.  “Bukas, ala-una pala ang alis natin patungong DC,” pahabol nito.

Lumingon siya sa paligid at naramdaman niya ang animo’y banal na katahimikang pumapalibot sa kanayunan.   Malalim na nga ang gabi, wala nang buwan.  Dumungaw siya sa bintana at kagyat na humaplos sa mukha niya ang malamig na himaymay ng hangin.  Ang karimla’y parang may ibig ipahiwatig, aniya sa sarili.  Malayo pa ang ating lalakbayin, kasama..” Tandaan lang nating parang isang sanga ng malusog na punongkahoy ang nabali, ang katawan, ang ating simulain, ay nananatiling nakatindig…” Napakagagandang pangungusap, nasambit niya sa sarili, paalala sa mga katulad kong kalimita’y takot harapin ang katotohanan ng kamatayan sa pakikibaka.  At sa paghiga niya sa gabing yao’y hindi maalis-alis sa isip niya ang mga katagang iyon ni Ka Cely.

Kinabukasan, ala-una ng hapon.  Nakapag-ipun-ipon ang grupo nila at nakagayak nang lumakad.   Masiglang nagpapaalaman ang mga kasapi ng grupo at mga taong-baryo.  May nagpapabaon ng saging, sintones, mga kakanin.  Nag-aagawan ang mga lokal na gerilya sa paghahatid sa kanila sa hantungan ng baryo.  Walang anu-ano’y nagitla silang lahat sa sigaw ng isang lalaking humahangos papalapit.  “Mga Kasama! Mga Kasama!” halos mawala ang hiningang sigaw nito.  “Si Inggo, ang mangangalabaw sa ibayo, may kasamang santrak na hapon!”

Hindi pa nito natatapos ang pagsasalita’y rumagatak na ang mga punglo mula sa matataas na kalibreng baril.

“Dapa, mga kasama!” pasigaw na utos ni Ka Lando sa lahat, at nagdapaan sila.  “Sina ka Pitong at Ka Oca ay mauuna munang umatras, alagaang mabuti ang mga tao! Ka Julie, Ka Ped at Ka Mario, maiiwan tayo.  Aalalayan natin sina Ka Cely.  Bilis lang, mga kasama!” At kagyat na namang sumunod ang lahat sa mga habilin niya.

Kasama ang tatlong kasapi ng grupo, nagpagulung-gulong sila sa lupa hanggang makarating sa bahay na kagabi lamang ay pinagdausan ng masiglang talakayan.  Inilapit niya ang sarili sa isang bintana at sumigaw: “Ka Cely, talon na!” At pagkasabi nito’y kagyat siyang lumipat sa isang bintana, nagtago sa posteng katapat nito at nagpaputok.  Sa itaas ay narinig niya ang panatag na boses ni Ka Cely.

“Sige na, mga kasama, mauna na kayo.”  Dalawang magkasunod na katawan ang bumagsak sa lupa, gumulong at dahan-dahang umatras na paminsan-minsa’y nagpapaputok.  Inuulan na ng punglo ang buong bahay, animo’y niyayanig ng lindol sa bawat tama ng baril.  Wasak na ang isang parte ng dinding na yari sa nipa at ang mga bintanang kanina’y mahusay na natutukuran, ngayon ay lupaypay na sa lupa.  Ang mga taong-baryo’y tahimik na kumukubli sa kani-kanilang mga kubo.  Walang narinig na mga pasaklolo o hibik ng mga babae.

“Talon na, Ka Cely!”  pamuling sigaw pa rin niya habang patuloy na nagpapaputok at iniiwasan ang mga humahaging na punglo sa posteng pinagtataguan niya.  Narinig niyang may bumagsak sa lupa, at gumulong.  Inut-inot ay payuko siyang umatras, at nagsabay silang dalawa na nagpagulung-gulong hanggang sa kalapit na tubuhan.  Mainit noon ang lupa, nakakadarang ng katawan, at napapaigtad siya sa mga tusok ng talahib.  Malayo ang tubuhang yaon, ngunit kailangang gapangin, kailangang abutin upang maikubli nila ang katawan sa animo’y mga tigreng bala na tumutugis sa kanila.  Malapit na sila, papalapit nang papalapit.  Nilingon niya si Ka Cely at nakita niya itong nakatayo, nagpapaputok at sa likod nito’y dumadaloy ang masaganang dugo.

“Ka Cely!”

“Kasama, makibaka hanggang sa tagumpay!” sigaw nito, at humakbang ng tatlong dipa bago nabuwal na nakasuntok ang kamao.

Nanginginig ang buong katawan at kagat-kagat ang mga labing iniamba niya ang baril sa pinanggagalingan ng mga putok, kinalabit ang gatilyo at ang sunod-sunod na pagpalag ng baril sa balikat ay siya ring pagpatak ng mga butil ng luha sa kanyang mga mata.  Sa tindi ng poot ay di na niya inalintana ang mga punlong patuloy na humahaging sa katawan niya; tumitikwas ang mga talahib; lumulupasay ang mga tubo.  Nakikipagsagutan siya ng putok, di natinag sa pagkakadapa sa tubuhang yaon na parang pilit na hinihintay na muling bumangon si Ka Cely, humakbang at umatras na kasama niya.  Di sinasadya’y nagagap niya ang kaliwang braso. May dugo! May tama rin siya, at noon na lamang niya naramdaman ang kirot.

“Dito, kasama! Dali!” at nakita niyang may nag-abot ng kamay.  Kinabig siya at kinarga sa likod at tumakbong paekis-ekis sa may tubuhan.

Naramdaman niya nanghihina na siya at halos di na makayang hawakan ang baril.  Pilit niyang kinikilatis kung sinong kasapi ng grupo ang bumubuhat sa kanya. Walang dala-dalang baril ito, at itak lamang ang nakasakbit sa baywang.  Si Ka Lucio marahil ito, o isa sa mga lokal na gerilya, naisaloob niya.  At dito’y nanlabo ang paningin niya, para siyang inaantok.

 

May sumisipol ng isang awitin at sa isip niya ay nabuo ang mga titik niyon:

Lingunin mo Inang Bayan

Mandirigmang matatapang

Sa hirap at kamatayan

Ay handang makilaban

At parang naaalimpungatang ibinuka niya ang kanyang mga mata. May benda na ang kanyang kaliwang braso.  Inilibot ang paningin.   Naroon at nakabantay sa tabi niya si Udong, habang nakasalampak naman sa paligid niya sina Ka Ped, Ka Mario at ka Julie.  Dahan-dahan siyang bumangon, inilapat ang kanang palad sa sugat na sa wari niya’y hindi kumikirot. Tahimik na umupo.  Pagkuwa’y inakbayan si Udong, tinapik-tapik sa likod habang walang imik  namang pinagmamasdan siya ng bata.  “Ipaghihiganti natin si Ka Cely, di ba, kasama?” at ngumiti siya, tumayo, muling tiningnan ang kaliwang braso, at inut-inot na humakbang patungo sa bintana.  Sa sandaling yao’y nilapitan siya ni Ka Julie at may ibinulong ito sa kanya.  Napatigil siya, matagal na tinitigan si Ka Julie, pagkuwa’y tumingin sa iba pang mga kasama niya, na pawang walang kibo.  Yumuko siya, inut-inot na tinungo ang bintana, isinandig ang kamao sa pasamano at tumanaw sa labas.

“Crispin Tagamolila…Ka Cely,” nnasambit niya.  “Pinili niyang ihandog ang buhay niya sa rebolusyon.  Kahanga-hanga ka, Kasama!” Matagal na pinagmasdan at nilaro ng mga mata niya ang mga pumapatak na hamog mula sa mga sariwang dahon ng isang punongkahoy na katapat ng bintana.

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws

1