Ricardo Lee

 

Balita buhat sa Bikol

 

MAGULO SA BIKOL.  Magulo ang mga NPA.  Magulo, a basta magulo.  Ito ang mga salitang paulit-ulit at nakakukuliling-tengang maririnig mo sa bawat kanto at bawat almasen ng Bikol kung magkakamali ka ng pagpili ng kausap, kung ang una mong lalapitan ay ang mga may pinangagalingang interes, may-ari ng malalaking tindahan kaya o lupain o bahay-sanglaan.  Pero tumakas ka sa mga air-conditioned na sala ng mga asendero at maluluhong opisina ng mga komprador at makipag-inuman ka isang gabi sa mga magsasaka sa isang bayang kagaya ng Libon sa Albay, dito na halos lahat ng lupain ay pag-aari ng iisang tao, at ikaw naman ang mapapasurmaryosep.  Buong gabi ng paghuhuntahan namin ng mga magsasaka roon ay iniiwasan ko ang bumanggit kahit minsan ng katagang NPA sa takot na baka sobra pang piyudal ang pag-iisip ng mga tagaroon at masamain pa nila. Nagpaikut-ikot pa ako sa pakikipagtalakayan sa kanila tungkol sa problema ng pananakahan sa Pilipinas hanggang sa madulas ako’t mabanggit ko rin na may NPA na pala sa Bikol.  Noon sabay-sabay halos na tumayo ang tatlong matatandang magsasaka’t pagitan pang nagsabing, “Iyan, iyan ngang mga NPA na iyan ang matagal na naming hinihintay dito para mawala na ang gulo dito.”

Matapos ang talakayan, nang papauwi na ako, hinila ako sa isang tabi ng isa sa kanila’t kahit ano mang gawin kong pagtanggi—manunulat lang ho ako sa isang magasin—ay di ako tantanan ng kabubulong ng magsasakang ito:  “Sige na, di ka naman namin isusumbong, sabihin ko na sa mga NPA na magpadala sila rito kahit na dalawa lang para tulungan kami.”

Maliban sa ilang eksepsiyon, para sa karaniwang mayamang Bikolano, ang dala ng dumaraming nga NPA sa Kabikulan ngayon ay pagbabago, at di nila ito gusto.  Anumang tikwas ng timbangan na magpapabago sa kasalukuyang kaayusang pinakikinabangan nila ay masama para sa kanila.  Pero hindi para sa karaniwang magsasaka sa Bikol, lalo na iyong mga taga-Tigaon na mismo, iyong mga di marunong magbasa kaya’t di napurga sa mga propaganda ng imperyalismong Amerikano at ng estado.  Bagama’t pinanday at hinutok ng isang piyudal na kulturang higit na naglunoy sa Kabikulan (dito sa Bikol huling nawala ang moro-moro sa Pilipinas, at kahit saang kanto ka tumingin ay may makikita kang tatak ng pagkarelihiyoso ng mga mamamayan), ang magsasakang Bikolano ay hindi na takot ngayon sa pagbabago. Masamang-masama na ang kondisyon, at di na maaari pang sumama.

Kaya para sa mga mahihirap na magsasaka sa Bikol, lalo na ng Tigaon, isinilang ang isang bagong bayani.   Mauupo sila sa bangkito, itataas ang isang paa, at saka babanggit sa pangalang NPA nang para bang katumbas na rin ito ng kanilang “kagurangnan” o Maykapal.  Sa tono at pagsasalita ng nakausap kong magsasaka sa isang baryo sa Tigaon, magkakahalo ang pag-asa, at ang pagmamalaking sila sa Tigaon ang napili ng NPA sa ngayon na pakisamahan.  Noon,” anang kausap ko, “noon e nagugutom kami lagi dito sa Tigaon.  Nagugutom pa rin kami ngayon pero hindi na kami parang mga basang sisiw na walang magawa ngayon.  At hindi na rin namin nararamdamang nag-iisa kami.”

Dating 12,575 ektarya ng mga lupaing ang pinakamalaking panginoong maylupa at nag-aari ng halos ika-apat na bahagi ng buong bayan (sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero ay ika-apat ang Tigaon sa may pinakamalalaking panginoong maylupa).  Ang Tigaon ngayo ay isang Tigaon ng may 26,766 na mamamayan (karamihan ay mga magsasaka at mga parahagot o abaca stripper) na sinisibulan na ng bagong kamulatan.  Oo nga’t hindi pa lahat ng mahihirap sa Tigaon ay pumapanig sa NPA pero karaniwan nang marining sa isang kausap na Tigaoeno ang ganitong mga pangungusap:

“Kita mo naman, halos nasirang lahat ang mga pananim namin nang dumaan dito sa Tigaon ang bagyong Sening.  Tagbagyo na naman ngayon, pero naniniwala pa rin akong pinakamalaking pesteng dumating dito e ang mga PC.  Lahat kami rito sa Tigaon, nobenta porsiyento, e suspect ng PC.  Puwedeng basta na lang sila papasok ng bahay namin para maghalughog.  Marami na nga diyan ang napapatay dahil napagsususpetsahan lang.”

Totoo iyon, matutuklasan ko matapos ang walang tigil na pagbabasa ng mga lumang isyu ng Bikol Mail at Naga Times, at pagkausap sa mga drayber at magsasaka at estudyante at reporter ng Bicol Mail at kahit na sino basta’t Bikolano.  Ang isyu doon sa Tigaon ngayon, ang talagang nangyayari doon ngayon, ay hindi ang kung gaano nasalanta ng bagyo ang bayang iyon, ni ang kung gaano kagulo dahil sa mga engkuwentro ng mga PC at NPA; kundi kung ano at sino para sa mga karaniwang magsasaka’t parahagot doon ang mga paghahamok na ito.  Maaaring sa kakarampot na nakukuha nating imporyasyon tungkol sa Tigaon—na pawang listahan lamang ng mga balita tungkol sa kung papaanong si Kumander ganoon at si Tinyente ganito ay napatay sa  isang engkuwentro—ay magkaroon tayo ng maling impresyong ang lahat ay isang simple lamang na pagpapatayan ng magkatunggaling pwersa sa Tigaon, na ang resulta ng paglalaban ay masusukat lamang sa dami ng napapatay sa magkabilang kampo, na ang naglalaban ay ang mga PC at NPA lamang, at di kasama, naiipit lang sa gitna, ang mga magsasaka’t parahagot.

Hindi.  Hindi sapagkat higit sa mga retrato ng mga napatay na NPA at sa mga natambang na PC ay ang kamalayan, pag-iisip at damdamin ng napakaraming mamamayan ng Tigaon.  Kasama sa labanan sa Tigaon ay ang masa nito.  At ang naglalaban ay di lang mga armalayt at kalibre .45 kundi ang dalawang ideolohiyang kanilang sinasagisag.  Kung sino sa dalawa, ang gobyernong kinakatawan ng mga PC o ang bagong sistemang dala ng mga NPA, ang  mabuting buhay sa kanila, ang siyang mananalo.  Insidental na lamang ang bilang ng mga nagbubuwis ng dugo sa bawat paghahamok.

At me gulo rin ngayon sa Tigaon, hindi dahil sa ito’y napasok na ng mga NPA kundi dahil sa ang kontradiksiyon ng mga nagpapahirap at pinahihirapan doon ay umaabot sa sukdulan.   Ang parahagot nag nagtatrabahong mula alas seis ng umaga hanggang alas seis ng gabi para sa kakarampot na arawang suweldong P2.50 ay naghihimagsik na ngayon.  May pagbabago ngayon sa Tigaon, hindi lamang dahil sa me NPA, kundi dahil nagbabago na ang magsasaka’t parahagot doon.

“Hindi magulo dito sa Tigaon kung iisipin,” anang isang magsasaka doong may kahanga-hangang katatasan sa Pilipino, na sa pagsasalita ay mahihinuha kong nahasa marahil ng pakikipagtalakayan lagi sa mga kasapi ng NPA.  “Depende and pagiging tahimik sa ibig mong sabihin.  Noon nga ay tahimik kaming naghihhirap dito sa Tigaon, tahimik na nagdidildil lang ng asin at saka tahimik lang kahit na pinalalayas ng asendero sa lupang sinasaka.  Tahimik kaming nagbabayad ng utang sa tuwing mag-aani at tahimik lang kahit kami na ginagahasa ng asendero ang mga dalaga.  Pero ngayon magmula nang dumating dito ang mga NPA, ay hindi na kami nananahimik lang.  Ang ipinaglalaban namin e ang kakainin namin at ng mga anak namin bukas.”

Nagbabago na nga ang kamalayang nakapaligid sa Tigaon, lalo na sa mga rural ng lugar.  Dating isang relihiyoso, atrasado, at nakasukot na bayang sa pagkakasandig sa Mt. Isarog ay tumitingala sa langit tuwing orasyon araw-araw at nagpuprusisyon pa kung kapistahan, ang Tigaon ay hindi pa lubusang nakapagbabagong-bihis pero ngayon ay nabawasan na, di man tuluyang naalis, ang mga paglalasingan dito, ang mga patayan, ang pagnanakaw ng kalabaw, ang paninikil ng may-ari ng lupa sa mga kasama, ang panggagahasa, ang buhay-magsasakang laging gapus-gapos ng utang.   Ang mga kondisyong ito noon ng tahimik na kalupitan at pang-aapi ng iilang tao sa nakararaming tao sa Tigaon ay kalupitan, at kaguluhan pa nga, na dantaon nang walang-pagbabagong nangyayari sa Tigaon, naging bahagi na ng buhay at kalakaran ng mga buhay-buhay doon, kaya’t sa nilaun-laon marahil ay naging karaniwang pangyayari na lang sa karaniwang magsasaka doon.  At naipagkamali ang kawalang pagbabagong ito sa katahimikan.

“Pero ngayon ay hindi na,” dagdag ng kausap ko.  “Dahil sa pangangalaga ng NPA ay talagang tahimik na ang karamihan ng mga baryo dito.  Maliban na lang kung pumapasok ang mga PC. At sa ngayon e nagkakagulo.”

Ang magsasakang dantaong naghintay na mapansin man lang siya ng gobyerno nang higit na madalas kaysa sa sambeses-sa-dalawang taong eleksiyon ay nagpahid ng pawis, tumingin sa kanyang tabi’t nakitang may “hukbo” roon, at tinanggap niya ito ng buong puso sapagkat “hindi ito walang katuk-katok na kagaya ng ilang PC diyan na pumapasok sa aming bahay, at saka nagtatanong na para bang sila lang ang walang kasalanang nagawa.”

Ang karaniwang kasapi ng NPA o Bagong Hukbong Bayan, ayon sa mga taga-Tigaon, ay “magagalang, mag-aalis pa sana ng sapatos na goma sa puno ng hagdan kung di mo pipigilan.”  Tutulungan ka ng karaniwang “hukbo” na mag-araro, maglinis ng bahay, mag-alaga ng hayop.  Di siya naglalasing, di nambabae, di nagnanakaw.  Ipinagtatanggol niya ang karaniwang magsasaka sa anumang uri ng pang-aapi dito.  Hindi gaya ng PC, wala siyang hinihintay na sahod, ni pag-asa ng retirement benefits o mga medalya kaya.  Alam niya ang pinakahuling nangyayari sa Pakistan man ngayon o Korea o sa Ireland o sa Albanya, at walang tigil pa rin ang kanyang pag-aaral, pakikipagtalakayan  sa kabundukan man o sa baryo upang lalong makapagdagdag ng kaalaman.  Natuto na siya sa mga naging pagkakamali ng dating Partido Komunista ng Pilipinas at Hukbalahap.  Isa siyang kombinasyon—anang editoryal nga ng Naga Times noong Disyembre 5, 1971—“ng sanay na gerilyang mandirigma, at taong mahusay makisama” na tapat na naniniwala sa kanyang simulain at sa mga pangangailangan ng mga mahihirap.

“Naiintindihan namin,” anang magsasakang kausap ko, “ang NPA kaysa sa PC.  Ang sinasalita ng mga NPA sa amin e tungkol sa aming mga sarili, kung paano kami makakaahon sa paghihirap at gutom.   Kung sino ang tunay naming mga kaaway.  Kung ano ang dapat naming gawin. Pero ang PC, ay, ang PC, wala kaming nakikita sa kanila kundi ang armalayt.”

Ang mga pang-aabuso ng mga PC sa pagtupad sa kanilang tungkulin ay isang paksang itinatago nang buong hinanakit sa kanyang dibdib ng karaniwang magsasakang taga-Tigaon, at nakahanda niyang isiwalat ito sa iyo sa anumang umpukan.  Gaya ng ilang sumusunod:

Ang una’y tungkol sa isang karaniwang lalaking taga-Tinorongan, Tigaon, si Valentin Austria, na labinsiyam na taong gulang pa lamang.  Sapagkat nahihirapan sa buhay sa Tigaon ay naisipan niyang mag-houseboy sa Maynila noong 1967.  At  gaya ng karaniwan niyang ginagawa taun-taon, nitong Disyembre ng 1971 ay muli siyang umuwi upang bisitahin ang mga kamag-anak niya sa Tigaon.  Pero huli na nang malaman niyang sinuman palang nananagalog sa Tigaon ay suspect na para sa mga militar doon dahil sa ito ang lengguwahe ng mga NPA.  Nang huli siyang makitang buhay ng mga tagaroon ay may tali siya sa likod at kalakaladkad ng mga PC. Nang muli siyang makita’y patay na siya, may tatlong tama sa likod, at nakabalot sa mga lumang peryodiko at punit-punit na banig.

Ang ikalawa’y tungkol naman sa pamilya ng mga Bantal: isang amang magsasaka ng Sagnay, isang ina, siyam na batang ang panganay ay labintatlong taon at ang bunso’y siyam na buwan pa lang.  Kagigising pa lamang ng mag-asawa noong madaling-araw ng Nob. 19 nang mag-raid sa bahay nila ang mga PC, at mapatay si Bantal na kasabay ng isa pang bayaw.  Walang naiwang pamana si Bantal sa kanyang asawa’t mga anak kundi isang kalabaw. Walang naipamana liban marahil sa ngitngit at poot sa mga PC na di-malauna’y nagpalabas ng mga press releases na umano’y nagkaroon ng engkuwentro ang NPA at PC sa Tinorongan, na NPA raw ang napatay na si Bantal; at inilista pa ang mga sandatang umano’y nakumpiska nila sa bahay ng mga Bantal.

Pero mapilit ang mga PC.  At para lalong mapangalagaan ang kaligtasan ng mga taga-Baryo Ocampo at Tinorongan, ay inutusan nilang lumikas ang mga naninirahan dito, sa kabila ng pagtutol ng mga ito dahil ayaw iwanan ang mga pananim at mga tahanan.

Ang ikatlo nama’y tungkol sa isang interbyu sa radyo sa Naga noon.  Hinamon ng Provincial Commander ng Camarines Sur na si Lt. Col. Antonio Habulan (na walang tigil ng katatawag sa KM na NPA rin daw) ang local press na magbigay ng mga halimbawa ng pang-aabuso ng mga PC sa mga sibilyan.  Isang Atty. Alfredo P. Tria ang tumanggap ng hamon, at tatlong insidente pa ang binanggit niya.  Isang pinsan niya umano, si David Sanchez ng Sagnay, ang binantaang babarilin ng isang PC trooper.  Gayundin, isang grupo naman ng mga PC ang kahit walang warrant of arrest ay basta na lang pumasok sa bahay ng kapital del baryong si Leonardo Seres ng Kilomaon, Sagnay, at saka naghahalughog. Bukod pa ang mga ito sa Ruperto Batuito na aniya’y sinuntok daw ng isang miyembro ng Task Force Bulusan pero di makapagsumbong dahil wala daw nameplate ang trooper.

Ang ikaapat ay tungkol naman kay Maximino Sabinorio, 20 taong gulang, isang maralitang magsasaka ng San Isidro, Buhi, Camarines Sur.  Isang nagngangalang Roberto Claveria ang sumulat sa editor ng Bicol Newsday at sa madulas na pananagalog ay pinabulaanan niya ang bersiyon ng PC sa pagkakapatay kay Sabinorio bilang “isang malaking kasinungalingan.”  Anang bahagi ng liham: “Isang malaking kasinungalingan ang gustong palabasin ng mga pasistang PC-Army sa sinasabing sagupaan na nagaganap sa Buhi.  Sa katotohanan ay walang nangyaring sagupaan kundi isang walang awang pagbaril at pagpatay kay Maximino Sabinorio…Ang biktima ay nakatayo at bigla na lamang pinaputukan ng mga berdugong elemento ng Task Force Bulusan noong Miyerkoles ng gabi (10:30), Mayo 3, 1972.  Ang pobreng magsasaka ay kaagad namatay samantalang isa pang dalaga ang tinamaan sa hita; ang kapatid ni Maximino na si Dioscoro Sabinorio ay sinalubong ng suntok, sipa at kulata nang tinangka niyang saklolohan ang nakitang duguang kapatid.  Siya ay dinala pa sa kampo ng mga makabagong Hapon nang nakagapos, na kung saan siya ay lalo pang pinahirapan at pilit na pinaamin ng mga bantay na di naman niya ginawa.  Wala pong katotohanan ang sinasabi nila na nagpaputok ang mga NPA ng ‘pill box’ sapagkat wala namang nangyayaring pagsabog sa lugar na iyon.  Ang mga kaanak mismo ng mga biktima at mga taong baryo ang siyang makakapagpatunay ng mga nangyari at kabilang na rin dito ang ilang pang magsasaka na binugbog at pinahirapan ng mga konstabularya nang gabing iyon at mga sinundan pang araw…”

Ang ikaapat ay susundan lang ng ikalima’t ang ikalima’y magiging ikaanim, pero di tayo matatapos.  At, salamat sa mga PC, hahaba pa rin nang hahaba ang listahan ng ganitong mga pang-aabuso.

Kataliwas ng mga insidenteng itong kinasangkutan ng mga PC, ang pangalan ng mga NPA ay nasasangkot lang sa mga patayang ang bumubulagtang naliligo sa sariling dugo ay ang mga kaaway ng mahihirap: kung hindi ang mga “abusadong PC” ay ang mga tinatawag nilang “mga demonyo”—iyong mga nagnanakaw ng kalabaw buhat sa mahihirap, iyong nanggagahasa, iyong nananakit ng  mga magsasaka para mapilitan ang mga itong umalis sa sinasakang lupa.

Isang ganitong kaso ay ang napabalita sa mga pahayagang nangyari kina Alfredo Tolentino, may-asawa, ng Mabalodbalod, Tigaon, at Manuel Sical ng Minadonghol, Sagnay, na kapwa pinatay ng mga NPA dahil umano’y mga “di kinakailangang kasamaan” nila.  Sa ibabaw ng bangkay ng dalawa’y inilista ng NPA sa isang papel ang mga naging kasalanan sa masa ng dalawa: pagnanakaw ng kalabaw, nabigong tangkang panggagahasa, pambubugbog, at pagiging tuta ng mga panginoong maylupa.

Ang ganitong uri ng pagpapataw ng hustisya ay masasabing di kalabisan kung aalagataing bago umano pinatay sina Tolentino ay makailang beses silang kinausap, pinagpaliwanagan, binigyan ng pagkakataong umalis na lang sa Tigaon.   Pinatay lang sila nang umano’y ipagpatuloy nila ang “mga krimen nila laban sa masa.”

At ito ang uri ng hustisyang lumalabas na higit ngayong makatarungan para sa karaniwang magsasaka, ano nga ba naman ang mahihita niya sa isang kasong dadalhin niya sa kasalukuyang korte.   Di lang sisipsipin nito ang kahulihulihan niyang sentimo, kundi maaari pang magtagal nang magtagal ang kaso hanggang sa siya man mismo ay makalimutan na niya kung bakit siya dumudulog sa korteng ito. Pero sa pangangalaga ngayon ng mga NPA, karamihan ng mga baryo sa Tigaon ay nakararanas na ng isang uri ng hustisyang nagpapahintulot sa karaniwang magsasakang makahinga ng kahit konte, makatulog at magising nang di na ikinabibiyak ng ulo ang kaiisip kung saan hahanapin ang susunod na pananghalian, at kung saan naman manggagaling ang iilagang punglo ng kalupitan.

Ang magsasaka ng Tigaon—hukot, pinaitim ng salab ng araw, di makabasa kahit ng sariling pangalan, araw-gabing nakikipag-pawis sa lupang sinasaka  upang mapilit itong maging mabait man lamang at makapagbigay ng ikabubuhay kahit me bagyo, ang kapatid ng lupang itong bantad na sa mga land reform na di naipapatupad—ay maari na ngayong mangarap, na sa isang masayang kinabukasan ay hindi na siya maaaring basta na lang lapitan ng isang matabang panginoong maylupa ni di nakaalam kung ano ang amoy ng lupa kapag tag-init, at saka palayasin siya sa lupang sinasaka niya.

At ganito rin sa karaniwang parahagot ng Tigaon, na nakakakita na sa lakas na naibibigay ng pag-oorganisa ng mahihirap sa tangkilik ng NPA.

Kaya’t kapag pinapagkuwento mo ang karaniwang magsasaka’t parahagot ng Tigaon ng mga natatandaan nilang mga engkuwentro ng PC at NPA doon, matatalos mong ang pagbanggit nila sa pangalan ng mga napatay na pinuno ng  NPA ay laging may kalakip na paghanga at pagsamba, paghanga at pagsambang posible pala ang isang napakagandang kamatayang kagaya ng kay Kumander Tangkad, si Romulo Jallores, na ayon sa kanila ay nabuhay at namatay  nang para sa masa.  Ang kulay at alab ay di lamang sa dugong ibinuhos ni Kumander Tangkad nanggaling noong Disyembre nang mapatay siya kundi nasa kahulugang ibinibigay din ng mga nagkukuwentong ito tungkol sa pagkamatay niya.

At sila rin, ang mga magsasaka’t parahagot na ito, na sa kahit anong maliit na paraan ay nagkaroon ng panahong matulungan ng mga kasamahan sa NPA, ang dahilan kung bakit natatalo ang mga PC ngayon sa Kabikulan at patuloy pa ring matatalo.  Mapapatay ng mga PC ang mga Kumander at Kumander pa ng NPA.  Mapapatay nila ang sinumang may kahinahinalang tabas ng pagmumukha o pagsasalita sa Tigaon.   Pero kailanman ay di na sila tatanggapin pa ng mga mamamayan ng Tigaon.  Ang headquarters nila, ng mga PC, ay mananatiling malayung-malayo sa puso ng mga mamamayan, at sa tuwing papasok sila sa Tigaon ay mga estranghero silang pumapasok doon upang manggulo lang sa nagbabago nang buhay ng mga taga-Tigaon.

Isang halimbawa ng pagka-estranghero ng mga PC sa mga pook na kinikilusan ng NPA ay ang insidenteng naganap sa Bo. Presentacion, Parubcan, Camarines Sur.  Nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng NPA at PC at isang Sgt. Malaguena ng PC  ang malubhang nasugatan.  Kailangang dalhin sa ospital ang sugatang sarhento ngunit walang makuhang sasakyan ang kanyang mga kasamahan.  Ang dahilan:  walang masang magpahiram ng kanilang bangkang de-motor sa mga PC.  Dahil dito, isang Sgt. Brendia ng PC na namahala sa pagdadala sa ospital sa kanyang kasama ang hilo na sa katatanong kung bakit walang magpahiram sa kanila ng bangkang de-motor, kung bakit walang masang magboluntaryong tumulong sa kanila.  Kung may magsasakang sumagot sa kanya, ito marahil ang natanggap niyang sagot sa matatag na tinig: ang Tigaon, ang mga lupa nito, ay amin nang muli.  Sinumang tumutulong o nagpapakasangkapan sa mga naghaharing mapagsamantalang uri, PC man o taksil na kababaryo, ay mananatiling estranghero sa tuwing tutuntong dito.

Samantala, ang himpilang base ng mga kasama ng NPA ay nasa puso’t damdamin at kamalayan na mismo ng mga nakararaming magsasaka at mamamayan doon.  Kasama na nilang naniniwala ang mga ito na tanging isang bagong uri ng sistema na lamang ang makalulutas sa kasalukuyang malapyudal at mala-kolonyal na imburnal na kinasasadlakan ng lipunang Pilipino.  Kamakailan ay isang “pakikipag-usap” ang ginawa ng mga opisyal ng Tigaon kay Kumander Benjie (Ruben Jallores, kapatid ni Kumander Tangkad), pero  sinabi nitong huling kailanman ay di sila susuko.  “Di kami kailanman susuko,” anang isang pahayag nila di-kalaunan, “sapagkat ang lakas ng masa’y isang dagat na walang pagkatuyo.”  At tama nga marahil siya at ang mga kasamahan niya sa NPA sa paniniwalang ito.  Ang masa na ng Tigaon ang napanalunan nila,  ang nilalanguyan nila ngayon, paano pa sila matatalo?

Kaya maaaring magpatuloy pa ng paghingi ng mga reenforcements ang Task Force Bulusan ng Camarines Sur sa Camarines Norte, at dagdagan pa ng gobyerno ang badyet na pangmilitar ng mga ito, at maglunsad sila ng sunud-sunod na mga operations laban sa mga “subersibo” ng Tigaon, pero magsasayang lang sila ng bala.  Huli na at kailanman ay di na sila mananalo sa Tigaon.  Kinakailangan na nilang patayin ang buong Tigaon.

 

Hosted by www.Geocities.ws

1