INTRODUKSYON

 

 

I

Ang Kanayunan bilang Muog
ng Bagong-Demokratikong Rebolusyong Bayan

 

Sang-ayon sa Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan sa Pilipinas, isa sa mga dokumentong niratipika sa kongreso ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 26 Disyembre 1968:

     Mula sa kanayunan, kukubkubin ng mga demokratikong pwersang bayan ang mga lunsod.  Sa kanayunan unang hinahatak at ginagapi ang kaaway bago ang pag-agaw sa mga lunsod sa kamay ng mga nagsasamantalang uri.  Sa kanayunan matatagpuan ang pinakamahihinang kawing ng reaksyunaryong estado at mapapaligiran sila sa taktika ng mga demokratikong pwersang bayan bago sila magapi sa estratehiya.  Sa kanayunan makapagtitipon ng lakas ang hukbong bayan sa hanay ng mga magbubukid sa pamamagitan ng pagkukumbina ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng rebolusyonaryong baseng bukid.  Kailangang itransporma ng Partido at ng hukbong bayan ang mga atrasadong nayon bilang sulong na muog ng demokratikong rebolusyong bayan sa militar, pulitika, ekonomya, at kultura. (p. 7. Akin ang salin).

Para umpisahan ang pagpapatupad ng estratehikong linyang ito, itinatag ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan noong 29 Marso 1969 sa ikalawang distrito ng Tarlac.  Mula roon ay nagpalawak ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Isabela at nagsanay ng mga kadre at Pulang mandirigma para kumilos sa ibang rehiyon.  Sa loob ng mahigit limang taon, nakapagbuo ang mga rebolusyonaryong pwersa ng 20 larangang gerilya sa pitong rehiyon sa labas  ng Maynila-Rizal. (Amado Guerrero, Specific Characteristics of Our People’s War, 1974 [National Democratic Front International Office, 1992], p. 7.) Naganap ang ganitong pag-unlad sa kabila ng pag-iral ng pasistang paghahari ng rehimeng U.S.-Marcos.

Noong 1980, iniulat ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral ng Partido:

Sa kanayunan may ilandaang libo na ang mga magsasakang lumahok sa mga kampanyang masa na sumasaklaw ng buu-buong mga baryo, mga grupo ng baryo at maging ng ilang bayang magkakalapit. Pambihira ang bilis ng paglaganap ng militanteng kilusan sa maraming parte ng kanayunan na ngayong lang naaabot sa loob ng napakahabang panahon.   Sa pamamagitan ng mga aksyong hayag o lihim, isinusulong ng masang magsasaka ang mga kampanya laban sa pagsasamantalang pyudal at malapyudal na matagal nang nagpapahirap sa kanila.  Nagbubunga na ang mga ito ng makabuluhang biyaya sa mga magsasaka’t manggagawang bukid sa maraming lugar, tulad ng hanggang 50 porsyento at mahigit pang pagbaba ng upa sa lupa, may ilandaang porsyentong pagtaas ng sahod, pagbawas sa interes sa pautang, at paglago ng produksyon at mga simpleng anyo ng kooperasyon.  Binigo rin ng masa sa nayon ang maraming tangka sa pangangamkam ng lupa at sapilitang pagpapalikas sa sakahan at tahanan.  Ilang ulit na nagdaos din ang mga taganayon sa iba’t ibang rehiyon ng malalaking aksyong protesta laban sa mga pagmamalupit at pang-aabuso ng mga tagapoblasyon at tagasyudad, at epektibong napararating sa malaking bilang ng mamamayan ang mga armadong kampon ng diktadura.  Sa mga pakikibakang ito, maramihang lumalahok at sumusuporta ang hinaing ng mga tagabaryo.  Masigasig na tinatangkilik ng masa sa kanayunan ang hukbong bayan at armadong pakikibaka.  Kanilang binabalikat ang maraming mahahalagang gawaing bahagi ng pagbubukas at pagpapaunlad ng mga larangang gerilya, pagsusuporta sa materyal na  pangangailangan ng hukbong bayan, paniniktik sa pwersa ng kaaway, pangangalap ng armas, at mga operasyong militar. (Ang Bayan, 26 Disyembre 1980, p. 2.)                                   

Iniulat na sa taong ito, 27 na ang bilang ng mga larangang gerilya na sumasaklaw sa mahigit 400 bayan ng 45 probinsya sa iba’t ibang estratehikong bahagi ng kapuluan.  Dahil sa paglaganap sa buong bansa at panimulang pagtindi ng pakikidigmang gerilya, inihayag na “Mabilis nating nilalampasan ang maagang subyugto ng estratehikong depensiba ng ating digmang bayan at tinutungo ang mas abanteng subyugto. Mula sa yugto na pangunahing palaganapin sa buong kapuluan ang pakikidigmang gerilya, tumutuntong tayo sa yugto na pangunahing tungkulin ang paigtingin ito.” (p. 11.)

Tungo dito, inilalarawan ang dapat maging katangian ng mga larangang gerilya sa pagbabago ng kalagayan:

Para sa pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya, kailangan natin ang mga larangang gerilya na malawak, may aktibong baseng masa na mahusay ang organisasyon, organisasyon ng hukbong bayan na sapat ang lakas, at matibay na organisasyon at pamumuno ng Partido.  Dapat paunlarin ang ganitong larangang gerilya sa mga piling bahagi ng kapuluan para matiyak ang koordinadong pagsusulong ng pakikidigma sa buong bansa.  Sa mga larangang gerilya, nagbubuo tayo ng mas malalaking baseng gerilya sa mga angkop na bahagi at dito’y masigasig na pauunlarin ang mga sangkap para sa paglakas ng demokratikong kapangyarihang bayan.  Palalakasin natin ang mga ganap na pwersang gerilya sa pamamagitan ng  pagsisimula at pagpaparami ng mga ganap na iskwad at platung gerilya sa antas ng larangan at distrito.  Malawakang bubuuin ang mga yunit ng milisyang bayan.  Bibigyan din natin ng partikular na pansin ang maramihang pagbubuo ng mga yunit partisano,  na kikilos sa loob at paligid ng mga syudad at poblasyon. Palalaganapin at pasisiglahin natin ang mga ambus, reyd at pakikidigmang partisano; at palalawakin ang partisipasyon ng masa sa mga gawaing militar.  Isisistematisa din ang pagsasanay ng mas marami pang kadreng militar at mga mandirigma. (p. 11.)

Noong 1983, nalampasan na ng digmang bayan ang maagang subyugto ng estratehikong depensiba.  Sang-ayon sa General Review of Important Events and Decisions from 1980 to 1991 (Rebolusyon, Abril 1993):  “The people’s war had just moved beyond the early substage of the strategic defensive but we [Komite Sentral] immediately preoccupied ourselves with issues concerning the leap to the higher strategic state and to the strategic victory…” (p. 2.)

Anito:

 

The central leadership of the Party conceived of the program of the strategic counter-offensive (SCO) strongly influenced by a desire to quickly achieve a leap to the higher strategic stage and gave impetus to the hasty and premature “regularization” and to ideas of toying with insurrection, even if there was continued adherence to the strategic stages of development and to the essential balancing of the armed struggle, agrarian revolution and mass base building. (p.3.)

 

Sang-ayon sa Muling Pagtibayin ang ating mga Saligang Prinsipyo at Iwasto ang mga Pagkakamali ng Komite Sentral ng Partido, Hulyo 1992 (Kampilan, Disyembre 1993):

 

Mula 1985 malaki at tuwiran ang naging papel ng programa sa “estratehikong kontra-opensiba” sa pagpapalaganap at pagtutulak ng “regularisasyon” ng hukbong bayan.  Sa halip na “regularisasyong” nagsisilbi sa insureksyong lunsod ng linyang Pulang Purok-Putting Purok ng Mindanaw, ang “regularisasyon” mismo patungo sa regular na pakikidigmang makilos ang itinakdang pokus na pinagsisilbihan maging ng mga pag-aalsa.  Dagdag pang tulak sa “regularisasyon” ang mga pananaw at pagsusuring ang digmang bayan mula 1983 ay nasa baytang na ng “pagpapaigting sa pamamagitan ng pagtataas ng antas,” “sapat ang baseng masa para sa tuluy-tuloy na pagpapaigting ng digma,” at ang pormasyong kompanya  na ang pangunahin o tipikal na pormasyon ng hukbong bayan at pangunahing nagdadala sa buong digma mula 1985….

Noong 1987 at 1988, may panibagong sikad ang “regularisasyon” tungo sa pagbubuo ng mas malalaki pang pormasyon (mga batalyon), mga koordinadong  kampanya at “regularisasyon” ng mga kumand sa iba’t ibang antas, batay sa pagsusuring “nakatalaga na ang mga estratehikong reserba ng kaaway,” umiiral na ang kalagayan para sa mga lokal na “estratehikong kontra-opensiba” at ang susi sa patuloy na pagsulong ng digma at hukbo ay ang “higit na pagpapataas sa kalidad.”  (pp. 16-17.)

 

Sang-ayon sa dokumento, malaking pinsala ang idinulot ng programang ito sa digmang bayan, kundi man sa buong rebolusyonaryong kilusan.  Noong 1990, binawi ng Kawanihang Pampulitika ng Komite Sentral ang programa para sa estratehikong kontra-opensiba at pinalitan ng programang nagdidiin  sa “malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya.” (p. 17).

Noong 1992, inilunsad ang Ikalawang Dakilang Pagwawasto. Ipinaliwanag ng Muling Pagtibayin…: “Ang kilusang pagwawasto, pangunahin at sa esensya, ay isang pagpupunyaging pang-edukasyon upang tukuyin, punahin at itakwil ang mga paglihis, pagkakamali at kahinaan at sa gayo’y higit pang palakasin ang Partido at rebolusyonaryong kilusan.  Ang layunin ay likhain sa loob ng Partido ang mas mataas na antas ng rebolusyonaryong kamulatan at militansya at kung gayon, mas mataas na antas din ng pagkakaisa.” (p. 77.)

Sa pangunahing dokumentong ito ng kilusang pagwawasto, nananawagan ang Partido sa kasapian nito:

 

Muli nating pagtibayin ang mga saligang rebolusyonaryong prinsipyo ng Partido…

Ang ating mga prinsipyo ay nakasaad sa mga dokumento ng muling pagtatatag, tulad ng Iwasto ang mga Pagkakamali at Muling Buuin ang Partido, Saligang Batas        at Programa ng Partido.  Bilang mga proletaryong rebolusyonaryo, dapat laging sinusukat natin ang ating sarili ayon sa mga prinsipyong ito.

Kabilang sa mga prinsipyong ito ang mga sumusunod: pagtalima sa teorya ng Marxismo-Leninismo, pagtatakwil sa modernong rebisyonismo, makauring pagsusuri sa lipunang Pilipino bilang malakolonyal at malapyudal, pangkalahatang linya ng bagong-demokratikong rebolusyon, namumunong papel ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido, teorya ng digmang bayan at estratehikong linya ng pagkubkob sa kalunsuran mula sa kanayunan, nagkakaisang prente ayon sa rebolusyonaryong linya sa uri, demokratikong sentralismo, sosyalistang perspektiba at proletaryong internasyunalismo. (pp. 1-2.)

 

Noong 26 Disyembre 1997, sa ika-29 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, ipinahayag ni Armando Liwanag, Tagapangulo, Komite Sentral ng PKP ang muling pagsulong sa wastong landas ng digmang bayan bilang resulta ng kilusang pagwawasto.  Anya:

 

Under the leadership of the Party, the New People’s Army is growing in strength and advancing.  It is heroically waging extensive and intensive guerrilla warfare on the basis of widening and deepening mass base.  The center of gravity is a guerrilla platoon within a guerrilla front that carries a total force of around a company.  Some 75 to 80 percent of this force is dispersed into squads or armed propaganda teams for mass work.

The typical strike force for raids and ambushes is a platoon, that is either undersized of oversized, depending on the circumstances.  In the past year, the NPA has valiantly responded to the call of the Party for launching tactical offensives according to capabilities.  On a nationwide scale, the guerrilla platoons have carried out tactical offensives and have seized hundreds of firearms.  (The Revolution Surges Forward, walang pahinasyon.)

 

Iniulat niya ang mga pag-unlad sa pagbawi sa mga nawalang erya at pagpapaunlad ng mga bago, ang pagsasanay sa pakikidigmang gerilya ng mga kadre at Pulang mandirigma, ang pagsusulong ng reporma sa lupa at pagpapasigla ng gawain ng mga organo ng demokratikong kapangyarihang pulitikal sa larangan ng edukasyon, produksyon, pagsasanay sa sariling depensa, kalusugan at kalinisan, at kultura.

Sang-ayon sa kanya, ang kasalukuyang krisis ay paborable para sa pagtindi ng pakikibaka ng mamamayan: “In view of the rapid economic decline of the ruling system due to neoliberal policy of denationalization, liberalization, deregulation and privatization, the outcry for national independence and democracy, for economic sovereignty and genuine land reform will become louder and stronger in the years to come and will certainly generate powerful storms of revolutionary resistance.”

 

II
Ang Digmang Bayan sa
mga Sulatin

Pahapyaw na inilahad sa itaas ang pangkasaysayang konteksto ng mga sulating tinipon sa antolohiyang ito.  Mahigpit na nakaugnay ang mga sulatin sa itinakbo, kasalukuyan at hinaharap ng matagalang digmang bayan.  Ano ang mga batayan ng ugnayang ito?  Una, ang nakararami sa mga manunulat ay aktibong kumikilos bilang mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan sa panahon ng kanilang pagsusulat.  Sila’y mga kadre at kasapi ng PKP, pinuno at  mandirigma ng BHB, kasapi ng NDF o ng mga organisasyong masa sa kanayunan.  Ang ilang manunulat naman ay mga aktibista o makabayang propesyunal mula sa lunsod na sa pana-panaho’y naaanyayahang pumasok sa mga larangang gerilya para makipamuhay at mag-obserba sa mga pagbabagong nagaganap doon at maipaabot sa kanilang publiko sa pamamagitan ng sulatin o iba pang paraan.

Dahil sila’y kumikilos sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, tumutupad ng iba’t ibang gawain, at may iba’t ibang antas ng responsibilidad, nailalarawan ng kanilang sulatin ang digmang bayan nang may sapat na lawak at lalim.  Ikalawa,  marami sa mga sulating ito ay dumaan sa pagsusuri ng mga responsableng organo ng pamumuno sa kilusan at ipinalaganap sa pamamagitan ng mga upisyal n a publikasyong pambansa, pangrehiyon o pangsektor.  Nangangahulugang tumutugon ang ganitong mga sulatin sa pagpopropaganda sa hanay n g mga rebolusyonaryong pwersa at masang anakpawis, gayundin sa mga kaalyadong pwersa sa kanayunan at kalunsuran.  Ibig sabihin, inoorganisa ng mga sulatin ang pag-iisip, damdamin at pagkilos ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa para sa mga kagyat na matagalang layunin ng digmang bayan at/o iba pang larangan ng gawaing kasangkot sa pagsusulong ng bagong-demokratikong rebolusyon.  At ikatlo, dahil nagpapatuloy ang matagalang digmang bayan, nagpapatuloy din ang kahalagahan ng mga sulating ito, laluna sa kasalukuyang panahong idinaraos ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.  Ang kahalagahan ng mga ito ay nagmumula, hindi lang sa kanilang katangian bilang mga tala tungkol sa nakaraan, kundi sa kanilang kapangyarihang magbigay ng mga aral para sa ibayong pagsusulong ng digmang bayan, kahit man lang sa kasalukuyang yugto ng pag-unlad nito.

Batay sa ganitong ugnayan, matutukoy ang limang paraan ng pagsisilbi ng mga sulatin sa digmang bayan, rebolusyonaryong pwersa at masang anakpawis sa kanayunan.  Ito ang sumusunod (1) Ipinalalaganap ng mga sulatin ang linya, programa, tungkulin at patakaran ng rebolusyonaryong kilusan na may praktikal na kabuluhan sa pag-agaw ng kapangyarihang pulitikal sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan; (2) Inilalarawan ang mga pag-unlad sa iba’t ibang larangan ng gawain, at mga pagbabago sa pang-araw-araw na buhay ng mga rebolusyonaryong pwersa at masang anakpawis; (3) Itinatanghal ang mga bagong pagpapahalaga sa esensyal na pag-iisip at pagkilos ng mga rebolusyonaryo; (4) Binubuo ang mga karanasan ng rehiyon, grupo o indibidwal bilang bahagi ng kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan; at (5) Ipinapahayag ang personal na damdamin ng mga rebolusyonaryo tungkol sa kanilang sarili, mga mahal sa buhay, karanasan at hinaharap sa pakikibaka.  Sa ganitong mga paraan ng pagsisilbi nabubuo ang mga sulating tunay na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan.

 

Armadong Pakikibaka, Rebolusyong Agraryo at Baseng Masa

Pakikidigmang gerilya. Sa yugtong mahina pa ang rebolusyonaryong armadong pwersa kung ikukumpara sa armadong lakas ng kaaway, ang armadong pakikibaka na inilulunsad ng mga Pulang mandirigma ay nasa anyo ng taktikal na opensiba (tambang, reyd sa kampo, isnayping, agaw-armas).  Sa pamamagitan ng matagumpay na aksyong militar sa nakaraang mga taon, lumaki, lumakas at lumawak ang armadong pwersa ng Bagong Hukbong Bayan.

Ang taktikal na opensiba sa porma ng tambang ay inilalarawan sa Tambang (1979). Naririto ang mga sangkap ng isang matagumpay na tambang: maliit na pwersa ng BHB (isang iskwad), paborableng tereyn (nasa mas mataas at mapunong lugar sa gilid ng haywey), mahusay na pormasyon ng mga pwersa (korteng karet), at matiyagang paghihintay sa pagdating ng target (dalawang araw na sila sa pwesto).  Pagdating ng target, maliwanag ang mga kumand ng pinuno, may tiyak na tungkulin ang bawat isa, mabilis ang pagsasagawa ng operasyon  (tatlong minuto), sinisiguradong napatay ang lahat ng kaaway bago magklining (natuto sa paglalagom ng mga naunang karanasan), nag-iimbentaryo ng bilang ng patay na kaaway, mga gamit na nasamsam, at mabilis na pag-atras.

Nauna sa pagsasagawa ng tambang ay ang mga hakbang sa pagsisiyasat, pagsasanay at pagpaplano.  Ano ang epekto ng ganitong tagumpay na pagkilos?  Para sa mga Pulang mandirigma, “Tiyak na tataas ang tiwala ng mga mandirigma sa kakayahan nilang lumipol ng kaaway.”  Para sa mamamayan, “Dagdag rin itong morale sa mga mamamayan at tiwala nila sa hukbong bayan sa kakayahan nitong ipagtanggol ang kanilang kapakanan.” At para sa Pulang mandirigma-manunulat, “Dagdag na karanasan ito para sa akin… Kahit walang almusal, sasama uli ako!”

Ang paglusob sa kampo ng kaaway ay inilalarawan sa Sebyo (1990).  Ang target ng mga Pulang mandirigma ay isang radar station ng mga Amerikano.  Kailangang masamsam ang mga bazooka at machine gun na nasa loob ng kampo.  Narito ang briefing ni Sebyo sa kanyang iskwad bago idaos ang reyd:  “Repasuhin natin ang gagawin.  Malakihang operasyon itong gagawin nation. Isang buong kumpanya tayo.  Lulusubin natin ang radar station ng mga Amerikano dalawampung minuto mula ngayon.  Mahalagang makuha natin ang mga armas sa armory ng istasyon.  Kailangan nating makuha ang mga bazooka at machine gun.  Dalawang platun ng PC at isang espesyal na yunit ng mga Amerikano ang nakatalaga sa istasyon.   Papasok tayo sa gawing kanan ng istasyon.  Puputulin natin ang mga barbed wire.  Ingat lang dahil siguradong may koryente ang barbed wire.  Pero kapag naputol na, wala nang problema sa koryente.  Kapag nasa loob na tayo, at oras na makarinig tayo ng putukan, lulusubin natin ang ikatlong baraks na tintulugan ng yunit ng mga Kano.  Tingnan ninyo ang mapa,” at itinuro ni Sebyo ang baraks na nakadrowing sa isang papel.  “Kung may makita tayong gwardiya at wala pang putukan, kailangang patahimikin ito sa pamamagitan ng saksak.  Iwasan ang pagpapaputok nang wala sa oras.  May tanong ba?…

Isa pang paraan ng pagpaparami ng armas ay ang agaw-armas.  Hindi lang ang hukbo ang tumutupad ng ganitong tungkulin kundi pati masa.  Sa Mga kabataang magsasaka: mapangahas, palaban (1985), isang pusakal na CHDF ang iniligpit ng mga kabataang aktibista at saka itinakbo ang M-16 at magasin ng mga bala para ibigay sa mga Pulang mandirigma.  Sa Ang dalawang bata at ang baril (1978), isang kwentong pambata, ang magkapatid na Tanglaw at Estrella ay nag-iinisyatibang mang-agaw ng baril ng nalingat sa sundalo.  Ang aksyong ito ay resulta ng kumbersasyon sa pagitan ng mga bata at kanilang mga magulang, mga kasapi ng BHB:

“Marami ba tayong baril?” Tanong ng dalawang magkapatid.

“Kulang pa nga e,” sagot nina Tatay at Nanay. “Maraming tumutulong sa atin kahit saan sa buong Pilipinas.  Di ba, dito sa baryo, halos lahat ng masa, kasama? Pero para matalo natin ang kaaway, kailangang magkaroon pa ng mas maraming baril ang ating hukbo.”

“Sige, hahanap kami ng baril at ibibigay namin sa inyo,” sabi ng mga bata.

 

Bukod sa agaw-armas, ang masa ay nagsisilbi ring kuryer o komo (tagahatid ng liham at iba pang epektos sa hukbo).  Inilalarawan ito sa Si Totoy (1982) at Children of the Revolution (1986).  Sa Children…, ganito ang paliwanag ng isang bata kung bakit  siya kumikilos para sa hukbo:

 

Getting messages to NPA camps across the igang or hills of jagged rocks is not however mere child’s play to Botyog. “It’s all right in daytime.  But I really get scared when I have to deliver a letter at  night.”

Why?  “Because I’m scared of the dark and I’m so little,” he said with downcast eyes.

Then why does he still do it?  If I don’t, there will be much fighting… And if caught unprepared, many comrades might get killed,” he noted.

    

Ang paghahatid ng pagkain para sa mga Pulang mandirigma   sa kanilang pwestong pagtatambangan ay isa ring tungkuling ginagampanan ng masa. Sa Pagbubukang-liwayway (1982), dalawang lalaki at isang babaeng magbubukid ang nadakip ng kaaway habang patungo sa pwesto ng mga Pulang mandirigma.  Sa bilangguan, dumanas sila ng kung anu-anong pagpaparusa ng kaaway pero hindi nila ibinunyag ang pinagpupwestuhan ng mga kasama.

Sa mga larangang gerilya, ang mga kampanyang pagkubkob at panunupil ng kaaway ay nagdudulot ng pinsala sa hukbo at masa.  Karaniwan, ang pagkubkob sa mga kasama ay nagaganap dahil sa pag-iispiya ng masasamang elemento para sa kaaway.  Ganito ang pangyayaring inilalarawan sa Kasama (1972), nang makubkob ang mga Pulang mandirigma sa isang baryo sa Isabela at ikinamatay ni Ka Cely (Crispin Tagamolila).  Isang mangangalabaw sa kabilang baryo ang nagsilbing giya sa kaaway para lusubin ang pinagpupwestuhang baryo ng mga Pulang mandirigma.  Sa Landas patungong Sierra Madre (1987), ang mismong giya nina Ka Cita (Lorena Barros) ang nagsilbing giya ng kaaway para kubkubin ang pwesto ng mga kasama.

Nangyayari rin ang mga aksidente.  Sa In the face of death (1981), ang trak ng kaaway na tinambangan ng mga Pulang mandirigma ay sumabog dahil sa kargang  mga dinamita.  Sa lakas ng pagsabog, maraming namatay kapwa sa hanay ng kaaway at mga Pulang mandirigma.  Sa Sky Rose (1979), nagka-engkwentruhan ang dalawang iskwad ng BHB pagkatapos lamang ng kanilang matagumpay na pagpupulong.  Dito nasawi si Ka Dodong (Ricardo Fillo), ang pinuno ng unang larangang gerilya sa Davao.

Ang kakulangan sa pag-iingat ay nagdudulot din ng pinsala sa hukbong bayan.  Sa Gera (1987), nahuli ng gising ang mga Pulang mandirigma kaya’t naunahan sila ng kaaway na pumwesto sa mas mahusay na lugar.  Habang palipat ng pwesto, nabisto ang kinaroroonan ng mga kasama dahil sa ingay (nahulog sa batuhan ang kanilang kaldero!).

Ang pagpapatupad ng di-napapanahong “regularisasyon” ay inilalarawan sa The Taking of Sadanga (1985).  Ang aksyong militar (porma ng reyd) ay inilunsad sa mismong sentrong bayan.  Lumahok ang 200 pultaym na Pulang mandirigma (regularisasyon) at 100 lokal na milisya (inilabas sa kanilang erya ng responsibilidad).  Tumagal ang aksyong militar ng siyam na oras, mula 3 n.u. hanggang 12 ng tanghali. Samantala, sa Thirteen Day’s War (1986), mas higit na tumagal ang pakikipaggitgitan ng mga Pulang mandirigma sa mas malakas na pwersa ng kaaway, na nagresulta sa pagkawala ng baseng gerilya at pag-ebakwet ng mga masa sa mga sentrong bayan.

Kumprontasyon.  Sa isang  interbyu, Reaping the grains of success (1984), inilarawan ni Ka Dante, isang lider-magbubukid sa kanlurang Samar, ang kinakailangang paghahanda ng organisadong magbubukid bago magdaos ng kumprontasyon sa panginoong maylupa hinggil sa kanilang mga kahilingan.  Sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon, kinakausap nila ang panginoong maylupa para ipaliwanag ang layunin at kahalagahan ng repormang agraryo at himukin siyang paunlakan ang kanilang mga kahilingan.  Kung hindi makumbinsi ang panginoong maylupa, inilulunsad ang kumprontasyon.

Ano ang tugon ng panginoong maylupa sa ganitong kumprontasyon?  Sang-ayon kay Ka Dante: “As far as may experience goes, I have yet to  encounter a landlord who has refused to reduce rent when confronted although there are instances when they bargain for a lower percentage of rent reduction.”

May mga panginoong maylupa na nagsusuplong sa militar na nagreresulta sa pag-aaresto, pag-tortyur at kahit na pagpatay sa mga magbubukid.  Sa ganitong sitwasyon, kumikilos ang BHB para pagbayarin ang mga panginoong maylupa sa kanilang mga kasalanan.  Mangyayaring ang kanilang lupain ay kinukumpiska.

Bukod sa kumprontasyon, may isa pang paraan sa pagpapababa ng upa sa lupa, at ito’y sa pamamagitan ng Operasyon Sukot (singil).  Itinatago ng mga magbubukid ang isang bahagi ng ani kaya’t ang batayan sa paghahati ay mas mababa sa karaniwan.  Ganito ang ginagawa kapag hindi pa handa ang mga magbubukid na harapin ang panginoong maylupa sa isang kumprontasyon.

Ang mga lupaing iniwan ng mga panginoong maylupa ay ipinamamahala sa mga asosasyon ng mga magbubukid.  Ito ay tinatrabaho sa pamamagitan ng tiklos (kolektibong pananakahan).  Ang ani ay pinaghahati-hati sa ganito:  Matapos bawasin ang gastos sa produksyon, ang natitira ay hinahati sa tatlong bahagi: 50 porsyento sa mga magbubukid, 25 porsyento sa asosasyon, at 25 porsyento sa BHB.

Ang pagpapataas ng sweldo ng mahihirap na magbubukid na nagtatrabaho sa lupa ng mayamang magbubukid ay inaasikaso rin ng asosasyon:  “First they are recruited into the asosasyon, so they can be organized.  The policies of the asosasyon encompass them.  Before, they  would approach the rich peasants individually for work.   Now, the asosasyon approaches the rich peasants in behalf of the poor peasants.  The organization is authorized to ask for higher wages for the  poor peasants so they have stronger bargaining power.  After the wage had been settled, they work in groups rather than individually.  A spirit of oneness and solidarity is developed.

Ang kolektibong pananakahan, kilala sa Panay sa katawaganyg-hil-ohanay, ay inilalarawan sa Culasi, sa muling pagbabalik (1994):  “Bawat araw, tinatrabaho ng pangkat ang linang ng isang kasapi, paikot hanggang matapos ang bukid ng lahat.  Ang pangkat naman nilang kababaihan ang sunod na lumilibot upang tamnan ang linang¾palay sa unang tagtanim at mais sa susunod.  Masaya, maingay ang mga biruan nila sa trabaho, lalo na kung nagpapahinga sa tanghali. Kapag sumasali ang pangkat ng kabataan, lalong maiingay, may kantahan pa kung minsan.”

Sa ibang sulatin, laluna sa maikling kwento tulad ng Toto (1987), Sakada saang lupalop ka nagmula? (1990), at Bukatot (1993), ang pagpaparusa sa malulupit na mga panginoong maylupa at/o kanilang mga katiwala at armadong badigard ang karaniwang tema.   Sa Toto,  tinambangan ng mga Pulang mandirigma ang isang panginoong maylupa na mayor din ng probinsya dahil sa malupit na pagtrato sa mga dumaan sa kanyang asyenda at pagpatay sa mga kabataang organisador sa lugar. Sa Sakada…, itinakdang parusahan ang enkargador ng asyenda dahil sa pagtanggal sa trabaho ng mga dumaang humihingi ng dagdag na sahod at mahusay na kalagayan sa paggawa, at pagsasamantala sa  mga sakadang hinahakot mula sa ibang isla.  Sa Bukatot,  tinambangan ang isang panginoong maylupa/negosyante at mga armadong badigard dahil sa pagpatay sa mga magbubukid na tumangging ipagbili ang kanilang aning tabako sa mababang presyo.

Ang patakarang insureksyunal na pagsusulong ng rebolusyong agraryo noong mga taon ng paglihis sa linya ay nagdulot ng pinsala sa kilusang masa at sa ugnayan ng hukbo at masa.  Sa Butas sa haligi (1997), inilalarawan ang isang baryo na nagtatamasa na ng benepisyo mula sa rebolusyong agraryo.  Dati, 30 kabang palay bawat ektarya ang ibinibigay sa panginoong maylupa.  Dahil sa pagkilos ng mga organisadong magbubukid at BHB, napababa ito sa 18 kaban na lamang.  Bukod, pa, pumayag ang panginoong maylupa na sagutin ang kalahati ng gastos sa pag-aasikaso sa lupa.  Sa hangad na itaas ang antas ng pakikibaka, ipinatupad ng BHB ang pagkumpiska sa mga baka ng panginoong maylupa at pagkatapos niyon ay ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa sa pastuhan.  Magkasalungat ang pusisyon ng BHB na kumikilos sa lugar at ang grupong pampartido sa baryo.  Pagkatapos ipatupad ang plano, gumanti ang  panginoong maylupa na handa namang makipag-usap basta’t huwag lamang kumpiskahin ang kanyang mga baka.  Nilusob ng mga sundalong militar ang baryo at isang Pulang mandirigma ang namatay.  Ilang buwan ang lumipas bago bumalik ang hukbo para tanggapin ang pagkakamali at muling ayusin ang kilusang masa sa baryo.

Organo ng Kapangyarihang Pulitikal.  Sa Sebyo, inilalarawan ang proseso ng pag-oorganisa sa masa sa mga baryong kinikilusan ng BHB.  Ang iskwad ni Sebyo ang naatasang organisahin ang isang baryo sa paanan ng Sierra Madre.  Matapos ang panimulang pagsisiyasat, binuo ang Komiteng Tagapag-organisa sa Baryo, (iwinasto ito sa dokumentong Ang Ating Mahahalagang Tungkulin, 1976). Isinunod ang pagbubuo ng samahan ng mga magsasaka.  Sa samahan, “pinaiiral nila ang kooperatibismo sa produksyon.  Tulung-tulong sila sa pag-aalaga ng mga lupain, lalo na kung ang isa nilang kabaryo ay may sakit at hindi makapagsaka.”  Ang samahan ng kababaihan naman ang nagpasimula ng “proyekto sa pagpapanatili sa kalinisan na baryo at pangangalaga sa kalusugan ng mga tagaroon.”  Ang samahan ng mga kabataan ang siyang nag-aasikaso sa pag-aayos ng mga putikang kalsada, at nagturo sa mga bata at pati matatanda na bumasa at sumulat.

Ang samahan ng mga magbubukid ay kumilos para baguhin ang sitenta-trentang partihan na pinaiiral ni Don Tiburcio Simon, ang panginoong maylupa.  Sa kumprontasyon, ipinaliwanag ni Ka Baste, isang lider-magsasaka, kay Don Tiburcio ang “tungkol sa hiling ng mga magsasaka na gawing sisenta porsyento ang kanilang parte at kwarenta ang parte ng don.  Tumanggi si Don Tiburcio.”  Sa bandang ito, nagsalita si Tiago, isang kasapi ng iskwad ni Sebyo (ang kanyang pagsama sa kumprontasyon ay kahilingan ng mga magbubukid), at  kanyang ipinaliliwanag na “kailangang magbigayan ang mga may lupa at ang maliliit na magsasaka nang sa gayon ay maiwasan ang samaan ng loob, mapaunlad ang takbo ng pagsasaka, at huwag maligalig ang kanayunan.” Nagbago ang tindig ng don at pumayag sa hinihiling na pagbabago sa partihan.

Inasikaso rin ng mga Pulang mandirigma ang “paglilinis sa baryo: “Lahat ng masasamang elemento ay kanilang binalaan na huwag gagawa ng anumang nakapinpinsala sa masa… kung hindi’y ‘pagbabakasyunin na sila sa buwan’.”

Ang organisadong lakas ng masang anakpawis ay pinatutunayan din sa mga aksyong masa laban sa militar.  Sabi ni Dina sa Gera:  “Tingnan mo naman, nang palayasin ang masa ng militar sa kanilang mga baryo, agad silang nagpetisyon para makabalik.  Hindi na nga nila hinintay ang sagot ng AFP, basta nagsibalikan agad.  Kumilos din sila para makuha ang bangkay ng mga pinugutan ng 21st IB.   Idinimanda ang mga sundalong nagsalbeyds kay Diasan.  Maliliit na kilos masa, oo, pero pwedeng lumaki basta’t may namumuno sa kanila.”

Sa ganitong mga aksyong masa, idiniin ni Ariston (Gera) ang kahalagahan ng suporta ng panggitnang pwersa: “Kinakailangang matiyak na paninindigan ng masa na ligal ang kanilang pagkilos… At pag sinusuportahan sila ng mga panggitnang pwersa, lalong lalakas ang loob nilang ipaglaban ang mga demokratikong karapatan…”

Ang mga sulong na elemento sa baryo ay pinasasapi sa Partido.  Sang-ayon kay Ernie (Gera), may kaibhan ang pagsampa sa hukbo sa pagsapi sa Partido.  Ito ang kanyang paliwanag sa mga kasapi ng pinakaunang sangay ng Partido sa isang baryo sa hilagang Isabela.  “Mananatili kayo sa baryo at kikilos nang lihim, dahil kayo ang ubod ng lihim na kilusan sa baryo.  Alam naman ninyo na sa kalagayang ang kaaway ay ang nasa kapangyarihan,  kailangang  kumilos tayo sa lihim na paraan.  Kailangang mayroong ligal na tabing para mapanatili ang ating impluwensya at lakas sa hanay ng taumbayan.”

Sa mga konsolidadong lugar, itinatag ang Rebolusyonaryong Gobyernong Probisyunal.  Ganito, halimbawa, naitatag ang RGP sa Kordilyera:

 

“Noong 1981, sinimulang itatag sa rehiyon ang Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) bilang organisasyong pampulitika ng mga katutubo.  Ang CPDF ang nagsisilbing panimulang binhi ng Cordillera People’s Revolutionary Autonomous Government (CPRAG), isang probisyunal na rebolusyonaryong gubyerno para sa pakikibaka.

“Ang mga batayang yunit panteritoryal ay binubuo bilang mga lokal na rebolusyonaryong gubyerno ng mamamayan (Organo dagiti demokratiko bileg pampulitika¾ODBP) sa mga lugar na may relatibong lakas ang BHB, may mga milisyang bayan, may makinarya ng mga aktibista at organisasyong masa ng CPDF, at kung saan napahina na ang otoridad ng reaksyunaryong gubyerno.” (Salidum-ay ng Fetad! 1991)

 

Ang panggugubyerno ay pinauunlad sa iba’t ibang larangan ng gawain¾sa militar, produksyon, hustisya, kalusugan, edukasyon, kultura at isports.

Dahil ang gubyernong ito ay itinatag sa gitna ng digma at para sa pakikibaka ng mamamayan, kinakailangang ito’y laging ipagtanggol sa atake ng kaaway, tulad ng isinasaad sa kanta/panawagang ito:

Kalalakihan, kabataan

Mga paslit, kababaihan

Armado ka man

O sibilyan

PRG, ipagtanggol

Huwag nating papayagang

Pumasok ang kalaban

Tayo na’t

Magtulung-tulong

PRG ay bantayan

 

Bagong Kasanayan, Pagbabago sa Pang-araw-araw na Buhay

 

Dahil sa kalagayang pandigma, nangangailangan ang mga rebolusyonaryong pwersa at masa ng mga kasanayang mahalaga sa kasalukuyang yugto ng pakikidigmang gerilya at laluna sa pagtaas pa ng antas ng pakikibaka sa hinaharap.  Ikalawa, kinakailangang itransporma ang tradisyunal na kultura para magsilbi sa pangangailangan ng bagong kalagayan.  At ikatlo, ang rebolusyonaryong pakikibaka ay nagsisilbing larangan para sa pagbabago ng katayuan ng kababaihan mula sa pang-aaping pyudal at burgis; kaugnay nito ang pagbubuo ng bagong batayan sa relasyong pangmag-asawa, pati ang pagpaplano sa pag-aanak at pag-aalaga sa kanila.

Pulitiko-Militar.  Ang kasanayang pulitiko-militar ay isang nangungunang rekisito sa bawat Pulang mandirigma.  Ang nilalaman ng pagsasanay para dito ay inilalarawan sa Treyning (1991).  Bagamat ang pagsasanay na inilalarawan ay naganap sa panahon ng paglihis at ang layunin ay ang pagpapaigting ng insureksyong urban, ang isang aspeto nito, ang combat training, ay nakaugnay sa pagpapahusay sa gawaing militar ng BHB.  Ganito, halimbawa, ang reaksyon ng isang mandirigma:

 

Tuwing napapadaan ako sa lugar ng mga obstakel noong di pa nag-uumpisa ang praktikal na pagsasanay, ay napapalunok ako.  Di ko maisip kung paano ko kaya matatawid ang inclined at vertical wall, ang commando crawl (lubid na mataas na nakatali sa pagitan ng dalawang magkalayong puno), at ang ravine jump.  Sa pagpapamilyarisa sa obstakel, nanginginig ang buo kong katawan sa pag-akyat, kumakabog ang dibdib sa kaba at pagdating sa itaas ay di ko na alam kung paano makababa at makatawid.  Lalo akong nasiraan ng loob at halos di na makausad matapos mahulog ang isang kasama na nauna sa akin.  Sa ravine jump naman ay umatras na ako.

 

Para sa mandirigmang ito at mga katulad niya, ang treyning ay may positibong epekto:  “Marami akong natutunan sa treyning na ito. Di lamang paggapang sa lubid, pagtalon sa bangin o pagtudla, natutunan ko rin na ang init ng ulo (emosyonal) ay di nakakalutas ng problema. Natutunan ko na ang tapang ay napagsasanayan at ang takot ay napangingibabawan.

Paramedik.  Ang pagsasanay ng mga paramedik sa hanay ng mga Pulang mandirigma ay isa pang larangan ng gawain na pinauunlad para tugunan ang pangangailangan ng mga Pulang mandirigma at masang anakpawis.  Sa Caring for the people (1984) at Heringgilya, iskalpsyon bleyd, porsep (1991), ipinapakita ang kakayahan ng mga paramedik na isapraktika ang natutunan nila mula sa mga kasama o kaalyadong surgeon, anaesthetist, at dentista na nagtutungo sa mga larangang gerilya para magdaos ng treyning.   Halimbawa, isang lumaking scrotum na idinaraing ng isang magsasaka ang inopera ni Ka Erning, dating sastre:  “A long incision was made on the outer skin of the scrotum, then on the second and third layers until the sac itself was exposed.  A small cut was made on the sac which contained fluid.  The fluid was suctioned out and gathered in a plastic oil container.  When the full amount was dredged, the liquid came up to about two cupfulls.  The sac was then turned inside out, to make sure no fluid remained trapped inside.  The incisions were closed, again, layer by layer.” (Caring…)

Kung sa ospital isinagawa ang operasyon, gumastos sana ang magsasaka ng P10,000, at wala siya ni kusing.  Sapat nang may kulambo, lamesa, nakalatag na dahon ng saging para tapunan ng dumi, at isang tim ng paramedik ng BHB, para isagawa ang operasyon sa loob mismo ng larangang gerilya.

Pagmamanupaktura.  Isang breakthrough/breyktru/brektro (kapag nakagpasimula ang mga kasama sa isang larangang ng gawaing mahalaga sa mga kasama at masa) ang nakamit ng mga magbubukid, sa pamumuno ng kanilang PROG (People’s Organs of Governance) nang magtagumpay sila sa pagmamanupaktura ng sabon, suka, tinapay at kendi mula sa mga sangkap at kasangkapang matatagpuan sa kanilang paligid.  Sa tulong ng isang boluntaryong teknisyan mula Maynila, natutunan ng mga magbubukid ang isang kumplikadong  proseso na nagpapalakas ng tiwala sa kanilang kakayahan at pag-asa sa sarili sa gitna ng kalagayang pandigma.  (A bubbling discovery, 1990)

Propaganda. Ang gawaing propaganda ay isa ring larangan ng pagsasanay para mabisang maipaabot sa masa ang mga panawagan ng rebolusyonaryong kilusan Sa Gattaran notes (1981) inilalarawan ang pagsasanay ng mga  kabataang aktibista sa iba’t ibang porma ng propaganda (talumpati, kanta, tula, dula/iskit, manipesto) na magagamit sa mga kampanyang masa.

 Pinupuna sa Gera ang isang maling gawi sa propaganda: “Napailing si Arman. ‘Hindi dahil proyekto ng gubyerno ay masama na agad.  Ang mahalaga’y maipaliwanag kung ano ang epekto nito sa masa.  Kung ang sasabihin mo lang  ay, masama basta’t proyekto ng gubyerno, kahit mga kasama’y hindi na magbabasa ng ating pahayagan!’ ”

Ang pagsasanay sa malikhaing pagsusulat, tulad nang inilalarawan sa Determinasyon (1991) ay nagbibigay-tiwala sa mga rebolusyonaryo sa pagpapahayag ng kanilang damdamin at karanasan sa pamamagitan ng pagsusulat.

Sa gawing propaganda, mahalaga ang pagkakaroon ng pasilidad para sa pagpapalaganap ng mga balita, pagsusuri, panawagan, atbp. sa malawak na  masa.  Ang pagbubrodkas sa radyo, halimbawa, ay sinimulan noong maitayo ang Radio Sierra Madre bilang pambansang istasyong panradyo ng kilusan.  Unang narinig ito noong 26 Disyembre 1987, sa ika-19 anibersaryo ng PKP.  Ang Radyo Timog Katagalugan naman ay unang nagbrodkas  noong 16 Hulyo 1991.  Ang karaniwang programa ng brodkas, na tumatagal ng isa hanggang dalawang oras, ay binubuo ng apat na bahagi: balita at editoryal, komentaryo sa napapanahong mga usapin, dokyumentari, at kultural (kanta, tula, dula).  Ang kasanayan sa pagpapatakbo ng istasyon ng radyo sa iba’t ibang aspeto nito¾pagbubuo ng programa, teknika, pinansya, seguridad¾ay isa pang breyktru sa pagtiyak na nakakaabot ang mensahe ng rebolusyon sa ‘pinakamalawak na mamamayan sa pinakakagyat at pinakapopular na paraan.’”  (Kalatas sa himpapawid, 1991)

Literasi. Sa mga kasanayang nabanggit na, may isang kasanayang mahalagang maangkin ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa at masang anakpawis ¾ ang kasanayan sa pagbabasa, pagsusulat at pagsusuma.  Ang kasanayang ito ay kinakailangan sa iba’t ibang larangan ng gawain sa mga base at sonang gerilya, halimbawa’y sa pag-uulat, pag-aaral, pakikipagkomunikasyon, pagpapatakbo ng mga programa at proyekto ng PRG tulad ng edukasyon, hustisya, kultura, kooperatiba, atbp.  Sa Kasama (1973), inilalarawan ang pagbibigay ng ganitong kasanayan sa mga Pulang mandirigma: “Si Ka Cely ang nagturo sa kanyang bumasa’t sumulat, at ito pa rin ang nagsanay sa kanya upang maging mahusay sa pakikihamok.  Sa talong buwang pagsama niya rito, malimit ay pinagbabasa siya sa malamlam na tanglaw ng lampara kung gabi, at pagkatapos ay maingat na ipinaliliwanag nito ang mga bagay-bagay na hindi niya naintindihan.”

Lumang Porma, Bagong Nilalaman.  Isang aspeto ng pagbabago sa pang-araw-araw na buhay sa kanayunan, laluna sa pinakaliblib na lugar sa kabundukan, ay ang tranpormasyon ng tradisyunal na mga porma ng pamamahayag (kanta, sayaw, tugtog, tula) at ritwal para maiakma ang mga ito sa kasalukuyang kalagayan at pangangailangan ng rebolusyonaryong kilusan.  Ang mga pormang kilala at nagagamit ng lahat, tulad ng ismayling at binasaynon (Isa ring hukbong pangkultura ang Bagong Hukbong Bayan, 1983), salidum-ay at oggayum (Ang Salidum-ay ng Fetad!) composo (Toto) ay nilalagyan ng rebolusyonaryong nilalaman para magsilbing behikulo sa pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang anakpawis.  Sa ganito, naiaangat ang mga  pormang ito mula sa lumang pyudal na kultura at nagiging bahagi ng bagong rebolusyonaryong kultura.  Nagkakaroon din ng bagong kahulugan ang mga  pormang ito mula sa lumang pyudal na kultura at nagiging bahagi ng bagong rebolusyonaryong kultura.  Nagkakaroon din ng bagong kahulugan ang mga  katutubong ritwal sa konsepto ng rebolusyon. Halimbawa, ang sagang bilang ritwal ng pagbibinata sa Kalinga, ay nagiging kanta, sayaw, dasal, kwento, tsant at pagbasa ng kapalaran para ipagdiwang ang kabayanihan ng bagong  sibol na Pulang mandirigma mula sa hanay ng katutubo. (Sagang, 1990)

Ang mga tradisyunal na pormang pangkultura sa isang rehiyon ay naipakilala sa ibang rehiyon.   Halimbawa, ang baleleng ng Sulu ay nagiging Ilokanong baleleng sa Kordilyera/Cagayan bilang resulta ng adaptasyon (Gattaran notes).  Ang porma ng sayaw-pandigma ng mga Igorot ay iniangkop sa tono ng balitaw ng Kabisayaan, tulad ng kantang Taktikal na Opensiba (Isa ring hukbong pangkultura). Mula sa malaganap na masmidya, pinipili ang mga popular na porma at nilalagyan ng mga panawagang angkop sa pana-panahong kampanya.

Paglaya ng Kababaihan. Sa rebolusyonaryong kilusan, ang usapin tungkol sa pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan ay mulat na hinaharap.  Inilalarawan sa Trekking the rugged trails (1985) kung paano iwinawasto ang maling pagtingin ng masa, na pinapalala ng mga sundalo ng gubyerno, tungkol sa mga kasamang babae sa BHB.  Sa Kordilyera, anang artikulo, may isang panahong ang mga kasamang babae ay itinuturing na “balon ti NPA” (baon ng BHB), na sila ay isinasama ng BHB para tugunan ang kanilang pangangailangang sekswal.  Napawi ang ganitong pagtingin sa pagtaas ng prestihiyo ng BHB at dahil mismo sa kagitingang ipinamalas ng mga babaeng Pulang mandirigma sa labanan.

Sa loob naman ng hukbo, pinuna ang mga pagpapahalagang pyudal na malakas pa rin sa mga kasamang lalaki: “In camps, for example, women are generally placed in the middle.  In marching, the women guerrillas stay in the middle of the file, because this happens to be the safest position.  In planning guard-duty-schedules, women are also usually assigned to keep watch during  the safe hours, when there is the least likelihood of enemy attack.  And although many women guerrillas have risen to become squad leaders and vice squad leaders, still it is mostly the men who get the chance to occupy positions of responsibility. Also, women often wind up doing medical work, as if it were a matter of course, she pointed out.”

Gayunman, sinabi rin niya: “In a significant sense, it is the revolution that has provided women the chance to work for their own as well as the Filipino people’s liberation.

Sa mga organisasyong masa sa kanayunan, pinatutunayan ng kababaihan ang kanilang kakayahang mamumo sa pakikibaka.  Sa Nanay Tinay sa Sakada…, si Liza sa Culasi…, si Dolores/Lori sa Dolores (1990), si Diega Magtanggol sa Isang gabi ng paggunita kay Diega Magtanggol (1990), atbp.  ay mga halimbawa ng kababaihan mula sa hanay ng batayang masa (maliban kay Diega na guro sa Pamantasan ng Pilipinas bago nakapag-asawa ng isang lider-magbubukid.  Bawat isa sa kanila’y nagsisilbing huwaran para sa kapwa nila babae:  “Hindi naging hadlang ang kanyang pagiging babae para pamunuan  ang samahan ng mga magsasaka na alam nating dominado ng kalalakihan.  At nakatulong  pa nga ito, dahil naging inspirasyon sa kababaihang magbubukid ang kanyang inisyatiba.”(Isang gabi ng paggunita…)

 

Bagong Pagpapahalaga

Ang rebolusyon ay isang praktikal na pagkilos para sa pag-aagaw ng pampulitikang kapangyarihan at pagbabagong panlipunan.  Para isulong ito, kailangang bakahin ng mga rebolusyonaryong pwersa at masang anakpawis ang mga pyudal at burges na pagpapahalaga at paunlarin ang mga bagong pagpapahalagang nagsisilbing aktibong pwersa sa materyal na pagbabago ng lipunan at mamamayan.  Ang mga rebolusyonaryong gawi, aktitud, istilo ng pag-iisip at paggawa, atbp. ay may batayan sa kalagayan, pangangailangan at hinaharap ng masang anakpawis bilang pangunahing pwersa sa armadong rebolusyon.

          Pagsisilbi sa Masa.  Sa pagsisimula pa lamang ng bagong-demokratikong rebolusyon, itinampok na ang isang pagpapahalagang susi sa tagumpay ng rebolusyon, ang pagsisilbi sa masa.  Ang nilalaman nito, sa esensya, ay ang pagpapalaganap ng bagong-demokratikong rebolusyon at ang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan para sa rebolusyon.  Ipinapahayag nito ang pagkakaisa ng mga rebolusyonaryong pwersa at masang anakpawis bilang saligan ng pagbubuo ng batayang alyansa ng mga manggagawa at magbubukid.

Pero bago makapagsilbi o magturo sa masa, kailangang matuto muna sa kanila.  Ito ang inilalarawan sa Sky rose: “He also had this prepossessing style with the peasants, never talking down, never lecturing, never bombastic as most activists were wont to do in excessive zeal and impatience.  Mostly he asked questions and listened attentively, his eyes full with sympathy as the peasants recounted their endless problems.  Only then did he give comments or simple explanations rich in the metaphors the peasants understood.  The effect was that of the peasant teaching Rolly, for he had simple, almost naïve manners, the way he looked at you with those large innocent eyes.”

Isa pa ay ang pakikiisa sa kahirapan ng kanilang pamumuhay. “Napakahirap nila,” ani Lorena Barros sa kanyang liham (Mahal kong Ina, 1975).  “Nitong Pasko’t Bagong Taon ay kamote ang kain pagka't walang bigas… Ngunit masaya ang Paskong ito para sa kahit dahop pagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay matibay ang pagkakaisa…”

May mga sitwasyong nangungutang ang masa para maiba sa karaniwan nilang pagkain ang inihahain nila sa mga Pulang mandirigma.  Sa Masarap sa dila, masakit sa puso (1985), inutang ng tusino ang inihain ng pamilyang mahirap na magbubukid sa mga Pulang mandirigma kahit sila mismo’y walang makain.  Pagkalipas ng ilang buwan at pakikipagtalakayan sa pamilya at saka lamang nabago ang pagturing sa kanila bilang “bisita” at sama-samang pinagsaluhan ang karaniwang pagkain sa dulang ng mahihirap: kanin, tuyo, talbos ng kamote.

Ang pakikiisang ito at puspusang pagkilos sa hanay ng masang anakpawis ay nagluluwal ng bagong nilalang, laluna yaong mula sa uring petiburges. Ang panloob na pagbabago ay may katumbas na pagbabago sa pisikal na anyo, tulad nang inilalarawan sa Sky rose: “He studied his hands and his feet.  The nails were chipped, his cuticles hid the  half-moons.  There was a bloodclot under the nail of his right forefinger.  His palms were yellowed with calluses; his toes were splayed; his soles thick and cracked.  His skin was burned brown.  He was no longer Dodong.  He was Rolly, Berto, any other name except Dodong.”

Ang pagsisilbi sa masa ay nangangahulugan ng pagtatanggol sa kanilang interes. Sa Chagun (1989), tumangging ibigay ng mga Pulang mandirigma sa mga kabig ni Conrado Balweg ng Cordillera People’s Liberation Army ang pondo para sa konstruksyon ng irigasyon para tiyaking iyon ay gagastusin  para sa ikabubuti  ng masa.  Sa Gera, inilalarawan ang pagmomobilisa ng libu-libong masang anakpawis para tutulan ang karahasang militar, ebakwasyon at mga anti-mamamayang proyekto ng gubyerno na sumisira sa kanilang kabuhayan. 

Isang katangiang hinahangaan ng masa sa mga rebolusyonaryo ay ang kanilang pagiging maka-masa.  Sa Sakada…, tinukoy ni Nanay Tinay ang katangiang ito: “Isang mabuti at may prinsipyong tao ang iyong ama,” anya.  “Noong narito siya, madalas silang nagsasagutan ng kontratista at amo, dahil nakita at naranasan niya mismo kung paano tayo pinagsasamantalahan at inaapi.” Ang isa pang anyo nito ay ang kahusayan sa pakikisama.  Inilalarawan ito sa Balita buhat sa Bikol: “Ang karaniwang kasapi ng NPA o Bagong Hukbong Bayan, ayon sa mga taga-Tigaon, ay ‘magagalang, mag-aalis pa sana ng sapatos na goma sa puno ng hagdan kung di mo pipigilan.’ Tutulungan ka ng karaniwang ‘hukbo’ na mag-aararo, maglinis ng bahay, mag-alaga ng hayop. Di siya naglalasing, di nambabae, di nagnanakaw. Ipinagtatanggol niya ang karaniwang  magsasaka sa anumang uri ng pang-aapi dito… Isa siyang kombinasyon¾anang editoryal ng Naga Times noong Disyembre 5, 1971¾ ‘ng sanay na gerilyang mandirigma, at taong mahusay makisama.’”

Sa dokumentong Muling Pagtibayin…, may ganitong obserbasyon: “Madalas, nababanggit ng mga taong-baryo ang tinatawag na unang henerasyon ng BHB sa mga iskwad at platun bilang mga tunay ng BHB samantalang iyong marami sa mga sumunod pa laluna nitong nakaraang ilang taon bilang palsipikado dahil hindi lumalahok sa gawaing masa at produksyon, hindi tumutulong sa mamamayan at magaspang kumilos.  Ang ‘regularisasyon’ ay nangahulugan ng pagkakahiwalay sa masa.” (p. 37.)

Ang isa pang katangian ay ang kahandaang tumanggap ng puna mula sa masa.  Sa Butas sa haligi, limang buwan pagkaraang maganap ang pagkakamali sa pagpapatakbo ng rebolusyong agraryo, bumalik ang mga Pulang mandirigma  para makipag-usap sa masa.  Ganito ang sabi ni Ka Monina, ang giyang pampulitika ng iskwad: “Hindi ako hihingi ng tawad sa inyo., Ka Sianang, dahil hindi ko hinangad na magkasala.  Hindi kami naparito para mawala lang muli.  Hindi rin kami nagbalik upang magsimula lang mula sa wala.  Narito pa rin tayo.  Narito kayong natuto mula  sa inyong pagsisikap.  Narito kami para hanguan ng aral ang ating bawat karanasan at mula roon ay punahin ang mga kahinaan at pagkakamali.  Walang dapat iisantabi.  Walang panahong dapat sayangin.  May kahinaan kami, haharapin namin ang kapunahan.”

Organisadong Pagkilos.  Ang kahalagahan ng pag-oorganisa sa masang anakpawis ay inilatag ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral sa isang memorandum-sirkular noong 15 Oktubre 1973 tungkol sa mga pangkalahatang alituntunin ng mga organisasyong pangmasa.  Sang-ayon dito:  “Sa pamamagitan ng mga organisasyong pangmasa, ang malawak na masa ng sambayanan ay napupukaw at napakikilos.  Bawat rebolusyonaryong uri, saray o seksiyon ng populasyon ay napupukaw at napakikilos alinsunod sa mga pangkalahatan at partikular na isyu¾alinsunod sa mga pangkalahatan at partikular na pangangailangan at interes.  Malaking bilang ng mga aktibistang pampartido at pangmasa ang nasasanay sa rebolusyonaryong gawain.  Nagiging madali-dali ang pagtatayo ng mga lokal na sangay ng Partido at mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan.  Naisasakatuparan nang mas malawak ang gawaing pang-ekonomiya para sa rebolusyon.  Ang mga lokal ba pwersang-tanggulan tulad ng mga yunit ng milisya at pagtatanggol-sa-sarili ay naitatatag sa pamamagitan lamang ng pagsasama-sama ng kalalakihan at kababaihan na nasa ilalim ng mga komite sa depensa ng mga saligang organisasyong pangmasa. Naisasagawa nang sistematiko ang mga aktibidad sa edukasyon at kultura.”

Sa kanayunan, ang pagkakaorganisa ng masang anakpawis ay nagbibigay sa kanila ng tiwala sa sariling lakas sa pamamagitan ng kolektibong pagkilos.  Bilang kasapi ng asosasyon ng mga magbubukid, humuhusay ang kalagayan ng mga mahirap na magbubukid.   Ang asosasyon ang kumakausap sa mayamang magbubukid para makapagtrabaho sa kanyang lupa ang mga mahirap na magbubukid sa mas mataas na pasahod.  Sa halip na indibidwal na pagtrabaho, grupu-grupo silang nagtatrabaho para mapaunlad ang diwa ng pagkakaisa at pagsasamahan.  (Reaping the grains…) Makakahiram sa asosasyon ng gamit pambukid at binhi, na ibabalik nang walang dagdag o tubo sa loob ng dalawang anihan. (Culasi…) Sa pamamagitan din ng asosasyon, laluna sa kalagayang nakatatag na ang PROG, napapaunlad nila ang pag-asa sa sarili, halimbawa’y sa pagmamanupaktura ng ilang pangangailangan tulad ng sabon, suka, tinapay at kendi. (A bubbling discovery)

Ang diwang mapanlaban ng mga mahirap na magbubukid ay umuunlad dahil sa kanilang pagiging kasapi ng organisasyon, halimbawa’y sa pakikipagkumprontasyon sa kaaway sa uri (Sa Kabisayaan: si Ka Luming, ang rebolusyong agraryo, at ang armadong pakikibaka, 1980; Palamunin, 1985), o kaya’y sa pagtutol laban sa ebakwasyon.  (Culasi…; Ang uhaw na bundok Manuway, 1994).  Natututo silang palawakin ang suporta mula sa mga kaalyado at simpatisador sa sentrong bayan at lunsod para sa kanilang ipinaglalaban, at/o kumilos ng lihim para ipagpatuloy ang gawaing pang-organisasyon at pangkabuhayan laluna sa gipit na kalagayan.

Isa pang pagpapahalagang napapaunlad dahil sa pagsapi nila sa organisasyon ay ang diwa ng kolektibong pagdidisisyon.  Sa Mula sa tibak hanggang balakubak (1994), inilalarawan ang pagpupulong ng maliliit na mangingisda tungkol sa kanilang problema, ang pinsala sa kanilang hanapbuhay dahil sa pagpasok ng malalaking trol sa bahagi ng dagat na kanilang pinangingisdaan.  Hinayaan ni Tata Ikyo, ang tagapangulo ng asosasyon, na makapagbigay ng suhestiyon ang lahat ng kasapi.  Mapusok ang ibig nilang mangyari: pasabugin ang trol.  Namagitan si Tata Ikyo.  Sa diwa ng pakikiisa sa kanilang kauri, sinabi niya: “Pero alalahanin natin na pag pinasabog natin ang mga ‘yan ay marami ang madadamay.  Mga katulad din natin.  Pakaisipin ninyo na hindi kapitalista ang lulan ng mga bangkang iyan.  Mga manggagawang mangingisda na umaasa lamang sa maliit na parte nila mula sa may-ari.” Umurong nang kaunti ang  kapulungan: pababain muna ang nakasakay at saka pasabugin.  Noon lang nagmungkahi si Tata Ikyo: kumpiskahin ang huling isda.  Agad namang sinang-ayunan ito ng kapulungan at sama-sama nilang binalangkas ang plano.  Mahusay ang implementasyon ng plano, kabilang na ang ‘pananakot.’ Ang nakumpiskang isda ay itinakdang ipagbili at ang pera ay ibibili ng bigas na ipamamahagi sa lahat ng maninirahan sa baryo.   Sa gitna ng tagumpay, idiniin ni Tata Ikyo: “Pero marami pang prublemang dapat harapin.  Sana’y magpatuloy tayo sa nasimulan nang pagtatanggol sa ating mga karapatan.”

Masusubaybayan sa kwentong ito ang kolektibong proseso ng malayang paglalabas ng mga ideya, ng paghihimay ng mga tama at mali sa mga ideya, ng pagsang-ayon sa tamang ideya, ng pagpaplano at pagsasagawa, at ng pagtatamasa ng lahat sa kanilang napagwagian.  Bilang lider, si Tata Ikyo ay isang guro sa kapwa niya anakpawis¾hindi nagpapasuhol, isinasakripisyo ang sariling kapakinabangan para sa kapakanan ng organisasyon at komunidad, mulat sa  nangyayari sa kanyang kapaligiran, at sistematikong mag-isip at kumilos, mga pagpapahalagang napapaunlad sa loob ng mga organisasyong masa.

Katatagan ng Paninindigan.  Isang kahulugan ng pagpapahalagang ito ay ang pagtupad ng rebolusyonaryo sa kanyang tungkulin nang walang pasubali. Sa Chagun, may banggit sa isang Ka Roger, mula sa patag, na idinistino sa Abra para doon hintayin ang pagpasok ng BHB.  Kaiba sa kanyang dating pagkilos sa Ifugao bilang Pulang mandirigma, siya ay ligal na kumilos sa Abra, naglala ng basket at nagtayo ng kooperatiba ng masa sa paglalala ng basket.  Matiyaga niyang hinintay ang hukbo, at nang sila’y dumating, isa siya sa sumalubong at kalauna’y kasama na rin sa ng mga Pulang mandirigmang kumikilos sa lugar.  Ganito rin ang ikinwento ni Tatang sa kanyang Sa Tungki ng ilong ng kaaway (1988).  Sa gulang na 66 anyos, mag-isa siyang idinistino sa Kabundukang Kordilyera¾sa bawnderi ng Kalinga-Apayao, Abra at Ilocos Sur¾at nanatili roon ng tatlong taon para magsagawa ng panlipunang pagsisiyasat, makipagkaibigan sa masa, at magpaunlad ng mga bagong pwersa.  Ganito rin ang diwang inilalarawan sa Sky rose: “… Expand northeast, that was the instruction, and he didn’t know how.  He didn’t know what political work among the peasants consisted of; he had indeed come unprepared, but he would keep himself alive in the mountains. That much he could and would do. Stay alive and reach the northeast…”

Ang karanasan ng isang platun ng BHB (32 mandirigma, apat ay babae, at limang giya mula sa Tarlac) na isinasalaysay sa Diwang di-magagapi (1991) ay naglalarawan ng pagpapahalagang ito.  Sila ay naatasang sumanib sa BHB-Pangasinan “para makapaglunsad ng malaking aksyong opensiba na maghihila ng malaking bilang ng kaaway mula sa Bataan na sa panahong iyon ay matinding inaatake ng kaaway.”  Nagsasakyan sila mula Bataan patungong Tarlac, at mula roon, tinantya nila na sa loob ng apat na araw na paglalakad ay makakarating sila sa tipanang lugar sa Pangasinan.  Ngunit walang mga kasamang naghihintay doon, at bigo ang lahat ng kanilang pagsisikap na kumontak sa pamamagitan ng radyo.  Mula roon ay naglakad sila patungong Bugallon, at nang hindi ulit makakontak ay tumuloy sa Sta. Cruz, sa Zambales.  Sa panahong ito, nahihirapan na silang bumili/magpabili ng suplay, tinutugis na sila ng kaaway, ang kanilang pera ay mabilis na nauubos, at ginagawa na nila ang iba’t ibang paraan ng pagtitipid.  Nagdisisyon silang bumalik ng Bataan sa pamamagitan ng paglalakad sa kabundukan.  Wala silang gabay liban sa road map at maliit na kompas.  Sinuong nila ang bagyo, malalalim na bangin at rumaragasang ilog; nagkasakit ang marami sa kanila, at ang isang kasamang babae’y kinailangang ibaba sa bayan para gamutin ang impeksyon sa ngipin; isang  kasama ang nalunod habang tumatawid ng ilog; sinasaklit-saklit sila ng mga sundalong kaaway; minsa’y hinabol sila ng mga Ita dahil napagkamalan silang magnanakaw; hanggang sa wakas ay muli silang makaugnay sa mga kasama sa Bataan.

Ang apat na araw na lakad patungo sa bagong destino ay naging apat na buwang lakad pabalik sa pinanggalingang base.

Sa paglalagom ng platun sa kanilang karanasan, ano ang mga tampok na aral?

 

…Unang-una na rito ang kahalagahan ng matibay na rebolusyonaryong paninindigan at pagkakaisa.  Ni minsan ay hindi pumasok sa isip ng mga mandirigma na itago na lang muna ang mga baril at saka magsasakyan para lang makabalik agad…

Pangalawa’y  ang pagtampok ng dati nang aral na ang masa ang sandigan ng hukbong bayan.  Sa mga bahagi ng lakad na natataguyod at natulungan ang yunit ng masa, mas mabilis at mas kaunti ang panganib para sa kanila.

Malaki ring bagay ang naging mahusay at matibay na pamumuno ng kumand ng platun.  Ni minsan, ayon sa mga mandirigma, ay hindi nila kinakitaan ng panghihina ang mga namumunong kasama.  Sa panahong bumababa ang moral ng mga mandirigma ay gumagawa sila ng paraan na muli silang pasiglahin at tuluy-tuloy na kinakausap para mabigyan ng panibagong lakas ng loob…

 

Halaga ng Pagiging Kasama.  Sa rebolusyonaryong kilusan, ang terminong “kasama” (Ka, Kas at sa mga lokal na lenggwahe ay Abe, Kaka, Kadua, Kaupod, Bay), ay isang porma ng pagpapakilala bilang kasapi ng rebolusyonaryong organisasyon, pagpapantay-pantay (may mga karapatan at obligasyon tulad ng iba pang nasa loob ng organisasyon, ordinaryong kasapi o upisyal), pagtatangi (naiiba sa mga taong nasa labas ng rebolusyonaryong organisasyon/kilusan), at pagkukubli/pagbubura ng dating pagkakakilanlan bilang hakbang sa seguridad.

Sa mga larangang gerilya, ang pagpapakilala ng isa bilang kasama ay sapat na para pagtiwalaan siya ng masa.  Sa Children of the revolution  (1986), inilalarawan ang “pagsisinungaling” ng isang nang tanungin siya ng isang di-kilalang bisita (“Si Tatay kag Nanay, nag-uuman [nagsasaka]”)  Kinailangang payapain ang kanyang kalooban ng kanyang kasama:

 

“Don’t be nervous. You may answer her questions truthfully. She is a kaupod…”

Upon hearing this, the boy’s eyes sparkled and he flashed his impish smile.  Giggling, he gave the comrade from Manila a fleeting but warm handshake and said his nom de guerre, Jon-Jon…

 

Sa mga mag-asawa na kasapi ng kilusan, ang pagtuturing nila sa isa’t isa bilang kasama ay isang paraan para bantayan ang impluwensya ng pyudal na relasyon at itatag ang bagong relasyon ng pagkakapantay-pantay (Romance in the hills, 1986).  Sa loob ng hukbo, pinahahalagahan ng mga namumunong kasama ang mga bagong kasama, tulad ng ipinakikita sa Kasama (1973).  Isang dramatikong sitwasyon sa Gera ang naglalarawan ng ganitong pagpapahalaga.  Nakubkob ng kaaway ang pangkat nina Ka Dina sa loob ng sawmill. Natamaan si Ka Dina, hindi makakilos, at humingi ng saklolo kay Ka Angel na tumatakbo’t may hawak na malaking bag.  Handa na siyang mamatay tulad ng  iba pang mga kasama, ngunit biglang may bumuhat sa kanya, si Ka Angel, at itinakbo siya palayo sa kubkob at nadala siya sa ospital.  Nang gumaling siya ay nagbalik sa larangang gerilya, nagtagpo silang muli ni Ka Angel.  Ganito ang naging kanilang usapan:

 

“Kung hindi mo ako iniligtas, patay na sana ako ngayon.”

“Namili ako kung ano ang ililigtas ko, ikaw o ang pera.  Mabuti na lang, naisip kong ikaw ang iligtas.  Itinapon ko ang bag na siksik sa pera.  Kung hindi ganon ang ginawa ko,  habang buhay akong mumultuhin.”

 

Ang luksang parangal sa mga martir ay isang okasyon para itanghal ang mabubuting katangian ng mga kasama.  Sa Kasamang Arcie at Edith (1979), pinarangalan ang dalawang Pulang mandirigma mula sa uring magbubukid dahil sa kanilang katapangang kumilos kahit ginawang sentro ng operasyon ng kaaway ang kanilang baryo, paggabay sa kapwa kabataan, paninigurong ligtas ang mga kasamang kumikilos sa baryo, at pagkapoot sa kaaway sa halip na pagkatakot.  Gayunman, ang luksang parangal ay maaring ring maging okasyon para ilahad ang pagkakamali ng mga kasama, tulad nang inilalarawan sa Sky rose: “In an ambush, two Red fighters got killed: one had approached to recover the guns too soon and was killed when a soldier in his death throes fired wildly.  The other had foolishly jumped on a boulder, fired away cowboy-style at the patrol and got hit by a bullet in the head.  ‘Carelessness!  Pure carelessness!  Never be rash!  We should value our lives for we live only once.  We have offered to sacrifice it, so let’s make it a good sacrifice, Rolly, the zonal commander, had said in a rare voluble outburst during the memorial meeting.”

Ang pagtanggal sa “Ka” na kakabit ng alyas ay indikasyon ng pagbabago ng relasyon ng dating magkakasama.  Tingnan,  halimbawa, ang dayalogong ito mula sa Chagun:

 

“Ano’ng balita, Ka Jet?  [Akin ang diin.] nakangiting simula niya.

“Huwag mo sanang masamain, Ka Larry.”

“…Ano ‘yun, Ka Jet? [Akin ang diin] Kung hindi masama’y bakit mamasamain. Diretsuhin mo na.”

“…Kukunin namin ang pera ng Baclingayan. Ang CPLA na ang bahalang magpatupad ng proyekto.”

……

“Pa’no kung…hindi namin ibigay?…

“Hindi namin gusto ang gulo, Ka Larry. Ibibigay n’yo sa ‘min ang pera.”

……

“At sino’ng may sabi sa iyong ibibigay namin? Parang sinabi mo, Jet…” [Akin ang diin.]

 

Pagkamuhi sa kaaway.  “Kilanlin ang kaibigan, kilanlin ang kaaway”: ang pangangailangang ito ay usapin ng pagkilala sa mga uri sa lipunan, ng paghahanay ng mga pwersa sa panig ng rebolusyon at ng kontrarebolusyon.  Para sa masang anakpawis sa kanayunan na kumikilos sa digmang bayan, ang kanilang paghihirap at kaapihan ay dulot, hindi ng katamaran, kapalaran o ng diyos, kundi ng mga naghaharing uri sa lipunan at ng kanilang mga utus-utusan sa gubyerno at militar.  At kilala nila kung sino ang tumutulong para mabago ang kanilang kalagayan.  Ang pagkilala ng mga anakpawis sa mga pwersang kumikilos sa kanayunan ay inilalarawan sa Balita buhat…:” ‘Naintindihan namin,’ anang magsasakang kausap ko, ‘ang NPA kaysa sa PC.  Ang sinasalita ng NPA sa amin e tungkol sa aming mga sarili, kung paano kami makaahon sa paghihirap at gutom.   Kung sino ang tunay naming kaaway.  Kung ano ang dapat naming gawin.  Pero ang PC, ay ang PC, wala kaming nakikita sa kanila kundi ang armalayt.’”

Maaga pa’y nakakakuha na ng edukasyon ang mga bata sa kanayunan tungkol sa karahasan ng kaaway.   Sa Children of…, nabanggit ang karanasan ni Botyog, anim na taong gulang: “Years before, soldiers raided the house where the boy and the family lived.  When the troopers came, they ransacked the place and pushed everyone around.  Botyog’s baby sister who was then sleeping on a mat, began to cry, but the soldiers paid no heed.  Later, one of them stepped on her tiny body with his heavy, black boots.  Botyog saw how the troopers quickly silenced his sisters cries.  And the memory of that tragic night has stayed with him ever since.   Si Botyog ay kumikilos bilang kuryer ng BHB sa kaigangan ng Negros; ang pangarap niya ay paglaki ay maging isang Pulang mandirigma.

Sa mga larangang gerilya, itinuturing ng mga anakpawis ang kaaway bilang mga “estranghero” na hindi dapat tulungan.  Tulad ng isinalaysay sa Balita buhat sa….Sa engkwento sa pagitan ng BHB at PC, isang sundalong PC ang malubhang nasugatan at kailangang dalhin kaagad sa ospital.  Ngunit walang masang gustong magpahiram ng bangkang de-motor.  Sa Palamunin, minsang matanto ng isang anak ng mahirap na magbubukid na hindi siya ang palamunin kundi ang mga panginoong maylupang kanyang pinagsisilbihan bilang kabayaran sa “utang” ng kanyang ama, taas-noo niya silang hinarap at ipinaalam na tinatapos na niya ang kanyang pagtatrabaho sa bahay.  “Kung mayroon daw kayong tutol,” anya, “ay sa [Tatay ko] kayo makipag-usap¾sa bahay namin.” Ang ganitong pagharap sa kaaway sa uri ay nasa diwa ng “kumprontasyon,” ang pakikipagharap  ng mga mahirap na magbubukid sa mga panginoong maylupa para sa pagpapababa ng upa sa lupa.  Sa Bukatot,  nagmatigas ang mag-asawang magbubukid na huwag ipagbili ang kanilang tabako sa panginoong maylupa-negosyante dahil sa mababang presyo.  Ani Lakay Doming:  “Hindi na bale, Among, Ibebenta na lang namin sa iba.  Marami pa namang pumupuntang treyder na bumibili rito.”

Ang pagharap ng mahirap na magbubukid sa kaaway sa uri nang may kumpyansa sa organisadong lakas ng mga inaapi ay isang realidad sa kanayunan.  Kaya nga, ang paglalarawan sa kanila na takot at nanginginig sa harap ng kaaway, halimbawa’y sa isang dulang itinanghal sa isang distrito ng larangang gerilya sa hilagang Luson (tingnan sa Gattaran notes), ay hindi tumutugma sa naabot nang antas ng pag-unlad ng mga sulong na elemento mula sa maralitang magbubukid.

Ang pagpaparusa sa masasamang elemento (magnanakaw ng kalabaw, nanggagahasa, nang-aagaw ng lupa ng mga magbubukid, nag-iispiya para sa kaaway) ay isinasagawa ng mga Pulang mandirigma dahil sa pamiminsala nila sa kabuhayan ng masa at rebolusyonaryong kilusan.  Isinasaad sa Letter to Chris and Jeng (1985): “We had to render capital punishment, too, to a number of diehard persons who had earlier incurred blood debts. Not only had they been instrumental in causing the death of comrades, but they continued to limit out movements in the barrios and hinder the advance of our work despite previous warnings.  Before any decision for capital punishment is made a thorough investigation is conducted.  Then the basis for every decision is usually discussed in the barrios.”

Kung magkaiba ang pagtingin ng BHB at masa sa isang patrikular na kaso, iginagalang ng una ang kahilingan ng huli, tulad nang naganap sa Kordilyera (The Taking of Sadanga, 1985: “the guerrillas also convened a people’s court to try the town’s former mayor.  They presented their findings to the masses, and explained why he should be punished.  The NPA contingent condemned him to die, but respecting the people’s will and local customs, left them to decide his fate.  The people did not agree with the death verdict, but he said, ‘If he commits grave abuses again, we will take care of him ourselves.’”

Sa labanan, sinusunod ng BHB ang makataong pagtrato sa mga bihag na kaaway batay sa Protocol II at Kasunduang Geneva.  Ginagamot ang sumukong sundalo bago palayain.  May mga sitwasyong  ang mga sumukong sundalo ay binibimbin sa kampo ng mg Pulang mandirigma habang iniimbistiga ng pamunuan ng BHB ang kanilang mga rekord ng pagsisilbi sa reaksyunaryong hukbo.  Inilalarawan ito sa Tungkol sa mga POW (1991).  Sa loob ng apat na buwan, nanatiling nasa pangangalaga ng BHB ang 36 na sundalo ng Army.  Tinuruan silang maglaro ng chess bilang libangan. Ang mga talakayan sa pagitan ng walong bantay na Pulang mandirigma at mga bihag ay tungkol sa mga personal na bagay, hanggang magtanong ang huli tungkol sa rebolusyonaryong kilusan, ang programa nito matapos magwagi, atbp.  Bakit kinakailangang magpakahirap ang BHB sa pagbihag at pagprotekta sa mga POW?  Sang-ayon kay K Rustom, ang pinunong bantay, inaanunsyo ng ganitong pagtrato na “nakatitiyak ang mga sundalong ligtas sila sa kamay ng mga Pulang mandirigma, bastat wala silang nagawang kasalanan.”

Pagsasaya.  Sa gitna ng kahirapan at kalagayang pandigma, nakukuha pa ring tumawa ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa.  Maaaring ang puntirya ng kanilang pagtatawa ay ang kanilang sarili o ang kaaway.  Ang pagpapatawa sa kanilang hanay ay nagpapagaan at nagpapalapit ng pakikitungo sa isa’t isa,  samantalang ang pagtatawa sa kilos ng kaaway ay isang paraan ng pagsukat sa kahinaan ng huli.  Ang pagpapatawa bilang isang pagpapahalaga ay nagsisilbi sa pagnonormalisa ng kanilang relasyon at kalagayan basta’t ibinibigay ng pagkakataon.

Sa hanay ng masa, ang pagpapatawa ay nagbibigay ng pagkakataon para maisahan ang kaaway.   Sa Gattaran notes, nakatala ang isang munting kwento ng isang babaeng tagabayo:

 

Utos ng militar:  “Dapa! Dapa! Dapa kayong lahat! Ikaw, bakit hindi ka dumadapa?”

“Sir, kasi, puti ang damit ko.”

 

Dito, ang katawatawa ay resulta ng pagtatabi ng salita ng kapangyarihan at katarayan; kinakansela ng huli ang kaseryosohan ng una.

Sa Gera, isang matandang babaeng kasama sa demonstrasyon laban sa karahasang militar ang nagsalita:”

 

“Mayroon bang magririklamo?”

Isang matandang babae ang lumapit sa may ibaba ng intablado.  “Ako po, koronel!”

“Ano ang iyong reklamo?”

“Kahapon pa, inagaw ng mga sundalo nyo ang tatlung bote ng mantikang binili ko rito sa San Jose.  Ang sabi nila, pabili raw iyon ng mga NPA.  Pati ang bote ng shoktong na iniinom ko, kinuha nila!”

Umugong ang tawanan.

“Baka nagkakamali ka lang, misis. Nakilala mo ba ang mga sundalong sinasabi mo?”

“Yan po, si Tenyente Pasion, yang nasa likuran nyo!  Sila ang umagaw sa mga binili ko! Sila ang nagnakaw ng ari-arian ng aking pamangkin bago sunugin ang kanyang bahay! Isoli ang mantika’t shoktong ko!”

Mataras ang nakapamaywang pa ang matanda.  Maging ang pari ay hindi nakapagpigil na matawa.

 

Ang katatawanan ay resulta, una, ng paghahalo ng mga grabeng demanda laban sa militar at maliliit na angal; ikalawa, ng walang pagkakiming kilos at  pagsasalita ng matanda; at ikatlo, ng pagkapahiya ng militar sa harap ng maramihang tao.

Sa hanay ng mga Pulang mandirigma, ang katatawanan ay inilalarawan sa  kwento tungkol kay Banong sa Tempyo, Cleo at Banong (1993).  Isang Pulang mandirigma, si Banong, ay lumigaw sa isang titser sa baryo.  Ang porma ng panliligaw, na bahagi marahil ng kulturang bayan sa baryo, ay itinuro sa kanya ng mga kasama, at buong kaseryosohan niya itong sinunod.  Isang buong serye ng paghahambing ang kanyang isinaulo at binigkas sa harap ng kanyang nililigawan.  Tingnan:

 

“Saning, ang pag-ibig ko sa iyo ay katulad ng baboy sa sagmaw.  Iibigin kita nang paikot, saan ka lulusot?”

“Saning,  ako ay kalabaw, ikaw ay tubog, pwede bang makalublob?”

“Saning, ikaw ay papaya, ako ay uwak, pwede bang makatuktok?”

 

Ang dahilan ng katatawanan ay ang paglalagay ng seryosong personal na sitwasyon (ang panliligaw ni Banong) sa hulmahan ng pampublikong larong retorikal.  Ito ang simula ng integrasyon ni Banong sa kultura ng komunidad na kanyang kinikilusan.

          Ang pagpapatawa ay maaaring isang paraan ng paglalabas ng personalidad ng mga kasama.  Narito ang isang halimbawa mula sa Gera:

 

     May isa pang pangyayaring katawa-tawa tungkol kay Daniel pa rin.  Pasayaw-sayaw siya noon, ginagaya si Dolphy sa pagliyad-liyad ng leeg.  Hindi nila namalayang nakatambang na pala ang kaaway.  Inililiyad ni Daniel ang leeg nang biglang magpaputok ang kaaway.  Dinaplisan ng bala ng M-16 ang kanyang leeg.

     Noon di’y gumanting-putok si Dina ng kanyang otomatik karbin at mabilis silang umatras.

Nang marating nila ang isang ligtas na lugar, may paghangang sinabi ni Dina kay Daniel pagkatapos ng mabendahan ang leeg:  “Mabuti na lang at mabilis ka, hindi ka tinamaan.”

“Hindi mabilis. Mahusay lang sumayaw.”

“E, yong, pat-tumbling mo nang birahin mo ang kaaway?  Ang husay mong umikot, yong stalking ba habang nagpapaputok ka?  Pati kaaway, natakot!”

“Anong stalking? Nadulas lang ako kaya ako umikot at sa takot ay nakalabit ko ang baril at pumutok!”

 

Sa Sebyo, may isang tagpo kung saan pinagdidiskusyunan nina Sebyo at Luis, isang kasamang mula sa uring mayaman at intelektwal na kumikilos sa kalunsuran, ang tungkol sa pagsasaya ng mga kasama.  Ani Sebyo:  “Totoo, sa mga diskusyon, naipapakita mo ang iyang katapatan sa kanilang mga kapakanan at kinokondena mo ang kaugalian ng iyong kauri.   Ngunit sa mga  pang-araw-araw na gawain natin dito, kagaya halimbawa kapag kasabay natin sa kainan ang mga kasama, bahagya ka nang sumali sa ordinaryong usapan at biruan.  Nahahalata ko na ayaw mong mabiro o pagtawanan sa biruan na karaniwang pampalipas-panahon lamang ng mga kasama kung nagpapahinga.  Masyado kang maramdamin at agad mong dinadamdam ang anumang biro.  Kagaya nang minsang sabihin ni Rex na ikaw ay matakaw, napansin kong nagmukmok ka kaagad at hindi ko kinibo si Rex sa mahabang panahon.  Alam mo, Luis, kaming mga nanggaling sa mababang uri, kaming mga manggagawa o magsasaka, ay aakalain mong nagsisikmatan kapag nagbibiruan.”

Sang-ayon kay Sebyo, ang pagsali sa pagsasaya o biruan ay isang paraan ng pakikihalubilo sa mga kasama o masang mula sa mga batayang uri.   Na ang hindi pagsali ay pagpapakita ng pagkakaiba o pagkalayo sa masa.  Na ang biruan ay walang intensyong manakit o malisyoso at hindi dapat masyadong damdamin, ikapikon o ipagmukmok.

Sa sumusunod na pagpapaliwanag ni Sebyo, sinabi niyang ang pagsasaya/biruan/kantyawan ay ekspresyon ng paglaya ng personalidad ng mga inaaping uri: “Alam mo, sapagkat kaming mga dukha ay lagi na lang naaapi sa ating lipunan, naipapakita namin na kami ay may mga  personalidad din sa pamamagitan ng pagbibiruan at pagsasaya.   Sa harap ng matataas na uri, kami ay nasanay maging kimi, kaya bumabawi naman kami sa panahon ng mga kasayahan na maging mga taong likas na masaya kahit sa pamamagitan ng kantyawan.   Sana, maintindihan mo ito, sapagkat sa palagay ko, ito ang dahilan kaya ka napapalayo sa masa.”

 

Paglalarawan ng Kasaysayan                                                                  

          Maituturing bilang isang paraan ng paglalarawan ng kasaysayan ng digmang bayan ang kabuuan ng mga sulating ito.   Dahil ang kasaysayang ito ay hindi pa tapos at sa katunaya’y hindi pa nakalalampas sa unang yugto ng estratehikong depensiba, mangyayaring ang mga sulatin ay patuloy na magsisilbing batis na mapaghahanguan ng positibo at negatibong mga aral para sa kasalukuyang pagkilos.  May mga rebolusyonaryo-manunulat, sa katunayan, na pumaksa sa kanilang nakaraang pagkilos (habang patuloy na kumikilos) para maibahagi sa mga bagong rebolusyonaryo ang isang bahagi ng kasaysayan ng digmang bayan at ang mga aral na kanilang natutunan sa pagrerebolusyon.

          Pagbubukas ng Larangan. Ang halimbawa ng ganitong pagsusulat ay ang Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway ni Tatang. Isinilang noong 1910 sa isang mahirap na pamilya sa Bacnotan, La Union, nagtrabaho si Tatang noong kanyang kabataan bilang tabasero ng tubo sa mga asyenda sa Pampanga at Nueva Ecija at aktibo sa gawaing pag-uunyon bilang kasapi ng Katipunang Anakpawis ng Pilipinas ni Crisanto Evangelista at Kalipunang Pambansa ng mga Magbubukid sa Pilipinas ni Mateo del Castillo.  Naging kasapi sa lumang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1931 at patuloy na kumilos bilang organisador ng mga manggagawa at magbubukid, gayundin sa pagbubukas ng mga bagong lugar na kikilusan at sa pagbubuo ng mga grupong pampartido.  Noong  Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumahok sa armadong pakikibaka sa pamumuno ng Hukbalahap.  Pagkatapos ng digmaan, naging aktibo sa Congress of Labor Organization sa Maynila, nadakip at ibinilanggo noong 1952 at lubos na napalaya noong 1961.  Noong 1960, siya ang pinakaunang pumwesto sa Baryo Magsaysay sa Tondo; noong 1962, kumilos sa Constitution Hill (Batasan ngayon) sa hanay ng mga iskwater.

Ito ang bakgrawnd ni Tatang nang siya ay anyayahang dumalo sa mga pulong noong 1968 para sa muling pagtatatag ng Partido.  Noong 1969, isa siya sa mga kadreng tumupad para sa pagpapalawak ng Partido.  Mahigit isang taon siyang kumilos sa Ilocos, kanlurang Pangasinan, La Union, at bulubunduking mga lugar na pinaninirahan ng mga Igorot.  Nagpaunlad ng mga lugar na ito, at nakapagrekrut ng mga kabataan para kumilos sa larangang gerilya sa Isabela.

Nang umikot siya sa Ilocos, siya’y umatras pabalik ng Maynila.  Nang suspindihin ang writ of habeas corpus noong 1971, tumakbo siya sa silangang Rizal (dating District 6) at doon kumilos ng dalawang taon.  Noong 1976, naatasang pumwesto sa bawnderi ng Kabundukang Kordilyera na nag-uugnay sa tatlong probinsya¾Kalinga-Apayao, Abra, Ilocos Sur.  Tatlong taong namalagi roon hanggang uminit siya at kinailangang iwan ang lugar.  Noong 1980-81, sa Ilocos Sur naman nadistino hanggang uminit na naman siya.  Sandaling humimpil sa silangang Gitnang Luson at mula roon ay bumalik sa Maynila at kumilos sa hanay ng mga manggagawa.

Sa pagsasalaysay ni Tatang, makikita ang ilang katangian ng kanyang pagkilos:

1.  Sa pagsasagawa ng panlipunang pagsisiyasat sa mga lugar na binubuksan para sa armadong pakikibaka, maingat si Tatang sa pagdadala ng kanyang prente para pangalagaan ang kanyang seguridad, mahusay sa pakikipagkapwatao at pagkuha ng impormasyon mula sa mga nakakapalagayang-loob, at matyaga sa pagpapaunlad ng mga abanteng elemento mula sa masa.

          2.  Batay sa kanyang naunang pagkilos, alam niya ang kahalagahan ng isang lugar sa darating na panahon.  Ito ang kanyang pagtatasa sa kahalagahan ng silangang Rizal para sa armadong pakikibaka:  “Nagkita at nag-usap kami ng kinatawan [ng Komisyong Militar ng Partido] dahil ako’y may kahilingan noon na pag-aralan nila ang silangang Rizal.  Ito’y maaaring gawing tagpuan ng mga pwersa mula sa hilaga at timog sa mga darating na panahon, kapag lumakas at lumawak ang kilusan, pagkat narito na kami sa bawnderi ng Quezon at mahusay na lugar ito para sa armadong pagkilos.  Maraming tao rito na nakakaalam na ng pakikibakang gerilya pagkat ang lugar na ito ang dating base ng mga gerilya ni Marking noong nakaraang digmaan at naging base rin ng mga  Huk hanggang 1950-51.”

          3.  Sa mga lugar na kinilusan niya, may mga panandang batong nag-uugnay sa kasalukuyan at nakaraan.  Sa Sta. Cruz, Ilocos Sur galing si Manuel Joven, pangkalahatang kalihim ng CLO na dinukot ng kaaway noong 1949.  Sa Isabela, ang lugar na binubuksan nina “Ka Joma” at “Ka Payat” ay kinilusan ni Kumander Viernes ng HMB noong 1947.  At sa San Jose, Nueva Ecija, nakatagpo niya si Eugenio Gomez, kasama sa isang batalyon ng Huk na nagtungo sa Cagayan noong 1947 at isa sa ilang nabuhay pagkatapos ng lababan sa Camalaniogan.

          Paghulagpos at Pagpapalawak. Ang Gera ay tungkol sa paghulagpos ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Isabela sa kampanyang pagkubkob at paglipol ng rehimeng US-Marcos mula 1975 hanggang 1977 at ang pagpapalaganap sa Cagayan Valley ng armadong pakikibaka at kilusang masa hanggang 1979.

          Nasa pusisyon si Ruth Firmeza para isulat ang kasaysayang ito.  Nagsimula bilang estudyante-lider noong Rebolusyonaryong Sigwa ng 1970, sumampa siya sa BHB sa hilagang-silang Luson noong 1971.  Itinalaga siya sa Seksyon sa Kultura ng Regional Operational Command mula 1971 hanggang 1977.  Mula 1977, kagawad siya ng komite sa Distrito 1 ng Cagayan at kinalauna’y ng komiteng panrehiyon ng dulong hilagang Luson.

          Ipinaliliwanag ng awtor ang sakop at diin ng kanyang nobela: “Sinasaklaw ng nobela ko,” anya, “ang panahon mula 1972 hanggang 1979, na may partikular na diin mula 1975 hanggang 1979.  Sang-ayon sa isang artikulo sa Ang Bayan, ang mga taong 1969-79 ay mga taon ng pagbubuo (formative years) para sa armadong pakikibaka at kilusang masang magsasaka sa kanayunan.  Nakasentro ang nobela kina Ka Arman (Catalino Balmores, Jr.), ang kumander ng platun sa dulong hilagang Isablea, at Ka Enyong (Dr. Johny Escandor). Nagkasama kami mula 1975 hanggang 1979…Binigyang sulyap din sa nobela ang mga pangyayaring naganap nang maglunsad ang kaaway ng kampanyang pagkubkob at paglipol laban sa BHB sa forest region ng Isabela noong 1972-77.” (Ang kultura ay larangan din ng digmaan, Liberation, July-Sept. 1991.)

Ang pagkakamali sa matagal na pagbabase sa Forest Region ng Isabela, pangunahin dahil sa pamimilit ng isang kasapi ng (Fandong/Ruben Guevarra, na kinalauna’y bumaligtad at sumapi sa ISAFP) ng pamunuan ng rehiyon (1972-77) ay isang paksa na pinag-uusapan ng mga kadre pagkaraang mabuo ang bagong pamunuan na nagpasyang humulagpos sa kubkob ng kaaway: “Isa sa hinahangaan ko,” ani ni Ka Ernie, “ang pagiging matatag ni Fandong sa prinsipyo sa prinsipyo.  Kaya lang, mali at wala sa lugar.  Sukat bang ipagmatigasang magtayo ng baseng purok sa lugar na walang tao, sa maling pagtantyang babalik ang masa?  Ano ang naitayo natin? Baseng kamote, gabi at saging! Gayunman, malaki ang nakuhang aral mula doon.  Yon na lang ang ating panghawakan par hindi muling magkamali.”

Pagkalipat sa Cagayan, inatupag ng mga natirang pwersa ang pagpapatatag at pagpapalawak sa harap ng kampanyang “Aurora Borealis” ng kaaway.  Isinagawa nila ang panlipunang pagsisiyasat, pag-oorganisa sa masa, pagbubuo ng mga grupong pampartido sa lokalidad, paglilinis ng masasamang elemento, pagpapatupad ng rebolusyong agraryo, pagbawi sa iniwanang mga lugar sa Isabela, pagpapalawak sa kapatagan, at pagsusulong ng armadong pakikibaka.  Nagbunga ang ganitong mga pagkilos sa malalaking kilos-masa laban sa  ebakwasyon, karahasang militar at anti-mamamayang mga proyekto ng gubyerno,  ng pagkakabuo ng unang yunit gerilya bilang binhi ng regular na pwersang gerilya (Grupong Magalat 18).

Nakasentro ang nobela sa dalawang tauhang istorikal, sina Catalino Balmores, Jr. (Ka Arman) at Dr. Juan Escandor (Ka George).  Si Ka Arman ay taga-Isabela, sumampa sa BHB noong 1971 at naging kalihim at kumander ng Distrito sa Cagayan.  Naging kasapi ng pamunuan ng rehiyong hilagang Luson  1977-79. Nagbuwis ng buhay sa Lallo, Cagayan noong 1979.  Si Ka George ay taga-Gubat, Sorsogon, sumampa sa Isabela noong 1975, pinuno ng Medical Bureau ng Regional Operational Command, at naging kalihim ng Distrito 3, timog-silangang Isabela.  Kasapi ng pamunuan ng rehiyong hilagang Luson 1977-79.  Nagbuwis ng buhay sa Maynila noong 1983.  Ang iba pang mga tauhang istorikal, kapwa mga kasama at kaaway, ay nakalista sa mga unang pahina ng libro.

Nagsasalimbayan sa nobela ang nakaraan at kasalukuyan (ibig sabihin, ang kasalukuyang aksyon sa nobela).  Ang paggunita ng mga kadre ng kanilang nakaraang pagkilos sa Isabela ay nagbibigay ng mga aral sa kanilang kasalukuyang pagkilos sa Cagayan: “Napapangiti si Levi pag ipinaaalala ni Dina ang kwento tungkol sa mga pasyente.  Mabisang gamot din ang pagtukoy sa nakaraan.  Hindi na kailangang danasin pa ito ng mga bagong mandirigma para matuto.”  Sa ganito, nagiging bahagi pa rin ng kasalukuyan ang nakalipas, bilang babala o modelo.  Tingnan, halimbawa, ang pagkukumpara kina Crispin Tagamolila at Victor Corpus:  “Maraming angal tungkol sa kanya [Ka Erning/Victor Corpus] ang mga taga Coy C,” ang naaalala ni Dina.  “Pinaiiwan niya ang mga kasamang sugatan.  Ang hindi makatagal, pinabababa.  Pinairal niya ang napakahigpit na disiplinang militar, laluna nang tumindi ang pagsalakay ng kaaway sa Aurora.”  At:  “Bakit nakapagpanibagong-hubog si Ka Cely [Crispin Tagamolila],” ani Ariston, “na tulad ni VC ay isa ring tinyente ng AFP?  Malayo si VC kay Ka Cely.  Nagmasswork si Ka Cely at minahal ng masa. Hindi ba noong masugatan siya, ilang kalabaw ang minobilisa ng mga taga-Jones para siya iatras?  Ilang kaing ng kahel at pinya ang ipinadala ng mga taga-Echague para siya gumaling?”

Inilalarawan din sa nobela ang ugnay ng mga kadre sa pamunuan ng rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng mga dokumento (Specific Characteristics of our People’s War, 1974, Our Urgent Tasks, 1975), kumperensya, plenum, pagkakampo, atbp.; gayundin sa daigdig sa labas ng mga larangang gerilya sa pamamagitan ng liham (“Sunugin  pagkabasa”), lumang dyaryo at magasin, at laluna sa pamamagitan ng radyo para sa mga balitang lokal, pambansa at mula sa ibayong dagat.  Sa ganitong paraan ay naiuugnay nila ang kanilang pagkilos sa pagkilos ng mga kasama sa ibang rehiyon at sa mga pakikibaka at tagumpay ng mga rebolusyon sa ibang bansa (Byetnam 1975, digmaan sa pagitan ng Byetnam at Kampuchea 1977, Iran at Nicaragua 1979).

Sa pamamagitan ng paglalarawan ng isang huling pangyayari sa nobela¾ang pagbubuo ng isang yunit gerilya na binhi ng regular na pwersang gerilya¾iniuugnay din ang kasaysayang sakop ng nobela sa mga disisyon ng rebolusyonaryong kilusan sa susunod na dekada, tungkol sa regularisasyon.  Sa isang plenum ng distrito, pinagpasyahan ng pamunuan ang pagbubuo ng mga ganap na yunit gerilya.  Ipinaliwanag ni Ka Ariston: “Kinakailangang humakbang na tayo nang mas mabilis.  Buuin ang isang yunit gerilyang libre sa gawaing masa at nakatuon sa gawaing militar.  Kaya nang harapin ang gawaing konsolidasyon sa pamamagitan ng maliliit na yunit propaganda at sa tulong ng mga aktibistang masa, at ang gawaing militar mula sa mga Sandatahang Yunit Propaganda.”

Dito ba nagsisimula ang paglihis?

Kontrarebolusyon sa Kabundukan. Sa Chagun, isang maikling kwento ni Levy Balgos de la Cruz, pinapaksa ang pagtiwalag sa BHB ng isang pangkat na pinamumunuan ni Ambo (Conrado Balweg) noong 1986 at ang pagbubuo nila ng sariling organisasyon, ang Cordillera People’s Liberation Army (CPLA).  Sa pamamagitan ng paglalahad ng mga lider-masa mula sa hanay ng mga katutubo at mga Pulang mandirigma mula sa patag, naililinaw ang pagkaunawa at paninindigan nila tungkol sa usapin, gayundin ang pagkilala nila kay Ambo bilang indibidwal.

Sang-ayon kay Jovencio Balweg, nakababatang kapatid ni Conrado at nananatili bilang kadre ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF), malakolonyal, na ang pangunahing katangian ay malakomunal.”  “They maintain, therefore, that there are no antagonistic class contradictions or class struggle in Cordillera society. In fact, they say that if the Cordillera were not penetrated by outsiders, its people would have remained in the communal stage.  They speak of a Cordillera society completely separate from mainstream Philippine society.” (We are committed to promote Cordillera culture, Liberation, June-July 1987, p. 8.)

Sa maikling kwento, inilalarawan ang reaksyon ng mga mulat na katutubo, tulad ni Ama Gaspar na dumalo sa pulong na ipinatawag ni Ambo:

 

“…Ano na bang sinabi nila sa pamiting na ginawa nila?”

“Ku, e sabi nila’y mali daw ang linya ng NPA dito sa Cordillera. Ano raw bang mala-pyudal-mala-pyudal, e komunal naman dito!”

Na sinagot naman daw nang buong husay ng lider-masang si Ama Gaspar ng sityo Ataki: Ano bang komunal ang sinasabi nila?  Lahat na halos ng pastulan sa Tubo ay mayroon nang nagmamay-ari…Ang pinakamalawak na lupa sa Abra ay pag-aari ng mga Barbero at Valera.  Ang mga irigasyon ay pag-aari ng simbahan.  Ang mga gubat, kinukuha ng malalaking pribadong konsesyon¾tulad ng Cellophil… Matagal nang pinasok ng pera ang maraming lugar ng Cordillera.  Pera na ang nagpapatakbo sa buhay ng tao kahit na sa Tubo…”

 

Ang ikalawang punto na sinagot naman ni Ama Linggayo sa pulong ay ang tungkol sa hangad nina Ambo na paalisin na sa Kordilyera ang mga NPA na nagmula sa patag:

 

“Niluluko lamang daw ng mga kasamang taga-patag ang mga taga-Cordillera.  Pag nanalo daw ang rebolusyon, mga taga-patag ang maghahari rito.  Sila raw ang hahakot ng mga minas at troso.  Kaya palayasin na raw ang mga taga-patag at ang NPA ng mga taga-patag….”

“Kako, sa buong karanasan ng Apatakili sa NPA, hindi ang mga nanggaling sa patag ang mga luku-luko kundi ang mga taga-rito. Sinu-sino ‘ka ko, ang may kaso sa pagpatay sa mga baka at kalabaw ng masa?  Hindi ba mga taga-rito mismo?”

“Sinu-sino ang nagkakaso sa panluluko ng babae”…?At maging sa pagsasamantala sa mga lalaki?  Mga NPA na tagarito, ‘ka ko, hindi ang mga nanggaling sa labas! Sinu-sino ang mga hindi nagbayad  pagkaraang umutang sa tindahan?  Tagarito! “Ka ko’y mahirap ang bumanggit ng mga pangalan.”

 

Tungkol sa pagkatao ni Ambo, alam ng mga katutubo at mga Pulang mandirig0ma na mahilig siyang “magpiknik sa ilog” (“…Sabi nga niya’y mali ang sabi nib Mao na ang rebolusyon ay hindi isang piknik o piging!”). Mahilig  siyang gumawa ng mga romantikong eksena kasama ang kanyang mga kapanalig, tulad ng “horseback-riding under the moonlight.” Mahilig siyang  magpabida: “…ang gusto ni Ambo ay nasa pamunuan siya, hindi lamang sa isang distrito kundi sa buong Cordillera.  Hindi lamang sa pulitika gusto niyang magbida, gusto rin niyang bida pa rin siya sa militar…” Mahilig din siya sa sex; nabuntis niya ang isang kasamang rekluta mula sa tribung Butbut habang ang kanyang asawa ay nakakulong sa Camp Dangwa.  Ito ang dahilan kung bakit siya na-DA: inalis siya sa pagiging kalihim ng distrito.

Sinapantaha ng mga lider-masa ng mga katutubo na ang paghiwaly ni Ambo sa BHB ay may kinalaman sa “mirakulo” sa EDSA:  “Bago na ang nasa puder,” ani Ama Linggayo, “baka iniisip nina Ambo na tapos na ang laban.  Baka nag-iipon lang ng lakas para sa kapangyarihan sa pakikipagtawaran kung sakali!…

Nang sinulat ang kwentong ito, “hindi pa upisyal ang paghiwalay nina Ambo.”  Isang taon ang lumipas nang ideklara ng CPDF na, “The counter-revolutionary character of the CPLA has  been unmasked…And the deception comes as the CPLA ringleaders continue to brandish themselves as revolutionaries by claiming that they represent the Cordillera people.”  (Uncovering a charade in the Cordillera, Liberation, June-July 1987, p. 7.)

Isang bahagi ng kasaysayan ng Kordilyera ang inilalahad sa Chagun, na hanggang ngayo’y nagpapatuloy at nakasentro  sa mga pagkilos ni Conrado Balweg at ng CPLA bilang tropang paramilitar sa Kordilyera ng mga rehimeng US-Aquino at US-Ramos.  Sa maikling kwento, ang mga impormasyong pangkasaysayan, tulad nang paggamit ni dela Cruz sa iba pa niyang mga sulatin, ay nagkakaanyo sa porma ng diskurso at paninindigan na pinanghahawakan ng mga tauhan at nagbibigay-hugis sa kanila bilang mga indibidwal.  Ang inihahapag ng kwento ay ang katanungan, Sino sa dalawa, ang BHB ba o CPLA, ang tunay na nagsisilbi sa masang katutubo?  Sa panahon ng chagun (tagtuyot), sapilitang kinukuha ng CPLA ang pondong hawak ng BHB para sa konstruksyon ng irigasyon sa kabundukan, na sila na ang mangangasiwa sa proyekto.  Walang ibig sabihin ito kundi ang pag-aalis sa BHB ng kapangyarihang kumilos para sa kagalingan ng mga katutubo at ang pagtataboy sa kanila sa lugar para lubos na makapaghari ang CPLA.  Sa tunggaliang ito, lalo lamang napalapit sa masang katutubo ang mga Pulang mandirigma dahil sa tatag ng kanilang paninindigan.  Ang kahandaan ng masa na kupkupin at ipagtanggol ang mga Pulang mandirigma ay nangangahulugang hindi magiging madali para kay Balweg at CPLA na pagharian ang buong Kordilyera batay sa pinalobong bodong (mula sa orihinal na kahulugan nito bilang kasunduan sa kapayapaan, itinuring ito nina Balweg bilang sistema ng paggugubyerno) at makitid na konsepto ng awtonomya para sa mga pambansang minorya.

 

Personal na Damdamin

Sa pagtupad ng gawain para sa armadong pakikibaka o kilusang masa sa kanayunan, mayroon bang panahon ang mga rebolusyonaryo para ipahayag ang kanilang personal na damdamin?  Ano ang kahalagahan ng pagpapahayag/paglalarawan ng damdamin sa kanilang buhay?

Sa Sa Tungki…, minsan lang nabanggit ni Tatang ang kanyang asawa at sa layuning magbigay lang ng impormasyon: “Noong mga panahong yaon (58 anyos si Tatang noong 1968), medyo malaya at ligal pa ang pagkilos at ako’y nakakauwi pa paminsan-minsan sa Maynila para dalawin ang asawa kong nag-iisang naiiwan sa bahay.”  Maaaring ang halos hindi pagbanggit ni Tatang ng mga personal na elemento sa kanyang buhay bilang rebolusyonaryo (matingkad ang nauna niyang mga alaala tungkol sa kanyang mga magulang at kapatid) ay isang hakbang panseguridad, o kaya’y isang paksang hindi nabuksan ng mga kasamang gumabay sa kanyang pagsusulat.

Sa pagsusulatan naman ng mga nagliligawang  mga rebolusyonaryo, tulad nang inilalarawan sa Ilang buhay man…,  sa bandang dulo na lang ng sulat nababanggit ang anumang damdaming personal, at kahit ang pagbanggit na ito’y laging nakasalalay sa pangkalahatang pagmamahal sa masa.

Pero may mga sulating lubos ang pagpapahayag ng damdamin, tulad ng liham ni Lorena Barros sa kanyang ina: “Subalit isipin ko lamang na mauunawaan mo ako ng lubos ay gumagaan na ang aking loob.  Mapalad ako sa pagkakaroon ng isang komunistang ina!… Kay palad ko sa iyo, ina! Kahit minsan ay di ako nakarinig sa iyo ng panunumbat…Sino ang makaiisip na ikaw, ang awtoridad na pinaghimagsikan ko nuong aking kabataan, ay siyang magandang halimbawa sa akin ngayon!…” Nilakipan pa ni  Lorena ang kanyang liham ng isang tula sa kanyang ina.

Para sa mga magulang, laluna yaong mula sa uring petiburges, na kapwa kumikilos sa rebolusyon, isang dahilan ng kanilang pagkakabagabag, kahit panandalian, ay ang tungkol sa hinaharap ng kanilang mga anak.  Sa Letter of a wife to her husband (1979), isang inang nakabilanggo ang nagpahayag ng kanyang damdamin tungkol dito sa sulat niya sa asawang patuloy noong kumikilos sa larangang gerilya: “But I cannot help feeling sometimes that he is also temptation to “lie-low” because I am beginning to feel I want to watch him grown.  A temptation to be less daring in making revolutionary demands of myself.  Those of us who are mothers (here in prison) often discuss this, unburdening ourselves to each other.  Before, there was this common guilt, that out children won’t have a ‘normal’ upbringing, deprived of the continuous guidance of mothers and fathers.  You can just imagine how painfully Auntie Letty paints this in my mind,  accusing me of being irresponsible.”  Ngunit bilang mga rebolusyonaryo, alam nila ang relatibong kahalagahan ng mga bagay-bagay:  “This is our highest responsibility, to make a revolution and all other responsibilities are subordinate.”

Tulad ng karaniwang tao, may itinatagong litrato o anumang bagay na makapagpapaalala ng kanilang mahal sa buhay.  Sa Gera, inilalarawan ang kadreng si Dina na laging dala ang larawang ng kanyang anak:  “Mula sa kanyang notbuk ay inilabas ni Dina ang isang litratong nangungupas na.  Naroon ang mukha ng isang anghel, nakangiti.”  Hanggang sa siya’y mapatay (natambangan ang kanyang grupo pagkatapos magdaos ng pulong masa), ang larawang ito ang kanyang baon: “Nagdidilim na ang kanyang paningin habang nakapatong sa namamatay na niyang katawan ang isang nakahubad na tinyente. May isang larawang nakakintal sa kanyang gunita bago siya lubusang panawan ng buhay, ang larawan ng anak nila ni Nilo, ang munting si Nida, nakangiti.”

Isa namang matinding damdamin ang inilalarawan sa Kasama (1992).  Sa kwento, isang kasama ang nahatulang mamatay dahil sa paglabag sa disiplina ng BHB tungkol sa pakikipagrelasyon.  Inilalarawan ang damdamin bilang kolektibong damdamin ng buong iskwad na kinabilangan ng nagkasala: “Nagkatinginan ang magkakasama, minsan pa’y nagkapaan ng iisang nadarama… Pu…Anak ng… Putragis putragis kasi, bakit baket?  Nag-uunahan, bumababa ang mga tanong pero narendahan nila ang sarili.  Napag-usapan na naman kasi, tapos na…Putragis putragis, ang linaw ng batas natin sa pakikipagrelasyon…Lintek, may Pulang mandirigma bang dalawahan ang mukha?…Uuuhh…Sarap mong kutusan, batukan.  Okay ka naman kasi, e. Sa ideolohiya, pulitika, organisasyon, akala nami’y di ka pa pahuhuli sa iba.  Pero ngayo’y eto nga… Nasa amin ang bigat, alam mo?  Intindido mo ‘kamo, tanggap.  Pero naiintindihan mo nga ba?”

 

III

Pagsusulat, Porma, Lenggwahe

Sa rebolusyonaryong kilusan, ang pagsusulat ay nakabatay sa sirkunstansya ng mga rebolusyonaryo.  Para sa mga propagandistang kasapi o nakaugnay sa mga lupong editoryal ng mga pambansa o panrehiyong publikasyon, o sa mga komite sa propaganda, isang regular na gawain ang pagsusulat tungkol sa pag-unlad ng gawain sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka sa kanayunan.  Sa pana-panahon, lumalahok ang mga Pulang mandirigma sa mga palihang isinasagawa sa mismong larangang gerilya, at sila’y nagkakaroon ng  pagkakataong mapaghusay ang kanilang kasanayan sa pagsusulat tungkol sa kanilang karanasan, iniisip o dinaramdam.  Sinasanay din ang kanilang kakayahan sa pagsulat sa iba’t ibang pormal tulad ng dagli, kwento, reportahe, dula o iskit, talumpati at iba pa na tutugon sa pangangailangan ng publikasyon, pagtatanghal at kahit personal na komunikasyon.  Ang pagdaraos ng timpalak pampulitika, tulad ng Gantimpalang Ani ng Gapas Foundation na tumagal ng ilang taon, ay nagbibigay din ng pagkakataong makapagsulat ang mga rebolusyonaryon at kaalyado.  Ang iba nama’y nagkakapanahong magsulat habang nakakulong bilang mga bilanggong pulitikal.  Sa loob ng bilangguan naisulat ng Sky Rose at Sebyo.  Kahit may regular na gawaing hinaharap araw-araw, nagkakapanahon pa rin ang ilang kasama para makapagsulat, tulad ni Ruth Firmeza (Gera) na noo’y isang pinuno ng BHB at ng Komiteng Panrehiyon ng dulong hilagang Luson.  Para sa mga aktibista at propesyunal na  nakabase sa lunsod, ang exposure trip sa isang bahagi ng larangang gerilya na tumatagal mula isang linggo o dalawa/tatlong buwan o higit pa ay nagbubunga ng mga talaarawan, reportahe, dagli o maikling kwento.

Ang pagkakasulat ng Sa Tungki…ay isang halimbawa ng paghihikayat ng mga kadre sa isang beterano ng rebolusyong Pilipino na isulat niya ang sariling talambuhay.  Sa panahong siya’y pansamantalang nakikisilong sa upisina ng mga kadreng nakabase sa lunsod, sinulat niya ang kanyang karanasan sa kilusan batay sa mga panimulang tanong ng mga kasama.  Pinagdidiskusyunan ang natatapos niyang bahagi ng manuskrito, na nagreresulta sa mga bagong tanong, mungkahi, atbp., hanggang makumpleto ang manuskrito. Sitentay dos anyos na siya noon, gumaganap pa ng tungkulin sa kilusan, malinaw ang sulat-kamay at tiyak ang kanyang paggunita sa petsa, lugar, pangalan at itsura ng mga personalidad na nakaugnayan niya, pangyayari, atbp.

Iba naman ang kasaysayan ng pagkakasulat ng nobelang Gera ni Ruth Firmeza.  Noong 1981, naganyak si Firmeza na magsulat pagkabasa ng nobelang Hulagpos! (1980) ni Manos de Verdades Posadas.  Noon di’y  sinimulan niya ang pagsusulat “sa isang makapal na notbuk” matapos tiyakin ang paksa, tauhan at sakop na panahon ng kanyang nobela.  Isinisingit-singit lang niya ang pagsusulat hanggang kahit ito’y hindi na magawa dahil sa paglulunsad ng kaaway noong 1983 ng Oplan Katatagan sa erya.  Ipinatago niya sa isang organisadong pwersa sa baryo ang manuskrito nang kinailangang siya’y lumipat.  Hindi na niya nabawi ang manuskrito at nawalan na siya ng ganang uliting isulat ito mula sa alaala.  Noong 1985, ang pagpatay sa matalik niyang kaibigan at kasama, si Venerando Villacillo, ay nagbunsod sa kanya para muling balikan ang pagsusulat ng nobela.  Anya:  “ Mula noon, lagi kong kasama ang makinilya at papel.   Saan man ako naroon, basta may pagkakataon, ikinayod ko ang pagsusulat. Sa pamamahinga sa pagitan ng mga pulong at kumperensya, sa kubo ng masa sa kapatagan, maging sa loob ng kubkob at pakikipaglaban sa kaaway, laman ng aking ang isip ang nobela.”  (Gera, p. 346.)

Ang paggamit ng mga manunulat ng partikular na porma ng prosa ay nakadepende sa anuman sa sumusunod na konsiderasyon (1) kung ano ang nakasanayan, (2) pangangailangan ng publikasyon o okasyon (3) prayoridad sa palihan o timpalak (3) pag-angkop sa materyal, at (5) kagyat na pangangailangan.

May mga manunulat na nahasa na ang kakayahan sa partikular na mga porma ng sulatin bago pa man lumahok o magsulat para sa rebolusyonaryong kilusan.   Karaniwang ang kakayahang ito ay sa mga pormang kabilang sa  tinaguriang “malikhaing panitikan” (maikling kwento, nobela), tinatangkilik ng mga babasahing komersyal (sanaysay, reportahe, panayam), o popular sa masang anakpawis sa kanayunan (sugilanon, pabula). Tiyak na ang bagong nilalaman, ang ideolohiya at pulitika ng rebolusyonaryong kilusan, ang pinagtutuunang pangunahing mambabasa/tagapakinig, atbp., ay may impluwensya sa pagbabago ng mga tradisyunal at modernong pormang ito para maging bahagi ng rebolusyonaryong kultura.

Ikalawa, ang mga publikasyon sa kilusan ay may kanya-kanyang prayoridad hinggil sa porma ng mga artikulong inililimbag.  Regular ang paggamit sa Liberation ng reportahe at panayam para maipaabot sa mga mambabasa nito ang pinakahuling pag-unlad sa iba’t ibang larangan ng gawain sa kanayunan; naglalaman din ito ng mga obrang pampanitikan (tula, kwentong hango sa bagong limbag na libro) at panunuring pampanitikan at pansining.  Ang Ulos  ay nagbibigay-tuon sa mga dagli, maikling kwento, tula, kanta mula/tungkol sa kanayunan, tulad ng di-regular o huminto nang mga publikasyon pangkultura sa mga larangang gerilya (Sublak¾Panay, Dagitab¾Timog Katagalugan, Punla¾Bikol) at sa Maynila-Rizal (Kamao).  Sa mga panrehiyong pahayagang masa lumabas ang ilang liham mula sa mga mambabasa, sugilanon, pabula at parangal-gunita.

Sa paglilimbag ng mga sulatin sa mga publikasyong pambansa at panrehiyon, pinatitingkad ang kahalagahan ng paksa sa umiiral na linyang pampulitika sa isang panahon.  Halimbawa, ang isang artikulo sa Liberation noong 1984, ay ipinakilala ng patnugutan sa ganito: “The NPA medical training program is an important component of the task to regularize the guerrilla army and accelerate guerrilla war.”

Ang paglalabas ng mga librong pampanitikan/pangkasaysayan ay hinarap ng ilang organisasyon sa kilusang lihim tulad ng ARMAS (Kabanbanuagan, Clearing), at LINANG (Magsasaka: Ang Bayaning Di Kilala, Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway, Bukal ng Tubig at Apoy, Gera, Sebyo).

Sa mga larangang gerilya, ang ilang porma ng mga sulatin ay binibigkas sa partikular na mga okasyon.  Ang pabula, halimbawa, ay binibigkas sa pulong-pag-aaral ng mga organisadong masa para mapatingkad ang mga puntong kanilang pinag-aaralan.   Sa mga parangal-paggunita na idinaraos ng hukbong bayan, binibigkas, may tekstong nakasulat o wala, ang maikling talambuhay ng mga martir at dinadakila ang kanilang ambag sa rebolusyon.

Ikatlo, pinauunlad ang kakayahan ng mga manunulat sa paggamit ng iba’t ibang porma ng sulatin sa pamamagitan ng mga palihan at timpalak.  Ang palihang itinataguyod ng ARMAS sa isang baseng gerilya sa Timog Katagalugan ay nagbunga ng mga dagli, reportahe, liham, maikling dula at kanta mula sa mga Pulang mandirigma; tinipon ang mga ito sa isang buong labas ng Ulos  noong 1991.  Ang Gantimpalang Ani, isang proyekto ng Gapas Foundation, ay nagbigay-sigla sa pagsulat ng mga tula, maikling kwento, sanaysay, dula at kanta tungkol sa buhay at pakikibaka ng mga magbubukid.  Hinati sa dalawang dibisyon ang mga lahok: yaong mula sa mga magbubukid at yaong hindi kabilang sa sektor pero nakikiisa at sumusulat tungkol sa kanila.  Sa timpalak na ito binigyan ng pagkilala ang porma ng salaysay na hindi pwedeng ihanay sa kategorya ng maikling kwento o sanaysay.

Ikaapat, hinahanapan ng manunulat ng wastong porma ang kanyang materyal.  Ang pagkakasulat ni Tatang tungkol sa kanyang mga karanasan ay nasa anyo ng sariling talambuhay (autobiography).  Gayunman, ang anyong sinunod ni Tatang ay hindi ang talambuhay bilang isang kumbensyunal na pormang pampanitikan kundi ang mga pormang palasak sa rebolusyonaryong kilusan tulad ng talakayambuhay at bangkaan a shayring. Isinasaad ng mga pormang ito ang diwa ng kolektibong pamumuhay, pagkilos at hangarin, ang paghango ng mga aral, positibo o negatibo man, mula sa karanasan, ang pagpapahalaga sa mga katangian ng mga rebolusyonaryo bilang pwersa sa pagbabago ng lipunan at kasaysayan, atbp.  Kinokontra nito ang pagsamba sa sarili, at pagtutuon sa di importanteng mga bagay, at ang ideya ng pagiging “ganap” ng buhay na inilalarawan sa kumbensyunal na talambuhay.  Ang pagkakasulat ng talambuhay (o talakayambuhay) ni Tatang ay nasa konteksto ng buhay-kolektibo, ng patuloy niyang pagkilos, ng rebolusyonaryong kilusang patuloy sa pagsusulong ng adhikain ng sambayanan.  Ang “Tatang” bilang pangalan ng awtor, tulad ng iba pang pangalang ginamit niya¾Cesar, Rodel, Marcial, Lauro, Jose, Roy¾ay pangalan sa pakikibaka, at anonimo maliban sa kakolektiba at rebolusyonaryong kasaysayan.

Sa kasa naman ng Gera ni Ruth Firmeza, ang porma ng nobela ay kailangang sumapat sa layuning itinakda ng awtor, na ilahad ang kasaysayan ng armadong pakikibaka at kilusang masa sa Hilagang Luson mula 1975 hanggang 1979.  Sinundan ng awtor ng kronolohiya ng kasaysayan sa tulong ng mga istorikal na mga tauhan, kapwa rebolusyonaryo at kaaway, pangyayari, gunita, masmidya (laluna ang radyo, at mga panaka-nakang lumang dyaryo), dokumento ng Partido, pulong, biruan, atbp.  Bukas ang porma ng nobela para magkaroon ito ng kakayahang balikan ng mga taong bago mag-1975, lampasan ang taong 1979 at kumunekta sa usapin ng “regularisasyon” sa susunod na dekada, sundan ang kalagayan ng pakikibaka sa ibang rehiyon, at higit sa lahat, at buhay at pakikibaka ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa makasaysayang yugto ng paghulagpos sa kampanya ng panunupil ng kaaway at pagpapalawak ng larangan ng pakikidigmang gerilya at kilusang masa.

Isa ngang tendensya ng ganitong “bukas” na anyo ng nobela ang magbigay ng puwang sa maaari pang idagdag ng awtor, na ang limitasyon lamang ay ang realidad ng panahon at lugar na sinasakop ng nobela at ang kapangyarihang gumunita ng awtor.   Sa yaman ng kanyang materyal, at sa layuning kanyang itinakda, ang kumbensyunal na porma ng nobela (halimbawa’y ang Sebyo) ay isang malaking restriksyon.

Ang ikalima, may mga panahong ang kinakailanga’y mabilisang pagsusulat.  Karaniwan, sa ganitong kalagayan naisusulat ang mga personal na liham ng mga rebolusyonaryo sa kanilang minamahal.  Tingnan ang dalawang liham ni Lorena Barros: maiigsi sapagkat naghahabol sa oras, maalab, maraming ibig ipahayag.  Kaiba ito sa isa pang personal na liham, ang Letter of a Wife…, na sinulat sa ibang kalagayan¾may panahong balikan ang nakaraan, paglaruan ang ilang posibilidad, payapain ang kalooban sa pamamagitan ng pagbabalik-aral sa mga prinsipyo.  Maayos ang daloy ng damdamin at ideya, masining ang paglalarawan ng gunita, kasalukuyang kalagayan at hangarin.

Bukod sa personal na liham, ang talaarawan ay isa ring porma ng sulatin na kinakailangang mabilis gawin.  Ito ang karaniwang ginagamit ng mga tagalunsod habang nakikipamuhay sa hukbong bayan at masang anakpawis sa mga larangang gerilya. Itinatala nila ang kanilang karanasan sa bawat araw, ang anumang nakatawg ng kanilang pansin, ang malillit na kwentong naririnig sa paligid, atbp.  Maaaring ituring nila ang mga ito bilang datos para sa isang organisadong sulatin, o kaya’y hayaan sila sa gayong porma para mapanatili ang orihinal na impresyon.

Nasusulat sa iba’t ibang lenggwaheng ginagamit sa ating bansa ang mga  sulating naririto.  Karaniwang ang mga sulating mula sa mga rehiyon ay nasa lenggwaheng popular doon, tulad ng Bol-anon, Sebuano, Hiligaynon, Waray, Ilokano, Tagalog-Bulacan, at Tagalog-Katagalugan.  Ang iba nama’y nasa Ingles, na naiintindihan ng mga nakapag-aral.  At ang karamihan ay nasa Pilipino, na pinauunlad at pinalalaganap ng rebolusyonaryong kilusan bilang pambansang wika.

Ang paggamit ng kung anong lenggwahe para sa mga sulatin ay nakabatay sa sumusunod:  kasanayan ng manunulat; kakayahan sa dalawang lenggwahe o higit pa; pangangailangan ng publikasyon/palihan/timpalak/okasyon; at mulat na paggamit ng Pilipino.

Sang-ayon sa Pambansang Kagawaran sa Edukasyon/Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin ng kilusan, ang basihan ng pambansang wika o Pilipino ay ang Tagalog.   Ang prinsipyong sinusunod ay, “Kung ano ang bigkas, siyang baybay, siyang sulat.” At ang pamantayang bigkas ay yaong “umiiral sa Kamaynilaan na siyang sentro ng komunikasyon, komersyo at gubyerno sa Pilipinas.   Sa Kamaynilaan din mas mabilis na sumusulong ang paggamit ng Pilipino, sapagkat dito nag-uugnay ang mamamayan mula sa iba’t ibang dako ng Pilipinas.”  (Gabay tungkol sa Ispeling, Bokabularyo at Balarilang Pilipino,” 1981; 1997, p. 2.)

Pangunahing naipapatupad ng Pambansang Kawanihan sa Pagsasalin at iba pang organo ng Partido ang mga tuntuning nakalahad sa “Gabay…” sa kanilang gawaing pagsasalin sa Pilipino ng mga babasahing Marxista-Leninista-Maoista na nakasulat sa Ingles.   Kaalinsabay, sinusunod ng mga indibidwal na manunulat/kolektiba/patnugutan ang mga alituntunin, laluna yaong may direktang kinalaman sa rebolusyonaryong kilusan.

Halimbawa, makikita sa mga sulating naririto ang pagsunod sa istandardisasyon ng mga terminong madalas gamitin ng kilusan.  Noong dekada ’70, karaniwan ang paggamit ng “imperyalismong Amerikano” (Balita buhat…, 1972).  Dahil ang terminong ito ay hindi iksakto, iwinasto ito para maging “imperyalismong E.U. (Sa Kabisayaan: Si Luming…, 1980) o “imperyalismong U.S.(Chagun, 1989).

Ikalawa, ang pagtigil sa paggamit ng salitang “Hapon” (“makabagong Hapon” sa Balita buhat…) para tukuyin ang regular na tropang kaaway.

Ikatlo, ang pagpasok sa bokabularyong Pilipino ng mga salitang mula sa mga rehiyon na walang katumbas na Pilipino tulad ng “igang”/batong apog (Toto), “hil-ohanay”/komunal na paggawa sa bukid (Culasi…), “bukatot”/panghuli ng isda (Bukatot; Si Palos), o “bodong”/kasunduan sa kapayapaan (Chagun).

Ikaapat, ang pagpapasimple ng ispeling sa pamamagitan halimbawa ng kambal-katinig, tulad ng “engkwentro,” “iskwad,” “pwersa,” “pyudal.”

At ikalima, ang paghiram ng mga salita mula sa Ingles na may karampatang pagbabago sa ispeling, tulad ng “breyktru” (breakthrough), “lustred” (loose thread), “tsekpoynt” (checkpoint), atbp.

Sa antolohiyang ito, ang mga sulating nasa lenggwahe ng mga rehiyon ay isinalin sa Pilipino bilang paraan ng pagpapalawak ng mga mambabasa.  Gayundin ang dapat gawin sa mga sulating nasa Ingles.

 

 

IV

Ang Muog, Ang Kilusang Pagwawasto at ang mga Sulatin

          Ang pagtatranporma ng urong na kanayunan tungo sa pagiging sulong na muog ng bagong-demokratikong rebolusyon ay isinasagawa sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.  Sa paglulunsad ng armadong pakikibaka at rebolusyonaryong agraryo at pagpapatatag ng baseng bukid,  nakapag-iipon ng lakas ang Partido at hukbong bayan hanggang sa kaya nang kubkubin ang mga lunsod at agawin ang kapangyarihang pulitikal mula sa mga naghaharing uri.  Ang pagkamatagalagan ng digmang bayan ay idinidikta sa pangunahin ng katangiang kapuluan ng Pilipinas at ng di-pantay na balanse ng armadong lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa at kaaway.   Sa buong istorikal na panahon ng pahakbang-hakbang na pagsusulong ng digmang bayan, tataas ang armadong kakayahan ng mga Pulang mandirigma, mahahasa ang kasanayan ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa paggugubyerno, matutupad ang pangunahing nilalaman ng bagong-demokratikong rebolusyon¾ang libreng pamamahagi ng lupa sa mahihirap na magbubukid¾, tatatag ang batayang alyansa ng mga manggagawa at magbubukid, at ang malawak na kanayunan ay magiging matibay  na muog para sa kasalukuyang pakikibaka at sa kasunod na sosyalistang konstruksyon.

Pero tulad nang pinatunayan ng mismong kasaysayan ng digmang bayan, hindi ganito kadali ang rebolusyon.  Ang pagmamadali sa pag-agaw ng tagumpay, na nangangahulugan ng paglihis sa estratehikong linya ng bagong-demokratikong rebolusyon, ay nagdulot lamang ng kaayusan.  Inilunsad ng PKP ang Ikalawang Kilusang Pagwawasto para ituwid ang paglihis, mga pagkakamali at kakulangan at muling isulong ang digmang bayan sa wastong landas.  Pinatunayan ng muling-tatag na Partido ang kawastuhan ng paglulunsad ng Unang Kilusang Pagwawasto laban sa militarismo, putsismo, parlamentarismo at rebisyonismo ng pangkating Lava-Taruc para muling pasimulan ang rebolusyong Pilipino mula sa halos wala.  Sa Ikalawang Kilusang Pagwawasto, kinailangang ilantad at itakwil  ng Partido ang mga maling ideya at praktika ng nakadiskaril sa rebolusyon, pero sa kaibang kalagayang malawak at matatag nang nakapusisyon ang rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa.

Sa kasaysayan ng digmang bayan at sa kondukta ng Ikalawang Kilusang Pagwawasto, ano ang lugar ng mga sulating tinipon sa antoholohiyang ito?  Tinukoy na sa itaas ang mga paraan ng pagsisilbi nito sa digmang bayan.  At sa anyo ng kasalukuyang antolohiya, maaaring sundan ang kasaysayan ng digmang bayan sa nakaraang 25 taon, hindi lamang batay  sa balangkas ng obhetibong kalagayan/pangyayayari/karanasan kundi rin sa panloob na katangian ng mga aktibong pwersa sa pagbabago, sa tinawag ni Mao Zedong na “pag-unlad ng kultura sa bagong direksyon” (On Protracted Peoples War, Selected Works of Mao Tse-tung, Vol. II, [Peking: Foreign Languages Press, 1965], p. 141.).

Tinutukoy sa Muling Pagtibayin… na ang kilusang pagwawasto ay “isang pagpupunyaging pang-edukasyon upang tukuyin, punahin at itakwil ang mga paglihis, pagkakamali at kahinaan, at sa gayo’y higit pang palakasin ang Partido at rebolusyonaryong kilusan.”  Ang paraan ay ang paglalagom ng karanasan sa lahat ng larangan ng rebolusyonaryong gawain, malaki o maliit man ang ambag sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusan.   Sa diwa ng kilusang pagwawasto, mangyayaring suriin ang nariritong mga sulatin batay sa prinsipyo ng pagsisilbi sa interes ng masang anakpawis.  Sila’y bunga ng digmang bayan.

 

--GELACIO GUILLERMO

 

 

 


BALIKAN ANG NILALAMAN
Hosted by www.Geocities.ws

1