HENERALA DAYANG-DAYANG
Bayani ng Candaba

                Ang makabayan at makataong simulain na ipagtanggol ang buhay at kapakanan ng mga mahihirap nating kababayan laban sa kamay ng mga sundalong hapon ang nagbunsod kay Felipa Pelayo Culala, kilala sa tawag na Henerala Dayang-Dayang upang buong tapang na manguna sa pakikipaglaban noong ikalawang digmaang pandaigdig (World War II).

                Mula sa angkan ng magsasaka, isinilang si Dayang-Dayang noong ika-12 ng Agosto 1911 sa barangay Lanang, Candaba, Pampanga. Ang kanyang mga magulang ay sina Alejandro Culala at Apolonia Pelayo. Si Dayang-Dayang ay nakaabot lamang ng Grade IV at maagang tumulong sa kanyang ama sa bukid dala ng kahirapan.

                Sa pagdadalaga ni Dayang-Dayang, nagkaroon siya ng matatag na paninindigan sa buhay at taos pusong pagmamahal sa kalayaan, kaya siya ay napamahal sa kanyang mga kababayan.

                Nang sumiklab ang digmaan laban sa mga Hapon sa Bataan na pinangunahan ng mga Amerikano at Pilipino noong Enero 1942, bumuo si Dayang-Dayang ng kilusang guerilya laban sa mga Hapon.

                Umabot sa 500 katao ang sumama sa kanyang kilusan na nagkuta sa mga liblib na lugar ng Candaba, San Luis, Sta. Ana, Arayat, Mexico, Cabiao at Bulacan.

                Napabantog din ang mga kasamahan niya sa pamumuno ng kilusan na sina Angelo Jimenez na kilala sa bansag na �Fajardo� at Paulino Pangilinan na nakilala sa tawag na �Malatumbaga�.

                Napabantog ang kagitingan at pagiging buo ang loob ni Dayang-Dayang dahil sa kagitingan na ipinamalas niya sa pagsalakay ng kanyang pangkat laban sa mga Hapon. Katunayan, sa digmaang naganap sa Bataan, nakaipon sila ng ibat-ibang uri ng mga armas tulad ng machine gun, mga bala at iba pa.

                Nagtagumpay ang lahat ng kanyang ibinunsod na pakikidigma laban sa mga Hapon dahil sa kanyang makatarungang pamamalakad at pamamaraan.

                Hindi nagtagal sumailalim sa kapangyarihan ni Dayang-dayang ang mga karatig pook tulad ng Mandili, Candaba at San Pablo, Sta Ana.

                Buo naman ang naging suporta ng mga mahihirap at mayayaman na nagkaloob ng kusang loon na tulong pinansyal sa kanilang kilusan.

                Naging buhay na saksi rin ang bayan ng San Fernando, San Luis at mga bayan sa Bulacan sa ipinamalas na kagitingan at pamumuno ng babaing manghihimagsik.

                Sa kanilang paglalakbay at pakikipaglaban, naranasan ng pangkat ni Dayang-Dayang ang magutom, magkasakit at ang mahabang panahon ng matinding krisis.

                Sa mahabang panahon ng pananakop ng mga Hapon nagkaroon ng malupit na taggutom sa buong bansa. Ang malubhang paghihikahos na ito ng mga mamamayan ay nakita ni Dayang-Dayang at halos kamote na lamang ang kinakain ng mga kabataan dahil sa walang pantawid gutom.

                Ipinasya ni Dayang-Dayang na humanap ng makakain ang ating mga kababayan kaya pinangunahan niya ang pakikipag-usap sa mga hasendero sa bayan ng Arayat.

                Isa sa mga tumulong at pumayag na ibigay ang lahat ng ani ng kanyang malawak na sakahan ay ang mayamang si Emilio Santos kaya tuwang-tuwa ang mga mahihirap na magsasaka dahil sa kanila ipinamigay ang mga inaning palay.

                Sa ginawang ito ni Dayang-Dayang, ikinatuwa at dinakila siya ng mga mamamayan na buong pusong nagpasalamat sa kanyang ginawang kabayanihan.

                Noong Mayo, 1942 pinagtibay ang mga layunin ng kilusang panghimagsikan sa isang pagtitipon ng mga pinunong guerilla na naganap sa barangay Salapungan.

                Ang mga nagsidalo sa naturang pagpupulong ay sina Luis Taruc, Castro Alejandrino, Juan Felco, Mariano Balcus, Capadocia at Castillo.

                Binigyaang-diin ni Dayang-Dayang na ang kilusan ay tatawaging Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon o �Hukbalahap�.

                Iminungkahi rin ni Dayang-Dayang ang mga sumusunod: Bigyan ng proteksiyon ang lahat ng mga mamamayang Pilipino; Bigyan ng lunas ang mga suliranin sa lupa.

                Itinanghal si Dayang-Dayang bilang unang henerala ng lahat ng mga pinuno ng Hukbalahap sa Pampanga kaya siya napabantog sa buong lalawigan.

                Subalit nagkaroon ng hidwaan sa loob ng kilusan, naghinala ang marami sa mga tauhan ni Dayang-dayang na nais nitong umanib sa puwersang Amerikano dahil sa kaniyang matibay na mga paninindigan at pagpapasiya.

                Naiwan sa kanyang pangkat ang ilan sa mga tapat niyang tauhan, kasama na rito ang tatlo niyang kapatid na sina Ladislao, Julio at Mateo. Nagpalipat-lipat ng lalawigan si Dayang-Dayang ngunit sa kasamaang palad namatay siya sa Saklong, Cabiao, Nueva Ecija.

                Namatay si Dayang-Dayang na taglay pa rin ang simulain at layuning magkaroon ng tunay na kalayaan ang ating bansa kaya siya ay nabibilang sa mga tunay at magigiting na bayani ng ating lalawigan.

Hosted by www.Geocities.ws

1