SUBJECTS
                                    

- Filipino
- English
- Chemistry
- Investigatory Project
- Social Science
- Algebra
- Geometry
- THE
- ICT
- PE/Music
- Spanish
- HOME

SOURCES
                                    

- Image from arjmage @ sxc.hu
- Fonts from DaFont
- Pictures from Angela Sison, Patch Pangilinan, Camille Marcelo (and me).

Sabayang Pagbigkas 3A


Anu-ano ang mga naging karanasan mo habang nagsasanay ng Sabayang Pagbigkas?

Hindi ako kasali sa dalawampu't limang nanula: Ako, at labintatlo kong mga kamag-aral, ay namahala sa props. Pero hindi ibig sabihin na, kung sa props ka pumunta'y wala ka nang gagawin! Siguro ngang kaming Props ay lahat na ang mga manunula ay hindi: taga-lagay ng makeup, taga-ayos ng buhok at suotan, kritiko... at kung anu-ano pa.

Masaya maging props! Ang disenyo ng pinturang pangmukha ay sa amin munang isinubok-- abaw, at kay daming tawa ang tinawa. Nakakahilo ang mamahala ng gwantes -- kung kanino ang papaliitan, kanino ang tatahiin, kanino and lalabhan -- pero parte na din yan ng karanasan.

Noong araw nga mismo ng timpalak, may mga idinagdag pa sa pag-eensayo. Isa dun ang pagtugtog ng bongos! Trabaho ko lang sana ay ang magbilang ng tatlo para sabay-sabay silang mag-angat ng ulo sa simula, pero may pinagsama na silang intro, "tibok," "drumroll," at exit. Aba'y kinailangan ko na ng kodigo para 'di malimutan ang cue.

Talaga namang nasiyahan ako sa lahat ng pinagdaanan, masama man o masaya.

Habang nagaganap ang inyong presentasyon, ano ang iyong nararamdaman?

Siyang tunay, kaba. Debut ko pa naman sa drums! Pero pagbukurin ang biro, talaga naman akong kinabahan para sa klase ko. Ang lahat ng hirap, ng pawis, ng pagkakawalan ng boses ay lahat patungo sa limang minutong 'yon sa entablado. Ngunit, habang pinapanood ko sila, ang kaba ay pinalitan. Hindi na ako kinabahan para sa mga kaklase ko: Nakanood na akong may malaki na ngiti. Kayang kaya! Sobra ang pagmamalaki ko sa kanila.

Ano ang pangkalahatang epekto sa iyong pagkatao ng Sabayang Pagbigkas?

Alam ko mas nagkalapit kami ng mga kaklase ko. Kung halos araw-araw na magkasama'y di magpapalapit sa inyo, e ano pa? At parang masarap ang pakiramdam na alam mo ang iyong ginagawa ay nakatutulong sa sikap ng buong klase. Nagkaisa talaga kami para sa Sabayang Pagbigkas. At sa 'dun ay naging parang isang pamilya na ang 3A, kasapi ang bawat isa.




MAY SIMULA ANG BAWAT WAKAS
MAY WAKAS ANG BAWAT SIMULA

Ni Sonny B. Santiago

May simula ang bawat wakas
May wakas ang bawat simula
May katumbas ang bawat pagmamadali
Bawat pagkukumahog
Bawat pagka aligaga
ng isip, ng bisig
ng lahat-lahat,
ng tao, ng sansinukob.

Ang kamaong kinakalyo sa patuloy na pakikilamas sa buhay
ay unti-unting manlulupaypay,
manghihina, mangangatog,
mawawalan ng pandama,
mawawalan ng silbi
mawawalan ng saysay.
Sapagkat darating ang takipsilim
Magbabalik ang lahat.
Sa simula, sa kanyang hangganan.

Narinig mo ba?
Makinig ka!
Pakinggan mo
Mabilis, bumibilis, napakabilis ng mga hakbang.
Malakas ang dagundong ng mga yabag
ng paang tumatalunton
sa landasing magdadala sa minimithing tugatog,
upang maabot ang rurok
ng bisig, ng isip
ng lahat-lahat.
Ngunit bakit unti-unting nanlulupaypay?
Ang tuhod, ang gulugod, ang luhod.
Hindi makahakbang, hindi makaalpas.
Ito na nga ba ang simula?
Ito na nga ba ang wakas?
Sadya nga bang may katapusan ang bawat simula?
May tuldok
May hadlang sa pagitan ng bawat pagsusumamong marating ang lahat?

Paano? Paano?
Paano ang pusong matimyas?
ang budhing marilag?
ang kaluluwang busilak?

Maaari ba itong mabuwag?
Maaari ba itong mawasak?
Maari ba itong matuldukan?
Matangay ng malakas na ihip ng hangin kung saang lupalop?
Maaaring tangayin ng hangin
Tatangayin ng hangin
Doon sa malayo
Sa malayung-malayo
Habulin

Magmadali
Bago pa mahuli ang lahat
Bago tuluyang tumigil ang tibok
Bago pa di maulinigan ang kabog
Bago pa manlamig ang kumukulong dugong dumadaloy sa bawat ugat
at himaymay ng laman.

Totoong may wakas ang bawat simula
May paglagot ang tibok at hininga
May katapusan,
May tuldok
May hangganan
May hantungan
ang isip, ang bisig
ang tao, ang buhay
ang lahat-lahat
Ngunit may simula sa lahat ng pagwawakas
May pagtindig sa bawat pagkadarapa
May muling pag-usbong
May muling paghinga
May simula ang wakas
ng isip, ng bisig
ng tao, ng lahat-lahat

Hosted by www.Geocities.ws

1