home   articles   campaigns   legislative   gallery   messages
information bulletin  
newsletter
archive
contact us
about us
links
 
 

BALITA- Agosto 13, 2005
Sanggunian: Gary Martinez, Tagapagsalita, MIGRANTE Sectoral Party
Telepono: 0921-7229740 at 926-2838

Mga OFW sa Taiwan, sinisante, binugbug; pinabayaan pa ng gubyerno ni Arroyo

"Iligal na sinisante, ang iba'y binugbog at hindi tinulungan ng ating gubyerno ang 16 na overseas Filipino workers (OFWs) na sapilitang pinauwi mula sa Taiwan."

Ito ang inihayag ng MIGRANTE Sectoral Party sa kinasapitan ng mga OFWs sa pabrika ng Formosa Plastics Corporation sa Mai Liao, Yun Lin County, Taiwan na pinag-mamay-ari ng gubyerno ng nasabing bansa.

"Sa dami ng manggagawa na nag-aplay sa Formosa na ibang kontrata na ang dinatnan sa pagdating doon (contract substitution). Sapilitan pinauwi ang 16 na OFW sa kanilang baraks at pinag-empake ng personal na gamit ng isang Taiwanese na si Jerry Tan. Matapos nito ay inalis sila mula sa gusali at sapilitang pinapirma sa mga blangkong papel at kinumpiska ang mga SIM card at cellphone ng mga OFW noong Agosto 2, 2005," ani Gary Martinez, tagapagsalita ng MIGRANTE Sectoral Party.

"Hindi nagkulang ang mga migrante sa pagtawag at paghingi ng tulong sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang de-facto na embahada ng Pilipinas sa Taiwan. Inisyal na nakausap nila si Nestor Burayag ng MECO at sinabi ang kaganapan ngunit wala silang ginawang aksyon o tulong sa amin. Noong tinawagan ulit ng mga migrante para humingi ng tulong ay patay na ang cellphone ng lahat ng mga opisyal ng MECO. Malinaw na repleksiyon ito na pabaya sa mga migranteng manggagawa ang gubyerno ng pekeng presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo," dagdag ni Martinez.

Sinalaysay pa nila Gil Lebria, Alfredo Alvarez at mga kasamahan nilang migrante na sila'y sinuntok, sinipa at kinuryente para sapilitang pumirma ang silang lahat ng blangkong papel.

"Ngunit matapos ang blangkong papel, kahit nakalagda na sila ay patuloy pa rin silang binugbog hanggang sa makarating sila sa airport. Hanggang sa pagka-confine nila Lebria at Alvarez sa Queen Mary Hospital sa Hong Kong dahil hindi na muna sila pinayagan ng airline na sumakay sa connecting flight nila tungong Maynila dahil sa kundisyon nila, walang anumang kaukulang itinulong ang pamahalaan sa mga biktima ng karahasan sa Taiwan," ani Martinez.

Mula sa pagdating ng lahat ng mga inabusong OFW sa Taiwan, mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) walang ginawang pag-asikaso ang gubyerno pabor sa hustisya sa mga migrante. Ang ginawa pa ng opisyal ng OWWA na si Ed Piquero na mag-areglo ng "settlement" sa pagitan ng mga OFW at ng Dynamic International recruitment agency kung saan dehado ang mga kinawawang OFW.

"Nananawagan ang MIGRANTE Sectoral Party sa Special Committee on Overseas Workers Affairs ng Kongreso na masusing imbestigahan at parusahan ang mga opisyal ng MECO sa Taiwan dahil sa pagpapabaya nito sa mga OFW na inaabuso sa mga pabrika sa Taiwan, lalo na't dahil ang gubyerno ng Taiwan ang may-ari ng Formosa Plastics. Hindi gumagampan ng tungkulin ang mga opisyal ng MECO kaya't dapat talagang ma-recall ang mga ito upang maimbestiga at bigyan ng karampatang parusa," pahayag ni Martinez.

Ilan pa sa mga dinanas ng mga nabanggit na OFW ay ang 40 percent na salary deduction, overcharging sa kanilang placement fee (P71,000), pagpapapirma sa blangkong voucher, unpaid salaries at illegal dismissal. #

-------------------------
Special Feature:
The Impact of Remittances to the Philippine Economy
Paper presented at the Outrage! Forum
[read the whole article]

for more articles, click [here]


 

"For a long time, others have been speaking in our behalf...It is NOW time to speak for ourselves".
MIGRANTE SECTORAL PARTY
Sectoral Party of Overseas Filipinos and Their Families
Hosted by www.Geocities.ws

1