|
Ang mga sumusunod ay
pananaw lamang ng MIGRANTE Sectoral Party - Kingdom
of Saudi Arabia Chapter [MSP-KSA] at ng Kapatiran
sa Gitnang Silangan [KGS]
1. Pinakamahalagang tagumpay ng isinagawang pakikipag-dayalogo
sa POLO-OWWA ang pagkakabuhay muli ng Kapatiran
ng mga Migranteng Istranded sa Riyadh (KAMI-SR)
bilang isang organisasyon at ang pagkakabuo ng
mga bagong lider na titindig para sa kapakanan
at kagalingan ng migranteng manggagawang Pilipino.
2. Resulta ng pakikipag-usap sa mga kinatawan
ng POLO-OWWA, nabuksan ang isang pintuan para
sa komunikasyon sa pagitan ng magkabilang panig.
Marami - raming mga usapin ang naiharap natin
at nagisa ang POLO-OWWA kaugnay ng kanilang kahinaan.
3. Positibo nating tinitingnan ang inisyal na
mga plano ng mga katatalaga pa lamang na Labor
Attache. Partikular na sinusuportahan ng MSP-KSA
at ng KGS ang programang paglabas ng POLO mula
sa ‘opisina’ nito at pag-abot / pakikipag-usap
sa mga ‘istranded’ saanman sila naroroon.
4. Naisandal din sa pader ang POLO-OWWA kaugnay
ng kapabayaan at kalokohan ng mga case officer
sa mga kaso ng ‘istranded.’ Ngunit, ang pangunahing
dapat pagtuunan ng pansin ay ang kapabayaan ng
gobyerno sa migranteng ‘istranded’ pangunahin
ang paglilimita ng budget sa repatriyasyon sa
ilalim ng OWWA Omnibus Policies; pagpapasa ng
kanilang responsibilidad sa repatriyasyon tungo
mismong mga ‘istranded’ at sa ahensyang nag-deploy
sa kanya; at, sa pag-asa sa gastusin sa tiket
sa mga organisasyon sa komunidad. Mapanganib ang
paghahabol na mapatalsik ang mga ‘case officer’
dahil pinipilit nating ilimita ang usapin bilang
kahinaan ng mga indibidwal imbes na itutok ang
lakas sa kapabayaan ng gobyerno, sa pangkalahatan.
5. Mapanganib sa ganitong mga tipo ng pakikipag-dayalogo
ang pagkahulog sa mga resolusyong papatse-patse
at pagkakapokus ng usapan sa mga paisa-isa at
ispesipikong kaso ng mga istranded. Kung haharap
sa pakikipag-dayalogo, kinakailangang sumentro
sa pinakamahahalagang usapin na sumasaklaw sa
kalagayang ng lahat. Dapat na sinundan na lang
ang listahan ng kahilingan na inilatag sa Pahayag
ng Pagkakaisa para sa mas mahusay ng deliberasyon
o talakayan. May malaki pang kakulangan sa pagkabig
sa iba pang samahang pangkomunidad. Kailangang
maagap na maipaalam, o sa maksimum, mapalahok
ang mas maraming bilang ng kinatawan / organisasyon
sa mga susunod na pakikipag-usap at pakikipag-dayalogo.
|