Meteor Garden 2

 

Buod ng Meteor Garden 2

 

Muling nagbalik ang mga magulang ni Shan Cai at sila ay nagsama-sama.

 

Samantala, nagtapos na ang F4 sa Ying De University. Sa pagkakataong ito, ipakikita na ang pagbabago sa mga tauhang nabanggit bilang mas mga matatatag na indibidwal. Upang ipagdiwang ang pagtatapos, nagplano silang magtungo sa Espanya. Subalit pagdating sa airport, nagkaroon nang hindi magandang pagkakaunawaan sina Shan Cai at Dao Ming Si. Dahil dito, tanging silang dalawa lamang ang napaalis. Ito ay sinadya naman ng iba pang miyembro ng F4.

 

Pinadalhan pa ng isang liham ni Hua Ze Lei si Dao Ming Si na ayon sa una ay bubuksan lamang pagsapit nina Dao Ming Si at Shan Cai sa Barcelona sa Espanya. 

 

Naayos din naman ang lahat sa dalawa. Samantala, dahilan sa unang pagkakapunta pa lamang ni Shan Cai sa Barcelona, kaagad siyang nabighani sa ganda at romansang dala ng paligid.

 

Nang basahin ni Dao Ming Si ang sulat ni Lei, naroon ang isang bilin at kahilingang mag-propose si Dao Ming Si kay Shan Cai sa isang simbahan sa Barcelona na tinatawag na St. Ponds/Xing Fu. Bilang paghahanda, binili pa ni Dao Ming Si ang isang singsing na tinawag na "meteor ring." Ito ang singsing na gustung-gusto ni Shan Cai minsang makita nila ito. Ibibigay niya ang singsing kapag nag-propose siya kay Shan Cai.

 

Samantala, naroon na si Shan Cai sa simbahan na nauna. Sa kasamaang palad, habang papunta naman si Dao Ming Si roon ay naaksidente siya.

 

Ang hindi pagsipot ni Dao Ming Si ay labis na ipinag-alala ni Shan Cai. Kaagad siyang tumawag kay Jing na noo'y nag-aaral sa Barcelona. Sinubukan nilang hanapin si Dao Ming Si subalit hindi nila ito natagpuan. Ang tanging nakita nila ay ang sulat ni Lei kay Dao Ming Si na naglalaman ding ang gagawing pagpo-propose ni Dao Ming Si ay siya na ring katuparan nang hindi natuloy na pagpo-propose niya kay Jing. Ang pagkakabasang ito ay labis na ikinalungkot ng dalawang dalaga, lalo na ni Jing.

 

Noon ding mga sandaling iyon ay dumating naman sina Mei Zuo, Xi Men at Lei sa Barcelona matapos nilang mabalitaan ang nangyari. Nagkausap sina Lei at Jing. Ipinaabot ni Jing kung gaano siya nagsisisi sa nangyari sa kanila ni Lei. Pero ayon kay Lei, tapos na ang minsang naging espesyal si Jing sa puso niya, ngayon, kaibigan na lamang ang tingin nya rito. Itinanong pa ni Jing kung si Shan Cai na ba ang tinitibok ng puso ni Lei subalit hindi ito nagsalita.

 

Samantala, si Dao Ming Si naman ay natagpuan at inalagaan ni Xue Er/Ye Sha. Tinawag ni Xue Er si Dao Ming Si bilang si Ah Xing sapagkat nagkaroon ito ng amnesia. Pilit niyang tinulungan si Dao Ming Si na alamin ang nawalang kahapon nito sa alaala.

 

Sa pag-aakalang ang pagkawala ni Dao Ming Si ay kagagawan na naman ni Dao Ming Feng, nakiusap si Shan Cai rito upang makita si Dao Ming Si. Sapagkat sadyang walang kinalaman, nagbayad ng isang detective si Dao Ming Feng upang makita ang anak.

 

Sa pagkakatagpo ni Dao Ming Feng sa anak, hindi na rin siya matandaan nito dala nga ng pagkawala ng ala-ala nito. Hindi sinabi ni Dao Ming Feng ang tunay na mga bagay kaugnay sa anak. Dahilan sa hindi mapayapa, umalis si Dao Ming Si sa ina at nagbalik kay Xue Er.

  

Dahilan sa hindi inaasahang pangyayari, napilitang mamuhay sa di marangyang pamamaraan sina Xue Er at Dao Ming Si. Ito ay dahilan sa pagkakatakas nila mula sa mga kamay ni Zhong Ze (dating boyfriend ni Xiao You's) na nag-ugat naman sa paghahangad nito sa perang makukuha bilang pabuya sa makakapagbigay ng kaalaman ukol sa mga bagay na kaugnay ni Dao Ming Si.

 

Patuloy sa paghahanap ang magkakaibigan. Nagpagawa pa sila ng billboards upang mabasa sakaling may nakakakilala kay Dao Ming Si. Dahilan dito, nagkaroon ng pagkakataon si Xue Er na makausap si Mei Zuo. Nalaman niya mula rito ang lahat. Ibinalita ni Mei Zuo pati kay Shan Cai ang nalaman mula kay Xue Er, tulad na lamang kung paanong inaayawan na ni Dao Ming Si ang kanyang nakaraan. Labis itong ipinagdusa ni Shan Cai.

 

Hindi sinasadyang nagkakilala sina Shan Cai at Xue Er sa isang bus. Sa madaling sabi, napapasok na rin si Xue Er sa pinagtratrabahuhang bakery ni Shan Cai. Sa hindi na maitatago pang mga pangyayari, nagtagpo muli ang landas nina Shan Cai at Dao Ming Si. Nang malaman muli kay Mei Zuo na Shan Cai pala ang dating kasintahan ni Dao Ming Si, nagkusa itong umalis upang hayaan na lamang ang dalawa.

 

Subalit hindi nagustuhan ni Dao Ming Si ang pag-alis ni Xue Er. Noong mga panahong iyon ay wala pa rin ang lahat sa kanyang ala-ala. Hindi naging maganda ang pagtrato ni Dao Ming Si kay Shan Cai. Bagaman masakit, patuloy pa ring ginagawa ni Shan Cai ang lahat upang maalala ni Dao Ming Si ang nakaraan.

 

Bagaman buo na muli ang F4, wala pa rin naman ang lahat kay Dao Ming Si. Sa katunayan, nanibago ang ibang miyembro ng grupo sa magandang pagababago sa ugali ni Dao Ming Si. Katulad na lamang nang ipagluto pa sila nito ng itlog bilang agahan.

 

Samantala, matapos malaman ni Dao Ming Feng na si Xue Er pala ay isang prinsesa nang isang bansa, kinausap niya ito upang makasal sa anak. Sapagkat batid ni Xue Er ang katotohanan, pumayag siya sa gusto ni Dao Ming Feng. Subalit mayroon siyang kondisyon. Ito ay sa loob ng tatlong buwan habang hindi pa sila nakakasal ni Dao Ming Si (na noon nama'y siya na nga ang gusto), ay hahayaan ni Dao Ming Feng na magkakatagpo pa rin si Dao Ming Si at Shan Cai.

 

Sa lahat ng pinagdadaanan ni Shan Cai, sinuportahan siya ng mga kaibigan. Isa si Lei sa nagbigay sa kanya ng lakas ng loob. Patuloy sa pagtakbo ang mga pangyayari. Nagalit din si Dao Ming Si dahil tila pinagtutulakan pa rin ni Xue Er siya kay Shan Cai.

 

Nagkaroon silang lahat ng swimming. Tinanong pa ni Qing He kung naaalala pa ni Dao Ming Si nang minsan silang maglabanan noon sa isang barko sa patagalan sa ilalim ng pool. Pero hindi na muli pinatagal ni Dao Ming Si ang lahat, kaagad na muli silang nagtungo sa swimming pool. 

 

Sa gitna ng pool, ang isang baryang kuminang ay nagpaalala kay Dao Ming Si ng ilang sulyap ng nakaraan. Wari'y nalunod na si Dao Ming Si dahilan dito. Sinagip siya ni Xue Er at binigyan pa ng CPR. Si Shan Cai na walang alam sa paglangoy at CPR ay nakatingin lamang kina Dao Ming Si at Xue Er.

 

Na-ospital si Dao Ming Si at matapos gumaling ay tuluyan nang nagbalik ang lahat sa memorya. Subalit hindi naging ganoong kadali ang lahat. Nalaman niyang may sakit palang malubha si Xue Er at hindi na magtatagal. Gustuhin man niyang bumalik kay Shan Cai, napilitan na rin siyang manatili kay Xue Er.

 

Samantala, kasabay ng mga pangyayaring iyon ay ang pagkahulog naman na ni Lei kay Shan Cai. Subalit sa kabila ng lahat ay si Dao Ming Si ang mahal ni Shan Cai. Minsang niyayaya na ni Lei si Shan Cai na sumama sa kanya sa Japan, hindi sinasadyang nakita ni Dao Ming Si na hinahalikan ni Lei si Shan Cai. 

 

Mula na rin sa payo ni Mei Zuo, pinabayaan na ni Dao Ming Si kay Lei si Shan Cai, at sinamahan si Xue Er na maglibot sa buong mundo upang lumigaya ito sa natitira pang sandali.

 

Sa pagbabalik ni Dao Ming Si, nagkita sila ni Lei, hinanap niya rito si Shan Cai. Ayon kay Lei, mabuti pang piliin na lamang ni Dao Ming Si ang tunay niyang kaligayahan na siya ring tunay na ikaliligaya ni Shan Cai.

 

Mapapansing nakiayon ang mga pangyayari. Bukod sa binitawang salita ni Lei, tanggap na ni Xue Er ang lahat na kaibigan na lamang ang maaari sa kanila ni Dao Ming Si. Sa Barcelona, muling nagtagpo sina Shan Cai at Dao Ming Si. Nanumbalik ang magagandang pangyayari nang una nilang dating sa Espanya. Nagtungo sila sa simbahan ng St. Ponds. Lumuhod sila at nanalangin.

 

Habang nagkakasayahan naman ang ibang tauhan sa Taiwan, sina Shan Cai at Dao Ming Si naman ay buong puso at tamis na naghahalikan bilang selebrasyon ng pag-asang kasabay ng pagbabalikan, ay ang walang hanggan na nilang pagmamahalan.

Hosted by www.Geocities.ws

1