Ang Meteor Garden sa Pilipinas

 

Bakit nga ba patuk na patok ang Meteor Garden sa ating mga Pinoy?

 

Ayon sa ilang mga sosyolohista at ilang taong may kaalaman sa ating kasaysayan, ang Pilipinas ay sadyang dinadaluyan na ng kulturang Intsik. Maraming tradisyon at paniniwala tayong bunga ng impluwensyang dala ng mga nasabing tao noon pa mang sinaunang pakikipagkalakalan at pakikipag-ugnayan natin sa kanila.

 

Sa paglipas ng panahon, ang nag-ugat nang kulturang isa sa mga naging bahagi nang ating sariling gawi ay siya ngayong nagsisilbing daan sa pagpasok ng Meteor Garden.

 

 

Gaano na ba kasikat ang Meteor Garden sa atin?

 

Sa aking pagkakaalam, talagang numero uno ang Meteor Garden sa Metro Manila pati na rin sa mga kalapit nitong probinsya gaya ng Cavite, Bulacan, Pampanga, Rizal at iba pa. Bukod dito, humahataw rin ang Meteor Garden sa ilang pangunahing bahagi ng bansa tulad ng Cebu at Davao.

 

Sinasabing halos umaabot sa kalahating bahagdan ng mga manonood ang nahuhumaling dito. Bata man o matanda, lalaki man o babae.

 

"Bagyo ang Meteor Gardeng iyan..." iyan ang sabi ng isa kong kapitbahay na marahil ay nasa edad 70 na. Bakit nga kaya? Sinubukan kong magmasid at mag-observa at narito ang ilan sa aking natunghayan.

 

Maraming tao ngayon ang nasakop na ng Meteor Garden (isama na natin ang F4) ang cellphone. Ang ringing tone, logo, SMS, MMS, housing, casing, acetate, stickers, at iba pang accessories, lahat ay may bahid na ng Meteor Garden. Bukod sa WRR (kaugnay ng ABS-CBN na nagsasahimpapawid ng MG), marami na ring estasyon sa radyo ang nagpapatugtog ng mga awitin ng F4. Hindi pa riyan nagtatapos, maging ibang estasyon sa telebisyon, pinag-uusapan na ang kasikatan ng MG. Isasama pa ba natin ang mga bagong chinovelang halata namang ipinapalabas na rin bunsod ng kasikatan ng Meteor Garden? Nasubukan nyo na bang maggala sa mga bangketa o malls? Kung oo, tiyak akong napansin nyo ang pagbaha ng posters, pirated CDs at iba't ibang collectible items ng Meteor Garden.

 

Talagang napana ng nasabing programa ang masang Filipino. Saan ka man naroroon (palengke, malls, eskwelahan, kalye, ofisina, bahay), iyan ang pinag-uusapan. Magpapahuli ka pa ba?

Hosted by www.Geocities.ws

1