Ang Babaeng Posibleng
Maging Manugang Ni Aga at Janice de Belen
SANGA - SANGANDILA Ni Veronica R. Samio
Pilipino STAR Ngayon 09/12/2004
Yes, sa murang gulang ni Luigi "Iggy Boy" Muhlach, ang panganay na anak ni Aga
Muhlach kay Janice de Belen, ay marunong na itong umibig. At ang itinitibok ng
kanyang puso ay isa ring kabataang babae na nagsisimula pa lamang ng kanyang
career bilang artista. Ito si Maja Salvador, mula sa lahi ng mga magagaling at
magagandang artista.
Si Maja ang kinuhang latest endorser ng Navy/White, isang brand ng t-shirts na
ginawa para sa mga kabataan. Soon, mamamalas na sa Kamaynilaan ang kagandahan ng
15 taong gulang na si Maja na napapanood madalas sa mga programa ng ABS CBN
tulad ng ASAP, It Might Be You at MTB. Minsan nang sumamang lumabas si Maja sa
imbitasyon ni Iggy Boy pero hindi silang dalawa lamang, may mga kasama silang
iba. Pinadadalhan din siya ng bulaklak ng anak nina Aga at Janice at nagtapat
nang gusto siyang maging kaibigan.
Samantala, nagsisimula nang gumanda ang tandem nila ni John Prats na unang
itinambal kay Heart Evangelista. Ang madalas nilang pagsasama sa taping ng It
Might Be You ay dahilan kung bakit nagkakahulihan na sila ng loob, nagsasabihan
na sila ng problema. "Pero, we can not be more than friends dahil pareho pa
kaming bata at ang concentration namin ay nasa aming career," ang sabi ng
magandang teener na excited nang makita ang katuparan ng kanyang pangarap na
magkaroon ng mga malalaking billboards na siyang pangako sa kanya ng mga
nagmemeari ng Navy/White.
Ang Navy/White ay mabibili sa SM at better stores nationwide.
Graduating na sa high school si Maja. Kinailangan niyang lumipat mula sa San
Benildo sa Antipolo City sa Distance Learning Center ng ABS CBN sapagkat
natatakot siya na baka sa kaabalahan niya sa kanyang pag-aartista ay ma-expel
siya sa San Benildo kapag umabot na sa 40 ang absences niya.
Sa kabila ng kanyang kaabalahan ay nagagawa pa rin niyang gumimik. Pinapayagan
naman siya ng kanyang manager sapagkat ito rin ang nagpayo na samantalahin niya
ang kanyang kabataan. Safe naman ang kanyang gimik, pumapasyal lamang siya sa
mga malls.
May communication pa rin sila ng dad niya, ang aktor na si Ross Rival.
Matatandaan na naging isang malaking isyu yung pagkikita nila ng kanyang ama
nang manawagan siya sa The Buzz para magkita sila ng kanyang ama na pitong taon
na niyang di nakikita. Nang magkaro’n ng pagkakataon ay agad ipinahanap ni Charo
Santos Concio ang "Batang naghahanap ng ama". Ito rin ang nagbukas sa kanya ng
pinto para siya makapag-artista.
Bagaman at ang mga Salvador ay malapit sa Viva Films, sa ABS CBN siya napunta
dahilan nga sa ito ang naging instrumento sa pagkikita nila ng kanyang ama.
Bukod sa kanyang biological father, may stepfather si Maja na itinuturing siyang
parang totoong anak. Nasa Japan ito at nagbebenta ng kotse. Nang malaman nito na
nag-aartista na siya ay ibinili siya nito ng sarili niyang kotse. Mayroon siyang
kapatid dito, si Kirby, edad walong taon. * * *