MGA ANAK NI BENJAMIN by Erick Cezar Elipian Nandirito kami sa dilim ng gabing dinadalaw ng bangungot Sa likod ng mga gintong pangarap na di naaabot Humihiyaw, naghihimagsik sa saklap ng aming sinapit, Bakit namin nilalasap angkapalarang kay lupit? Bago pa man isilang isinumpa na kami, Ng libu-libong lilong nagluwal sa amin. Buti pa nga kit'lin na ang aming hininga, Kaysa magdulot lang ng kahihiyan na sa amin nakadikit na. And aming paa at kamay ay nakagapos ng kadena. Ang aming mga mata ay nakapiring ng libu-libong pagdurusa. Hindi na tumitibok ang aming mga puso, Sa tindi ng hirap na sa amin ay inyong sinusubo. Ang mga mata ng lipunan sa amin ay nang-uuyam, 'Pagkat ang mga tulad namin di na daw dapat isinisilang. Bawat sikmura sa amin ay nandidiri, Masahol pa sa hayop kung kami ay ituring. Bakit hindi ninyo matanggap na kami ay narito, At nabubuhay sa likod ng madilim ninyong anino? Inaapakan, dinuduraan at ninanakawan ng pagkatao, Hanggang kailan ang pagdurusa, hanggang kailan kami tatakbo? May araw pa kayang sa amin ay sisikat? May mga kamay pa kayang sa amin ay lilingap? Kailan namin matatanto ang liwanag? Kung kami ba ay pagod na at ayaw ng mangarap? Copyright 2002 Erick Cezar Elipian