Kaalaman Tungkol sa Dengue Hemorrhagic Fever
Panahon nanaman ng tag-ulan at laganap nanaman ang iba�t ibang uri ng sakit dulot ng pagbaha at ng maruming kapaligiran. Bukod sa ubo, sipon, at trangkaso na kalimitang sakit sa panahon ng tag-ulan, ang Dengue Hemorrhagic Fever o dengue h-fever ay isang sakit na hindi dapat ipagsawalang bahala.Marami na ring tao ang namatay sa sakit na ito sa maraming bahagi ng bansa dahilan na rin sa kapabayaan at kakulangan sa kaalaman ng marami sa nasabing sakit.
Ano ang dengue hemorrhagic fever?
- Ito ay isang sakit dulot ng dengue virus na nakukuha sa kagat ng lamok. Maaring ang taong mayroong sakit na dengue h-fever ay lagnatin o di kaya naman ay makaranas ng pananakit ng tiyan hanggang sa pagdudgo ng ilong at ng sikmura.
- marami na ring tao ang namatay sa sakit na ito dahil na rin sa kapabayaan at pagbabawalang-bahala ng marami sa nasabing sakit.
Sino ang maaaring magkaroon ng dengue h-fever?
- Kahit sino ay pwedeng magkaroon ng sakit na ito basta sila ay nakagat ng lamok na nagdadala ng dengue.
- Pero, kalimitan ng mga nagiging biktima ng dengue hemorrhagic fever ay mga bata na may edad sampu (10) pababa. Kritikal ang nagiging kundisyon ng mga biktima sa maikling panahon lamang. Maaari itong maging sanhi ng kamatayan ng taong may sakit na ganito lalo na kung masyadong bata ang biktima nito.
Saang lugar maaring may lamok na nagdadala ng dengue virus?
- Ang lamok na Aedes ay kalimitang naninirahan sa mga tropikong bansa tulad ng Pilipinas.
- Ang lamok na ito ay parating tumitigil sa mga maruming lugar o sa alinmang bahagi ng bahay gaya ng alulod ng bubong, mga flower vase na di napapalitan ng tubig.
- Kalimitan ding pinamamahayan ng lamok ang labas o likod ng bahay na di nalilinisan araw-araw.
Paano magkakaroong ng sakit na dengue h-fever?
- Ang sakit na ito ay makukuha sa kagat ng lamok na Aedes aegypti na may dalang dengue virus. Ang lamok na ito ay dumadami at nangingitlog sa panahon ng tag-ulan. Ngunit ito ay maari rin naman na manirahan sa buong taon ang lamok na ito sa mga tubig na di umaagos tulad ng tubig sa flower vase, bakanteng gulong ng sasakyan, plastic bags at mga basyo ng bote at lata.
- Ang isang kagat lamang ng lamok na ito ay maari ng magdulot ng dengue h-fever. Makalipas ang lima hanggang walong araw mula ng makagat ng lamok na ito saka pa lamang makikita at mararanasan ng biktima ang mga sintomas ng sakit na dengue h-fever.
Anu-ano ang mga palantandaan ng sakit na dengue h-fever?
- Magsisimula ito sa pananakit ng ulo, paligid ng mata lalu na kapag iginagalaw ito at likod.
- Makararanas ng pananakit ng mga buto at kalamnan sa mga unang oras ng sakit na dengue.
- pagkakaroon ng mataas na lagnat ng biktima na hindi kaagad gumagaling.
- Malimit na biglang pagbaba at pagtaas ng temperatura
- Panlalambot at panghihina ng katawan
- Pamamantal ng balat ng biktima
- Pagdugo ng ilong ng biktima sa tuwing bababa ang lagnat nito
- Pananakit ng tiyan
- Pagsusuka ng dugo
Ano ang dapat gawin at tandaan kapag nakaranas ng mga sintomas na nabanggit?
- Dalin kaagad ang biktima sa pinakamalapit na ospital.
- Mahalaga ang bawat oras lalo na kung malala na ang mga sintomas na nararanasan ng biktima.
- Magpakuha kaagad ng blood test para malaman ang hematocrit (lapot ng dugo) at platelet count ng dugo ng biktima.
- Subaybayan ang mga resulta ng blood test ng biktima sa tuwing ika-apat at ika-6 na oras na lumipas sa loob ng 24 oras.
Ano ang maaring mangyari kapag hindi kaagad naagapan ang sakit na ito?
- Ang sakit na dengue h-fever ay depende sa edad at pangangatawan nito. Kapag mas bata ay mas madaling lumala ang sakit na ito ngunit marami rin naman sa mga matatanda ang may malala nang sakit na ito dulot na rin ng kahinaan ng pangangatawan o kalusugan.
- Kapag malala na ang sakit na dengue h-fever, ang biktima ay matutuyuan ng tubig sa katawan at maaring salinan ng dugo dahil kailangan na mapalitan ang nawalang dugo sa kanyang katawan dulot ng pagdudugo ng ilong at pagsusuka ng dugo.
- Maaaring mamatay ang biktima sa loob lamang ng 24 hanggang 48 oras kapag malala na ang mga sintomas na ito at hindi naagapan agad.
Mayroon bang gamut para malunasan ang sakit na ito?
Walang particular na gamot na maaaring magbigay lunas sa sakit na ito ngunit may mga hakbang na ginagawa ang mga doctor upang maagapan ang paglala ng sakit na ito tulad ng:
- Pag-dextrose sa biktima upang mapalitan ang tubig na nawala sa kanyang katawan
- Pagsubaybay sa resulta ng mga blood test ng biktima.
- Wala pa bakuna na maaring makatulong para maiwasan ang dengue.
Paano maiiwasan ang dengue h-fever?
- Panatilihing malinis ang loob at labas ng bahay.
- Paggamit ng mga water-based insecticide o mga pambomba sa lamok upang hindi na makapasok ang mga lamok sa loob ng bahay.
- Malimit na pagpapalit ng tubig sa mga flower vase sa loob ng baha.
- Iwasang mag-imbak ng mga basyo ng bote sa loob at labas ng bahay.
- Takpan ang mga lalagyanan ng tubig upang hindi ito pamugaran ng lamok.
- pagbibigay ng local na pamahalan o ng pamunuang barangay ng mga impormasyon tungkol sa ating mga kababayan higgil sa sakit na ito.
|