poems

::: short stories ::

Para kay Pare

WALA AKONG magawa, di man lang dalawin ng antok, tsk tsk! Tumitilaok na ang mga manok. Natutulala ako. Naalala ko tuloy ang isang taong malapit sa akin, ipinaalala sa akin ng girlfriend ko ilang oras na ang nakalipas. Kaya eto, kumakati ang kamay ko na magsulat. Ang sulat na ito ay para kay "Pare" ko.

Pare,

Sariwa pa rin sa akin ang isang alaala na gusto ko nang ibaon sa limot. Pero, ok lang. Para sa isang tao na ang mga nagawa'y dapat alalahanin, salamat nga pala sa lahat! Sariwa pa rin sa akin ang sinabi mo. Naalala ko pa rin, di ba sabi mo: "Pare, paano kaya kung pagkatapos natin, pagawan na natin ng tree house rito?" Sabay ngiti--yung natural na ngiti, kasi alam mo naman na di pwede mangyari yun.

Kung anu-ano, hanggang mapadako tayo sa mas maselang usapin ng ating pagkatao. Nalaman ko na lang na halos malimutan mo na raw ang pagpasok sa mga kurso mo? Tol, iwas nang konti sa pagliban, mahirap na. Di mo na rin naman maitutuloy ang mga ginagawa mo. Mumunting tinik na tumarak sa akin ang mga pasakit na ramdam mo sa 'yong kuwento--pasakit na dinaan mo sa ngiti habang sinusulat mo. Ramdam ko yun alam mo ba? Kaibigan mo ako e.

Ilang buwan pa ang lumipas. Hirap na ako sa pag-aaral, parang gaya noong panahon na walang-wala rin tayo: pasok-aral-pasok at pag uwi, tulog! Tsk! Ni hindi na natin alam kung kailan pa tayo huling kumain ng hapunan o umagahan man.

Buti na lang, pinanghawakan ko pa rin ang pangako natin sa isa't isa. Kahapon ko lang natanggap pare, kasama ka raw roon sa mga nasawi at marami kayo. Marahil, naparating mo ang kagustuhan mo ngunit may mga taong sadyang di ka maintindihan. Nagalit pa nga ako sa nagsabi ng tanga ka raw! Tang ina nila!

Basta ako pinupuri kita pare, ang galing mo! Bayani ka namin, kaming mga nakaka-intindi sa 'yo. Pinarangalan ka namin--ilang gabing pagpupuri sa mga pagpupunyagi mo. Inawitan ka namin, hinandugan ng mga dula at kanta.

Ngayon, mag-iisang taon na, pare. Naalala kita pero sila, limot ka na nila. Di ko mapigilan ang mapaiyak. Nalaala kita at ang nagawa mo para sa akin. Sadyang mahirap kang makalimutan Lagi kita naalala, kaya eto, nagsulat ako pare. Sulat ko ito, para sayo.

Ako pa rin,
Pare mo

Sadyang ang buhay di mo alam kung san patungo. Kaya nga ako, naitatanong ko sa sarili kung saan din ang talagang punta ko. Hmmm, umaga na pala, mas maganda siguro na subukan ko nang umidlip.

*this story was published in tinig.com


::: back :::

Hosted by www.Geocities.ws

1