Ang Pamumuhay Dito Sa Amerika


Sa ating madlang kababayan ay maraming aayon kung aking ipahiwatig sa madla na ang dahilang unang una sa pagpunta sa Amerika ay para mapaunlad at mapabuti ang ating kabuhayan. Ngunit, ang nangyayari ay nakakaligtaan natin na dapat tayo ay mamuhay dito bilang isang Pilipino. Marami sa atin ay nakukuha na ang kaugalian ng madla na naninirahan sa Amerika, at lahat ay kanya-kanya na. Dapat ay huwag nating makalimutan ang ating pinanggalingan, at isipin na balang araw tayo ay makakabalik sa ating sariling bayan. Umaayon ako na talagang mahirap ang mamuhay dito (sa Amerika) ngunit ganoon pa man ay dapat pa ring tangkilikin natin ang nakaugaliang ugali na ating nagisnan. Dapat tayo ay magtulong-tulong sa isa't-isa para tayo ay makarating kahit kung saan man ang ating paroroonan sa buhay. Marami rin ang mabuting nagagawa ang ating kababayan sa madla. Karamihan ay mga "professionals", at ito naman ang kinakabuti ng pagtingin sa ating mga Pilipino. Wala akong naririnig na sinabing masama tungkol sa Pilipino. Sa halip tayo ay pinupuri sa pagsusumikap at kabutihang nagagawa. Ganoon pa man, kailangan pa rin tayong magsumikap para naman sa ating mga anak na balang araw ay magdadala ng kabutihan na ating pinaghirapan. Mabuhay and Pilipinas -- Mabuhay ang Pilipino!!!


Mga Tuntunin Sa Ikakatagumpay Ng Sarili

Sa aking paglalakbay sa kahirapan, kariwasaan, at katahimikan sa buhay, nakalap ko ang ilang karanasan na naging mahalagang tuntunin sa aking kinaroroonan ngayon. Ang unang tuntunin na ito ay: Pag-papasalamat at Paggalang. Ang pagpapasalamat at paggalang ay kailangan ibigay sa isang tao na nagtuturo o nagpapahayag ng paraan upang malaman ang daang patungo sa tagumpay sa sarili at anomang layunin sa buhay. Ang pangalawang tuntunin ay: Katapatan. Maging tapat at tunay ang hangarin natin sa sinumang tao na nagsusumikap na marating ang hinahangad niya na tagumpay sa sarili, hindi lamang sa pag-kamit ng kayamanan sa sarili, kundi yaman ng kagandahan ng puso. Ang ikatlong tuntunin ay: Kagandahan at Mapagbigay sa Loob. Ang isang taong may kagandahang loob ay nagbibigay sa bawa't isa kung anuman ang mayroon siya, kayamanan o kaalaman sa anumang bagay upamg marating ang layunin at tagumpay sa buhay. Ang pang-apat na tuntunin ay: Paniniwala. Ang paniniwala at paninindigan kung paano matatamo ang kahulugan ng kayamanan sa buhay at ito ay mararating sa pagpapakita ng magandang halimbawa sa tuwid na pagpapatakbo ng ating buhay.


BACK TO MAIN PAGE
Hosted by www.Geocities.ws

1