|
Matapos
ang mahigit sa kalahating araw na pagsungit ng panahon, makulimlim pa rin ang
kalangitan. Tila hindi ito titigil sa pag-iyak, at kailan ma’y hindi na
makikita ang maliwanag nitong ngiti. Sabado…at
umuulan. Sa pagbuhos ng ulan hindi nagawa ni Ryan ang mga nais niyang gawin.
Hindi siya nakalaro sa paborito niyang swing. Hindi siya nakalangoy sa malaki
nilang pool. Ni hindi siya nakalabas sa kanilang bakuran upang akyatin ang
malaking puno ng mangga, at hintayin ang pagdapo ng mga makukulay na ibon sa
mga sanga nito. Sabado – ito na lamang ang tanging araw na wala siyang
takdang aralin, wala siyang titser, ngunit lahat ng ito’y nawalan ng
kabuluhan sa pagbuhos ng ulan. Splat!
Splat! Lumapit sa
bintana si Ryan. Pinagmasdan niya ang pagbagsak ng ulan sa kanilang bintana.
Noon pa ma’y iniisip niya na may sariling buhay ang ulan. Tulad niya,
nababagot ito sa kanyang buhay sa itaas – isang buhay kung saan walang
ginagawa ang ulan kundi magtago sa mga malambot na ulap. Hindi makakayanan ng
ulan ang kanyang kabagutan. Walang pasabi-sabi, bigla itong lalayas mula sa
maginhawang tirahan. Bibilisan niya ang kanyang pagtakbo para hindi mahabol
ng araw na magbabalik sa kanya sa mga ulap. Ngunit may
alam si Ryan na hindi alam ng ulan. Alam ng batang lalaki na walang
patutunguhan ang paglayas ng kawawang ulan. Sa pagsikat ng araw, muling
magbabalik sa kalangitan ang ulang lumayas. Kailan man ay hindi matatakasan
ng ulan ang liwanag at init ng araw. Kahit na magtago ito sa mga canal,
batis, ilog o dagat, mahahanap pa rin ito ng makapangyarihang araw. Pinagmasdan
ni Ryan ang malawak nilang lote. Ang higit sa isang libong metro-kuwadrado na
lote ng mga Reyes ay tila ang buong mundo kay Ryan. Sa hilaga, sa timog, sa
silangan at pati sa kanluran, ang “mundong” ito ay napaliligiran ng isang
mataas na adobeng pader. Kung anong mayroon sa likod ng pader ay isang
misteryo kay Ryan. Ang
tanging panahon kung kailan siya nakalalabas sa sarili niyang mundo ay tuwing
ihahatid siya ni Mang Lando, ang kanilang drayber, papunta sa paaralan.
Tuwing umaga idinidikit ni Ryan ang kanyang mukha sa bintana ng sasakyan
upang makita nang mabuti ang kanyang kapaligiran. Natatawang pinagmamasdan
siya ni Mang Lando. "Para
kang nakalabas sa kulungan," wika ni Mang Lando, "Ano bang gusto
mong makita sa lansangan?" Ni minsan
ay hindi sinagot ni Ryan ang paulit-ulit na tanong ni Mang Lando. Hindi niya
alam kung paano sasabihin na doon lamang siya nakakakita ng mga taong akala
niya’y nabubuhay lamang sa mga kuwento ng kanyang titser sa Christian Values
Education – mga madudungis na bata na naglalaro sa kalye na walang tsinelas,
mga babaeng naglalakad sa mga eskinita dala-dala ang mga malalaking
planggana, mga lalaking umaga pa lamang ay nag-iinuman na’t nagkakantahan.
Tila isang palabas sa telebisyon ang nakikita ni Ryan – isang palabas na
makikita lamang niya tuwing siya’y aalis ng bahay. At pansin niya na isa
lamang siyang namamasid, nanonood. Tulad sa isang pelikula, hindi kilala ng
mga araw-araw na artista kung sino ang nanonood sa kanila. Pilit idinidikit
ng mga bata ang kanilang mukha sa salamin ng sasakyan upang makita kung sino
itong nanonood sa kanilang araw-araw na pamumuhay, ngunit mga sarili nilang
repleksyon ang kanilang nakikita sa madilim na bintana ng sasakyan ng mga
Reyes. Sa likuran ng itim na salamin, hinahaplos ni Ryan ang mga madudungis
na mukha, mga maruruming kamay. Ibinalik
ni Ryan ang kanyang pansin sa mga patak ng ulan. Tulad nang mga ito, nais ni
Ryan na umalis sa maginhawa niyang buhay sa mundo ng mga Reyes. Pakiramdam
niya’y nag-iisa lamang siya sa kanyang buhay. Noong siya’y ipinanganak
nagpasya ang kanyang mga magulang na hindi na magdaragdag ng isa pang Reyes
sa pamilya. “May
career pa ako, honey,” wika ng kanyang ina, “Wala naman sa usapan natin ang
magka-baby.” Wala nang
ibang kasama sa buhay si Ryan. Maging ang kanyang mga magulang ay bihira
niyang makita, maliban na lamang kung magpasya silang magsimba bilang isang
pamilya. Matindi ang kanyang pangangailangan sa mga kaibigan, kalaro, kasama
sa buhay. Masaya
lamang si Ryan tuwing may klase, hindi dahil mahilig siya mag-aral kundi
kasama niya ang kanyang barkada. Samantalang ang ilan nilang kasama ay
nag-aaral ng pagkakaiba ng Roman numerals sa Hindu-Arabic numerals, si Ryan
at ang kanyang barkada ay walang tigil sa paglalaro sa playground. Hindi
mapapantayan ng mga bundok-bundok na laruan at damit ang kaligayahang
nakakamit niya mula sa mga kaibigan. Maliban sa
kanyang mga kaklase, wala nang ibang nakasasalamuha sa buhay si Ryan maliban
sa kanyang Yaya Bebing, ang katulong nadestinong mag-alaga sa kanya mula
pagkabata. Masyadong matanda at masungit si Yaya Bebing para makalaro niya.
Ang kaunting pagkakamali niya’y nagbubunga ng mga masasakit na pasa sa
kanyang puwit. Kung siya’y may ikinukuwento hindi siya pinapansin nito. "Hay
naku, Ryan," nayayamot na reklamo ni Yaya Bebing, "Mabuti pa
maglaro ka na lang. Mas nakakaaliw pa ang komiks kaysa mga kuwento mo." Masyadong
malayo naman ang tirahan ng kanyang mga kaklase para makasama niya lagi ang
mga ito. Alam ni Ryan sa labas ng kanilang bakuran maraming bata na maaari
niyang makalaro, ngunit hindi siya papayagan ng kanyang Yaya Bebing na
makalabas. Nais na niyang umalis at makita ang mundong naghihintay sa labas
ng mundo ng mga Reyes…tulad ng ulan na kahit sa isang sandali’y natikman ang
kalayaan. Ngunit alam rin niya na tulad ng ulan, wala siyang patutunguhan sa
labas ng kanyang mundo. Natatakot siya na baka tulad ng ulan, kamatayan ang
babati sa kanyang paglayas. Ngunit
ngayong araw na ito, matindi ang kanyang pagnanais na makatakas, makalayo.
Ang pagpatak ng ulan ay tila isang tambol na nag-uudyok sa kanyang tumakbo
patungo sa kanyang kalayaan. Ginagambala siya ng mga imahen ng mga batang
naglalaro sa lansangan, mga batang napakasaya. Nais niyang makasama sila.
Nais niyang malaman kung bakit lagi silang nakangiti, nakatawa bagamat
mapapayat at madudungis sila. Handa niyang ipagpalit ang kanyang mundo ng Lego, Playstation at Tamiya para sa mundo ng mga batang
naglalaro ng patintero, taguan at tumbang preso. Tulad nila, nais niyang
maging malaya…masaya. Splat!
Splat! Binuksan
ni Ryan ang bintana. Inilabas niya ang kanyang kamay at naramdaman ang
malamig na paghalik ng ulan sa kanyang palad. Sa halip na paamuin nito ang
kanyang nag-iinit na damdamin, lalo pa nitong pinatindi ang kanyang pagnanais
na umalis. Hindi na kayang tiisin ni Ryan ang kanyang kabagutan. Tulad ng
ulan nais na niyang maging malaya, gawin ang anumang nais niya. Binuksan niya
ang malaking pinto. Hindi siya nag-alinlangang tumakbo sa ulan na walang suot
na botas, kapote o dalang payong. Tumakbo siya nang mabilis patungo sa gate.
Hindi niya pinansin ang malamig na patak ng ulan na bumasa sa kanyang buong
katawan. Ang nasa isip lamang niya ay kalayaan – kalayaan na mabuhay na tulad
ng nais niya. Pansin niya na tila tinutulungan siya ng tadhana. Hindi siya
hinahabol ng kanyang Yaya Bebing o ni Mang Lando o ng mga malalaking aso ng
kanyang papa. Wala siyang matanaw na security guard sa paligid, at pati ang
mataas nilang tarangkahan ay hindi nakakandado. Walang humahadlang sa kanyang
pagtakas. Agad na
binuksan ni Ryan ang tarangkahan. Ang mundong bumati sa kanya ay ibang-iba sa
kanyang inaasahan. Lubos na tuwa’t kaligayahan ang kanyang naramdaman nang
makita ang binabahang kalye sa kanyang harapan. Para siyang napunta sa gitna
ng isang itim na karagatan, at sa kanyang paligid ang mga bata ay lumalangoy
kasabay ang mga naglulutangang karton, bote at diyaryo. Lahat nang tao’y
masayang-masaya. Tila lahat ng bahid ng kalungkutan ay nabura sa pagbuhos ng
ulan. “Ayan!
Lumulutang na!” Lumingon
sa kaliwa si Ryan at nakita ang mga batang nagpapalutang ng mga bangkang
papel. Pinagmasdan niya ang mga bangka na buong tapang nilalakbay ang malawak
na karagatan. Bagamat mukhang marupok at madaling masira, ni ulan, ni hangin
ay hindi sila kayang patumbahin. Bagamat dahan-dahan silang bumibigat, dala
ng pagsipsip ng tubig-baha, buong lakas at tapang pa rin silang nagpapatuloy
sa paglakbay. Lumapit ng
kaunti si Ryan sa mga bata…malapit para marinig niya ang kanilang mga
usap-usapan at malayo para hindi siya mapansin ng mga ito. Pinagmasdan niya
ang kanilang pagtupi sa mga kakapirasong papel. Sa loob ng ilang sandali, ang
mga pahina ng diyaryo’y nagiging mga bangkang papel. Ang mga malalaki’t
magagandang mukha ng mga pulitiko’t artista’y walang reklamong humahalik sa
maruming tubig. “Sana
pag-uwi ni nanay may pera na siya,” bigkas ng isang batang lalaki sabay tupi
sa isang diyaryo, “Gutom na gutom na ako.” “Hindi ka
pa ba nakakakain?” tanong ng kanyang kalaro. Umiling
ang bata. “Dalawang araw na.” Tinupi niya uli ang diyaryo at sinabi, “Sana
makakain na kami.” Ang iba pa
niyang kalaro ay nagsimula na ring magtupi ng mga sarili nilang bangkang
papel. “Sana yung tatay ko makauwi na,” sabi ng isa pang batang lalaki,
“Halos isang linggo ko na siyang hindi nakikita.” “E, di ba
habangbuhay siya sa kulungan?” tanong ng isang kalaro. Hindi
sumagot ang batang lalaki. Inilipat ni Ryan ang kanyang pansin sa isang
batang babae na kumakanta habang nagtutupi ng bangkang papel. “Sana yung
tatay ko’y buhay pa,” wika ng batang babae, “Siguradong matatakot ang tiyuhin
ko sa kanya. Hindi niya ako hahawakan, hindi niya ako gagalawin. Kung buhay
pa ang tatay ko, walang magtatangkang saktan ako.” Tinapos ng
batang babae ang pagtutupi sa kanyang bangkang papel. Pinalutang niya ito sa
tubig, at tinulak ng kaunti para simulan ang paglalakbay. Kung saan patutungo
ang bangkang papel, dala-dala ang hinaing ng bata, iyon ang nais malaman ni
Ryan. Pinagmasdan niya ang pagsabay ng bagong bangkang papel sa ibang nauna
dito. Sama-sama sila sa pagtahak sa karagatan, dala-dala ang mga pangarap ng
mga nagtupi sa kanila. Kitang-kita
ni Ryan ang paglapit ng mga bangka sa isang malaking butas. Hinihigop ng
mala-kuwebang butas na ito ang lahat nang lumapit sa kanya. Kasama ng mga
naglulutangang lalagyan ng Chippy, ng mga songhits na may larawan ni
Juday at Piolo, ng mga tsinelas na iba’t ibang pares, pumasok sa kuwebang ito
ang mga bangkang papel. Tumakbo si Ryan papunta sa butas para iligtas ang mga
natitirang bangka, ngunit bigla siyang napatigil. Anong
meron sa loob ng kuweba?, tanong niya sa sarili, Bakit kailangang pumunta
roon ang mga bangka? Ipinikit
ni Ryan ang kanyang mga mata. Sa kanyang isipan naging malinaw ang imahen ng
isang magandang diwata na nakaupo sa pampang ng isang mahabang ilog. Isa-isa
nitong kinukuha ang mga bangkang papel na dumadaan sa kanyang harapan.
Binubuklat niya ang mga ito at hinihipan. Sa kanyang pag-ihip, lahat ng
pangarap na nakaipit sa mga tupi ng bangka ay natutupad. Makakakain na ang
mga bata. Makikita na nila ang kanilang mga ama. Binuksan
ni Ryan ang kanyang mga mata. Siya rin ay may maraming pangarap, maraming
hinaing na nais matupad. Nais niya ring makuha ng diwata ang kanyang bangkang
papel at pakinggan ang mga hinihiling ng kanyang puso. Dali-dali siyang
tumakbo sa mga bata. Wala na ang dati niyang takot at hiya. “Pahingi
rin ako,” sabi niya. Iniabot ng
batang babae ang isang pahina ng diyaryo kay Ryan. Agad niya itong kinuha at
nagtupi ng sarili niyang bangka. Sana hindi na ako mag-iisa…sana laging nasa bahay sina mommy at
daddy…sana magkaroon ako ng maraming kaibigan…sana lagi akong nakalalabas ng
bahay…sana lagi akong malaya…sana lagi akong masaya… Sa
pagbulong ng huling hiling, natapos sa pagtutupi si Ryan. Hinalikan niya ang
kanyang bangkang papel, panigurong nakatago sa mga tupi nito ang mga hinaing
na hindi niya masabi sa iba. Hawak sa dalawang kamay, pinalutang niya ang
sariling bangkang papel. Hindi niya maipaliwanag ang tuwa, ang sayang
nararamdaman nang makitang matayog ang paglakbay ng kanyang bangka patungo sa
kuweba…sa kamay ng magandang diwata. Ipinikit ni Ryan ang mga mata at nakita
ang diwata na nag-aabang sa pampang ng mahabang ilog para sa kanyang bangkang
papel. Splash! Binuksan
ni Ryan ang kanyang mga mata. Tamang-tama ay nakita niya ang pagtapak ng
malaking bakya ni Yaya Bebing sa kanyang bangkang papel – ang kanyang bangka
na kailan ma’y hindi na makararating sa kuweba ng magandang diwata. Ang
dating hindi maipaliwanag na sayang kanyang nararamdaman ay napalitan ng
hindi maipaliwanag na kalungkutan. Pakiramdam niya’y mapapaluhod siya sa
bigat ng kalungkutang nararamdaman. “Ikaw
talagang bata ka!” sigaw ni Yaya Bebing sabay palo sa puwit ni Ryan, “Ilang
beses ko bang sasabihin sa ‘yo na hindi ka puwedeng maglaro sa labas ng
bahay? Tignan mo ang sarili mo! Para kang basang sisiw! Ang dungis-dungis!”
Hinawakan niya ng mahigpit sa tenga si Ryan at itinuro sa kanya ang mga
batang-kalye. “Wala ka nang ipinagkaiba sa mga basurang iyan!” sigaw niya. Kinaladkad
ni Yaya Bebing ang umiiyak na Ryan papasok sa mundo ng mga Reyes. Tila
matatabunan ang baha sa kalye ng baha ng luha mula sa mga mata ng batang
lalaki. Hindi siya umiiyak sa sakit ng palo ng kanyang yaya, o sa sakit ng
paghila nito sa kanyang kamay. Natatanaw pa rin niya ang dahan-dahang paglayo
ng kanyang bangkang papel. Pilit niyang abutin ito, kunin, ngunit dahan-dahan
nang nagsasara ang mataas na tarangkahan. Sumigaw nang malakas si Ryan.
Umaasa siya na kahit papaano’y maririnig siya ng diwata, na hindi na
kailangan ang kanyang bangkang papel para matupad ang kanyang mga hinaing. Tumigil na
sa pagbuhos ang ulan. Dahan-dahang bumuka ang mga ulap para bigyan daan ang
init at liwanag ng araw. Tila isang mahabang kamay na umaabot sa lupa,
sinusundo muli ng sinag ng araw ang mga ulang lumayas. Sa kanyang paghakot sa
mga tubig-ulan, nasinagan ng araw ang bangkang papel ni Ryan. Lumulutang pa
rin ito, bagamat nakatumba na. Dala marahil ng bigat at dami ng mga hinaing
ng batang lalaki, kahit ang malakas na daloy ng tubig ay hindi kayang galawin
ang bangkang papel. |
|
Bangkang
Papel |
|
Pagod na ang pusong laging sinasaktan. |
