|
This is the official website of the Kabataang Makabayan, revolutionary NDFP member organization of Filipino youth. Maintenance is done by the KM National Secretariat.
|
|
Manifesto: Sa Marahas Na Manga Anak Nang Bayan
Sa Marahas Na Manga Anak Nang Bayan:
Ang inyong ipinakilalang katapangan sa pakikihamok sa kaaway na mga Kastila buhat pa ng simulan itong panghihimagsik, ay siyang nagsasabing mataas na di ninyo ikinasisindak ang ugong ng paghahanda at pagsalakay dito ng hukbong akay ni Polavieja, na sa kaunting panahon ay nagpakilala na ng malabis na kadauagan at hamak na kaasalan ng alipin sa kanyang pagpapahirap at malimit na pagpatay sa makapal na kalahing hindi magsisilaban. Yaong pagpapasunog nito sa mga bayan, yaong paglapastangan at pagdungis sa capurihan ng mga babai na di pinacundanganan ang canilang cahinaan, yaong pagkitil ng buhay ng mga matatandang hindi na macausad at sangol na sumususo pa, na cailan may hindi aasalin at gagawin ng sino pa mang lalaking may puri at may tapang, ay humihingi ng isang masiglang paghihiganti at matinding caparusahan.
Sa inyong pamimiyapis mangyayaring abutin ang cayo�y tanghalin bangkay sa gitna ng parang ng pakikidigma; ngunit ito�y isang kapurihang inyong maipamamana sa ating Bayan, sa ating lahi, at sa ating angkan.
Ang inyong mapupugtong hininga, ay siyang magbibigay buhay sa ating Bayan at siyang matamis na alaala sa gunita ng inyong mga kapatid na naiwan.
Dapat naman ninyong mabatid, na ang kadahilanan ng ating paggugol ng lalong mahalaga sa loob at sampu ng ingat na buhay, ay ng upang tamuhin at at kamtan yaong linalayong kalayaan ng ating Bayang tinubuan na siyang magbibigay ng buong caginhawaan at magbabangon ng ating kapurihan na ilinugmok ng kaalipinan sa hukay ng kadustaang walang makatulad.
Sasagi kaya sa inyong loob ang panlolomo at aabutin ang panghihinayang na mamatay sa kadahilanang ito? Hindi, hindi! Sapagka�t nakikintal sa inyong gunita yaang libolibong kinitil na buhay ng mapanganyayang kamay ng Kastila, yaong daing, yaong himutoc at pananangis ng mga pangungulila ng kanilang kalupitan, yaong mga kapatid nating nangapipiit sa kalagimlagim na bilanguan at nagtiis ng walang awang pagpapahirap, yaong walang tilang pag agos ng luha ng mga nawalay sa piling ng kanilang mga anac, asawa at matatandang magulang na itinapon sa iba�t ibang malalayong lupa at ang katampalasanang pagpatay sa ating pinakaiibig na kababayan na si M. Jose Rizal, ay nagbukas sa ating puso ng isang sugat na kailan pa ma�y di mababahaw. Lahat ng ito ay sukat ng magpaningas sa lalong malamig na dugo at magbunsod sa atin sa pakikihamok sa hamak na kastila na nag bibigay sa ating ng lahat ng kahirapan at kamatayan.
Kaya mga kapatid, igayak ang loob sa pakikipaglaban at paasaasahan ang pagtatagumpay, sapagka�t na sa atin ang tunay na katuiran at kabanalang gawa; Ang Kastila, iyang kasuklamsuklam na lahing dito�y napasuot, ang tanging ipinaglalaban, ay ang maling katuirang panggagaga at panlulupig dito sa di nila Bayan.
Sa lahat ng ito, ng maglubos ang kabanalan at kapurihan ng ating lahi, ng tanghalin ng Sandaigdigan ang kamahalan ng ating kalooban, ay huag tayong makipaghamok sa kaibigan lamang pumatay, kundi sa pagtatangol ng Kalayaan ng ating Bayan, at abutin sa mahigpit na pagkakayakap nating mga anak ng Bayan, ay maihiyaw ng buong lakas na Mabuhay! Mabuhay! Ang Haring Bayang Katagalugan!
Andres Bonifacio
Maypagasa
|