PRESS RELEASE
Pebrero 21, 2005

Kabataang Makabayan Media Staff
[email protected]

ID system, mapanupil na pagmamatyag - KM

Pinalabas ni Andres Guerrero II, tagapagsalita ng Kabataang Makabayan (KM) , ang sumusunod na pahayag hinggil sa pagbuhay ng rehimeng Arroyo sa panukalang paggamit sa national ID system.

Mariing tinututulan ng KM ang panukalang paggamit sa national ID system upang tuntunin ang mga pinaghihinalaang terorista sa kabila ng naganap na pagbomba sa iba�t ibang panig ng bansa.

Alinsabay sa minamadaling anti-terrorism bill sa Kongreso, tahasang paglabag sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan ang implementasyon ng isang national ID system. Paiigtingin lamang ng national ID system ang malaon nang kalunos-lunos na sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.

Unang iminungkahi ang sistemang ito ng psywar expert na si dating Pangulong Fidel Ramos, at muling ipinanukala ng pinatalsik na administrasyong Estrada bilang bahagi ng all-out war policy nito. Noon pa man, mariin na itong tinutulan at kinundena ng mga kritiko at maging ng ilang miyembro ng reaksyunarong gobyerno.

Sa kabila ng pagbabalat-kayo ng adminitrasyong Arroyo, ang panukalang ito ay hindi lamang gagamitin upang makapagpapagaan sa pagpoproseso ng mga opisyal na transaksyon ng gobyerno. Bagkus, pangunahin nitong tunguhin ang matiyagan ang anumang demonstrasyong laban sa gobyerno, maging ang mga lehitimong pagkilos tulad ng welga, mobilisasyon, at iba pang progresibong porma ng pakikibaka.

Higit na nakababagabag ang pagmamadali ng administrasyong Arroyo upang agarang maipatupad ang ID system, sa kabila ng oposisyon dito, sa paggamit ng kapangyarihan ng isang executive order.

Magsisilbi lamang ang national ID system upang supilin ang umiigting na ligalig sa harap ng tumitinding pampulitika at pang-ekonomiyang krisis. Kinasangkapan na rin ito ng mga nagdaang rehimen upang maghasik ng takot at bigyang-katwiran ang mga mapanupil na patakaran ng pamahalaan. Nangunguna ang militaristang rehimeng Arroyo sa paglabag sa karapatang-pantao sa pamamagitan ng mersenaryong armadong sandatahan nito.

Napatunayan na ng rebolusyonaryong kabataan sa kasaysayan ang pangangailangang tutulan ang anumang patakarang susupil sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Tanging sa tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon matatamasa ng mamamayan ang kanilang demokratikong mga karapatan at interes. ###

Hosted by www.Geocities.ws

1