Ngayong wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamayanan;

Ngayong lagi nang ginagambala ang ating katahimikan

Ng umaalingawngaw na daing at pananambitan,

Buntong hininga at hinagpis ng makapal na ulila,

Bao’t mga magulang ng mga kababayang pinanganyaya ng mga manlulupig;

 

Ngayon tayo’y nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina

Ng buhay ng anak sa pananangis ng sanggol pinangungulila ng kalupitan

Na ang bawat patak ay katulad ng kumukulong tingga,

Na sumasaling sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam;

 

Ngayon lalu’t lalo tayong bibilaran ng tanikala ng pagkaalipin,

Tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan.

Ano ang nararapat nating gawin?

 

Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silangan,

Ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang lalong mabulagan

Ang landas na dapat nating tunguhin,

Ang liwanag niya’y tanaw sa ating mga mata,

Kukong nag-aakma ng kamatayang alay sa ating mga ganid na asal.

 

Itinuturo ng katwiran, na wala tayong iba pang mahihintay

Kundi lalu’t lalo pang kahirapan, lalu’t lalong kataksilan,

Lalu’t lalong kaalipustahan, at lalu’t lalong kaalipinan.

 

Itinuturo ng katwiran, na huwag nating sayangin ang panahon

Sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawaan

Na hindi darating at hindi mangyayari.

 

Itinuturo ng katuwiran na tayo’y magkaisang loob,

Magkaisang isip, at akala ng tayo’y magkalakas

Na ihanap ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.

 

Panahon na ngayon dapat lumitaw ang liwanag ng katotohanan;

Panahon nang dapat ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam,

May puri, may hiya, at pagdadamayan.

 

Ngayon panahon ng dapat simulan

Ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral

Na magwawasak ng masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan;

 

Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Pilipino

Ang pinagbuhatan ng kanilang kahirapan .

Araw na itong dapat kilalaning

Sa bawat isang hakbang natin tumutuntong at nabibingit

Sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.

 

Kaya mga kababayan, ating idilat ang mga bulag na kaisipan

At kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay

At lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawaan ng bayang tinubuan.

 

 

 

1. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, o di kaya’y damong makamandag.

2. Ang gawang magaling na nagbuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan ay di tunay na kabaitan.

3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katuwiran.

4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y hihigtan sa dunong, sa yaman, sa ganda, ngunit di mahihigitan sa pagkatao.

5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa sa puri.

6. Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.

8. Ipagtanggol mo ang inaapi; bakahin ang umaapi.

9. Ang mga taong matalino’y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

10. Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng inaakay ay sa kasamaan din.

11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.

12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

13. Ang kamahalan ng tao ay wala sa paghahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagka-paring kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal ng tao kahit laking gubat at walang nabatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpapaapi’t di nang-aapi, yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

14. Paglaganap ng mga aral na ito at magningning na sumisikat ang araw ng kalayaan dito sa kaabaabang sangkapuluan, at sa buga ng matamis niyang liwanag nangagkaisang magkalahi’t magkakapatid ng ligayang waling katapusan, ang mga ginugol ng buhay, pagod at mga tiniis na kahirapan ay labis nang natumbasan.

 

 

 

1. Ibigin mo ang Diyos ng buong puso.

2. Laging tandaan na ang pag-ibig sa Diyos ay pag-ibig din sa lupang tinubuan, at ito rin ay pag-ibig sa iyong kapwa.

3. Ikintal sa iyong puso na ang tunay na pamantayan ng karangalan at kaligayahan ay ang mabuhay at mamatay para sa kalayaan ng Inang Bayan.

4. Sa hinahon nagmumula ang ikapagwawagi ng iyong mabuting hangad; tiyaga, katuwiran, pananalig at pag-asa sa isang inaasal at ginagawa.

5. Pangalagaan mo ang mga kautusan at mga hangarin ng organisasyon katulad ng pangangalaga mo ng iyong karangalan.

6. Tungkulin mong iligtas, kahit na ikaw ay masubo sa panganib, ang sino mang nasa kapahamakan dahilan sa pagtupad ng kanyang tungkulin.

7. Ang pananagutan sa ating sarili at sa pagtupad ng tungkulin ay magiging huwaran na susundin ng ating mga kababayan.

8. Sa ilalim ng iyong kasaganaan, bahaginan mo ang mga dukha at kulang-palad ng iyong mga biyaya.

9. Ang pagsusumikap sa paggawa para sa iyong ikabubuhay, ay tunay na batayan ng pagmamahal - pagmamahal sa iyong sarili, sa iyong pamilya, at sa iyong mga kapatid at kababayan.

10. Parusahan ang sino mang buhong at taksil, at purihin ang may mabubuting gawa. Panaligan mo na ang mga hangarin ng organisasyon ay kaloob ng Diyos, sapagkat ang kapangyarihan ng tao ay kapangyarihan na nagmula sa Diyos.

 

 

 

1. Ibigin mo ang Diyos at ang iyong karangalan ng higit sa lahat. Ang Diyos ang batis ng katotohanan, katarungan at lahat ng kilusan; at ang iyong karangalan ay ang lakas na hihikayat sa iyo upang ikaw ay maging matapat, makatarungan at masipag.

2. Sambahin mo ang Diyos ng wasto at makabuluhan sang-ayon sa iyong budhi, sapagkat sinabi ng Diyos na ang iyong budhi ay itatakwil ang lahat ng kasamaan at ipagbubunyi ang lahat ng mabuti.

3. Dapat mong paunlarin ang mga tanging biyaya na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at ikaw ay gagawa at mag-aaral ng sang-ayon sa iyong kakayahan; huwag ipagwalang bahala ang landas ng kabutihan at katarungan upang matamo ang ganap na kawastuhan, at sa ganitong paraan lamang ikaw ay makakatulong sa kaunlaran ng sang-katauhan; at tutupdin mo ang banal na tungkuling iniatas sa iyo ng Diyos, at ikaw ay dadakilain, sapagkat dinakila mo ang Diyos.

4. Higit sa iyong sarili, ibigin mo ang iyong bayan na kasunod ng pag-ibig mo sa Diyos at sa iyong karangalan, sapagkat ang bayan mo ay isang paraisong kaloob ng Diyos sa iyong buhay, isang pamana ng lahi na tanging iniwan sa iyo ng iyong mga ninuno, at tanging pag-asa sa iyong kaunlaran, sapagkat dahil sa kanya, ikaw ay may buhay, may pag-ibig at hangarin, kasiyahan, karangalan, at may Diyos.

5. Pagsikapan mong lumigaya ang iyong bayan, bago ang iyong sarili; gawin mo siyang kaharian ng katwiran, katarungan at paggawa, sapagkat kung siya ay maligaya, ikaw at ang iyong pamilya ay liligaya rin.

6. Pagsikapan mong matamo ang kalayaan ng iyong bansa, sapagkat sa paraang ito lamang ikaw ay magkakaroon ng pagmamalasakit sa kanyang ika-uunlad at ika-dadakila, sapagkat ang kanyang kasarinlan ay nangangahulugan ng iyong kalayaan; ang kanyang pag-unlad, ang kadakilaan, at ang kanyang ganap na katangian ay iyong kaligayahang walang hanggang.

7. Sa iyong baya’y huwag kang kumilala sa kapangyarihan ng ninumang tao na hindi palagay ninyong magkababayan, sapagkat ang buong kapangyariha’y sa Diyos nagmumula at ang Diyos ay sa konsensya ng bawat taong nangungusap, kaya’t ang sinumang ituro at ihalal ng mga konsensya ng lahat ng mamamayan ang siya lamang makapagtataglay ng wagas na kapangyarihan.

8. Ihanap mo ang iyong bayan ng Republika, yaong bagang lahat ng nagpupuno ay palagay ng mamamayan, at huwag mong payagan kailanman ang monarkiya, ang pagkakaroon ng hari, sapagkat walang binibigyan ang hari ng kamahalan kundi ang isa o ilan lamanag sa mag-anak upang maitanghal ang sarili niyang kamag-anakan na siyang pangangailangan ng lahat ng maghahari, hindi ganito ang Republika na nagbibigay nga kamahalan at karapatan sa lahat ayon sa bait ng bawat isa, ng pagkadakila, alang-alang sa kaluwagan at kalayaan at ng kasaganaan at kadilagang tinataglay ng kasipagan.

9. Ibigin mo ang iyong kapwa-tao paris ng pag-ibig mo sa iyong sarili, sapagkat binigyan siya ng Diyos gayun din naman ikaw ng katungkulang tulungan ka at huwag gawin sa iyo ang di niya ibig na gawin mo sa kanya. Ngunit kung ang iyong kapwa ay nagkukulang dito sa kamahal-mahalang katungkulan at nagtatangka ng masama sa iyong buhay at kalayaan at pag-aari ay dapat mong ibuwal at lipulin siya sapagkat ang nananaig ngayon ay ang kauna-unahang utos ng Diyos na mag-ingat ka at iingatan ka.

10. Laging itatangi mo sa iyong kapwa ang iyong kababayan at lagi namang ariin mo siyang tunay na kaibigan at kapatid o kundi ma’y kasama, palibhasa’y iisa ang inyong kapalaran, iisa rin naman ang iyong kasayahan at kadalamhatian at gayon ding magkakaayon ang iyong mga hinahangad at pag-aari.

Kaya’t habang tumutuloy ang pagkatuto ng mga bayan na ibinabangon at inaalagaan ng pagkakanya-kanya ng mga lahi at angkan ay sa kanya lamanag dapat kang makisama at tunay na makipag-isa sa hinahangad at pag-aari, upang magkalakas ka sa pakikibaka sa kaaway ninyong dalawa at sa paghanap ninyong lahat ng kinakailangan sa kabuhayan ng tao.

 

 

 

Ang hiling ko’y mag-isip, magnilay-nilay ang lahat, usigin at salain kung sakali, sa ngalan ng katwiran, itong pinaninindigang mga sabi:

Ang una-una - Ang ipinagiging taksil ng ilan ay nasa kaduwagan at kapabayaan ng iba.

Ang ikalawa - Ang iniaalipusta ng isa ay nasa kulang ng pagmamahal sa sarili at nasa labis na pagkakasilaw sa umaalipusta.

Ang ikatlo - Ang kamangmanga ‘y kaalipinan, sapagkat kung ano ang isip ay ganoon ang tao; taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na tagasunod sa isip ng iba ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.

Ang ika-apat - Ang ibig magtago ng sarili ay tumulong sa iba na magtago ng kanila, sapagkat kung pababayaan mo ang iyong kapwa ay pababayaan ka rin naman: ang isa-isang tinting ay madaling baliin, ngunit mahirap ang isang bigkis na walis.

Ang ika-lima - Kung ang babaing Tagalog ay di magbabago, ay hindi dapat magpalaki ng anak, kundi gawing pasibulan lamang; dapat alisin sa kanya ang kapangyarihan sa bahay, sapagkat kung hindi’y ipagkakanulong walang malay na asawa, anak, bayan at lahat.

Ang ika-anim - Ang tao’y ini-anak na paris-paris, hubad at walang tali. Di nilalang ng Diyos upang maalipin, di binigyan ng isip para pabulag, at di hiniyasan ng katwiran at nang maulol ng iba; hindi kapalaluan ang di pagsamba sa kapwa tao; ang pagpapaliwanag ng isip at ang paggamit ng matuwid sa anumang bagay. Ang palalo’y ang napasa- samba, ang bumubulag sa iba at ang ibig papanaigin ang kanilang ibig sa matuwid at katampatan.

Mag bulay-bulay tayo; malasin ang ating kalagayan, at tayo’y magisip- isip. Kung itong ilang buhaghag na sabi’y makatutulong sa ibinigay sa inyong bait, upang maituloy ang nasimulaan ninyong paglakad.

‘Tubo ko’y dakila sa puhunang pagod’ at mamatamisin ang anumang mangyari, ugaling upa sa sino mang mangahas sa ating bayang magsabi ng tunay. Matupad nawa ang inyong nasang matuto at hari-na-ngang sa hala- manan ng karununga’y huwag makapitas ng bungang bubut, kundi ang kikitli’y piliin, pag-isipan muna, lasapin bago lunukin, sapagkat sa balat ng lupa lahat ay haluan, at di bihirang magtanim ang kaaway ng damong panira, kasama sa binhi sa gitna ng linang.

Ito ang matinding nasa ng inyong kababayan.

 

 

 

Ningning at liwanag: Ang ningning ay nakakasilaw. Ang liwanag naman ay kinakailangan ng ating mga mata upang Makita natin ang buong katunayan ng mga bagay-bagay.

Ang ningning ay maaring madaya, sapagkat may mga taong sandali lamang, sila’y nadadala sa kislap o ningning ng isang bagay.

Kaya huwag tayong madala sa mga ningning ng mga bagay- bagay .Mayroon tayong kasabihan “Hindi lahat ng kumikinang ay ginto.” Ang ibig sabihin nito ay may mga taong madaling humatol sa mga kagandahang panlabas at di muna inuuri o dili kaya’y tiningnan ang kalooban.

Ang Kalayaan: Dapat tayong magkaroon ng pagkakaisa upang magkaroon ng lalong kaluwalhatian nang mapatatag ang isang tunay na Republika ng Pilipinas na pawang mga Pilipino ang magmamahal!

Ang kalayaan ay pinakamahalaga sa isang bansa at sa tao. Kung sa isang bansa ay wala ang kalayaan, ito ay magiging walang kabuluhan. Sapagkat hindi man lamang magkakaroon ng pag-unlad at parati na lamang aasa sa kapwa bansa.

Kung sa isang tao naman, dapat din nating bigyan ng kalayaan upang matutuhan niya ang hindi umasa sa kapwa. Matuto siyang magsikap sa sariling kapakanan.

Ang Tao’y Magkapantay-pantay: Ang tao’y nilalang ng Diyos na magkakapantay kaya’t dapat pagbigyan ang kanya-kanyang karapatan. Tunay ngang sa ibabaw ng lupa’y may mahirap at mayaman, maganda at pangit, ngunit ang ating pagkatao ay iisa.

Ang lahat ng tao ay magkakapantay sapagkat iisa ang pagka-tao ng lahat.

“Kayong lahat ay magkakapantay, kayong lahat ay magkakapatid,” ang sabi ni Kristo.

Ang ibig sabihin nito ay huwag tayong mapagmalabis sa ating mga kapwa tao, dapat tayong mapagkumbaba, maunawain upang maalala man lamang ang Kanyang sampung utos na ibigin natin ang kapwa sa balat ng lupa.

Ang Pag-ibig sa Bayan: Ano ang pag-ibig? Ang pag-ibig ay isang damdamin na may iba’t ibang uri. May pag-ibig sa bayan, sa kapwa tao, sa paggawa ng kabutihan, at lalung-lalo na ang pag-ibig sa Diyos.

Ang pag-ibig ay kinakailangan ng bawat nilikha, kung ang pag-ibig ay wala na, ang mga bansa ay hindi magtatagal, at mawawala sa balat ng lupa. Ang lahat ng pagkakapisanan at ang kabuhayan natin ay walang pagtatagumpay.

Mga Bayan at ang mga Pinuno: Ang isang bayan ay dapat mabigyan ng kalayaan, maging maligaya at umunlad.

Alalahanin ang mga mga ginawang kapinsalaan at pagmamalupit sa ating bayan noong tayo’y nasasakupan pa ng mga kastila. Kahit na mali ang ginagawa ng mga pinuno ng bayan hindi tayo binigyan ng kapangyarihan mangatwiran sa kanila.

Kinakailangang mabuksan tuluyan ang ating pag-iisip nang makilala ang masama at mabuting pinuno at nang huwag masayang ang di masukat nating mga pinuhunan.

Ang Maling Pagsampalataya: Ang sabi ng ating Panginoon Hesukristo, “Hindi lahat lahat ng tumatawag sa akin na Panginoon ay aking didinggin at tutungo sa langit.” Ang ibig sabihin nito ay hindi lahat ng nagdarasal ay may luklukan sa langit, sapagkat maraming hindi taimtim sa puso nila ang pagdalangin. Mapapansin natin sa loob ng simbahan ay nakaluhod subalit malikot ang kanilang mga mata sa paligid-ligid at ang minamasdan ay mga kilos ng mga dalaga, at kung ano pa mang makikita.

Ang Paggawa: Ang paggawa ay dapat ikarangal ng tao at hindi dapat ikahiya kung ang pagkita ng salapi ay sa mabuting paraan, sa pagpapatulo ng pawis at hindi sa karumal-dumal na gawain.

Dapat nating ilagay sa wastong katayuan ang ating pagkatao; kung tayo man ay mahirap, di tayo dapat umayos at mamuhay nang higit sa ating kinikita. Ang bata mula sa kamusmusan ay nararapat imulat, hubugin at igawi sa kabutihang-asal at sa pag-ibig sa paggawa.

Ang gumawa ay isa sa malalaki’t mahahalagang biyaya pagkat sa pamamagitan nito ay mararagdagan ng lakas ng isip, loob at kabuhayan.

Anong laking katotohanan ang sinabi ni Baltazar sa kanyang tula ukol sa laki sa layaw, “ Ang laki sa layaw, karaniwa’y hubad sa bait at muni’t sa hatol ay salat.”

Kaya dapat na tayo’y magtrabaho, pagkat kung tayo’y datnan ng pangangailangan at nasa kasaganaan, aabutin na lamang natin at sukat, subalit kung tayo’y lalong malulugmok sa lalong kahamak-hamak at kasuklam-suklam na kabuhayan, na tungo sa pagkalipol ng ating pagkatao.

 

 

 

Paalam na, sintang lupang tinubuan,

Bayang masagana sa init ng araw

Edeng maligayang sa ami’y pumanaw

At perlas ng dagat sa dakong Silangan.

 

Inihahandog ko nang ganap na tuwa

Sa iyo ang buhay na lanta’t naaba,

Naging dakila ma’y iaalay rin nga

Kung dahil sa iyong ikatitimawa.

 

Ang nangasa-digmaang dumog sa paglaban

Handog din sa iyo ang kanilang buhay!

Hirap ay di pansin at di gunamgunam

Ang pagkaparool o pagtatagumpay.

 

Bibitaya’t madlang mabangis na sakit

O pakikibakang lubhang mapanganib,

Pawasang titiisin kung ito ang nais

Ng bayang tahanang pinakaiibig.

 

Ako’y mamamatay ngayo’y minamalas

Ang kulay ng langit na nanganganinag,

Na ibinabadhang araw ay sisikat

Sa kabila niyang mapanglaw na ulap.

 

Kung dugo ang iyong kinakailangan

Sa ikaririlag ng iyong pagsilang

Dugo ko’y ibubo’t ng isa man lamang

Sa ngumingiti sinag ay kuminang.

 

Ang mga nasa ko muling magkaisip

Magpahanggang ngayong maganap ang bait,

Ang ikaw’y makitang hiyas na marikit

Ng dagat Silangan na nakaliligid.

 

Noo mo’y maningning at sa mga mata

Mapait na luha bakas ma’y wala na,

Wala ka nang poot, wala mang balisa,

Walang kahapisa’t munti mang pangamba.

 

Sa sandaling buhay maalab kong nais

Ang kagalingan mo’t ang wakas ng sulit,

Ng kaluluwa kong gayak nang aalis,

Ginhawa’y kamtan mo; anong pagkarikit.

 

Nang maaba’t ikaw’y mapataas lamang,

Mamatay at upang mabigyan kang buhay,

Malibing sa lupang puspos na karikta’t

Sa silong ng iyong langit ay mahimlay.

 

Kung sa ibang araw ika’y may mapansin

Nipot na bulaklak sa aba kong libing,

Sa gitna ng mga damong masisinsin

Hagka’t ang halik mo’y itaos sa akin.

 

Sa samyo ng iyong pagsuyong matamis

Mataos na taghoy ng may sintang dibdib,

Bayaang tumanggap ihatid sa aking baunan

Ang banaag niyang dagling napaparam.

 

Bayaang humalik ang simoy ng hangin,

Bayaang sa huning masaya’y awitin

Ng darapong ibon sa kurus ng libing

Ang buhay-payapang ikinaaliw.

 

Bayaang ang araw na lubhang maningas

Pawiin ang ulan, gawing pawing ulap,

Maging panganorin, sa langit umakyat,

At ang aking daing ay mapakilangkap.

 

Bayaang ang aking maagang pagpanaw

Itangis ang Inang lubos na magmahal,

Kung may magpatungkol sa aking dasal

Ako’y iyo sanang idalangin naman.

 

Idalangin mo rin ang kinapos-palad

Na nangamatay na’t yaong nangaghirap

Sa daming pasakit, at ang lumalanghap

Naming mga ina ng lunang masaklap.

 

Idadalangin sampung balu’t naulila

At nangapiit na tigib ng dusa,

Idadalangin mo ring ikaw’y matubos na

Sa pagkaaliping laong binabata.

 

Kung nababalot na ang mga libingan

Ng sapot na itim ng gabing mapanglaw,

At kung walang tanod kundi pawang patay

Huwag gambalain ang katahimikan.

 

Pagpitaganan mo ang hiwagang lihim

At mapapakinggan ang tinig marahil

Ng isang saltero, ito nga’y ako rin,

Inaawitan ka ng aking paggiliw.

 

Kung ang libingan kong limot na ng madla

Ay wala ng kurus ni bato mang tanda,

Sa nangagbubukid ay ipaubayang

Bungkali’t isabog ang matiping lupa.

 

Ang mga abo ko’y bago pailanlang

Mauwi sa wala na pinanggalingan,

Ay makalat munang parang kapupunan

Ng iyong alabok sa lupang tuntungan.

 

Sa ngayo’y wala nang anuman sa akin

Ako’y limutin na’t aking lilibutin,

Mga himpapawid, kaparanga’t bangin

At ako sa iyo’y magiging taginting.

 

Bango, tinig, higing, awit na masaya

Liwanag at kulay na lugod ng mata’y

Uulit-ulitin sa tuwi-tuwina

Ang katahimikang aking pag-asa.

 

Sintang Pilipinas, lupa kong hinirang

Dusa ng dusa ko, ngayon ay pakinggan,

Huling paalam ko’t sa iyo’y iiwan

Ang lahat ng lalong inirog sa buhay.

 

Ako’y yayaon na sa bayang payapa

Na walang alipi’t punong mapang-aba

Doo’y di mamatay ang paniniwala

At ang naghahari’y Diyos na dakila.

 

Paalam na ako, magulang, kapatid

Bahagi ng puso’t unang nakaniig,

Ipagpasalamat ang aking pag-alis

Sa buhay na itong lagi nang ligalig.

 

Paalam na liyag, tanging kaulayaw,

Taga-ibang lupang aking katuwaan,

Paalam na sa inyo, mga minamahal.

Mamatay ay ganap na katahimikan.

 

 

Aling pag-ibig pa ang ang hihigit kaya

Sa pagkadalisay at pagkadakila

Gaya ng pag-ibig sa sariling lupa?

Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala...

 

Pagpupuring lubos ang palaging hangad

Sa bayan ng taong may dangal na ingat…

Umawit, tumula, kumatha’t sumulat

Kalakhan din niya’y isinisiwalat.

 

Walang mahalagang hindi inihandog

Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,

Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,

Buhay ma’y abuting magkalagut-lagot. ...xxx

 

Ah… ito’y ang Inang Bayang tinubuan,

Siya’y Inang tangi na kinamulatan

Ng kawiliwiling liwanag ng araw

Na nagbigay init sa lumong katawan.

 

Sa kanya ay utang ang unang pagtanggap

Ng simoy ng hanging nagbibigay-lunas

Sa inis na puso na sisinghap-singhap

Sa balong malalim ng siphayo’t hirap.

 

Kalakip din nitong pag-ibig sa Bayan

Ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal

Mula sa masaya’t gasong kasanggulan

Hanggang sa katawa’y mapasa libingan.

 

Ang nakaraang panahon ng aliw,

Ang inaasahang araw na darating

Ng pagkatimawa ng mga alipin…

Liban pa sa bayan, saan tatanghalin? ...xxx

 

Sa aba ng abang mawalay sa Bayan

Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay,

Walang alaala’t inaasam-asam

Kundi ang makita’y lupang tinubuan. ...xxx

 

Kung ang Bayang ito’y nasasa panganib

At siya ay dapat na ipagtangkilik

Ang anak, asawa, magulang, kapatid,

Isang tawag niya’y, tatalikdang pilit.

 

Datapwa’t kung ang mahal na Inangbayan

Ay nilalapastangan at niyuyurakan,

Katwiran, puri niya’t kamahalan

Ng sama ng lilong ibang bayan.

 

Di gaano kaya ang paghihinagpis

Ng bayang Pilipinas sa puring nalait?

At aling kalooban na lalong tahimik

Ang di pupukawin sa paghihimagsik? ...xxx

 

Nasaan ang dangal ng mga binusabos

Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?

Baya’y inaapi, bakit di kumilos?

At natitilihang ito’y mapanood.

 

Hayo na kayo, kayong nangabuhay

Sa pag-asang lubos ng kaginhawahan

At walang tinamo kundi kapaitan

Hayo na’t ibangon ang naabang Bayan.

 

Kayong natuyuan na sa kapapasakit

Ng dakilang hangad sa batis ng dibdib,

Muling pabangunin tunay na pag-ibig

Kusang ibulalas sa bayang piniit.

 

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak

Kahoy niyaring buhay na nilanta’t sukat

Ng balabalaki’t makapal na hirap

Muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

 

Kayong mga dukhang walang tanging palad

Kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,

Ampunin ang bayan kung nasa ay lunas

Pagka’t ang ginhawa niya’y para sa lahat…

 

Pagkahandog-handog ang buong pag-ibig

Hanggang sa may dugo’y uubusing itigis,

Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,

Ito’y kapalaran, at tunay na langit.

 

 

Lumuha ka ,aking bayan, buong lungkot mong iluha

Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa;

Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,

Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika;

Ganito ring araw noon ng agawan ka ng laya,

Labintatlo ng Agosto ng saklutin ang Maynila.

 

Lumuha ka habang sila’y palalong nagdiriwang,

Sa libingan ng maliit, ang malaki ay may libangan;

Katulad mo ay si Huli na alipin bayad utang,

Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;

Walang lakas na magtanggol,walang lakas na lumaban,

Tumataghoy kung paslangin, tumatangis kung nakawan.

 

Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagsalakop

Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog

Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,

Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos

Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,

Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor nasa laot!

 

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na nag layon,

Kung ang araw sa langit mo’y lagi nang dapithapon,

Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,

Kung ang bulkan sa dibdib mo’y di man umungol,

Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbangon,

Lumuha ka ng lumuha’t ang laya mo ay nakaburol.

 

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,

May araw ding di na luha ang sa mata mong namumugto

Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,

Samantalang ang dugo mo’y aserong kumukulo;

Sisigaw kang buong giting sa liyag ng libong sulo

At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo.

 

 

1. Maging malinis ka sa iyong katawan, kaisipan at gawa. Pangalagaan ang kalusugan at umiwas sa bisyong mahalay at masama, palawakin ang iyong talino, kilalanin mo ang katangian ng iba at umiwas sa mga taong nabubuyo at mabubuyo sa iyo ng masama.

2. Mahalin mo ang iyong mga magulang at pangalagaan mo ang iyong pamilya matuto kang tumanaw ng utang na loob at isaalang-alang mo ang kapakanan ng nakatatanda sa iyo.

3. Igalang mo ang iyong tungkulin gaya ng paggalang mo sa iyong sarili, magulang at pamilya. Huwag samantalahin ang posisyon upang magpayaman, tumanggap ng suhol at magnakaw sa kaban ng bayan. Ang pagkakaroon ng katungkulan ay responsibilidad, hindi biyayang maaring pagpasasaan.

4. Alamin mo ang mga pangangailangan ng mga kasaping nasa iyong pananagutan. Huwag kang maging mangmang sa mga pangyayari sa lipunan, lumingon ka sa kasaysayan, suriin ang kasalukuyan at maghangad tungo sa matagumpay na kinabukasan.

5. Bawat galaw gawing makabuluhan. Iwasan mong gumawa ng mga panukalang walang silbi sa pamayanan.

6. Laging isangkot ang mga kasapi sa mga gawaing nagtataguyod sa mga simulain ng organisasyon. Alalahanin mong lagi na ang ating samahan ay binubuo at pinapagalaw ng buong kasapian at ikaw ay bahagi lamang.

7. Sa iyong panunungkulan ay maraming balakid. Magpakatatag ka, ang sama ng loob bantang pagkaapi at pagkutya ay gawin mong moog ng mapagbagong katapangan at paninindigan.

8. Ipaglaban mo ang kilusan.palawakin ang mga balangay nito hanggang sa ang mga simulain ay maisapuso ng bawat Pilipino.

9. Maging matapat ka sa bayan. Igalang mo ang watawat at ang lahat ng sagisag ng bansa.Hindi masamang tuligsain ang masamang pamamahala subalit walang kapatawaran ang pagtataksil sa bayan at pagsasagawa ng mga nakakasira sa katibayan ng ating pagiging isang bansa.

10. Mahalin at pagtiwalaan mo ang iyong kapwa, ano man ang kanyang pananampalataya, kaanyuan at pananalita nang lalong tumibay ang ating pagkakaisa. Ipagtanggol ang bayan sa mga mapaniil at masamang impluwensiya sa ating pambansang kalinangan, kabuhayan at kaayusang pampulitika.

11. Sumampalataya ka sa Panginoon, ano man ang iyong relihiyon; purihin mo ang kanyang pangalan sapagkat siya ang bukal ng lahat ng kabanalan at kabutihan, at tanging gabay ng ating mga bisig,diwa at kaisipan.

Kung ikaw ay magtaksil sa napagkaisahang alituntuninng ito, magkusa kang tumiwalag sa iyong katungkulan at sa organisasyon. Kung hindi ka magkukusa, ang iyong mga kinakatawan, sampu ng kalipunan ng buong kasapian ay gagalaw na parang iisa upang ikaw ay mawalang parang yagit sa iyong katungkulan, isang nakamumuhing tao na dapat iwasan sapagkat walang karangalan.

Kung ikaw ay pinuno o kasapi, huwag mong asahan na ang lahat ng katanungan tungkol sa ating kilusan ay masasagot ng gabay na ito. Higit kaninuman, ikaw ang magbibigay anyo at kulay sa organisasyon, Kung ano ang iyong magagawa at pagpapakasakit sa samahan ay ito ang magiging kahulugan nito. Ang organisasyon ay hindi isang samahang ang kaayusan at pamamaraan ng paggalaw ay hindi nababago, Ang samahan ay patuloy na binabago ng ng mga pangangailangan ng mamamayang Pilipino, Ito’y lumalawak at umuunlad. Higit sa lahat ito’y patuloy na magsisikap manguna sa pagbabago.

 

 

1. Buong tatag na ipagtanggol ang bayan sa lahat ng nagnanais manakop at kumontrol sa kanyang pamumuhay, maging ito ay pang-ekonomiya, pampulitika o pang-sosyal. Unahin ang ikabubuti ng sambayanan bago ang sarili. Igalang ang watawat at lahat ng sagisag ng uring maka-Pilipino. Huwag tularan ang mga taong nagtataksil at yumuyurak sa interes ng lahing Pilipino at ng Inang Bayan.

2. Magtiwala sa kakayahan ng Pilipino. Itindig at pakilusin, gawing kaakibat at katulong sa ipinaglalaban ng organisasyon, at sa pagkaka-isa nito lalong tumitibay ang paninindigan ng organisasyon.

3. Ipaglaban ang organisasyon, ipagtanggol ito sa lahat ng nagnanais yumurak, magwasak,at humadlang sa mga simulain at prinsipyo nito. Ialay ang puso, diwa, karangalan at ihanda ang buhay para sa bayan kung kinakailangan.

4. Itaguyod ang mga programa at pagkilos ng organisasyon. Kumilos sa lahat ng sektor, institusyon, maging pribado o publiko, nang taglay ang katangian ng isang tunay na Pilipino.

5. Magsikhay na baguhin ang sarili bago ang iba. Isabuhay ng buong tapat ang Pilipinismo. Pangalagaan ang sarili. Paunlarin ang talino at kaalaman.

6. Manguna sa ikauunlad ng pangangailangan ng mamamayang saklaw ng responsibilidad. Imulat sila sa makabuluhang simulain na taglay, at pakilusin sila sa pakikibaka.

7. Magtiyaga at tumindig sa prinsipyo. Ang mga pagkakataon, pagkutya at balakid na haharapin ay gawing hamon upang maging matatag sa paninindigan.

8. Tungkuling mahalin at igalang ang posisyon, gaya ng paggalang sa sarili at bayan. Maging hamon sana ang tungkulin para sa pagpapaunlad ng organisasyon at simulain nito. Huwag gamitin ang posisyon upang gumanti, mag-abuso, magsamantala at gumawa ng bagay na labag sa organisasyon.

9. Ilihim ang mga usaping kritikal sa loob ng organisasyon, subalit nararapat ipaalam ang mga bagay na magtataguyod sa mga gawain ng KAAKBAY. Laging isipin na ang bawat kasapi ang bumubuo ng organisasyon at ikaw ay bahagi lamang.

10. Huwag kukuha sa masa ng kahit na isang butil ng palay o na ano mang bagay nang walang pahintulot mula sa kanila. Palitan ng katumbas o mas higit pang halaga, bagay o paglilingkod ang ano mang bagay na kukunin o masisira.

11. Maging Maka-Diyos at Maka-Tao sa pakikibaka. Gawing gabay ito sa lahat ng uri ng Pagkilos sa organisasyon.

12. Igalang ang prinsipyo at pananaw ng iba. Ituwid ang kaisipan ng mga naliligaw. Makipag-ugnayan at makipagpalitan ng kaalaman at karanasan na makakatulong ng malaki para sa lubos na tagumpay hindi lamang sa Pilipinismo kundi sa lahat ng ideya at prinsipyo.

13. Laging isaisip ang kapakanan at kagalingan ng mga kasama sa organisasyon at huwag silang isuong sa mga gawaing maglalagay sa kanila sa panganib ng walang katuturan.

14. Laging sundin ang mga batas, alituntunin at patakarang pinaiiral sa loob ng organisasyon ayon sa napagkasunduan ng nakararami.

15. Igalang ang mga magulang bilang nilalalang na nagsilang at nag-aruga sa atin. Ang pakikipagrelasyon ay isang banal na aspeto ng pamumuhay kaya’t maging tapat sa karelasyon.

 

 

 

Hosted by www.Geocities.ws
GridHoster Web Hosting
1