Oo, naging pangahas kami, At isang salat na iyong masasabi, Naging makamandag, naging mapang-api, Nasubsub sa kasamaan, sa dilim ng gabi. Hindi namin alintana ang iyong pagpuna, Pagtahak sa landas, itinuloy kahit sala, Ibinuwal kayong sa ami'y nagbigay-pala, Walang ibang idinulot kundi unos at sogwa. Sisihin man niny'y huli na ang lahat Iligtas man ninyo'y, sa oras ay kulang na at salat, Kahit ano pa ang iyong isumbat, Mata nami'y pinid na't hindi na magmumulat. Patung-patong na alipusta sa ami'y ibinato, Sa inyong mga pangarap itinuring kaming multo, Marumi't liku-liko ang aming pagkatao, At lahat na iya'y sa ami'y ibinansag ninyo. Ngunit hindi ba ninyo naisip kung ano ang sanhi, Ng aming kapalaluan at kawalang-puri, Ni sa inyong hinagap ba ay di man lang nawari, Na kayo rin ay naghasik sa amin ng masamang binhi? Oo, kayo rin ang dahilan kaya't kami ngayo'y ganito, Kayo ang nagpabaya at nagtaboy sa amin sa tukso, Kayo'y naging masamang halimbawa sa aming pagkatao "Kayo ang dapat sisihin pagkat ang may sala ay kayo!" Ngayong nadama na ninyo ang paghihimagsik, Kasabay ng aming walang salang paggibak, Bakit kayo'y natatakot na masagi ng tinik Gayong kamandag nito'y sa inyo'y amin lang ibinabalik? Unos sa aming kalooban, ngayo'y kusang nagwakas Nalamang maling daan pala ay aming binagtas Datapwa't anumang pagsisisi'y di na makakabawas Ng paghihirap ng kalooba't pagtakas ng lakas. At ngayo'y sumapit na ang aming paglisan Patungo sa hukay na kay laon ng nakalaan Patawad at paalam sa inyong aming naiwan Kahit kayo ang nagdulot ng aming kasawian.