Tulad ng mga tala na hinubog at pinatatag ng panahon Isinabog sa kalangitan, hiyas na nakalutang sa hamog Malakristal na tubig, dumadaloy nakalulunod Pagkakaibiga'y nawasak sa pagguho ng muog. Musikang dala ng hangin, lumulutang sa aking panimdim Awit nito'y nakalulunas, sa sakit ay nakagagaling, Sa mga panaghoy at pighating dala ng hangin At ang pagkakaibiga'y patuloy naglalayag, sumasagwan sa agos ng dilim. Parang isang kandilang unti-unting nauupos Sa paglalakbay sa buhay na puno ng pagsubok Namamatak na ang luha, sa kapaita'y patuloy, umaagos Pagkakaibiga'y pilit pa ring itinatayo ang bantayog. Isang ibong gala, lumilipad-liapd sa kawalan Nilibot na ang daigdig ngunit di pa rin alam ang patutunguhan Sa kabila ba ng ulap o sa likod ng kaparangan Upang ang pagkakaibiga'y masagip sa nakamamatay na kalaliman. Dagundong ng hininga, sa kapaita'y nagtitiis Tagaktak na ang luha, sa sakit ay nananangis Sapagkat, kahit sa paglalayag, nasasagupa ang pangil, mabalasik Ngunit, pag-asa ng pagkakaibiga'y sumasagwan, binubuo ng bagwis. Diamond Tears