Ang Organic Music
ni Gary Granada

ni Tandang Soria

 


PAGSAMBA AT PAKIKIBAKA (1989, Sigya Records)


SA panahon ngayon ng new-millennium sounds na ini-standardize ng Amerikano at Briton na mga producers at recording institutions, ang independenteng mga recordings sa bahay -- lalo na yaong gumagamit ng nag-iisang acoustic na instrumento at mumurahing mikropono para sa singing vocals -- ay nakalilikha ng kakaibang klaseng relatively organic effect na mahahalintulad natin sa charm ng hininaang AM radio. Kuwestiyon lang ito ng pagbagay, sa palagay ko, na maiintindihan halimbawa ng isang grupo ng mga mainstream jazzmen na manghihingi ngayon ng pekeng vinyl record na tunog sa kanilang '50s-inspired na recording, halimbawa. Hindi sa kulang sa baho ang P&P para sa akin, ngunit ang audience ngayo'y parating naghahanap ng regular na bugbog sa kanilang mga bass speakers dala ng hi-nayp up ng music media na pinaka-pino raw na mga electric bass guitars at bass drums sa mundo. (Kung me kulang sa P&P sa isyu ng sound quality, ito'y nasa mikroponong ginamit na tila sumasabog).
    Sa P&P, gumawa si Granada ng sarili niyang kakaibang organic-ness na may malakas na pagbagay sa isang tunay na alternatibong ethos, patungo sa estetika ng kahirapan o kakulangan o kawalan sa puso ng kanyang folk music-inspired na Kristiyano-sosyalistang pagkatha, Marxistang pagka-makakalikasan, maparatang na nasyonalismo, at -- huwag kalilimutan -- pastoral na lirisismo.
    Nga lamang, ang ganda sa ganitong claim sa organic-ness ay nakasandal sa lalim at lakas ng simpatya ng isang nakikinig ke Granada sa politikal na mga pag-awit ng singer. Sa ganitong sense, si Granada'y magiging extreme na alternatibong singer-songwriter mula sa fringes, laban dun sa mga singer-songwriters mula sa sinasabing "alternative music scene" na niyayakap ng walang kapoli-politikang corporate music industry (maliban ang politika ng pagkamuhi sa mga politikal). Samakatuwid, sa mga yuppies na natatawa na lamang sa redundant na lektura ng mga makakaliwa at tila na-hypnotize ng hype sa dominado-ng-Kanluran na globalisasyon, ang sopistikadong recordings ng Kanluran ng kahit na mga acoustic/folk instruments ay lumilikha na ng kanilang sariling malalim na ganda nang walang pagka-partisano o -politikal. Ang mga recordings na ito raw ay sapat na emosyonal na kahit pa ipasailalim sa kinang ng pinaka-walang-saysay man o maka-kalokohan lang o tila-gawa-ng-bata lamang na mga titik. Wala tayong maitutulong diyan, syempre, sa dahilang ang musical tastes ng panahon ay repleksyon lamang ng pulitika o paniniwala o pulitikal na kultura ng mayorya sa panahong yaon.
    Ito marahil ang rason kung bakit ang pinaka-gut-wrenching na mga piyesa sa album na 'to ay yaong me mga popular na tawag sa empatya ng tao, di bale kung sila'y napaka-subtle: ang tinutukoy ko ay ang mga likhang "Manggagawa" at "Bahay". Ang huli, isang tawag para sa isang depinisyon ng maituturing na bahay, ay ang mananalo at magiging hit sa dalawa -- kung ito'y bibigyan lamang ng oportunidad na ma-expose sa pangkaraniwang FM radio. At ang "Manggagawa" ang magiging contender, sa kanyang matonong iyak sa pagka-underpaid ng mga manggagawang walang humpay ang paghahanap ng progreso sa treadmill. Sa mahilig magsimba, ang pamagat ng kanta ay madali ring maging popular, maliban nga lang sa laman ng kantang nagsasaad na "si Kristo ma'y isang manggagawa," sa dahilang hindi tanggap ang espiritu ng liberation theology sa ating lipunan (ang salitang "pakikibaka" ay napaka-touchy bilang salitang may tinutukoy na "bakahan"), kung kaya't ito'y magiging turn-off para sa lahat ng bersiyon ng Kristiyanong pilosopiya sa kasalukuyan.
    Sa "Dam," sinet ni Granada ang kanyang pang-acoustic-guitar na mga daliri sa dance mode (na-reremind ako ng mga Hudyong nagsasayawan sa mga sine), na tila pag-parody sa ating mga pagpalakpak sa huwad na progreso (ang "dam" ay nag-ra-rhyme sa "dumb", kuha mo?).
    Ngunit kahit pa man narito ang mga larawan ng pagka-walang pag-asa paikot sa  walang-pakikibakang relihiyosong atmosphere na pinipinta ni Granada, di natin dapat i-overlook ang optimismo ng songwriter sa likod at gitna ng kanyang mga salita -- yaong optimismo na naging isa pa ngang awit sa "Kanluran". Di maipagkakaila na ito'y isang wish-song tungkol sa pag-alis ng Kanluran at sa di-pakikialam nito sa Silangan. Ginamit nito ang paglubog ng araw bilang talinhaga at imahe ng ating pagpapahinga, pagiging luwalhati, pagmumunimuni sa oras ng sunset, at ng maliligayang gabi. Ito ang Hard Day's Night ni Granada. O baka iyon din ang lahat ng awitin sa album na ito.
    Dapat bang maging modelo ng ibang Pilipinong record producers ang uri ng ultra-organic at supra-independenteng tunog ng Pagsamba & Pakikibaka (sa loob ng 29:29 na minuto nito) para sa isang parating na neo-folk movement sa Pilipinas, bilang reaksyon sa global standards ng sonic depth ng kasalukuyan? Nasa isip ko ang ginawa noong late '70s na pagtukoy sa isang Manila Sound (consciously/unconsciously) upang makalaban sa banyagang kumpetisyon. Well, let's cross our fingers, 'ika nga, while we make signs of the cross. (8/02)

ADDENDUM: Taong 2004 na, at isang neo-folk movement nga ang dumating, sakay sa acoustic guitar-based na mga obra ng tatlong popular na lalaking "folk" singers. Subalit kung ang pinaka-popular na hit mula sa trio na ito'y isang awitin tungkol sa mga ilaw ng Paris, nag-iisip ako kung nawala na ako sa isang bagong depinisyon ng "folk". Baka kailangang magbalik muna ako sa corporate yuppie world ng Makati. (8/04)

 

balik sa index ng mga paboritong Pinoy songs/albums ni Tanda

 

 


 


Karapatang-ari © 2002 Jojo Soria de Veyra. Reserbado lahat ng karapatan.

Hosted by www.Geocities.ws

1