Ang Pacific
ni Lei Garcia

ni Tandang Soria

 


Paskong Walang Digmaan (2004?). Ang mga awiting pang-Pasko sa kadalasa'y nagsasanaysay tungkol sa abstraktong kaluwalhatian at kasiglaan ng panahon kasama na rin ang positibong pagtanaw sa lamig ng hanging monsoon dito. At tuwing pinapansin nila ang ika-nga'y yang (o madilim) na panig ng equation, madalas tumutukoy ito ng mga relasyong personal na na-disloka ng pangangailangang geo-economic (ang OFW na tatay o nanay na umaawit tungkol sa dapat niyang uwiang bayan, umaawit sa kanyang naka-base roong asawa, halimbawa) o di kaya sa dysfunction sa mga relasyon (mga di-pagkakaintindihan at mga pag-alis, atbp.). Kung ikukumpara sa awiting pam-Pasko ni Lei Garcia na lumabas sa compilation na A Christmas Prayer/Various Artists (prinoduce ni Noli Aurillo ng dating '80s na grupong Coco Jam), ang mga awiting tulad ng ating nabanggit sa taas ay lalabas na tila burgis o konyo o di kaya me pagka-escapist.
   Bihira ang lungkot na matatagpuan sa awiting pam-Pasko na tulad ng ke Garcia na lumilingon sa isang makro na reyalidad o katotohanan tulad ng giyera at sagupaan at away at struggle bilang mga reyalidad na nagtatago sa likod ng nakasisilaw na mito ng Kristiyanong pagsasama-sama sa Pasko sa buong arkipelago. Maaamoy mo halos ang bala ng sagupaan sa gitna ng mainstream na Kristiyanidad at mga sermon ng nakatago sa ilalim na liberation theology, o ang bangis ng away ng mga konsepto ng hustisya at demokrasya sa ating lipunan. Ito'y isang uri ng awit na magagamit sa mga lugar tulad ng Norte Ireland, halimbawa. Mga lugar tulad ng Pilipinas, sa salitang ginamit ni Garcia.
   Sa tingin ko ganito dapat ang songwriting para sa Pilipino, pam-Pasko man o hindi -- nagpipinta ng isang pisikal na Pilipinong reyalidad sa harap ng mga pantastiko o utopian na mga inner realities ng ating mga selebrasyon. Sa kaso ng kantang 'to, kung ang Pasko ay isang quasi-escapist na season, hinambing ni Garcia ang sobrang-positibong maluwalhating mental atmosphere nito sa mapapansing nangyayari sa likod ng malaking parol. Escapism/pacifist utopia versus ang reyalismo ng struggle para sa hustisya.
   Ang nakaambang na resolusyon sa kanta ay nasa refrain o paulit-ulit na pagtanggap sa Pasko bilang araw mismo ng paghahangad ng isang tunay na estado. Isang yutopya ng kaluwalhatian at kasiyahan na sing-totoo ng mga abstraktong konsepto ng katarungan at pagkakapantay-pantay.
   Hindi ito simpleng paghahangad na makita ang isang mandirigmang-mahal sa araw ng Pasko. Ito'y pangungulila rin para sa isang tunay na Kristiyanong Pasko, kahit "malayo pa".
   Lahat nang ito ay pinakete sa tila-boses-ina ng umaawit at ng madaling masakyan na malungkot na tono ng awit na gustong-gustong kinakanta ng aking siyam-na-taong-gulang na anak. (2/05)

 

balik sa paboritong Pinoy songs/albums index ni Tanda

 

 


 


Karapatang-ari © 2004 Jojo Soria de Veyra. Reserbado lahat ng karapatan.

Hosted by www.Geocities.ws

1