Mga Quotables
ng Juan de la Cruz Band

ni Tandang Soria

 


TATLONG AWITIN (197_?)


Magkombo. Tulad ng "Huling El Bimbo" ng Eraserheads, dinadala tayo ng mga awiting ganito pabalik sa isang nakalipas sa pop na kultura ng Pilipinas, sa kaso ng Magkombo sa panahong ang tawag sa mga banda ay mga combo, sa drummer ang jazzer, at ang ibig sabihin ng combo-meals ay pagkain at inumin para sa combo members. Marami sa mga apat- hanggang lima-kataong ensembles na ito ang tumugtog para sa mga sayawan sa nakabakod ng kawayan na basketball courts sa mga baryo sa probinsiya, at silang lahat ay bumuo ng isang bagong magandang panaginip para sa mga alyenadong kabataang musikero noong panahon (ang mga Beatles at Led Zep wannabes) sa buong bansa.

Balong Malalim. Maaaring tunghayan natin ang awit na ito bilang isang surreyalistang awitin tungkol sa isang swimming pool, o di kaya tungkol sa isang pan-lungsod o di-kaya politikal na ambisyon. O baka mas bagay na basahin natin ito bilang isang take sa mga eksperimento ng isang tao noong dekada '70 sa ating kalungsuran. Ang linyang "wala namang remedyo ang ating mga ulo" kaya ay isang pag-iyak sa kawalang-saysay ng talino sa ilalim ng rehimeng Marcos-Enrile? O ito kaya'y iyak lamang sa kawalang-laya ng isang ulo ng titi sa ilalim ng isang Katolikong estado at ng kontra-sex revolution na stance nito?

Project. Noong dekada '70, ang mga "housing projects" ng Quezon City ay notorious sa pagiging teritoryo ng naglipanang mga drogang ilegal, kapwa sa dispersion at consumption nito. Ang mga linyang "okey ang mga projects, para kang nasa airport" ay bumuo ng sa ngayo'y isa nang classic na refrain, at ito'y naglalarawan hindi lang sa mapping ng mga projects kundi rin sa mga nangyaring "paglipad" mula rito. Ang pagliko ng mga linya malayo sa nakasanayang rhyme ang nagbigay sa atin ng isa sa pinaka-nakakatawang quotable na passage sa kasaysayan ng Pinoy rock. (4/04)

 

balik sa paboritong Pinoy songs/albums index ni Tanda

 

 


 


Karapatang-ari © 2004 Jojo Soria de Veyra. Reserbado lahat ng karapatan.

Hosted by www.Geocities.ws

1